Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

The Bedan Journal of Psychology

2017
Kasal-Sakal: Alitang Mag-Asawa

Balba, Ma. Francilia Q.


Castronuevo, Eva A.

Ang alitang mag-asawa ay isang kaganapang karaniwan sa pagsasama. Layunin ng pag-aaral na ito na
mailarawan ang saloobin tungkol sa alitang mag-asawa ng mga naninirahan sa GK Alaska Village, San
Pedro, Laguna. Sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong metodo na pagmamasid-masid, pakikiramdam,
pagtatanung-tanong, pagdadalaw-dalaw at pakikipagkuwentuhan hanggang sa maabot ang
pakikipagpalagayang-loob sa sampung pares ng mag-asawa. Napag-alaman na tinuturing “normal” at
“salitaan” lang ang alitang mag-asawa ng mga taga GK Alaska. Ang mga karanasan sa buhay mag-asawa ay
mahirap ngunit masaya at nalalampasan ang mga pagsubok sa tulong ng Diyos at pagtutulungan ng mag-
asawa. Ang karaniwang sanhi ng alitang mag-asawa ay tungkol sa usapin sa pera at nasusulosyunan ang
alitang mag- asawa sa paraan ng mabuting pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa.

Mga Susing Salita: Kasal, Mag-Asawa, Alitan, komunikasyon

Ang pamilya ay ang pangunahing yunit ng lipunan. Ang pamilya ay ang nagsisilbing pundasyon ng
isang indibidwal, kung saan nagsisimula ang edukasyon, kung saan ang pang-unawa, mabuting-asal at
pakipipagkapwa ay natututunan, kung saan matatagpuan ng isang tao ang mga bagay na hindi tinuturo sa
paaralan. Sa pamilya nagsisimula ang pagkahubog ng pagkatao, kung kaya’t malaki ang ginagampanang papel
ng pamilya sa buhay ng isang tao. Katulad ng nakasaad sa ating konstitusyon, kinikilala ng Estado ang
pamilyang Filipino na pundasyon ng bansa (1987 Phil. Const. Art. XV sec. 1). Ang mga Filipino ay kilala
bilang ma- kapamilya. Katulad nga ng sinabi nina Saito, Imamura at Miyagi (2010) ang mga Filipino ay kilala
sa pagbibigay ng halaga at pag-aaruga sa kanilang pamilya. Ang mga Filipino ay nagbibigay ng malaking
pagpapahalaga sa oras para sa pamilya, mula sa taunang pagsasama-sama at pagtitipon ng pamilya sa mga
pagdidiriwang pati na rin ang mga simpleng salu-salo sa hapag kainan. Ngunit bago ang lahat, ang pamilya ay
nagsisimula sa dalawang taong pinagbuklod ng kasal, kung saan ang dalawang tao ay nagiging isa. Subalit,
katulad ng karaniwang mga relasyon, dahil sa mga pagkakaiba, hindi maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa
pagitan ng mag-asawa, at kapag hindi ito naayos, tumataas ang pagkakaroon ng alitan ng mag-asawa. Ayon sa
Philippines Statistics Authority website, sa taong 2011, ay nagkaroon ng 1.3 porsyentong pagbaba sa bilang ng
mga Pilipinong ikinasal kumpara sa nakaraang taon. Sa kabilang dako naman, ayon sa Office of Solicitor
General , nagkaroon ng 40 porsyentong pagtaas ang bilang ng mga annulment cases na inihain sa loob ng
sampung taon. Bagamat ang divorce ay hindi pinapayagan dito sa Pilipinas, ang hindi pagkakaayos ng alitang
mag-asawa ang lumalabas na isa sa mga sanhi ng pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa. Bagay na
sinusuportahan ng pag-aaral nina Birditt, Brown, Orbuch, at McIlvane, (2010) kung saan nakasaad na ang
pagpapakita ng conflict behaviors ay maaaring humantong sa divorce. Ang alitang mag-asawa ay isang
distressing context (Koss, George, Bergman, Cummings, Davies, and Cicchetti, 2011). Hindi lang ang mag-
asawa ang naaapektuhan dito, pati na rin ang kanilang mga anak. Maaari itong magkaroon ng matagal na
epekto sa bata sapagkat ang mga magulang ang tumatayong unang guro, at mga taong tinutularan ng mga bata.

Alitang Mag-asawa
Sa bawat kasal, ang alitan ay hindi maiiwasan (Mccoy, Cummings, at Davies, 2009). Ang mga tao ay
sadyang hindi magkakapareho, ang bawat tao ay may natatanging katangian na nagpapaiba sa bawat isa. May
sariling paniniwala, hilig, at mga bagay na hindi gusto, at ang mga ito ang pinagmumulan ng mga alitan sa
relasyon. Sa lahat ng bagay hindi maiiwasan ang alitan, maaari magkaroon ng alitan sa pagitan ng mga
magkapitbahay, magkapatid, magkaibigan, magkasintahan at lalo na sa mga mag-asawa.

