Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 8

Kabanata I

BATAS RIZAL BLG. 1425 AT DAHILAN NG PAGKAKAPILI


BILANG BAYANI
Aralin 1: Ang Batas Republika Blg. 1425
Aralin 2: Ang Pamantayan sa Pagpili ng Pambansang Bayani
Aralin 3: Dahilan ng Pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang Pambansang Bayani

Introduksyon

Maligayang pag-aaral sa unang kabanata sa kurso ng buhay at ginawa ni Rizal. Ang kabanatang
ito ay nagbibigay ng talakayan tungkol sa makasaysayang konteksto ng Batas Rizal na nagbibigay daan
sa atin upang mas maunawaan ang mga nilalaman, makatuwiran at kahalagahan ng batas. Tumatalakay
din ito kung ano ang mga pamantayan sa pagpili ng isang pambansang bayani at mga dahilan ng
pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang pambansang bayani.

Layunin ng kabanatang ito ang sumusunod:

1. Mapahalagahan ang pag-aaral ng buhay at akda ni Rizal.


2. Maisa-isa ang nilalaman ng Batas Republika bilang 1425.
3. Matalakay at nakokontekstwalisa ang nakapaloob sa Batas Rizal.
4. Makapagpahayag ng sariling opinion kaugnay ng kontrobersya tungkol sa pagkakapili
ni Rizal bilang bayani.
5. Mahubog ang pagkamakabayan batay sa natutunan.

Aralin 1
Ang Batas Republika Blg. 1425
Kasaysayan ng Batas

Ang Batas Republika Blg 1425 na kilala sa tawag na Batas Rizal ay pinagtibay noong Hunyo 12,
1956, ang nagbibigay ng mandato sa pagkuha ng kursong Rizal.

Si Sen. Claro M. Recto ang orihinal na may akda at unang naghain ng tinatawag na Senate Bill
No. 438 sa Senado. Sinundan ito ng House Bill No. 5561, isang katulad na panukalang inihain ni Rep.
Jacobo Gonzales ng House of Representatives. Subalit nahirapang makalusot ang pinagsamang panukala
dahil sa mga pagtutol, lalo na ng Simbahang Katoliko, dahil ang nilalaman ng mga nobela ay labag sa ilang
doktrina ng Simbahan at maaaring magpariwara sa Katolikong mambabasa.

Nagbanta ang simbahang magsasara ang mga Katolikong paaralan sa Pilipinas bilang protesta
kapag ipinilit ang panukalang batas. Masigasig itong nilabanan ng Simbahan sa mga pahayag sa misa at
sa lathalain. Sa huli, nagkaroon ng isang kompromiso nang dumaan ito sa Lupon ng Edukasyon ng Senado
na pinamumunuan ni Sen. Jose Laurel. Ang kinalabasan ay ang kilala ngayong Batas Rizal. Isina-alang-
alang sa kompromiso ang hindi paglagay sa alanganin at ang kapariwaraan ng mag-aaral sa
pananampalataya dahil sa sapilitang pagbasa ng mga nobela ni Rizal.

Nililiwanag sa puntong ito na ang tinutukoy sa probisyon ng batas ay paglaya sa sapilitang pagbasa
ng mga nobela ni Rizal at hindi mula sa pagkuha ng kurso. Lahat pa rin ng mga mag-aaral, ano pa man
ang relihiyon, ay kianakailangang kumuha ng kursong Rizal para makapagtapos sa kolehiyo.

Ito ay inilathala ni Senador Jose P. Laurel Sr. Ang batas na nabanggit ay ipinatupad ng
Pambansang Kapulungan ng Edukasyon noong Agosto 16, 1956.

Mandato ng Batas

Ang batas ay nagtatadhana ng pagsama sa kurikulum ng lahat ng paaralang pambayan at pansarili


ng kursong nauukol sa buhay, mga ginawa at sinulat ni Jose Rizal lalo na ang kanyang mga nobelang Noli
Me Tangere at El Filibusterismo.

