Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Sa Dulo’y Makakamtan

ni Criselda Pernitez
Ang taong may mga pangarap ay walang hindi kayang gawin at hahamakin ang lahat
matupad lang mga ito.

Sabi nila, masaya ang maging isang bata ngunit 'yon ay nasasabi lamang ng mga taong
nakaranas ng masasayang alaala habang sila’y bata pa lamang hindi katulad ni Rica na maagang
namulat sa kahirapan at sa murang edad ay natuto nang makipagsapalaran sa buhay na sa halip
na maglaro at makisalamuha sa mga bata ay nagtatrabaho. Siya ay isang babaeng mabait,
matulungin, masayahin at higit sa lahat, mapagmahal at masipag.

Nakaupo sa isang tabi si Rica habang nakadungaw sa bintana, tinatanaw ang mga
nakababatang kapatid na masayang naglalaro sa labas ng kanilang bahay. Inaalala niya kung
kalian niya nga ba naranasan ang ganyang kasayang paglalaro pero sa halip na ngumiti ay
lungkot ang makikita sa kanyang mukha dahil hindi niya naranasan ang bagay na iyan. Sa
kalagitnaan ng kanyang pag- alala ay tinawag siya ng bunso nitong kapatid.

“ Ate, sali ka sa amin,”

“Hindi na, kayo na lang ang maglaro diyan,” tugon niya sa kapatid.

“Sige na ate…,” pangungulit ng isa pa niyang kapatid.

“May gagawin pa ako, kayo na lang,” malumanay na sagot niya sa kapatid.

Nagpatuloy sa paglalaro ang kanyang mga kapatid. Magsasaing n asana siya ng


pananghalian ngunit pagbukas niya ng lalagyan ng kanilang bigas ay wala na itong laman at siya
naming pagdating ng kanyang nakakatandang kapatid na babae na si Jenny.

“Rica nakasaing ka na ba? ,” tanong ni Jenny

“Hindi pa po ate dahil wala na tayong bigas,” tugon naman ni Rica

“Nananaman??? Nasaan bas i Papa? ,” tanong niya kay Rica.

“Hindi ko alam,” maiksing tugon ni Rica

“Andito na ako,” sabi ng kanilang amang kakarating lamang.

“Kumain na ba kayo? ,” tanong ng ama

“Hindi pa po papa,” malungkot na sagot ni Rica.

“Paano kami kakain kung walang kakainin,” pagalit na sambit ni Jenny.


“Pasensya na kayo mga anak hindi kasi ako nakahiram ng pera sa Tiyo Lando ninyo,”
paliwanag ng ama.

“Mas mabuti pang pumunta ka sa tindahan ni Aling Linda Rica at kumuha ka ng bigas
don pati na rin yung uulamin natin,” utos ng ama kay Rica.

“Kukuha na naman? Eh bakit kasi inubos niyo ang pera sa sugalan pati perang pinadadal
ni mama ay winaldas niyo rin,” galit na sabi ni Jenny.

“Anong sabi mo? Wag na wag mo akong pagsasalitaan ng ganyan dahil ama mo ako,”
galit na tugon ni ama.

“Tama na po, tumahimik na po kayo dahil naririnig kayo ng mga bata,” pag-awat ni Rica
sa ama’t nakakatandang kapatid. “Pupunta na po ako kina Aling Linda”.

Malungkot na naglalakad si Rica at hindi niya namalayang napasobra ang kanyang


paglalakad at nasa harap siya ng simbahan na dalawang metro ang layo sa bahay ni Aling Linda.
Pumasok siya sa loob at taimtim na nagdasal at hiniling na sana’y umuwi na ang kanyang ina
sapagkat nangungulila siya sa ina at sana’y makapag-aral ulit siya dahil hindi na siya nakapag-
aral simula nang magtapos siya ng elementarya. Pagkatapos, pumunta siya sa tindahan ni Aling
Linda at bumalik sa bahay. Lumipas ang pitong araw ng ganoon pa rin ang kanilang sitwasyon at
minsa’y nanghihingi na lamang siya ng pagkain sa kanilang kapitbahay para lang makakain ang
mga nakababatang kapatid at dahil ang kanilang nakakatandang kapatid ay hindi na umuuwi at
palaging sumasama sa mga barkada. May biglang kumatok sa kanilang pinto. Tok…tok….tok…
tok….

“Sandali lang po,” wika ni Rica. Pagkabukas ng pinto….

“”Tiya Lourdes? Bakit po kayo naparito?,” nagtatakang tanong niya sa panauhin.

“Naparito ako para kausapin ang iyong ama,” seryosong tugon ng panauhin.

“Ah, ganun po ba, pasok po muna kayo,” alok ni Rica sa tiyahin.

“Pa…andito po si Tiya Lourdes,” pagbabalita niya sa ama.