Alitang Mag-Asawa at Economic Pressure


Sa isang pag-aaral mula kina Papp, Cummings, & Goeke-Morey (2009), nakasaad na ang pera ay ang
hindi pinakamadalas na isyu na nagdudulot ng alitang mag-asawa sa tahanan. Subalit, kung ikukumpara sa
ibang mga problema na hindi tungkol sa pera, ang alitang mag-asawa na tungkol dito ay mas malala, laganap at
bumabalik. Isinaad nina Robila at Krishnakumar (2005), na ang mas mataas na antas ng economic pressure ay
1
konektado sa mas mataas na antas ng alitang mag-asawa. Natuklasan nina Hardie at Lucas (2010), na ang mga
kadahilanang pang ekonomiya na ito ay important predictors ng alitan sa parehong kasal at mga cohabiting
couples at ang economic pressure ay may kinalaman sa mas maraming alitang mag-asawa at cohabiting
couples. Sinusuportahan ng mga pag-aaral na ito ang katunayan na ang economic pressure ay nakakadagdag sa
alitang mag-asawa.

Alitang Mag-Asawa at Komunikasyon


Ang komunikasyon ay importanteng bahagi ng ating buhay, kung kaya’t hindi nakakagulat na ang
komunikasyon ay may kinalaman sa alitang mag-asawa. Sa isang pag-aaral mula kina Ledermann,
Bodenmann, Rudaz, at Bradbury, (2010), ang kanilang mga natuklasan ay nagsaad na ang parehong mababang
“relationship stress” at mataas na antas ng positibong komunikasyon ay importante sa mga relasyon. Ang pag-
aaral nina Zarnaghash, Zarnaghash at Shahni, (2013); Tavakolizadeh, Nejatian and Soori, (2015) ay nagsabi na
ang kakayahan sa komunikasyon ay may ginagampanang malaking papel upang maiwasan ang alitang mag-
asawa. Isinaad nina Zarnaghash et al. (2013), na ang useful communication skills sa pagsisimula ng buhay
mag-asawa ay hindi pa natutunan kung kaya’t ang problema ng mga asawang kalahok sa pag-aaral na ito ay
dulot ng problema sa komunikasyon. Sa isang pag-aaral na ginawa nina Tavakolizadeh et al. (2015), na may
kalahok na 60 na kasal na kababaihan, lumabas sa resulta na kung ikukumpara sa control group, ang
pagsasanay sa kakayahan sa komunikasyon ay nagdulot sa pagbaba sa alitang mag-asawa sa isang case group.

Alitang Mag-Asawa at Pagpapalaki ng anak


Ayon sa mga pag-aaral sa loob ng sampung taon, (Doyle and Markiewickz, 2005; Du, Schudlich, and
Cummings, 2007; Schwebel, Roth, Elliott, Chien, Mrug, Shipp, Dittus, Zlomke and Schuster, 2012) mayroong
patunay sa relasyon ng alitan o hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa sa pagpapalaki ng anak. Sinabi nina
Doyle & Markiewickz (2005), na ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa ay may kinalaman sa mababang
pagpapahalaga sa sarili at ang more externalizing symptoms ay konektado sa parental warmth. Naobserbahan
ni Du et al. (2007) na ang emosyonal na seguridad ng mga bata sa konteksto ng mga partikyular na marital
conflict styles ay may kinalaman sa pagitan ng marital conflicts at child adjustment problems. Mula pa sa isang
pag- aaral, isinaad nina Schwebel et al., (2012), na ang marital conflict ay may kinalaman sa pagtaas ng bilang
ng mga aksidente ng nangangailangan ng propesyunal na atensyong medikal sa mga bata. Kasama ng mga pag-
aaral na ito, ang mga karagdagang natuklasan nina Sturge-Apple, Davies and Cummings (2006), na
sumusuporta sa papel ng alitang mag-asawa na dulot ng pagpapalaki ng anak.

Pagiging Relihiyoso ng Mag-asawa


Kilala ang mga Pilipino bilang mga relihiyosong tao, maging ano man ang relihiyon na kinabibilangan
nito. Ayon kay Mahoney (2005), ang relihiyon ay nagbibigay ng mga estratehiya sa pamilya na maaring
makatulong o humadlang sa pagresolba ng hindi pagkakasunduan. Mula naman sa pag-aaral nina Lambert at
Dollahite (2006), isinaad ng mga mag-asawang kalahok na ang pagiging relihiyoso ay nakakaapekto sa mga
hindi pagkakasunduan sa kasal sa tatlong bahagi ng conflict process: (a) problem prevention, (b) conflict
resolution, at (c) relationship reconciliation. Iminungkahi din ng pag-aaral na ito na maaaring matulungan
ang mga relihiyosong mag-asawa sa alitang mag-asawa sa pamamagitan ng paghimok sa kanila na tignan ang
relihiyosong paniniwala at gawi. Samantala, salungat naman ito sa sinabi ni Denton (2012), na ang
paghihiwalay ng mag-asawa ay maiuugnay sa pagtaas ng religious engagement.