Mabibilang sa nilalaman ng batas ang mga sumusunod:


1. Pagpapabilang ng kursong Rizal. Pagpapabilang ng kursong Rizal na saklaw ang buhay,
mga gawain at mga sinulat ni Rizal, lalo na ang mga nobela niyang Noli Me Tangere at El Filibisterismo sa
kurikulum ng lahat ng mga paaralang pampubliko at pribadong saklaw ng batas ng Pilipinas.

2. Pagbasa ng mga nobela ni Rizal. Pagpapabilang sa talaan ng mga aprubadong babasahin


sa mga paaralan at ang paggamit nito sa mga programang pangkolehiyo sa anyong unexpurgated o orihinal
at kumpletong bersyon ng mga nobela.

3. Pagkakaroon ng kopya ng mga lathalain kaugnay kay Rizal. Paglalagay sa mga silid-
aklatan ng sapat na mga kopya ng mga nobela ni Rizal sa orihinal kabilang ang iba pang mga lathalain ng
mga ginawa at talambuhay ni Rizal.

4. Pagpapalimbag ng mga isinulat ni Rizal. Pagsalin sa Ingles, Filipino, ang mga pangunahing
wika sa Pilipinas ng mga nobela at iba pang mga isinulat ni Rizal at mapalimbag ang mga ito nang mura at
maipamahagi nang libre sa buong bansa.

5. Pagtakda ng walang paglabag. Nililinaw na ang mga ipinag-uutos ng Batas Rizal ay hindi
dapat ipakahulugang pagpapawalang-bisa sa Section 927 ng Administrative Code na nagbabawal sa
pagtalakay ng mga doktrinang pang-relihiyon sa lahat ng pampublikong paaralan.

Layunin ng Batas:

1. Paggunita sa pabunyi sa mga bayani. Bagamat ang batas ay tumutuon sa pag-aaral kay
Rizal, kabilang sa layunin ng batas ang pagpapabilang sa pagtalakay ng mga iniambag ng iba pang mga
bayani.

2. Pagpapaigting sa nasyonalismo. Kalakip ng batas ang layuning payabungin at paigtingin ang


diwa ng nasyonalismo para sa pagtataguyod at pagpapaunlad ng bayan.

3. Pagbuo ng pagkakakilanlan at katauhan. Pagbuo ng tuwid na pamumuhay, disiplina, sa


sarili, at kahusayan sa mga gawaing magbubunsod sa pagkakakilanlang Pilipino.

4. Pagbuo ng kamalayang sibiko. Magkaraoon ng kabatiran at pag-unawa sa mga paksaing


pampulitika, panlipunan, at pang-ekonomiya at pag-ukol ng mga kaisipan at aral ni Rizal sa mga iyon.

5. Pagpapahalaga sa kalayaan. Maipagtanggol at maitaguyod ang kalayaan sa pagpapalaya ng


kaisipan, pagpapaunlad ng sarili, pagsasaliksik ng karunungan at pagsasagawa ng mga bagay na
magdudulot ng pagbabago.

6. Paglinang sa pagkamamamayan. Linangin sa bawat tao ang mga tungkulin ng isang


mamamayan at ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa, gayon din ang aktibong pagharap at positibong
pagtugon sa mga suliranin sa lipunan.

Iba Pang Mga Batas Kaugnay kay Rizal

 Memorandum Order No. 247

Lalo pang pinaigting ang Batas Rizal sa pagpapalabas ng dating Pangulong Fidel V.
Ramos ng Memorandum Order No. 247 noong ika-26 ng Disyembre 1994 na nag-uutos sa
Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon ng Mataas na Edukasyon na tiyaking tumatalima ang lahat
ng mga paaralang saklaw ng R.A. 1425 at pagpapataw ng kaukulang parusa sa hindi pagsunod.

