Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 16

Pagbati!

Una sa lahat, nais ko pong humingi ng pasensiya sapagkat hindi ako nakasunod sa

panuntunin na ang ipapasa ay Scanned copy sa kadahilanang ang ilan sa mga diyaryo kung saan

nakapaloob ang aking mga artikulo ay naipasa na sa Munisipyo noong minsang nag-apply ako sa

Scholarship at kinailangan ito at gawa na rin po ng covid ay hindi kami maaaring pumunta roon

upang hingin ito. Gayunpaman, kung hindi po kalabisan, nais ko po sanang isunod na lamang

isend ang scanned copy at sa ngayon ay ang maipapasa ko lamang po ay ang soft copy ng aking

mga piyesa. Sinisigurado ko po na sa oras na makuha ko na muli ang mga diyaryo ay agaran ko

itong ipapadala sa inyo. Nakapagpadala na rin po ako ng mensahe sa Munisipyo na humihiling

na makuha ang mga ito. Maraming Salamat po at Padayon!


Ang estranghero ay isang lathalain, nailathala noong ika-14 ng Pebrero 2020 sa Pahayagan ng
Lungsod ng Navotas

Estranghero

Ni Angelica V. Andan

Habang magulo ang mundo sa labas, hindi ko naman maipaliwanag kung anong klaseng

mundo ang nasa loob ng aming tahanan. Kung anong ipinahihiwatig ng kumukurap-kurap naming

ilaw at mga nagkalat na gamit sa marupok naming dampa. O kung bakit nga ba tila walang

nararamdaman si Ina habang ginagamot ko ang kaniyang mga sugat at malayong nakadungaw

lamang mula sa bintana. Marahil hinihintay ang Itay. Naramdaman ko ang malalalim niyang titig

sa akin. Alam ko na ang ibig sabihin noon kaya agad kong binitawan ang kaniyang kamay. Sinalat

niya ang sarili upang alamin kung alin doon ang walang paso at pasa. Sabay nagsindi ng sigarilyo.

Hithit at buga---ito ang kaniyang buntong hininga.

“Palagay ko ay makakapag-asawa ka ng mayaman basta lakihan mo lang ang tip mo sa

akin!” Maliit pa lamang ay pangarap na ni Dimagulang na maging isang sikat na manghuhula sa

kanilang lugar. Kaya niya raw hulaan ang hinaharap basta doble ang tip na ibibigay. Paniwalang-

paniwala naman ang mga tao sa kanila dahil na rin siguro sa galing niyang mambola at mang-

alaska ng mga salita. Pero nababahag naman ang buntot sa tuwing maririnig ang tinig ng kapit-

bahay na si Maricar. “Ako rin! Hulaan mo ako!” bati ng binibini. “Hindi na kailangan! Ako ang

pyutur mo!” nagmamadaling litanya niya sapagkat ‘di niya sigurado kung tama ba ang

pagkakabigkas sa salitang “future”.

“Madaya! Nais ko ring malaman kung mayaman ba ang makakatuluyan ko!” may halong

lungkot ang tono ni Maricar at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bumigat ang kaniyang loob.
Nang maramdaman niyang wala na ang mga tao sa paligid, tiyaka niya kinausap ang dalaga, “Hindi

ba sinabi ko naman sa’yo na wala naman talagang makakahula ng kapalaran natin. Ginagawa ko

lamang ‘yon sa kanila dahil gusto nilang umasa. At ayokong paasahin ka.” Mahal niya ang dalaga

at gagawin niya ang lahat upang mapasaya ito. At sa ilalim ng yakap nilang dalawa-----saglit

niyang nakalimutan ang problema sa kanilang tahanan.

“Olats! Malas naman. Ano sasabihin ko kay Tatay? ‘Tay! ‘yung manok natin nilayasan ako.

