(SNYSY) Mukha by Prospero Covar

You might also like

Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 7

MUKHA

Ni: Prospero Covar

Panimula
May iba’t ibang mukha ang Pilipino.
Sa mukha nasasalamin
Ang samo’t saring karanasan.
Salamin ng buhay ang mukha.
Makulay ang buhay Pilipino.

Binhing pinagyaman
Kagyat mukhang Pilipino
Mahirap ipinta
Katutubong binhi
Nalahian ng mga taga:
China, India, Europa,
Africa, America, Central Asia,
Far East, Southeast Asia,
Marami pang iba.

Mayabong ang lahing Pilipinong


Pinagbinhian ng dayuhang semilya.
Matibay ang ating naturalesa,
May likas na pananggalang
Sa mga sakit na dala
Ng bagong teknolohiya.

Mga bahagi ng Mukha


May sari-sariling kakanyahan
Sa mukha nababanaag
Ang agus-os ng buhay.
Nakaguhit sa mukha
Ang damdami’t kalooban
Pagkataong nililok
Ng kulturang karanasan.
Bawa’t bahagi ng mukha
May sari-sariling kakanyahan:
Noo, kilay, pilik, mata,
Ilong, bibig, baba,
Magkabilang pisngi
Na kay ganda
Tampulan ng paghanga
Ng magulang at balana.
Noo
Malapad ang noo -- matalino
Makitid ang noo -- makitid ang isip.
Kunot ang noo -- malalim ang suliranin
Taas noo -- matibay ang paninindigan.

Kilay
Makapal, kalat, waring iginuhit
Aregladong kilay.
Salubong ang kilay -
Matapang, galit, mainitin ang ulo.
Taas kilay -
Suplada, isnabera.

Mata
Nangungusap ang mata
Ayon sa laki, hugis, kulay,
Galaw, tingin at damdam.

May matang malaki


At may maliit din.

May dilat, mulat, pikit,


At kukurap-kurap.

May singkit, dilat, kirat at mapungay;


May banlag, duling, at sulimpat.

May malabong mata


May malinaw din.

May matang bulag;


May nakakakita.

Mata ay may kulay:


Ulandes, itim, bughaw.

Mata ay may pilik:


Maikli, mahaba, malantik.

Tingin ay marami:
Titig, sulyap, irap.
Pakahulugan
Sanglibo, sanglaksang ulirat.

Kilatis na pagtingin -- panukat ng pagkatao.


Malagkit na tingin -- may pag-ibig na ipinararating.
Nakatutunaw na tingin -- tinging may tangka.
Tinging para kang hinuhubaran -- nanunukso,

Matang mapang-akit -- magiliw.


Matang mapanuyo -- nakikiusap.
Matang mapanudyo -- palabiro.
Matang mabalasik -- matapang at galit:mapusok.
Matang nanlilisik --papatay ng tao.
Nakangiting mata -- kaligayahan.
Namumungay ang mata -- inaantok, nanghahalina.
Kumikislap ang mata -- malaki ang pag-asa.
Luhaang mata -- kalungkutan at siphayo.
Namumuti ang mata -- nahihintakutan; matagal na pag-aantay.
Namumula ang mata -- nalulumbay; nangungulila.
Nangingitim ang gilid ng mata -- puyat
Nangingilid ang mata -- nahahabag.
Nangangalumata -- nanghihina, may karamdaman.
Umiikot ang mata -- hinihimatay; sinasapian; malikot.

Mata, mata, mata,


Bintana ng Pilipinong kaluluwa.

Ilong
May matangos ang ilong
May pangong ilong,
May ilong na gumagapang
Sa pisngi.

Pang-singhot, pang-singa,
Pang-bahin, pang-hatsing,
Katulong na bahagi
Sa paghinga.
Pang-amoy.

May ilong na nangingintab


May parang lorong ilong.