Sintesis
Ang pamilya ay ang pangunahing yunit ng lipunan. Isa ang bansang Pilipinas sa mga hindi sumasang-
ayon sa divorce o paghihiwalay ng mag-asawa kung kaya’t ang pag-aaral na ito ay makakatulong sa pagdagdag
ng kaalaman para sa Sikolohiyang Pilipino. Mahalaga ang pamilya sa mga Filipino at ang pamilya ay
nagsismula sa dalawang taong pinagbuklod ng kasal, masasabi na ang alitang mag-asawa ang isa sa mga sanhi
kung bakit naghihiwalay ang mag-asawa, at dahil dito nais alamin ng mananaliksik kung ano ang pananaw ng
mga mag- asawa rito at kung paano ito sinusulosyunan ng mag-asawa. Dahil din dito naisip ng mananaliksik
ang pamagat na kasal-sakal sapagkat kapag unang marinig ang mga katagang ito ay maiisip agad na may
problema sa pagitan ng mag-asawa. Nilalayong ng papel na ito na mailarawan ang pananaw ng mga
naninirahan sa GK-Alaska Village, Bayan-Bayanan, San Pedro, Laguna tungkol sa alitang mag-asawa. Nais
malaman ng mananaliksik kung
ano-ano ang: 1.) Ano ang pananaw ng mag-asawa sa alitang mag-asawa? 2.) Anu-ano ang mga karanasan sa
buhay mag-asawa? 3.) Anu-ano ang mga dahilan ng alitang mag-asawa? 4.) Paano sinusulusyunan ng mag-
asawa ang alitang mag-asawa?

Metodolohiya
Disenyo ng pananaliksik
Ang mananaliksik ay gumamit ng kwalitatibong pananaliksik. Naglalayong ang mananaliksik na
malaman ang mga sanhi ng alitan ng mag-asawang Filipino. Gumamit ang mananaliksik ng katutubong
pamamaraan na angkop sa pananaliksik katulad ng pagmamasid-masid, pakikiramdam, pagtatanung-tanong,
pagdadalaw-dalaw, at pakikipagkwentuhan, upang makakalap ng mga datos. Sinigurado ng mananaliksik na
maabot ang antas ng pakikipagpalagayang-loob upang makakuha ng datos na angkop at mapagkakatiwalaan
para sa pananaliksik.

Mga Kalahok
Ang mga kalahok ng pananaliksik na ito ay sampung mag-asawa na naninirahan sa GK-Alaska
Village, Bayan-Bayanan, San Pedro, Laguna. Ang GK-Alaska Village ay isang komunidad na nabuo mula sa
pagtutulungan ng tatlong grupo: Ang gobyerno, ang industriya at isang NGO, kasalukuyang mayroong 146 na
pamilya ang naninirahan dito. Karaniwang housewife ang trabaho ng kababaihan at karaniwang manggagawa
naman ang kalalakihan meron ding isang pares na senior citizen na pensioner. Malapit ang mga kalahok sa
isa’t isa marahil na rin ito sa maliit ang kanilang komunidad at dahil din sa tulong ng pagbabayanihan.

Mga Instrumento
Gumamit ang mananaliksik ng mga simpleng katanungan upang makakuha ng pangunahing
impormasyon ng mga kalahok katulad ng pangalan, edad, ilang taon ng naninirahan sa lugar at kung ilang taon
ng kasal. Gumamit ang mananaliksik ng lapis at papel upang maisulat ang mga makakalap na datos na
maaaring maisulat pati na din ang rekorder upang mas maging maayos ang pagkuha ng datos.