‘Di ko na nahabol” mariin na reklamo ni Rebreb---ang matalik niyang kaibigan. Sa tuwing

matatapos na siya sa panghuhula ay dumidiretso siya sa kaibigan para samahan itong bumili ng

buhay na manok na pagkatapos ng ilang araw ay kakatayin din ng tatay nito upang ibenta nang

mas mahal. Ngunit sa kalagayan ng kaibigan, mukhang walang kikitain ang kanilang pamilya sa

susunod na linggo dahil naipatalo nila ang manok sa sabong. “Akala ko ba nahulaan mo na

mananalo ako?” reklamo ng kaibigan na pinagtawanan niya. “Nakalimutan mo na bang hindi

naman talaga ako manghuhula?” at doon tuluyan nang nawalan ng pag-asa si Rebreb. Ramdam

niya ang takot ng kaibigan nang matahimik ito at ‘di na muli pang sumagot sa kaniya. Nakaisip

siya ng paraan kung paano ‘to matutulungan ngunit paniguradong siya naman ang makakatanggap

ng katakot-takot na sermon mula sa ama. Pero para sa kaniya, bahala na. Basta’t maisalba lamang

ang kaibigan. Mahal niya si Rebreb at alam niya ang mangyayari sa binata kung ‘di niya ito

tutulungan. Binigay niya ang perang kinita ngayong araw sabay pinatahan ang kaibigan—nangako

sa isa’t isang hindi na muli pang magsusugal.

“Sampaguita, iho?” alok ni Manang Ester nang mapadaan naman si Dimagulang sa

simbahan. Nagmamadali siyang pumunta rito upang maabutan sana ang huling misa ngunit sayang

sapagkat mukhang kanina pa ito nagsimula. “Manang, gabi na ho. Wala pa ring benta?” agad

namang sumimangot ang Ginang. “Wala pa iho, eh” Kinapa niya ang bulsa, tiyaka niya lamang
naalala na naibigay na pala niya kay Rebreb ang lahat ng kita sa panghuhula ngayong araw.

Napakamot siya sa ulo. At kahit na madilim at hirap na sa paglalakad dahil sa pagod pinili ng

binata na tulungan si Manang Ester nang sa wakas ay makauwi na rin ito. Narinig ni Dimagulang

ang palakpakan mula sa loob, tanda na tapos na ang misa. Magandang pagkakataon ito upang

salubungin ang mga tao at alukiin ito ng sampaguita. Laking galak ng binata nang maubos agad

ang tinda. Ngiting-ngiti si Manang Ester sa kaniya na ‘di naman niya maaninag. Pero ang

maramdaman ang saglit na pagpisil nito sa kaniyang kamay ay napagtanto ng binata ang nais

nitong ipahiwatig. Labis itong nagpapasalamat sa kaniyang ginawa. Pero para kay Dimagulang,

ang mga ganitong klaseng bagay ay normal na dapat ginagawa ng lipunan, ang mahalin ang kapwa.

Ngunit sa likod ng nagagalak niyang puso---ang pangambang uuwi na siya sa kanilang tahanan

upang harapin ang mas kumplikado niyang mundo.

Malayo pa lang ay rinig ko na ang impit na ungol ng aking Ina at ang halakhak ng Itay

naman ay bangungot sa pandinig. Pagkabukas ng pinto ay agad akong inanyayahan ng pasayaw-

sayaw na silya at waring ibinubulong sa akin na umupo sa kaniya at magkunwaring walang

naririnig. Mukhang walang hugis ang pag-ibig ngayong gabi. O nagkaroon nga ba? Sa loob ng

aming bahay, mayroong hikbi, timpi, pilit, selos, inggit at galit na tila pumapatay sa pagmahahal

na mayroon ako. At oo, pagkatapos kong umibig buong araw ay mararamdaman ko pa rin ang

katawan kong nalalapnos sa init ng kanilang pagtatalo. Hindi alam kung paano sagipin ang puso

mula sa pagkakatupok. At hindi ko ganito gustong mahalin. Maraming mukha ang pag-ibig. Si

Maricar, mahal ko siya bilang sinta. Si Rebreb, mahal ko siya bilang kaibigan. Iniibig ko ang Diyos

nang buong puso gayundin ang kapwa ko. Ngunit kakaiba ang pagmamahal na naninirahan sa

aming tahanan---hindi ko mawari kung ano.


