Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Tutubi

ni Jay Lloyd B. Carnaje

Nabaling ang tingin ko sa mahinang pagsayaw ng banig na luntian sa saliw ng ihip ng hangin. Pero mas nakapukaw ng aking atensyon

ang isang asul na tutubing lumilipad sa harap ko. Kumikislap sa sikat ng araw ang asul na balat nito. Sa bawat pagaspas ng mga pakpak nito’y tila

nag-iiwan ng nagkikislapang asul na alikabok sa hangin. Tila may kakaiba sa organismong ito, lalo pa’t dumapo ito sa daliri ko at humarap sa akin.

Tinitigan ko ito ng maigi. Nakikita ko ang aking repleksiyon sa maliliit nitong mga mata. Animo’y may dalang hipnotismo ang bawat paggalaw ng

insektong ito. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, para bang nagkahalu-halo na lahat ng aking mga emosyon. Ginugulo ng tutubing

ito ang aking isipan. Hindi ito natinag sa aking daliri, itinaas nito ang kanyang mga pakpak at umakmang lilipad... Nagpaikot-ikot sa apat na sulok

ng aking kwarto habang sinusundan ng namamangha kong mga mata. Hindi ko namalayang tuluyan na akong nalunod sa kahiwagaang dala nito...

Napapikit ako.

Bigla akong napamulat ng tumama sa aking mga mukha ang nakakasilaw na ningning ng silahis ng araw. Pilit kong idinilat ang antok ko

pang mga mata. Napatingin ako sa maliit na orasang mabilis na umiikot ng pabaligtad. Para bang nilamon ako ng kahiwagaan dala ng ilusyong ito.

Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa aking balat ngunit napapawi ito ng mahalumigmig na haplos ng hangin mula sa kakahuyan at sa mga

mahalimuyak na ligaw na bulaklak na tumutubo sa paligid. Iginala ko ang aking paningin.

Nakikita ko mula sa aking harapan ang mabilis na pagpula ng langit at ang araw na unti-unting kumukubli sa pusod ng luntiang parang...

Sa mabilis na paghudyat ng takipsilim, kasabay ang mga huni ng kuliglig sa paligid, natanaw ko ang langay-langayang nagsisiliparan sa langit.

Kapayapaan. Kamusmusan. Kagandahan. Paraiso. Pag-ibig… Isang panaginip.

May isang babaeng biglang lumitaw sa aking harapan... Nakaputi siya at naglalakad sa damuhan. Katamtaman ang taas at may mahabang

buhok... Nakikita ko ang maganda niyang mukha sa maliit na liwanag ng papalubog na araw... Nakangiti siyang humarap sa akin...

“Ako ang iyong daigdig..” sabi niya.


Parang isang awiting paulit-ulit na tumututog sa aking tenga ang tinig niya. Unti-unti siyang lumapit. Napansin ko ang kwintas niyang

may perlas at nasilaw ako sa marangya nitong kinang. Hinawakan ko ito ngunit biglang nagbago ang emosyon sa kanyang mukha. Ang dating ngiti

ay napalitan ng galit. Itinulak niya ko at tumakbo siya palayo.

Kasabay ng kanyang pagtakbo ay ang pagkalagas ng mga bulaklak at pagkatumba ng mga puno sa harap ko. Binalot ng dilim ang paligid

at ang nagliyab ng langit. Tumubo ang mga gusali at napuno ng usok ang paligid. Naging itim ang tubig na dating bughaw tulad ng langit. Napatid

ang babae at natumba sa di kalayuan. Nilapitan ko siya. Nakikita ko sa kanyang mga mata ang sakit at ang pagmamakaawa. Napaluha ako habang

nakikita ko ang pagdaloy ng dugo sa sugatan nitong katawan.

Maraming sugat. Malalim na mga sugat. Nakaramdam ako ng awa. Matinding awa.

Bigla akong nakaramdam ng paninikip ng dibdib. Nabitiwan ko ang walang malay na babae at pilit sinisisid sa kaibuturan ng aking

pagkatao ang aking nararamdaman. Nasusuka ako. Namimilipit sa sakit. Naduwal ako at lumabas mula sa aking sikmura ang iba’t ibang basura at

ang patay na asul na tutubi. Bumuga ako ng maitim na usok. Tumakbo ako ng hindi alam ang patutunguhan. Naapakan ko ang mga binhing

maaaring tumubo pa. Napatigil ako. Naramdaman ko ang malamig na perlas sa aking nakakubling palad na hindi ko pagmamay-ari. Itinayo ko ang

mga batong tore na maaaring dumagan sa akin. Napuno ang isip ko ng iba’t ibang bagay.

Kaguluhan. Pagkagahaman. Pulosyon. Paggunaw. Kamatayan…

Nagising ako. Nagising sa katotohanan. Doon ko lang napagtanto ang isang bagay na nakapagtatakang hinding-hindi sumagi sa aking

isipan…

Siya ang mundo at ang Kalikasan. Ako ang tao, ang gahaman at ang sakim.

May patay na babae sa harap ko at hawak ko ang patalim.#

You might also like