 Dekreto ni Aguinaldo

Ipinag-utos ng dating Pangulong Emilio Aguinaldo ang paggunita sa Araw ni Rizal tuwing
ika-30 ng Disyembre, araw ng kamatayan ni Rizal, noong ika-20 ng Disyembre 1898. Araw din ito
ng pagdadalamhati ng buong bansa; walang pasok sa mga opisina ng pamahalaan at itinataas ang
watawat sa kalahatian ng poste sa tanghali isang araw bago ang Araw ni Rizal. Nailathala ang utos
na ito sa El Heraldo de la Revolucion, opisyal na pahayagan noong ika-25 ng Disyembre 1898.

 Act No. 345

Sinundan ng Act No. 345 ng ikalawang United States Philippine Commission ang utos ng
Pangulong Aguinlado sa pamamahala ni William H. Taft noong ika-1 ng Pebrero 1902. Itinatalaga
rin nito ang ika-30 ng Disyembre bilang Araw ni Rizal at isang pista opisyal. Tagagawa ng batas
na may limitadong kapangyarihang tagapagpaganap sa Pilipinas ang Philippine Commission
noong unang bahagi ng pananakop ng mga Amerikano sa ilalim ni William McKinley.

 Republic Act No. 229

Isang lumang batas ang nadiskubre ng Malacaῆan noong 2012. May petsang ika-9 ng
Hunyo 1948 at nilagdaan ng dating Pangulong Elpidio Quirino ang Republic Act No.229 na may
bisa pa rin ngayon. Dito, ipinagbabawal ang sugal, gaya ng sabong, karera ng kabayo, at jai alai
sa araw ng paggunita sa kamatayan ni Rizal. Kasama sa ipinag-uutos ng batas ang pagtataas ng
watawat ng Pilipinas sa kalahati ng poste sa lahat ng mga pampublikong gusali at mga sasakyang
pandagat tuwing ika-30 ng Disyembre.

 Executive Order No. 292, series of 1987

Sa Section 26, Chapter 7, Book 1 ng Executive Order No. 292, s.1987 o Administrative
Code ng 1987, ginugunita rin ang ika-30 ng Disyembre bilang Araw ni Rizal na isa ring pista opisyal.

 Act No. 243

Isinabatas noong ika-28 ng Setyembre 1901, nagtalaga ang Act No. 243 ng paggamit sa
pampublikong lupain ng Luneta sa Lungsod ng Maynila para tayuan ng bantayog ni Jose Rizal at
paglagyan ng kanyang mga labi. Napili ang Luneta dahil sa kahalagahan sa kasaysayan ng lugar
ng pagkamartir ni Rizal. Idineklara itong Pambansang Museo ng Pilipinas at isang “National Cultural
Treasure” noong ika-30 ng Disyembre 2013.

Sa Daet, Camarines Norte matatagpuan ang kauna-unahang bantayog ni Rizal sa Pilipinas


na may taas na 20 talampakan na idinisenyo ng mason na si Tenyente Koronel Antonio Sanz at
naitayo noong ika-30 ng Disyembre 1898, pitong taon bago inilunsad ang isang pandaigdigang
patimpalak para sa disenyo ng bantayog sa Luneta noong 1905.

Sa 40 kalahok, nagwagi ang Italyanong si Carlos Nicoli (1843-1915) para sa kanyang “Al
Martir de Bagumbayan” (Ang Martir ng Bagumbayan) na may taas na 59 talampakan. Subalit
naigawad ang kontrata sa isang Swiss na si Richard Kissling (1848-1919) sa kanyang “Motto Stella”
(Patnubay sa Tala) na nagkamit ng pangalawang gantimpala. Sinasabing nasunod ang disenyo ni
Kissling dahil mas nakatugon ito sa ilang hinihinging kontrata at pangangailangan mula sa
pamahalaan.

Noong 1908, inumpisahan ang paggawa sa bantayog ni Rizal at pinasinayaan ito noong
ika-30 ng Disyembre 1913. Nagsisilbi na rin ito ngayong musoleyo o libingan ng mga lahi ni Rizal.
Inilipat ang mga labi sa araw ng pagpapasinaya ng bantayog sa ika-17 anibersaryo ng kamatayan
ni Rizal mula sa unang pinaglibingan sa Sementeryo ng Paco na ngayon ay Paco Park.