Bibig
Makati’t maluwang ang bibig -- dalahira.
Maliit ang bibig -- tahimik.
Sara ang bibig -- naglilihim.
Ngiwi ang bibig -- may tampo
Bukang bibig -- karaniwang kasabihan.
Mabangong bibig -- sanggol o gumagamit ng Clorets.
Mabahong bibig -- bad breath.
Maduming bibig -- masamang magsalita.

Labi
May labing makapal
At may manipis din.
Kulay ay maputi,
Maputla, maitim.
Labing may gatas pa -- walang karanasan, musmos.
Labing may mantika -- ipinanganak na mayaman.
Ang palabi-labi -- nagmamaktol.
Nanginginig ang labi -- giniginaw, natatakot, ninenerbiyos.
May labing ginagamit sa loving-loving.

Dila
Di pang-lasa lamang
Ang gamit ng dila,
Ito’y kasangkapan
Sa pagsasalita.
May padila-dila,
At may nandidila.

May dilang matalas -- masakit magsalita.


May mahabang dila -- naglulubid ng balita.
May malapad ang dila,
At may maikli rin.
Mayroong nawawalan ng dila --
Umid.

Ngipin
Ngipin ay pangkain,
Pagpapaganda rin:
Pantay-pantay,
Sungki-sungki,
Bungi-bungi.

May maputing ngipin


May dilaw na ngipin
May ngiping marumi
Tinga’y kapansin-pansin.

May buo ang ngipin


May pustisong ngipin
May ngiping may ginto
May ngiping may pasta
May porcelanang ngipin.
Ang ngipin ay:
Nagngangalit,
Ikinakagat; ikinakain;
Nanggigigil.

May ngiping matibay


May ngiping marupok.
Taong nagngingipin:
Ngipi’y nalalaglag,
Sumasakit,
Kumikirot.

Nguso
Ang nguso ay labing
Gamit na pangturo.
Patis paki-abot,
Sumutsot, ngumuso.

Baba
Mahabang baba -- babalu.
Sandok ang baba -- sandoy.
Pangahan -- Tsino-Malayu.

Pisngi
May pisngi ang langit,
May pisngi ang mga manga,
Magkabilang pisngi
Sa mukha ng tao
Ay kaaya-aya.

Sa pisngi idinadampi ang halik,


Sa pisngi ipinaaabot ang sampal.
Magkabilang pisngi,
Magkabilang halik,
Mag-asawang sampal.

May pisnging malapad.


May pisnging matambok.
May pisnging kuyapis.
May pisnging kulubot.
May pinong pisngi
At may magaspang din.
Sa darang ng araw
Pisngi’y namumula.

Sariling Kakanyahan ng Mukha


Mukha… pinagsama-samang:
Noo, kilay, pilik, mata,
Ilong, bibig, labi, dila,
Ngipin, nguso, baba,
Magkabilang-pisngi,
Mukha.

May sariling kakanyahan


Ang mukha:
Maganda – pangit
Maaliwalas – madilim
Mapintog – kulubot
Masaya – malungkot
Maamo – matapang
Mabait – may kabagsikan
Pino – garapal
Lantad – di hayag
Hayag na mukha – walang itinatago
Walang mukhang ipakita – kahiya-hiya
Mahiyaing mukha – shy
May itinatagong mukha – may lihim
Pamukha – balatkayo
Dalawang mukha – harap at likod
Nakatatakot na mukha – kilabot

Kamukha, kaparis, kawangis:


Mukhang birhen
Mukhang anghel
Mukhang aswang
Mukhang satanas
Mukhang kabayo
Mukhang matsing
Mukhang “only a mother can love.”

Pagkataong Pilipino,
Nababanaag na Mukha

Pilipinong mukha
Mukhang nangungusap
Karanasa’y pinagyaman
Ng iba’t ibang bahagi
At sangkap.
Di nagkukuyom:
Isinisiwalat,
Ibinabahagi,
Itinatanyag.
Pilipinas
Bansang Pinagpala
Ng Mangitiing
Mukha.

You might also like