Pamamaraan
Ang pananaliksik na ito ay tungkol sa alitang mag-asawa, isang isyu na hindi madaling ibahagi sa
ibang tao kung kaya’t minarapat ng mananaliksik na paabutin sa pakikipagpalagayang-loob ang antas na
patutunguhan. Tatlong beses bumisita ang mananaliksik sa lugar. Ginagawa ng mananaliksik ang kanyang
pagbisita tuwing katapusan ng linggo, sapagkat ang mga araw na ito ay kung kailan kumpleto ang pamilya sa
lugar. Nagsuot ng simpleng kasuotan ang mananaliksik upang hindi matakot at mahiya ang mga kalahok sa
mananaliksik. Dahil sa tulong ng kakilala sa lugar, napadali ang pagpapakilala ng mananaliksik sa mga
naninirahan doon, at dahil malapit ang kakilala ng mananaliksik sa mga naninirahan, naging mabilis din ang
pagiging palagay ng loob ng mga tao rito. Nakahingi din ng tulong ang mananaliksik sa ibang mga opisyal ng
komunidad, nairaos ng mananaliksik ang kanyang pagtatanung-tanong at pakikipagkuwentuhan sa isang multi-
purpose hall, kung saan napagtipon-tipon ang mga kalahok ng mananaliksik. Umpukan ang naging estilo ng
pananaliksik, maihahalintulad din ito sa isang sharing ng mag ー asawa sapagkat magkasama sila habang
ginagawa ang pananaliksik, ngunit kahit ganito, halos kababaihan ang nagkukuwento at ang kanilang asawa ay
tumatayong suporta o taga-sang ayon lamang, iilan lang ang kalalakihan na nagbahagi ng kanilang saloobin.
Bago nagsimula ang mananaliksik ay nagpaalam ito kung maaari bang gumamit ng rekorder habang
isinasagawa ang pananaliksik. Sa tulong ng Gawad Kalinga, pinagbuklod ang mga ito sa pamamagitan ng isang
kulturang sariling atin, ang bayanihan, kung saan ang mga nabigyan ng bahay ay nagtulong-tulong sa paggawa
ng bahay sa lugar kasabay din nito ang pagkakaroon nila ng values formation at team building upang mabuo
ang komunidad. Sa perspektibo ng mananaliksik, dahil sa mga pinagdaanan ng mga taong kasalukuyang
naninirahan sa GK Alaska na dating mga informal settlers, sila ay maraming karanasan tungkol sa hirap ng
buhay na pinagdadaanan ng mag-asawa. Sa unang pagbisita ng mananaliksik ay nagmasidmasid sa kapaligiran,
kasama ng kakilalang naninirahan sa lugar, nilibot nila ang komunidad. May ngiti sa labi ng mananaliksik at
handang makipagkamay at makipagkilala sa mga taong makakasalubong. Sa ikalawang pagbisita ay
nagpakilala na ang mananaliksik sa ibang mga opisyal sa komunidad, humingi ng permiso upang maisagawa
ang pananaliksik at malugod naman itong tinanggap ng mga opisyal. Sa pangatlong pagbisita, pinakilala na
ang mananaliksik sa mga magiging
kalahok, nakipagkuwentuhan ang mananaliksik upang makilala pa ng mabuti ang mga kalahok. Pagkatapos
makipagkuwentuhan ng mananaliksik, nang maramdaman na magaan na ang loob ng mga kalahok, sinimulan
na ang pagtatanong na may kinalaman sa pananaliksik. Maayos ang daloy ng pakikipagkuwentuhan at
naramdaman ng mananaliksik na siya ay kabilang sa kanilang komunidad. Matapos ang pananaliksik, nagbigay
ng mamon at juice ang mananaliksik sa mga kalahok, ito ay ang simpleng pasasalamat ng mananaliksik sa mga
kalahok dahil sa binigay na oras at tulong upang maisagawa ang pananaliksik.

Presentasyon at Diskusyon
Ang pananaliksik na ito ay gumamit ng katutubong metodo na pagmamasid-masid, pakikiramdam,
pagtatanung-tanong, pagdadalaw-dalaw at pakikipagkuwentuhan upang maabot ang pakikipagpalagayang-loob
sa mga kalahok. Sa pag-abot ng pakikipagpalagayang-loob nakakuha ang mananaliksik ng datos na
mapagkakatiwalaan at makapagbibigay kabuluhan sa pananaliksik at makakasagot sa mga katanungan ng
pananaliksik na: 1. Ano ang pananaw ng mag-asawa sa alitang mag-asawa, 2. Anu-ano ang mga karanasan sa
buhay mag-asawa, 3. Anu-ano ang mga dahilan ng alitang mag-asawa 4. Paano sinusulusyunan ng mag-asawa
ang alitang mag-asawa. Mula sa mga nakuhang pahayag sa mga kalahok, pinag-isa ng mananaliksik ang mga
kasagutan na karaniwang nababanggit ng mga kalahok pati na rin ang mga kasagutang tumatak sa
mananaliksik na makakapagbigay kabuluhan sa pananaliksik.

1. Pananaw ng mag-asawa sa alitang mag-asawa


Ayon sa mga naninirahan sa GK Alaska, ang alitang mag-asawa ay isang normal na pangyayari. Ang
mga kadahilanan ng pananaw na ito ay makikita sa mga sumusunod na pahayag na sinipi ng mananaliksik.