Sinasabing nakaharap sa kanluran ang bantayog ni Rizal dahil doon din siya nakaharapn
ang barilin; nasa likuran niya ang sumusikat na araw. Maaalalang isa sa mga tauhan ng nobela ni
Rizal, si Elias, ang nagsabing mamamatay siyang hindi man lang natatanaw ang pagsikat ng araw
sa kanyang bayan. Ang poste ng bandila sa Luneta na nakaharap ni Rizal ay nagsisilbing pananda
bilang kilometer zero kung saan nagsisimula ang pagsukat ng layo ng mga lugar sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na bantayog ni Rizal sa Pilipinas na may taas na 22


talampakan ay matatagpuan sa Calamba, Laguna, lugar ng kanyang kapanganakan. Pinasinayaan
ito noong ika-19 ng Hunyo 2011 at sinasabing ang taas ng bantayog ay tumutukoy sa 22 wika na
alam ni Rizal. Maliban sa bantayog ni Rizal sa Pilipinas, makakatagpo rin ng mga bantayog at
pananda niya sa labas ng bansa. Hindi bababa sa 11 ang mga bantayog ni Rizal sa ibayong dagat.

 Act No. 137


Ang lalawigan ng Rizal ay nabuo sa bisa ng Act No. 137 noong ika-11 ng Hunyo 1901
bilang pagkilala na rin sa pambansang bayani. Nabuo ang lalawigan ng Rizal nang pagsamahin ang
mga bayan ng Maynila at distrito ng Morong.

Mga Epekto ng Batas

1. Nangangahulugan na tagumpay ang liberalismo.


2. Naging simula ng puspusang pag-aaral sa buhay, gawa at sinulat ni Rizal.
3. Lubhang dumami ang bilang ng mga kapatiran at mga kasapi nito.
4. Lubhang dumami ang bilang ng mga manunulat tungkol kay Rizal.

Aralin 2
Ang Pamantayan sa Pagpili ng Pambansang Bayani

Pamantayan ng Pambansang Bayani

Noong 1993, ipinag-utos ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagbuo ng Lupon para sa mga
Pambansang Bayani sa pamamagitan ng Executive Order No. 75. Ang layunin ng Lupon ay upang mag-
aral, magsuri at magmungkahi ng mga hihiranging pambansang bayani.

Matapos ang tatlong taon, nakapagbalangkas ang Lupon ng mga gagamiting pamantayan sa
pagpili at paghirang ng mga pambansang bayani. Sa pmantayang binalangkas ni Dr. Onofre D. Corpuz
(1926-2013) mabibilang ang mga sumusunod na pamantayan para sa hihiranging pambansang bayani.

1. Ang mga bayani ay iyong may konsepto ng bayan at mula rito’y naghahangad at nagpupunyagi
para sa kalayaan ng bayan.

2. Ang mga bayani ay iyong nagbibigay-kahulugan at nag-aambag sa isang sistema pamumuhay


nang may kalayaan at kaayusan.

3. Ang mga bayani ay iyong nag-aambag sa kalamidad ng kabuhayan at tadhana ng bayan.

Batay sa pamantayan ni Dr. Alfredo Lagmay, idinagdag ang mga sumusunod:

1. Ang isang bayani ay bahagi ng ekspresyon ng mga tao.

2. Inaalala ng isang bayani ang kinabukasan, lalo na ng susunod na salinlahi.

3. Hindi lamang pagsasalaysay ng isang bahagi o mga pangyayari sa kasaysayan ang pagpili ng isang
bayani, kundi ang kabuuang proseso na nagtuklas sa isang tao na maging bayani.
Batay sa mga pamantayan nina Corpuz at Lagmay, siyam na pangalan ang iminungkahi ng Lupong
Teknikal ng Lupon para sa mga Pambansang Bayani. Ang pinangalanan ay sina:

1. Jose Rizal
2. Andres Bonifacio
3. Emilio Aguinaldo
4. Apolinario Mabini
5. Marcelo H. del Pilar
6. Sultan Dipatuan Kudarat
7. Juan Luna
8. Melchora Aquino
9. Gabriela Silang