“Buhay na buhay ang mga larawan na ipinipinta mo, anong inspirasyon mo?” Bati sa akin

ng isang hurado. Nakakatuwa, dati lamang ay pangarap kong maging isang manghuhula. Sinong

mag-aakala na ang malikot kong imahinasyon ang maaari kong gamitin sa pagpipinta. “Simple

lang po, karanasan at pag-ibig.” Noong gabing ‘yun ng buhay ko ay ipinaalala sa akin ng mundo

na kailangan kong magpatuloy kahit gaano kahirap. Kahit wala na ang Inay. Oo, matagal na rin

siyang wala pagkatapos niyang saluhin ang mga suntok na para dapat sa akin. Nagkamali ako,

alam ko kung anong klaseng pagmamahal ang mayroon sa tahanan namin. Ang sakripisyo ng isang

ina. Maraming mukha ang pag-ibig. At masasabi kong ang pagmamahal niya ang paulit-ulit kong

nais masilayan. At kahit wala na siya, ipinapaalala niya sa akin kung paano ba magmahal. Kaya’t

ipinapangako ko na sa likod ng mga ipinipinta ko, ang istorya ng pag-ibig ng isang ina.

Habang magulo ang mundo sa labas at hindi mo mawari ang mundo sa loob ng inyong

tahanan, mayroong nilalang ang Diyos na tagapamayapa. Ang pag-ibig. Mahiyain man ngunit

maamo. Estranghero siya sa dilim. Ngunit makikita siya kahit saan. Makikita natin ito sa simpleng

pagmamalasakit natin sa kapwa. Sa simpleng pagpapa-alala natin sa kanila na magiging maayos

din ang lahat. Makakasalubong natin siya sa ating mga kaibigan. May pag-ibig sa pagmamalasakit.

At hindi natin namamalayan na lahat ng bagay na ginagawa natin ay may namumuong pag-ibig.

Hindi man magarbo ngunit mayroon pa ring porma. Kaya nating umibig araw-araw sa simpleng

paraan. Sa pag-unawa, pagrespeto, pagsuporta, pasasalamat, at pagpapasensya. Hindi laging hayag

ang pag-ibig, hindi ito laging makikita sa mahahalimuyak na rosas. Nakikita din ito sa ngiti ng

mga nakakasalubong natin. Sa mga nagmamadaling makasakay sa LRT, sa pagpunta sa mall, sa

simplenf pagtatanong kung ‘kumain ka na ba?’ ---at anong pag-ibig pa ang hihigit kaya sa tamis

ng una nating pag-iyak sa piling ni Ina?


Ang tampok ay isang Lathalain, nailathala noong 2017 sa Newslens Publication ng mababang
Paaralan sa Elementarya ng Navotas at nailathala rin sa pahayagang Palakaya noong 2018.

Mga Kuwento sa sulok-sulok ng Lipunan

Ni Angelica V. Andan

Pagkatapos nating magtagpo, saan na ba uli tayo bibitbitin ng tadhana? Pagkatapos ang

matagal na paglalakad, kabisado mo pa ba ang binabaybay mong daan? Tanda mo pa ba ang mga

mukhang markado na ng kasalanan? Sila 'yung madalas nag-iisa, o pwede ring may kasama, may

nakatayo, nariyan ang nakaupo, minsan naiinis at madalas naiidlip. 'Yan ang porma ng kuwento

sa labas ng 'yong mundo. At ito ang halimuyak ng kuwentong araw-araw ay nasasaksihan ko.