“Normal” at “Salitaan” ang Alitang mag-asawa


“Normal lang yun sa mag-asawa, yung pag-aaway...huwag lang pisikal, salitaan lang” ani ni
Babaeng Kalahok 1. Sinasabi na ang alitang mag-asawa ay nangyayari sa pamamagitan ng salitaan lang, at
kapag ito ay naging pisikal ay pang-aabuso na ito. Pahayag na sinuportahan ni Babaeng Kalahok 3, “...Normal
lang yun. Meron kasing mga pagtatalo na medyo mild lang, pagkatapos ay magkakabati na rin naman, wag
lang talaga yung pisikal kasi hindi na maganda iyon.” Sa mga pahayag na iyon ipinakita na ang alitang mag-
asawa ay isang pangyayaring hindi naiiba at naiiwasan sapagkat ito ay karaniwang nangyayari sa mag-asawa.
Sinusuportahan ito ng pag-aaral nina Mccoy et. al (2009) kung saan nabanggit na sa bawat kasal, ang alitan ay
hindi maiiwasan. Sabi nga ni Babaeng Kalahok 7, “...Kasi kung walang away, walang love, kasi ano.. Kung
lagi na lang kayong okay, parang hindi na nagkakaroon ng challenge yung pagsasama niyo...” Mula sa
obserbasyon ng mananaliksik ang mga kalahok na kabilang sa pananaliksik ay masiyahin at mapapansin ang
pagiging malapit sa isa’t isa. Makikita na mula sa mga nakuhang pahayag, tinuturing ng mga kalahok na ang
alitang mag-asawa ay isang normal o pangkaraniwang penomena sa buhay mag-asawa, walang kasamang
dahas, taasan lamang ng boses. Mula rin sa pahayag ng mga kalahok, isa itong bagay na makakatulong upang
makilala nila ang isa’t isa at mapatibay ang pagsasama ng mag-asawa.

2. Mga karanasan sa buhay bilang mag-asawa ng mga taga GK Alaska


Ang mga naninirahan sa GK Alaska ay dating mga informal settlers, na dating naninirahan sa ilalim
ng tulay at iba rin sa mga ito ay dating naninirahan na sa lugar bago pa man ito gawing relokasyon. Ang mga
sumusunod ay ang mga siniping pahayag mula sa pakikipagkuwentuhan tungkol sa karanasan sa buhay bilang
mag-asawa.
Pagpapalaki sa Anak
Halos magkakapareho ang naging sagot ng mga kalahok patungkol sa pagpapalaki sa anak, na naging
maayos naman ang kanilang pagpapalaki sa anak at hindi naman gaano naging problema para sa kanilang mag-
asawa. Mula kay Lalakeng Kalahok 6, “Naging mahirap pero sa awa ng diyos, napatapos ko lahat ng aking
anak ng may takot sa diyos at hindi nakakaperwisyo sa kapwa.” Ani ni Babaeng Kalahok 3,“... sa pagpapalaki
naman sa anak, nahingi pa ako ng guide kay Lord para mapalaki ko sila ng maayos kasi, mga bata pa anak
ko…” Sa bahaging ito, karamihan ng mga sumagot ay ang mga babaeng kalahok sapagkat halos lahat ng
kalahok ay housewife, kung kaya’t tungkol sa karanasan sa hirap ng pagiging ina ang nababanggit, ang
kalalakihan ay hindi gaanong nakapagbahagi sapagkat sila ay naghahanapbuhay at pinapaubaya ang
pagpapalaki sa anak sa mga asawang babae. Mula sa mga pahayag ng kalahok, hindi naman nagkaroon ng
matinding pagtatalo dahil sa
pagpapalaki ng anak, kung meron man katulad lamang ito ng karanasan ni Lalakeng Kalahok 5, na tungkol sa
pagpapalit ng diaper ng anak, “Eh ayokong mag-ano ng tae niyan. ” Dahil doon mag-aaway kami, tapos
babatuhin niya ako ng mga damit “uhm ikaw na!”. Kapansinpansin din na mula sa mga pahayag makikita na
tuwing makakaranas sila ng hirap, humihingi sila ng tulong mula sa diyos upang bigyan sila ng lakas na
mapalaki ng maayos ang kanilang mga anak.