Hindi na natugunan ang mga pangalang nauna nang isinumite ng Lupon noong 1995 at hindi na
muling binalikan pa ang usaping maaari pa ring madagdagan at pagtalunan. Ngunit sa kanilang mga
nagawa at naiambag sa pagtatatag ng bayan at pagtatanggol sa kalayaan ng bansa, inilaan sa kanila ang
mga parangal at pagkilala sa pamamagitan ng araw ng paggunita at pagtatayo ng bantayog alay sa kanila,
bagamat hindi opisyal ang pagkilala sa kanila.

Hindi Opisyal

Wala pang opisyal na deklarasyon o proklamasyon sa pamamagitan ng batas na kumikilala sa


isang partikular na tao bilang pambansang bayani, bagamat may ilang batas na nagtatakda ng mga araw
bilang pambansang kapistahan para gunitain ang mga sumusunod:

1. Araw ni Rizal. Ginugunita tuwing ika-30 ng Disyembre ang pagpanaw ni Jose Rizal. Ito ay itinakda
ng proklamasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong ika-20 ng Disyembre 1896 para gunitain
ang kabayanihan at pagkamartir ni Rizal sa pagdulot ng pagkakakilanlang Pilipino at kamalayang
makabayansa mga tinatawag na indio ng mga Espanyol.

2. Araw ni Bonifacio. Ginugunita tuwing ika-30 ng Nobyembre ang kapanganakan ni Andres


Bonifacio. Itinakda ito ng Act No.2946 noong ika-16 ng Pebrero 1921 para gunitain ang
kabayanihan at ambag sa kasaysayan ng supremo ng Katipunan sa paglulunsad ng unang
himagsikan laban sa mga mananakop.

3. Araw ni Ninoy Aquino. Sa bisa ng Republic Act No. 9256 na naisabatas noong ika-25 ng Pebrero
2004, itinakda tuwing ika-21 ng Agosto ang paggunita sa anibersaryo ng pagkamatay ni Benigno
“Ninoy” S. Aquino Jr.

4. Araw ng mga Bayani. Ginugunita tuwing huling araw ng linggo ng Agosto. Itinakda ito ng Act No.
3827 noong ika-28 ng Oktubre 1931 para gunitain ang kadakilaan at kabayanihan ng mga bayaning
Pilipino sa kanilang pagmamalasakit at pag-aalay ng sarili.

Bagamat sinasabi rin na si Rizal ang napili at ipinatangkilik ng mga Amerikano bilang pambansang
bayani ng mga Pilipino, hindi pa rin ito maituturing na opisyal na deklarasyon o proklamasyon sapagkat
walang tahasang binabanggit na si Rizalk ay isang opisyal na pambansang bayani sa anumang batas na
ipinatupad ng mga Amerikano o sa ilalim ng pamamahalang Amerikano sa Pilipinas.

Mababasa ang pahayag ng Amerikanong Gobernador Sibil William Taft sa The Free Press na may
petsang ika-28 ng Disyembre 1946, na napili si Rizal bilang pambansang bayani ngunit walang tinutukoy
na batas na batayan ng opisyal na pagkilala. Sa gayon maaaring pumili, pangalanan, at ihayag ang sino
man bilang pambansang bayani kahit walang tahasang pagtukoy at pagkilala ng batas, ngunit, hindi ito
maituturing na opisyal.

Ang pagkakaroon ng bantayog o pagtakda ng batas ng natatanging araw ng paggunita o parangal


sa itinuturing na pambansang bayani, maging ito man ay si Rizal o Bonifacio, o sino man, ay hindi
nangangahulugan ng opisyal na pagkilala. Bagamat kinikilala, sa pamamagitan ng mga iyon, ang
pagkadakila o pagkabayani ng isang tao, ang pinakapunto pa rin ay ang kawalan ng tahasan at opisyal na
pagkilala ng isang natatanging batas.