Isang oras ang biyahe ng dyip mula sa Navotas hanggang sa Recto. At bago rin makapunta

sa sakayan, kailangan mo munang baybayin ang isang maliit na eskinita. Tuwing unang araw ko

sa eskuwela, ugali kong bumili ng dyaryo bago pumasok. Para siguro may libangan dahil ibang

iba na ang oras ng biyahe ko. Tulad ng nakasanayan, iyong mga litrato muna ang pupunteryahin

ko, pare-pareho lang naman kasi ang balita. Iba't ibang anggulo lang. Tulad nitong lalaking

natagpuan na lamang sa kabilang barangay ang katawan at tila nagtago ang hustisya sa sayá ni

kamatayan. Ayos, nag-overtime na naman kasi siya sa mga sulok sulok at tila umiiyak na parang

bangungot.
Hindi ko paborito ang pagsilip sa bintana ngunit sadyang malilikot lamang ang aking mga

mata na tila gustong makichismis sa mga pangyayari sa paligid. Tama na rin 'yun dahil sa tindi ng

daloy ng trapiko, nakakasawa naman talagang titigan lang 'yung kaharap mo. Pero hindi masarap

na bisyo ang pag-usisa sa paligid, sisikapin mong hindi mabigla sa walang kinikilalang batas.

Pipilitin mong buksan ang iyong tainga bago ka pa gawing bingi ng marahas na indayog ng musika

ng pagkakamaling sa matagal na panahon ay naging puhunan na ng mga nasa Langit. Ayon, ang

ending walang makaintindi ng isinusulat ko sa pagkakatago ko sa lalim. Pero pilitin mong

intindihin, kasi kailangan.

"Ma, sa tabi lang po!" at matapos ang ilang minutong panghuhusga sa kapaligiran, kailangan

ko na naman magpatuloy kahit sa totoo lang gusto ko na lamang mahiga sa kama at magsulat ng

magagandang istoryang pamalit sa mga pangit na balitang sumasampal sa atin araw-araw. Pero

hindi ganoon kadali 'yun, dahil sa oras na ito ay binabaybay ko na ang isang halera ng mga

mananahi't nagtitinda ng kendi. Halos mahiya ako dahil parang ang sapatos ko lamang ang nag-

iingay sa paligid. Pero kakaunti lang naman kasi talaga ang mga tao tuwing ganitong oras. At isa

pa, kahit wala naman nang bago, hindi pa rin sanay ang mga mata ko sa mga eksenang

nakikipagtitigan sa akin. Na tila ba isa itong babala. Na kung susubukan mong pumikit pagkatapos

mo silang makita ay para mo na ring inamin na bulag ka.

Sa muling pag-obserba sa paligid, napadako ang aking tingin sa dalawang taong tila

sumisigaw na "tignan niyo ako, ang aming laman!" kahit ang totoo'y tahimik lang naman siya.

Kung sa bagay, ang tunay na sakit ay nananahimik lang at hindi na kailangan pang humiyaw.

Pinapakita niya rin ang posas na nakatali sa kaniyang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan pero

kung hahanapin ay wala namang mabigat na nakayakap sa kaniyang mga kamay. Kung sa bagay,

ang tunay na higpit ay nasa loob ang pagkakatali dahil dito sa atin, tarangkahan ang pagkukunwari.
May nagbabadyang pagtulo sa kaniyang mga mata ngunit walang pagragasa ng alon, bumubulong

lang sa hangin. Kitang kita ko rin kung paano niya himasin ang likod ng anak na kanina pa ang

iyak. Unang hagod, gumuhit sa kalamnan. Sa pangalawa, nabilanggo ang katinuan.. sa bangungot.

Sa huli, mamula-mula at malikot na ang naging balintataw.

Tuluyan nang hinawi ng liwanag ang dilim at nais ko man masaksihan pa ang kanilang

kuwento ay kailangan ko nang magmadali. At sa pagmamadali, mas nakita ko pa ang iba't ibang

mukha ng mundo. Ayos 'to, nasabi ko na lamang sa sarili. Mukhang magiging mabigat ang

gampanin ko sa Sintang Paaralan.