“Sandali lang,” sabi ng ama ni Rica

“Oh! Lourdes, ano bang sadya mo’t ika’y naparito? tanong ni Mang Rene sa kapatid at
umalis si Rica papuntang kusina.

“Ano bang nangyari sayo kuya at ang payat-payat mo? pabalik na tanong ni Lourdes

“Ang hirap kasi ng buhay dito,” paliwanag ni Mang Rene.


“Eh, kasi naman kuya, sugal ka nang sugal at sa halip na ibili mo ng pagkain ay nilalaan
mo sa sugalan. Tumigil ka na kasi dyan sa bisyo mo,” pangangaral niya kapatid.

“O…, siya…siya…bakit ka ba naparito?

“Naparito ako dahil nangangailangan ako ng kasama sa bahay at kukunin ko sana si Rica.
Huwag kang mag-alala papaaralin ko siya ngayong darating na pasukan,” malumanay na
paliwanag ni Lourdes.

“Hindi pwede! Sino na lamang ang mag-aalaga sa mga kapatid niya? Kaya hindi ako
papayag!,” galit na sabi ni Mang Rene.

“Pero kuya…,” saad ni Lourdes

“Walang pero, pero, makakaalis ka na!,” pagtataboy ni Mang Rene sa kapatid.

”Kung magbago man ang iyong isip ay tawagan mo lang ako kuya,” wika ni Lourdes
bago umalis.

Hindi lingid sa kaalaman ni Mang Rene na narinig ni Rica ang kanilang pag-uusap.
Napaiyak si Rica sa narinig dahil may pagkakataon na siyang makapag-aral-ulit ngunit hindi
pumayag ang kanyang ama. Kinabukasan, kinausap niya ang kanyang ama habang sila ay nasa
hapag-kainan.

“Pa, gusto ko pong mag-aral ulit, labinlimang taon na po ako pero elementarya pa rin
yung natapos ko,” malungkot niyang sabi sa ama.

“Tumigil ka Rica! wala tayong pera! Eh ang pagkain nga natin sa araw-araw, nahihirapan
pa tayo,” pagalit na tugon ng ama.

“Payagan niyo na po kasi ako na pumunta kina Tiya Lourdes, sige na po,”
pagmamakaawa ng dalaga sa ama.

“Ano bang pinagsasabi mong bata ka?,” hindi mapakaling tanong ni Mang Rene sa anak.

“Narinig ko po kayong nag-uusap ni Tiya Lourdes tungkol sa akin,” paliwanag ng dalaga.

Hindi nakakibo si Mang Rene.

Dumaan ang mga araw at napag-isip-isip ni Mang Rene ang kahilingan ng anak kaya
pinayagan niya itong mananahan pansamantala sa bahay ng kanyang kapatid. Sobrang saya ng
dalaga ng marinig ang sinabi ng ama at hinding-hindi na siya makapaghintay na makapag-aral
ulit at sa isip niya’y matutupad na ang kanyang pangarap. Lumuwas na sila ng Maynila ng
kanyang tiyahin. Pagdating sa bahay ay laking mangha niya ng makita kung gaano kaganda at
kaaliwalas ang bahay nito. Pumasok na sila at pinakita ang kanyang magiging silid. Pinagsabihan
siya kung ano ang kanyang mga dapat gawin at hindi dapat. Wala siyang problema pagdating sa
mga gawaing bahay dahil nakalakihan niya na ito. Medyo nanibago pa siya sa bahay, sa paligid
at palagi niyang naiisip ang kanyang pamilya lalong lalo na ang kanyang mga kapatid pero sa
halip na malungkot at manghina ay tinatagan niya ang kanyang loob at sinabi sa sarili na “Kaya
ko to! Kakayanin ko to!. Naging maayos naman ang kanyang buhay at pati na rin ang kanyang
pag-aaral sa sekundarya. Sinubok ang katatagan ng dalaga ng dumating ang biyenan ng kanyang
tiyahin na si Veronica na kilalang-kilala sa pagiging mataray at matapobre na kahit ang kanyang
tiyahin ay hindi nakawala sa pagtataray nito. Hindi niya inaasahan na makararanas siya ng
pagmamalupit ni Veronica.

“Rica………………………..,” malakas na sigaw ni Veronica

Nang marinig ni Rica ang boses ng babae ay agad na agad siyang tumakbo sa
kinaroroonan nito.

“Bakit po Madam?,” nanginginig na tanong ng dalaga.

“Plantsahin mo yung damit na susuotin ko ngayon dahil may pupuntahan ako,” utos ng
mataray na babae.

“Opo, Madam,” pagsang-ayon naman ni Rica.