Usaping Tungkol sa Pera


Sa pahayag ni Babaeng Kalahok 8 na, “Mas nagkakaproblema talaga sa pera eh, lalo na kung may
anak ka nag-aaral, hihingi, doon talaga nagsisimula yung alitan...” naipakita ang relasyon ng pagpapalaki ng
anak at pera. Mula sa ibang pang pahayag laging lumalabas ang salitang pagbubudget. Dagdag ni Lalakeng
Kalahok 8, “...isa sa pangunahing pangangailangan ng mag-asawa yung pera, tsaka yun nga may trabaho
nga ako, regular pero ayun sapat lang sa amin lalo na kung magkakasakit yung mga bata, napakahirap
talaga, kung saan-saan lalapit…”
Mula sa kasagutan ng mga kalahok sa bahaging ito, nakita ng mananaliksik na ang mga kababaihan ang laging
naiipit, sapagkat sila ang naiiwan sa tahanan at ang gumagawa ng paraan upang mapagkasya ang mga gastusin
sa pang araw-araw at ang mga kalalakihan ang taga bigay ng pera kung kaya’t hindi nakikita at nalalaman ang
hirap ng paglalaan ng pera, mula din sa isang pahayag makikita ang kahalagahan ng pera sa mag-asawa,
katulad nga ng sinabi ni Lalakeng Kalahok 8, isa iyon sa pangunahing pangagailangan ng mag-asawa upang
maitaguyod ang pamilya.

Pagiging Relihiyoso
Sa pagbahagi ng karanasan nabanggit ng ilang asawa ang tulong na dulot ng paghingi ng gabay sa
Panginoon. “Wala talaga kaming totally pag-uusap dati, talagang wala kasi, iba talaga kasi yung sa amin eh,
hmm di ko siya maano eh, yung hindi pa naming kilala ang Diyos nun, kung baga, hindi pa kami nagsisimba,
pero nung nagstart kaming sumali sa couple’s doon, parang medyo ah alam ko na” Ani ni Babaeng Kalahok
10. Mula sa pahayag na ito ni Babaeng Kalahok 10 makikita na simula ng sila ay naging malapit sa diyos ay
nabuksan ang kanilang isipan at nagkaroon ng kaalaman tungkol sa kanilang relasyon. Sinusuportahan ang
karanasang ito ng pag-aaral nila Lambert at Dollahite (2006). Nabanggit din ni Babaeng Kalahok 7, na sa
pamamagitan ng paglagay nila sa Panginoon sa kanilang buhay ay naging mas matatag ang kanilang
pagsasama, “...may mga pagsubok sa buhay ng isang mag-asawa na paminsan pag hindi kayo
nagkaintindihan nauuwi talaga sa paghihiwalay, kasi yun nga wala wala si God sa sentro ng pagsasama niyo,
pero kapag kasama niyo siya sa ano sa relasyon niyo, ang mahirap napapadali kasi nga nandiyan siya…”
Mula sa obserbasyon ng mananaliksik, kahit ganito man ang nangyayari, pagkatapos ng araw ang mag-asawa
ay nagkakaintindihan sa tungkulin na ginagampanan sa pamilya, at nalalampasan ang kung ano man ang
pagsubok na darating. Karamihan sa kalahok na mag-asawa ay hindi nagkaroon ng matinding pagtatalo dahil
sa pagpapalaki ng anak, at lahat ng karanasan sa buhay ay nalampasan sapagkat magkatuwang ang mag-asawa
sa bawat pagsubok na kanilang hinarap at humihingi ng tulong mula sa Diyos.

3. Dahilan ng alitang mag-asawa ng mga taga GK Alaska


Pagdating sa katanungang ito, karamihan sa sagot ng mag-asawang kalahok ay pera ang dahilan ng
kanilang alitang mag-asawa. Hindi maitatago na ito ang dahilan sapagkat lahat sila ay nakaranas ng hirap at
kahit ngayon na mas maayos na ang kalagayan, dahil pa rin sa hirap ng buhay at mataas na gastusin
nararanasan pa rin ito. May isa ding nagbahagi ng tungkol sa third party. Ang mga sumusunod na pahayag ang
siniping kasagutan na nagpapakita ng dahilan ng alitang mag-asawa.

Usaping Tungkol sa Pera


Karaniwang kasagutan ang tungkol sa pera na dahilan ng alitang mag-asawa, dahil sa hirap ng buhay
at kasalukuyang sitwasyon. Sabi nga ni Babaeng Kalahok 5, “Sa pera din eh, pero sa amin kahit gipit kami,
iniisip namin na kikitain pa rin naman yun sa susunod.” Mula sa pag-aaral nina Papp et. al (2009), nabanggit
na ang alitan tungkol sa pera ay laganap at bumabalik, isang bagay na napatunayan mula sa kasagutan ng mga
kalahok. Para naman kay Babaeng Kalahok 3, “Para sa akin...ang pinaka major na magiging problema ng
isang mag- asawahan, pag nagkaroon ng third party, magulo talaga yan, iyan talaga ang sisira sa pamilya.”
Sinangayunan
naman ito ng iba pang kalahok ng ito ay mabanggit. Bagamat nabanggit ang tungkol sa third party, wala ni isa
sa kalahok ang umabot sa puntong ito, isang bagay na kanilang pinagpapasalamat.