"O maluwag! maluwag! maluwag pa!" Bukod sa maitim na usok ng sasakyan, bumungad sa

akin ang halos mapaos nang lalaki kakatawag ng pasahero. Aakalain mong sana'y na sana'y na

talaga siya sa ganitong bisyo? Madalas akong napapadaan sa lugar na ito at nakaugalian ko nang

huminto saglit upang bumili ng pagkain. Hindi para kainin, kung hindi para may maibigay sa mga

batang nakikipag-patintero sa mga sasakyan upang makapanlimos lang. Ngunit hindi rin ako

nakatagal sa ganoong gawain, nalaman ko rin kasi na ang iba ay nanloloko lang. Bakit naman kasi

ako mag-aaksaya sa isang bagay na alam kong kalokohan lang?

Lumipas ang mga araw, ganoon pa rin naman, marami akong nakakasalubong at

nasasaksihan na tulad ng nakasanayan, maaawa ako pero agad ko rin namang lalagpasan. Kung

minsan ay napapangiti na lamang ako. Hindi dahil sa nagugustuhan ko ang mga nasilayan ko.

Sabihin na lang natin na nakagugulat ang mabilisang pagpihit ng orasan sa buhay ng tao. Maraming

mga pangyayari tayong natutuklasan araw-araw. Marami rin tayong tanong na gustong makakuha

ng kasagutan. Unti-unti tayong nabubuksan tungkol sa iba't ibang pananaw ng nabubulok nating

sistema. Namumulat tayo't nakikiramay sa mga namamatay na ibinabalita sa telebisiyon. At higit


sa lahat, nakabubuo tayo ng isang makatwiran na argumento upang hindi makisakay sa kundiman

ng kabiguan at kapalpakan ng mga taong madalas naghahari-harian.

Hanggang sa isang araw, nakaramdam ako ng bigat. Hindi kasi maiwasan maglaro sa aking

isipan ang imahe ng dalawang taong nakita ko simula pa lamang ng klase. Sa dami ng kwentong

naikuwento ko rito isama mo na ang aking mga nabasa't napakinggan, pakiramdam ko ang kwento

nila ang magiging paborito ko. At ayos, sapagkat matagal tagal na rin bago ako makarinig ng

kakaibang istorya. Balak ko kasing magsulat muli, ngunit wala akong oras. Kung minsan nga'y sa

sobrang pagkaburingot ay nalukot ko ang isang blangkong papel na nakapatong sa lamesa at ang

nakakabinging katahimikan sa apat na sulok ng abandonadong kwartong kinalalagyan ko ang mas

lalong nagpadagdag ng tensiyon sa paligid.

Kinaumagahan, ganoon pa rin naman ang eksena, napangiti ako dahil masasabi kong

kabisado ko na ang daan na binabagtas ko at hindi katulad ng dati madalas ay sumusuot ako sa

kung saan at taas kilay na nagyayabang na hindi na ako naliligaw! At mukhang pabor sa akin ang

pagkakataon sapagkat nabigyan ako ng panahon para makausap 'yung magtatay na nakita ko.

Tubong Guimaras pala ang dalawang ito. Akala ko kasi basta na lamang silang iniluwal ng

masamang pwersa sa kalawakan sabay sinigawan, "Makiisa kayo sa pagdurusa!". Ngunit seryoso

ba? Ang alam ko kasi ang pinakatahimik at pinakamagandang lugar upang pagmasdan ang

pagsikat at paglubog ng araw ay sa Gui. Pero iba ang mababakas mo sa kanilang mukha. Hindi

karanasan ng isang taong nakakita ng liwanag bagkus madilim ang aura. Mukhang baliktad nga

talaga ang mundo.

Minsang nabasa ko rin sa isang aklat na kapag pumunta ka sa Gui, may makikita ka ring

lumang parola, na nagbibigay liwanag na nagmumula sa mga lente at nagbibigay babala sa mga

sasakyang-pangdagat kung may mabubunggo silang sasakyan o malapit na sila sa daungan. Naisip
ko, ang sarap pa lang maging lumang parola sa dilim. Iaalay mo 'yung liwanag mo para sa iba.