Pumunta ang dalaga sa silid ng babae at kinuha ang damit nito pagkatapos ay sinimulan
na niyang gawin ang pinagagawa nito sa kanya. Hindi pa nga siya nakakatapos ay tinawag na
naman siya ng babae at dali-daling iniwan ang ginagawa. Dahil sa pagmamadali ay nakalimutan
niyang tanggalin ang plantsa sa damit kaya pagbalik niya ay sunog na ito. Nanginginig siya sa
takot ng magtapat kay Veronica.

“Madam….,” mangiyak-ngiyak na sambit ng dalaga.

“Anong kailangan mo? Natapos mo na ba yung pinagagawa ko? tanong ng babae.

“Patawad po! Patawad po madam,” tuluyan ng napaiyak ang dalaga.

“Ano bang iniiyak iyak mo ha? Ang sabi ko natapos mo na ba yung pinapagawa ko
sayo!!!,” galit na tanong ng babae.

“Eh, kasi po…hindi ko po sinasadyang sunugin yung damit mo,”nanginginig na


paliwanag ng dalaga.

“Ano???? Bakit mo sinira ang damit ko??? Ang tanga tanga mo!!!!,”galit na galit na sabi
ni Veronica.

Labis na nasaktan si Rica sa ginawang pagpaparusa sa kanya ng babae. Tinanggap niya


lahat ng mga masasakit na salitang binitiwan nito sa kanya at iniisip niya na lang ang kanyang
pamilya at ang kanyang pag-aaral. Hindi siya nagsumbong sa kanyang tiyahin dahil ayaw niyang
lumaki pa ang gulo. Kinagabihan, wala siyang ibang ginawa kundi ang umiyak nang umiyak sa
kanyang silid dahil sa kirot ng kanyang mga pasa. Hindi niya maiwasang hindi magtanong sa
Panginoon kung bakit nga ba niya nararanasan ang ganitong paghihirap at ang batang –bata niya
pa para sa mga bagay na ito. Sobrang nakakaawang tingnan si Rica sa kanyang kalagayan.

Nasa ikaapat na taon na siya sa sekundarya at malapit nang matapos ang pasukan.
Nagdaan ang ilang buwan at dumating na ang kanyang pinakahihintay na araw at makakaalis na
rin siya sa kanyang tinitirhan ngayon. Natapos niya na ang kanyang pag-aaral sa sekundarya at
kasabay nito’y nagpaalam siya sa kanyang tiyahin na uuwi na siya sa kanila. Nagdadalawang isip
pa ang kanyang tiyahin pero kalauna’y pumayag rin ito. Sabik na sabik na siyang makauwi’t
makapiling ang kanyang pamilya at ang hindi niya alam ay nasa kanila na pala ang kanyang ina.
Pagkarating niya sa bahay ay laking gulat niya ng makita ang kanyang inang matagal niya ng
hindi nakakasama at dali-dali niya itong yinakap nang napakahigpit. Siya sana ang manggugulat
pero siya yung nagulat. Nag-uusap-usap sila sa kanilang sala at sinabi niya sa ama’t ina na sa
kanilang bayan na lang siya mag-aaral ng kolehiyo. Nagulat naman ang kanyang ama’t ina sa
kanyang iminungkahi sapagkat wala silang perang pantustos sa kanya. Agad-agad siyang
nagpaliwanag na mamamasukan siya sa paaralan na papasukan bilang isang working student.
Hindi pa rin siya pinapabayaan ng Panginoon dahil nakahanap siya agad ng paaralang papasukan
at natanggap rin bilang isang working student. Nagsumikap siya sa kanyang pag-aaral at kung
minsan ay siya ang gumagawa ng proyekto sa ilang kaklase niya para lang may pantustos sa
pang-araw-araw na baon. Sa hindi inaasahang pangyayari, nagkasakit si Rica at hindi nakapasok
sa paaralan ng ilang buwan. Siya ay nangangamba na baka maapektuhan ang kanyang pag-aaral
pati na rin ang kanyang trabaho sa paaralan. Hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na
nagdasal sa Panginoon at sa awa ng Diyos ay dininig ang kanyang dasal. Gumaling siya at
pumasok na ulit sa paaraln at patuloy na lumalaban.

Lumipas ang tatlong taon at siya’y nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.


Nagkaroon ng magandang trabaho at pinatayuan ang kanyang mga magulang ng magandang
bahay. Siya na rin ang nagpapaaral sa kanyang dalawang nakababatang kapatid na nasa
sekundarya. Laking pasasalamat niya sa Panginoon at natupad ang kanyang mga pangarap at
nagbunga ang lahat ng mga paghihirap na kanyang nararanasan na kahit hindi man masyadong
masaya ang kanyang alaala sa pagkabata ay wala siyang pinagsisisihan sa halip siya ay
nagpasalamat dahil natuti siyang makipagsapalaran sa buhay na naging daan para maabot ang
kanyang mga pangarap.

Masayang naninirahan ang kanyang pamilya at nagkaroon na rin siya ng sariling


pamilya.

You might also like