Regalo

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 2

"Regalo" ni Valdwin Jay Dapin (Maikling Kuwento ng Mindanao)

Inalog ko ang baryang matagal nang nakaimbak sa bulsa ng aking kupas nang pantalon habang
nakadikit ang aking mukha sa salamin sa labas ng tindahan ng mga laruan. Sumimangot ang aking mukha
nang makita ang nakatayong karatula ng presyo. Inalog ko ulit ang aking bulsa, kinapa ang kakaunting
barya sa isang araw kong pagtitinda at paglalako ng dyaryo at sampagita malapit sa simbahan. Nakabenta
ako ng marami ngayong araw na ito. Subalit ang hilaw na tunog ng baryang inalog ko ay hindi ata
kakasya sa singkwenta pesos na nakasulat sa karatula ng mga laruang kanina ko pa minamasdan.

Idiniin ko nang maigi ang nakadikit kong mukha sa salamin upang makita nang maayos ang mga
makukulay na laruan. Siguradong matutuwa si Jun-Jun sa matitingkad na pula, berde, asul at dilaw na
kulay sa laruang sasakyan at baril-barilan. Huminga ako ng malalim. Kasabay ng aking pagbubuntong-
hininga ay ang paglapit sa akin ng isang seylsleydi at nag-akmang paaalisin ako. Binitawan ko ang barya
sa aking bulsa, inilayo ang mukha sa papalapit na babae mula sa tindahan, at humakbang ng ilang apak
papalayo. Iniwan ko ang pagbabaka-sakali ng aking isipan.

“Sa susunod na lang siguro,” bulong ko sa sarili. “Balang araw, mabibili rin kita.”

Humakbang na ako palayo sa tindahan. Kitang kita ko pa rin ang karatula ng presyo . Sa di
kalayuan, nakita ko ang isang tumatakbong lalaking nakaitim at may takip sa mukha na papunta sa akin.
Mabilis akong umilag ngunit huli na nang mabangga niya ako at tumilapon kami sa daan. Nabitawan niya
ang binibitbit na maitim na bag dahil sa pagmamadali niya.

Tumayo akong masakit ang kaliwang paa. Paika-ikang tumayo at nang makatayo’y pinagpag ang
sariling kupas na pantalon. Sa sandaling iyon, nakita ko ang isang pulis at isang matabang babae patungo
sa aking kinaroroonan.

“Bata, may nakita ka bang isang lalaking may dalang bag at tumatakbo patungo rito?” Tanong sa
akin ng pulis.

“Opo,” ang maigsi kong sagot. “Lumiko po siya rito.” Sabay turo sa eskinitang pinagtakbuhan ng
lalaki. “Naiwan niya itong bag dahil nagkabanggaan kami kanina.” Inabot ko ang bag sa pulis.

Pagkakita sa bag ay agad akong niyakap ng matabang ale. Tinungo naman ng pulis ang itinuro
kong daan.

“Isa kang anghel!” Tuwang-tuwang sabi ng ale habang hawak-hawak ang bag. “Ano ba ang
pangalan mo?” tanong sa akin ng ale.

“Valdwin po,” ang magalang kong sagot.

“Heto ang pagpapasalamat ko sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo hinding-hindi ko makukuha ulit ang
bag ko.” Iniabot ng ale ang perang papel sa akin. Nanlaki ang aking mata nang abutin ko ang singkwenta
pesos galing sa ale.

“Tanggapin mo ang pagpapasalamat ko,” sabi ng ale habang ginugulo ang aking buhok.

“Sa-salamat po,” ang tuwang tuwa kong sagot.

Bumalik ako sa tindahan. Inayos ko ang buhok ko’t ipinagpag ang pantalon. Sa isang saglit ay
bitbit ko na ang laruang sasakyan na may iba’t ibang kulay. May ngiti ang aking labi. Nagmamadali na
akong umuwi.
“Saan ka nanggaling, anak?” Ang salubong na tanong sa akin ni Inay pagkarating ko sa bahay.
“Nag istambay ka na naman ba roon sa tindahan ni Aling Betty?”

“Opo, madali po kasing naubos ang mga paninda ko,” sagot ko kay Inay habang tinutungo ang
aking kuwarto kung saan mahimbing na natutulog si Jun-Jun.

Maayos kong inilapag ang laruang sasakyan sa lamesa katabi ng kamang kaniyang tinutulugan.
“Maligayang ikaapat na kaarawan, mahal kong kapatid,” bulong ko sa kaniya sabay halik sa kaniyang
noo.

“Halika na rito anak at maghapunan ka na,” sabi ni Inay.

“Opo, Inay,” sagot ko. “Maligayang kaarawan ulit.” May ngiti ang aking mga labi.

You might also like