'Yung bubuksan mo 'yung mga kamay mo para sa pagragasa ng mga alon. Ang kailangan mo lang

gawin ay maging matapang na sundalong tatanggap sa inaanod nilang karanasan sa paglalakbay

sa kawalan. Pero hindi talaga 'yan ang kuwento sa likod ng mga nakatikom nilang bibig at

nanlulumong mata, gusto ko lang ibahagi sa inyo. Isipin mo na lang na ito 'yung bahagi ng

kuwentong malambing ang pagkakahabi ng mga salita. Na ano mang oras, maaari kang maging

parola sa dilim. Maaari kang maging gabay ng iba upang makarating sila ng maayos sa

pupuntahan.

"Mahabang kuwento kung bakit kami napadpad dito" panimula niya. Gusto kong matawa sa

kakulitan ko dahil halata namang naiilang siya sa mga tanong ko. Sino ba namang hindi? Sa tagal

nila doon, kakaunti lang ang naglalakas loob lumapit at alamin ang kalagayan nila. Napayuko siya,

may nagbabantang pagpatak ng luha. Ito 'yung pinakamahirap sa isang manunulat, 'yung darating

sa puntong kailangan mo nang ilarawan 'yung sakit ng karakter na isinusulat mo. Hindi man ikaw

ang gumaganap ngunit bitbit mo ang sakit. Hinahanap pala nila ang nanay ng bata.

Nakipagsapalaran sa Maynila dala ang pagbabakasakali. May sakit si Tatay, ngunit ang unti-unting

pumapatay sa kaniya ay ang pag-alalang saan niya iiwanan ang anak. Sa mapagmata bang lipunan?

Sa maingay at magulong kalsada? Sa mga nangunguha ng bata? Saan? Alin man, wala siyang

pamimilian.

Pagkatapos nating magtagpo, saan na ba uli tayo bibitbitin ng tadhana? Pagkatapos ang

matagal na paglalakad, bumigat ba ang iyong mga paa? Tanda mo pa ba ang araw-araw na

kumikiliti sa iyong mga mata? Dahil ako, tandang tanda ko pa. Sila 'yung madalas nag-iisa, o

pwede ring may kasama, may nakatayo, nariyan ang nakaupo, minsan nakikita madalas

isinasawalang bahala mo lang sila. Ang pinakapaborito kong parte ng paglalakbay ay yaong mang-
usisa at manghalukay ng istorya at obserbahan sa iba't ibang anggulo ang mundo. Ang

pinakamasarap naman na parte ay yaong sa bandang huli ay may uuwian ka, alam mong mapalad

ka pa rin dahil hindi ka isa sa kanila. Bagkus, ka-isa ka sa laban nila. At ang pinakanakakatakot na

parte 'yung biglang tutunog 'yung hawak mong selpon at makakabasa ka ng "Nasaan ka na raw,

nandito na si Sir"

At ang ending, huli na naman ako sa klase.

Ang tuldok ay isang artikulo patungkol sa teenage pregnancy, nailathala ito pahayagang “Ang
Lambat noong 2016.

Tuldok

Ni Angelica V. Andan

Tuldok. Tuldok. Tuldok.

Pikit, lasap, sarap. Mga hindi naipadamang pangarap sa kalagitnaan ng mga ipinalampas na

sandali ng buhay. Ganyan ko mailalarawan kung paano ako binuo. Ang proseso ng paglikha sa

akin ay nag-uumpisa sa mga katawan nila, sa mga kamay nilang hindi ko man lang maaninag ang

kinabukasan. Muli akong gumalaw sa madilim at masikip na lugar na kinalalagyan ko.

Nakakabingi ang ingay ng paligid, nanghihina ako at kailangan ng pahinga, ramdam ko rin na

maraming parte pa ng katawan ko ang hindi pa nabubuo. Ngunit sabi nila, ganito raw talaga. Ganito

ako magsisimula. Mula sa isang maliit na tuldok, dahil bago pa man makatuntong sa reyalidad ng

mundo, kailangan muna akong manggaling sa kanyang sinapupunan.