Mula sa mga kasagutan ng kalahok pati na rin sa unang bahagi ng diskusyon tungkol sa alitang mag-
asawa, hindi naaalis ang usapin tungkol sa pera. Pinapakita din nito ang realidad na mahirap ang mag-asawa ng
hindi handa at walang pera sapagkat kailangang isipin din ng mag-asawa ang kanilang magiging pamilya at
kung paano ito maitataguyod lalo na sa mataas na bilihin at hirap ng buhay sa panahong ito.

4. Solusyon sa alitang mag-asawa


Ang karaniwang solusyon ng mga taga GK Alaska sa alitang mag-asawa ay ang pag-uusap. Ang mga
sumusunod ang siniping pahayag na sumusuporta rito.

Pag-uusap ng Mag-asawa
“Sa pag-uusap. Dapat pinag-uusapan, hindi puwede yung bulyawan lang kayo ng bulyawan.
Kailangan talaga kapag nawala na yung init ng ulo niya doon mo siya kakausapin, kasi kung mainit pa din
yung ulo niya tapos para kayong magkakasalubungan.” Ani ni Babaeng Kalahok 10. Mula naman kay
Babaeng Kalahok 7, “...kailangan kasi sa mag-asawa may communication yan eh...Atsaka kahit matatanda na
kayo kailangan may bonding moments kayo, kasi dahil doon mas lalong magogrow yung relasyon niyong mag-
asawa...” Mula sa mga napiling pahayag ng mga kalahok, makikita ang kahalagahan ng pag-uusap sa pagitan
ng mag-asawa. Sinusuportahan nito ang pag-aaral nina Tavakolizadeh et. al (2015) na nagsasabi na ang
kakayahan sa komunikasyon ay may ginagampanang malaking papel upang maiwasan ang alitang mag-asawa.
Mula sa mga pahayag, makikita na ang pag-uusap talaga ang pinakasolusyon ng mga naninirahan sa GK
Alaska, mula sa pahayag makikita na binibigyang kahalagahan nila ang pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa at
hangga’t maaari ay sinusubukan nilang maayos ang alitan bago matapos ang araw. Tumatak din sa isipan ng
mananaliksik ang sagot ng isang kalahok tungkol sa pag-alala sa mga pinagdaanan ng mag-asawa sapagkat
nakikita ng mananaliksik na isa rin itong magandang paraan upang manumbalik ang pagmamahal ng mag-
asawa sa isa’t isa.

Konklusyon at Rekomendasyon
Mula sa mga nakalap na datos, lahat ng kalahok ay sumasangayon na ang alitang mag-asawa ay isang
normal at hindi maiiwasang pangyayari, at ayon sa kanila ang alitan ay sa uri ng salitaan. Sa karanasan naman
sa buhay mag-asawa, sumasangayon sila na ito ay mahirap ngunit sa tulong ng pagdadasal at pagtutulungan ng
mag-asawa lahat ng pagsubok ay malalampasan. Nakikita rin na ang kadahilanan ng alitang mag-asawa ay pera
ngunit lahat ng kalahok ay naniniwala na ito ay kayang solusyunan at hindi dapat masyadong pinoproblema
sapagkat dumadating ang pera at puwedeng gawan ng paraan. Para naman sa solusyon, nakikita ng mga mag-
asawang kalahok na importante ang komunikasyon at dapat pinag-uusapan ang mga hindi pagkakasunduan
kapag parehong mahinahon na ang damdamin ng mag-asawa. Inirerekomenda ng mananaliksik na mas
paigtingin pa ang pagkalap ng impormasyon at humanap ng lugar kung saan magiging mas malawak ang
makukuhang datos. Inirerekomenda rin ng mananaliksik na paghiwalayin ang mag-asawa sa pagdaos ng
pananaliksik upang magkaroon ng mas maraming impormasyon. Inirerekomenda rin na humanap ng mga
kalahok na nakaranas na ng pagkakaroon ng third party upang lalong makatulong sa pagdagdag ng
impormasyon tungkol sa alitang mag-asawa.