Kung tutuusin, hindi naman kinakailangan ng isang batas para maghirang ng mga pambansang
bayani sapagkat ang pagkilala bilang pambansang bayani ay nasa mga tao.
Dapat malaman na ang sakripisyo ni Rizal ay hindi lang ang pagbubuwis ng buhay dahil ang buong
buhay ay inialay na niya sa isang misyon para sa bayan. Pumanaw si Rizal nang walang itinira sa sarili
maliban sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa tinubuang lupa.

Aralin 3
Dahilan ng Pagkakahirang kay Dr. Jose Rizal bilang Pambansang Bayani

“American-sponsored” o Sariling Atin

Sinasabing ang mga Amerikano ang pumili at humirang kay Rizal bilang pambanssssang bayani
ng mga Pilipino. Nangyari ito sa panahon ng Second Philippine Commission na kilala rin bilang Taft
Commission na pinamumunuan ni William H. Taft noong 1901.

Mayroong pulitikal na layunin at interes ang mga Amerikano sa pagpili kay Rizal. Anim ang
pangalang pinagpilian ng Taft Commission: Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario
Mabini, Antonio Luna at Marcelo H. del Pilar. Ginamit na pamantayan ng Komisyon ang mga sumusunod:
(1) isang Pilipino; (2) Pumanaw na; (3) Maigting ang pagkamakabayan; at (Mahinahon).

Tanggal na agad si Aguinaldo dahil buhay pa siya nang panahong iyon. Gusto ng mga Amerikano
na pumanaw na ang isang hihirangin para wala nang maidulot na kasiraan sa kanyang pagkatao o
pagkakataong magbago ang kanyang adhikain o di kaya ay kalabanin ang pamamahala ng Estados Unidos
sa Pilipinas.

Alanganin ding mapili sina Bonifacio, Luna at Mabini na pawang naging bahagi ng himagsikan.
Iwas ang mga Amerikano sa pagpili sa mga rebolusyonaryo sapagkat ito ay mapanganib sa pananatili ng
mga Amerikano sa Pilipinas. Samantala, si Del Pilar bagamat makabayan ay hindi raw kasing igting na
gaya ni Rizal. Sa madaling sabi, pabor sa mga Amerikano ang pagkakapili nila kay Rizal para na rin sa
pagpapahinahon at asimilisasyon ng Pilipinas.

Ang ginawa lamang ng mga Amerikano ay isang kumpirmasyon na si Rizal ang nakita nilang
ipinagbubunyi ng mga Pilipino. Halimbawa na lang ang pagkilala kay Rizal ng Katipunan sa pangunguna
ni Bonifacio at ng Unang Republika ng Pilipinas sa pamumuno ni Aguinaldo. Samakatuwid, ang mga
Pilipino at hindi mga Amerikano ang unang kumilala kay Rizal. Pinagtibay pa lalo ito ng mga sumunod na
salinlahi ng mga Pilipinong tumanggap kay Rizal bilang pambansang bayani nang kusang loob at hindi
ipinilit ng mga Amerikano.

Kinilala ng Katipunan si Rizal bilang pangulong pandangal bagamat hindi siya kaanib sa samahan.
Mataas ang pagpapahalaga kay Rizal ng Katipunan na pinamumunuan ng supremo nitong si Andres
Bonifacio, isa sa mga nagtatag ng lihim at rebolusyonaryong samahan. Halimbawa nito ang paggamit ng
Rizal bilang password para sa mga kaanib na may antas na bayani sa loob ng samahan.

Sinasabi ring winawakasan ang mga pagpupulong sa masiglang sigaw ng “Mabuhay si Dr. Jose
Rizal!”. Nang ibunyag ni Teodoro Patiῆo, isang kawani ng pahayagang Diariong Tagalog, ang tungkol sa
Katipunan, nakitaan ang kawanihan ng larawan ni Rizal nang halughugin ng mga kinauukulan.
Nang ipatapon si Rizal sa noo’y distrito ng Dapitan sa lalawigan ng Zamboanga Del Norte, isinugo
ni Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela para isangguni kay Rizal ang planong himagsik ng Katipunan.
Ang pakikipagkita ay patunay na mahalaga kay Bonifacio ang palagay at gabay ni Rizal sa kilusan. Ang
pagpatay kay Rizal ay nagsilbing gatong para lalong mag-alab ang mga tao sa himagsikan. Gaya ng isang
sasakyan, si Bonifacio ang nagpatakbo ngunit si Rizal ang langis na kinailangan para sa sasakyan ay
umandar sa umpisa at para hindi huminto ang pagtakbo nito.