Click! Click! "Ito na! Ang ganda pare!" Sigaw ng isang lalaki na katabi ng aking Ina na kagat

pa ang labi. Oo, "Mama" ang tawag ko sa babaeng nagdadala sa akin ngayon at ang lalaking

sumigaw ay si Papa. Kanina pa ako naglilikot at sinisipa ang tiyan ni Mama senyales ng pagkairita,

dahil kanina pa rin ako nasasagi ng mga batang labas pasok sa silid, na puno ng mga magagarang

monitor na lumalabas kung ano man ang maisipan mong i-search. Wag niyo nang itanong kung

paano ko nalaman sapagkat sa araw-araw ba naman ay laman kami ng kwartong ito.

Sa wakas! Makakatulog na rin ako. Gabing gabi na at bilog na bilog ang buwan sa

kalangitan. Katatapos lang nila sa paglalaro at pag-inom ng isang mainit na likidong pumaso sa

akin kanina. Matutuwa na sana ako sapagkat unti-unti na akong nagkakalaman at kaunting

panahon na lang ay maku-kumpleto na ako, ngunit ang hindi ko maintindihan ay bakit pilit akong

sinisira ng aking mga magulang. Hindi ko tuloy maiwasang malungkot. Hindi ko napansin na

tuluyan na ngang nakatulog si Mama nang agad namang pumasok si Lola. Ngunit hindi tulad ng

kapag kaharap niya si Mama, iba ngayon ang kanyang awra. Malungkot, may pagsisisi at

panghihinayang.

"Ano bang nangyayari sa iyong bata ka? Ano pa ba ang pagkukulang namin sa iyo? Nabuntis

ka ng maaga at ngayon ay sinisira mo ang buhay mo kasama ng lalaking pinagsamantalahan ang

kabataan mo?" mahabang litanya niya habang maluha-luhang nakatitig kay Mama. "Alam mo bang

noong kabataan ko ay pag-akyat lang sa puno ang problema namin?" dagdag niya pa. "Sana maisip

mo lahat ng ginagawa mo," huling salita at binuksan ang pinto sabay umalis.

Hindi ko mapigilang maalala noong dumaan kami sa isang eskinita. Nakikita ko pa lamang

ang mga batang masayang naglalaro ng habulan at may pinapalo palo pang iba't ibang kulay ng

tsinelas, parang gusto ko na agad lumabas sa tiyan ni Mama. Ngunit sayang, hindi ko alam kung

bakit nakakaramdam ako ng panghihinayang.


Hindi ko masisisi ang aking Lola sa lahat ng sinabi niya. Sa simula pa lamang ay alam kong

may mali. Alam kong may hindi tama dahil ramdam ko sa loob ang labis na panghihina. Hindi

lang sa pisikal, dahil hindi ko maipaliwanag kung ano nga ba ang mas masakit? Ang mainit na

likido na pumapaso sa akin o ang katotohanan na ang batang biniyayaan ng Diyos ng buhay ay

hindi na masisilayan pa. Ang katuparan ng minimithing pangarap. Paalam Ina.

Pikit, sarap, lasap. Mga hindi naipadamang pangarap sa kalagitnaan ng mga ipinalampas na

sandali ng buhay. Sayang. Sayang at hindi ko man lang narinig ang malamyos na tinig ni Mama.

Sayang at hindi man lang ako nasilayan ni Papa nang maipagmalaki niya na pareho ang kulay ng

aming mga mata. Na sa halip na sa bisig niya ako yumakap ay niyakap ko ang tagulaylay ng tunay

na mundo.

Ang proseso ng paglikha sa akin ay nag-uumpisa sa mga katawan nila, sa mga kamay nilang

kailanman ay hindi ko naaninag ang kinabukasan. Sinubukan kong gumalaw pero hanggang dito

na lang ako. Mama, hanggang dito na lang tayo. Ngunit bago ako tuluyang lumisan, may isa akong

kahilingan. Ipangako mo sa akin na hinding hindi mo ako malilimutan, dahil ikaw? Ikaw lang ang

nasa isip ko. Salamat at kahit papaano ay hindi mo ako hinayaang mabuhay sa mundo na ang

pagtayo sa sariling mga paa ay parang pakikipag-patintero sa karahasan na ang dulo ay impyerno.