SANGGUNIAN

Birditt, K. S., Brown, E., Orbuch, T. L., & McIlvane, J. M. (2010). Marital Conflict Behaviors and
Implications for Divorce over 16 Years. Journal of Marriage and the Family, 72(5), 1188–1204.
http://doi.org/10.1111/j.1741-3737.2010.00758.x
De Leon, Hector S. (2008). Textbook on the Philippine Constitution. Philippine Constitution Article XV
section 1. (1987) p.705.
Denton, M. L. (2012), Family Structure, Family Disruption, and Profiles of Adolescent Religiosity. Journal for
the Scientific Study of Religion, 51: 42–64. doi: 10.1111/j.1468-5906.2011.01619.x
Doyle, A. B., & Markiewicz, D. (2005). Parenting, Marital Conflict and Adjustment From Early- to Mid-
Adolescence: Mediated by Adolescent Attachment Style? [Abstract]. J Youth Adolescence Journal of
Youth and Adolescence, 34(2), 97-110. doi:10.1007/s10964-005-3209-7
Hardie, J. H., & Lucas, A. (2010). Economic Factors and Relationship Quality Among Young Couples:
Comparing Cohabitation and Marriage [Abstract]. Journal of Marriage and Family, 72(5), 1141-1154.
doi:10.1111/j.1741-3737.2010.00755.x
Koss, K. J., George, M. R. W., Bergman, K. N., Cummings, E. M., Davies, P. T., & Cicchetti, D. (2011).
Understanding Children’s Emotional Processes and Behavioral Strategies in the Context of Marital
Conflict. Journal of Experimental Child Psychology, 109(3), 336–352.
Lambert, N. M. and Dollahite, D. C. (2006), How Religiosity Helps Couples Prevent, Resolve, and Overcome
Marital Conflict. Family Relations, 55: 439–449. doi: 10.1111/j.1741-3729.2006.00413.x
Ledermann, T., Bodenmann, G., Rudaz, M. and Bradbury, T. N. (2010), Stress, Communication, and Marital
Quality in Couples. Family Relations, 59: 195–206. doi: 10.1111/j.1741-3729.2010.00595.x
Macairan, E. (2011, March 27). OSG reports 40% hike in annulment cases. The Philippine Star. Retrieved
from http://www.philstar.com/headlines/669897/osg-reports-40-hike-annulment-cases
Mahoney, A. (2005), Religion and Conflict in Marital and Parent-Child Relationships. Journal of Social Issues,
61: 689–706. doi: 10.1111/j.1540-4560.2005.00427.x
Marriage: Philippines 2011. (n.d.). Retrieved from https://psa.gov.ph/content/marriage-philippines-2011
Mccoy, K., Cummings, E. M., & Davies, P. T. (2009). Constructive and destructive marital conflict, emotional
security and children’s prosocial behavior. Journal of Child Psychology and Psychiatry, 50(3), 270-
279. doi:10.1111/j.1469-7610.2008.01945.x
Papp, L. M., Cummings, E. M., & Goeke-Morey, M. C. (2009). For Richer, for Poorer: Money as a Topic of
Marital Conflict in the Home. Family Relations, 58(1), 91-103. doi:10.1111/j.1741-
3729.2008.00537.x
Robila, M., & Krishnakumar, A. (2005). Effects of Economic Pressure on Marital Conflict in Romania.
[Abstract]. Journal of Family Psychology, 19(2), 246-251. doi:10.1037/0893-3200.19.2.246
Saito, I., Imamura, T., & Miyagi, M. (2010) Filipino Personality Traits and Values for Social Support: FOW as
human resources for work life balance in Japan (1).
Schudlich, T. D., & Cummings, E. M. (2007). Parental Dysphoria and Children’s Adjustment: Marital Conflict
Styles, Children’s Emotional Security, and Parenting as Mediators of Risk [Abstract]. Journal of
Abnormal Child Psychology J Abnorm Child Psychol, 35(4), 627-639. doi:10.1007/s10802-007-9118-
3
Schwebel, D. C., Roth, D. L., Elliott, M. N., Chien, A. T., Mrug, S., Shipp, E., . . . Schuster, M. A. (2012).
Marital conflict and fifth-graders’ risk for injury [Abstract]. Accident Analysis & Prevention, 47, 30-
35. doi:10.1016/j.aap.2012.01.005
Sturge-Apple, M. L., Davies, P. T. and Cummings, E. M. (2006), Impact of Hostility and Withdrawal in
Interparental Conflict on Parental Emotional Unavailability and Children's Adjustment Difficulties.
Child Development, 77: 1623–1641. doi: 10.1111/j.1467-8624.2006.00963.x
Tavakolizadeh, J., Nejatian, M., & Soori, A. (2015). The Effectiveness of Communication Skills Training on
Marital Conflicts and its Different Aspects in Women [Abstract]. Procedia - Social and Behavioral
Sciences, 171, 214-221. doi:10.1016/j.sbspro.2015.01.112
Zarnaghash, M., Zarnaghash, M., & Shahni, R. (2013). The Influence of Family Therapy on Marital Conflicts
[Abstract]. Procedia - Social and Behavioral Sciences, 84, 1838-1844.
doi:10.1016/j.sbspro.2013.07.044

You might also like