Ang kabayanihan at pagkamartir ni Rizal ay kinilala rin ni Pangulong Emilio Aguinlaldo nang itakda
niya ang ika-30 ng Disyembre sa paggunita kay Rizal. Unang ginunita ang araw ng pagbubunyi sa
kabayanihan at pagkamartir ni Rizal noong 1898, dalawang taon pagkatapos siyang sentensiyahan ng
kamatayan at barilin.

Sa panahon ng mga Amerikano, marami sa mga ulat ng kaguluhan ay nabanggit ang pangalan ni
Rizal, ayon kay Reynaldo Ileto, propesor ng Mga Araling Timog-Silangang Asya sa Pamantasang
Pambansa ng Singapore. Patunay lamang na si Rizal pa rin ang diwa ng mga pakikibaka laban sa mga
Amerikano pagkalipas ng mga Espanyol.

Kung tutuusin, pawang mga pambansang bayani ang iba pang mga pangalan sa kasaysayn ng
Pilipinas. Nagkataon lang na sa lahat ng mga pambansang bayani, si Rizal ang naturingang pangunahin
sa kanila. Ang diwa ng pagiging “pambansang” bayani nila Rizal at Bonifacio ay nangangahulugang
kinikilala sila ng mga Pilipino sa pangkalahatan at ipinagbubunyi sa kanilang ambag sa paglilingkod sa
bayan.

Sina Rizal at Bonifacio ay parehong may ginawa para makamit ang kalayaan at hindi maaaring
sabihin kung sino sa kanila ang mas dakila sapagkat hindi makakamit ang kalayaan kung wala ang isa sa
kanila. Kung baga, si Rizal ang nagtanim ng binhi at si Bonifacio ang nagdilig nito, at ang mga salinlahi ng
mga Pilipino ang pumitas ng prutas. Si Rizal ang gasoline na kailangan upang umandar ang sasakyan, at
si Bonifacio naman ang nagmaneho papunta sa destinasyon na kung iisipin ay narating natin dahil sa
kanilang dalawa.

Sa kasaysayan, may tao na nagpasimula ng mga bagay na siya naming isinasagawa ng isa pa at
ipinagpapatuloy ng mga kasunod pa. Kaya ang lahat ng mga gumanap sa kasaysayan ay may kanya-
kanyang mahalagang tungkulin at gampanin. Hindi maaaring isantabi ang ambag ng bawat isa.
Konklusyon

Ang Batas Republika Blg 1425 na kilala sa tawag na Batas Rizal ay pinagtibay noong Hunyo 12,
1956, ang nagbibigay ng mandato sa pagkuha ng kursong Rizal. Ang batas ay nagtatadhana ng pagsama
sa kurikulum ng lahat ng paaralang pambayan at pansarili ng kursong nauukol sa buhay, mga ginawa at
sinulat ni Jose Rizal lalo na ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.

Noong 1993, ipinag-utos ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagbuo ng Lupon para sa mga
Pambansang Bayani sa pamamagitan ng Executive Order No. 75. Ang layunin ng Lupon ay upang mag-
aral, magsuri at magmungkahi ng mga hihiranging pambansang bayani.

Mayroong pulitikal na layunin at interes ang mga Amerikano sa pagpili kay Rizal. Anim ang
pangalang pinagpilian ng Taft Commission: Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario
Mabini, Antonio Luna at Marcelo H. del Pilar. Ginamit na pamantayan ng Komisyon ang mga sumusunod:
(1) isang Pilipino; (2) Pumanaw na; (3) Maigting ang pagkamakabayan; at (Mahinahon).

You might also like