Buhay ay langit sa piling niya, na ang kamatayan ang pinaka-magandang regalo.


Ang sa apat na sulok ay isang lathalain at nailathala ito sa Pahayagang Ang Lambat noong
2015 at noong 2017 ay nagkaroon ng pagkakataong basahin ito sa mismong kaarawan ni
Francisco Balagtas sa Bataan.

"Sa Apat na Sulok"

Ni Angelica Andan

Buntong hininga.

Naguguluhan, nakakulong ang sarili sa mga nobelang hindi man lang natuldukan.

Matagal na panahon na rin nang huli kong mailapat ang aking pluma sa papel na kaharap ko

ngayon. Gusto kong magsulat ngunit hindi ako sanay magsulat nang hindi nagsusulat. Sa sobrang

pagkaburingot, nalukot ko ang isang blangkong papel na nakapatong sa lamesa at ang

nakakabinging katahimikan sa apat na sulok ng kwarto kung nasaan ako ngayon, ang mas lalong

nagpadagdag ng tensiyon sa paligid.


Taong dalawang libo't labing walo, buhay na buhay pa sa aking mga gunita ang mga katagang

laging pinapaalala sa akin ni Nanang. "Hindi ka susuko kung hindi mo pa nagagawa ang lahat."-

Para na rin niyang sinabi na huwag kang tatakbo sa sahig na puro bubog kung wala kang suot na

pansapin sa iyong kaliwang paa. Nakakatawa lamang na ang lahat ng iyon ay mananatili na lamang

gabay sa kung anong mararating ko sa kinabukasan.

Noong tumuntong na ako sa ika-20 yugto ng aking buhay, naalala ko yung pinapasuot sa akin

ni Tatang na bestidang kulay asul. Pinagpipilitan kong hindi na iyon kasya sa akin kaya't ang

naisuot ko ay ang regalo sa akin ng kaibigan kong si Rebo. Sa edad kasi na ito, kailangan mo nang

matutuhan na masyadong malawak ang mundo para pagkasyahin mo ang iyong sarili sa bagay na

hindi naman talaga nasusukat para sayo.

Sa eksaktong pagkaihip ko ng kandila, "Maligayang Kaarawan!" salubong na bati sa akin

nila Nanang at Tatang. "Labinlimang taon na ako." Sa pagkakatanda ko rin noon ay may isang

lalaking lumapit sa akin at hinalikan ako sa pisngi kasabay ng sabi niya ng katagang "Mahal kita."

Ang sabi doon sa isang kantang napakinggan ko sa radyo, kapag daw nag kinse anyos na ako, kung

sino ang unang taong magsasabi sa akin ng mga katagang iyan ay paniwalaan ko. Pero ang sabi

ko naman sa sarili, sa edad kong ito, kailangan ko nang makawala sa pantasya ng buhay at

simulang paniwalaan na sa bawat araw na dumaraan, may panibagong lubak na landas akong

matatapakan.

Ayan ang mga bagay na naglaro sa aking isipan. Hinubog ng imahinasyon at dinala ako sa

kinabukasan. Makalipas marahil ng 10 taon ay makikita ko pa rin ang aking sarili na sumusulat sa

isang blangkong papel. Gumagawa ng isang istoryang magdadala sa realidad ng mundo.


Mamomroblema sa tambak tambak na gawain at maghahabol ng oras sa pasahan at aalalahanin

ang nakaraan saba'y isusulat ang isang bagong nobela base sa bilin ni Nanang at Tatang.

Apat na sulok. Sa apat na sulok na ito, sa kwadradong kwartong kinalalagyan ko, dito mismo.

Dito ko isinilang ang aking pangarap at dito ko rin ipupundar ang mga metapora't matalinghagang

salitang papatay at gigising sa apoy ng kasarimlan. Sa apat na sulok na ito isinulat ko ang aking

pangalan bilang isang mahusay na mamamahayag.

Larawan noong kampong Balagtas:

You might also like