Posisyong Papel (Grupo)

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 6

Alana, Kate Trisha T.

Setyembre 22, 2020


De Guzman, Melvin R. AC301
Gañac, Mary Jane G.

Paksa: Mas maraming (bentahe o disbentahe) sa mga local na pamayanan ang turismo
sa kalikasan (nature tourism)

Maraming magaganda at kakaibang tanawin ang nais na mapuntahan. Iba’t ibang


kultura ang natutuklasan at masasarap na pagkain ang natitikman. Ito kalimitan ang
nararanasan sa paglalakbay o pamamasyal sa iba’t ibang lugar lalo na sa ating bansa na hindi
lang kilala sa pagkakaroon ng maraming likas-yaman kundi pati na rin sa pagkakaroon ng
mayaman na kultura at kasaysayan. Ang turismo ay tumutukoy sa paglalakbay ng mga tao sa
iba’t ibang lugar. Ito ay nagsisilbing libangan at nakapagbibigay ng dagdag na kaalaman
patungkol sa mga lugar na kanilang binibisita. Ang turismo ay nagbibigay rin ng oportunidad
upang mahikayat ang mga negosyante na mamumuhunan sa isang bansa.
Nakakatuwang isipin na sinusuportahan ng ating pamahalaan at ng iba pang mga
pribadong sektor ang turismong pangkalikasan ng bansa. Mayroon pondo na itinakda ang
gobyerno upang mapaganda, maisaayos, malinis, at maprotektahan ang mga pook-pasyalan na
ito. Noong taong 2018, ang Departamento ng Turismo at ang Tourism Promotion Board ay
nagbago ng stratehiya kung saan mas bibigyang pansin ang pagtataguyod ng turismo sa
Pilipinas. Ang layunin nito ay mahikayat ang mga turista na dumarayo sa Pilipinas na manatili
nang mas matagal at mabigyan ng mas magandang karasanan habang sila ay nasa bansa. Isa
na nga dito ay ang programang "Build, Build, Build" ng gobyerno na kung saan malaki ang
maitutulong sa turismo ng bansa [ CITATION Cag18 \l 13321 ]. Mula dito, makikita natin na tunay
na mahalaga ang turismo at talaga namang nagdudulot ito ng maraming bentahe hindi lamang
para sa bansa kundi lalo na sa mga pamayanan kung saan matatagpuan ang mga lugar na
dinarayo ng mga turista.
Ngunit sa kabila ng mga benepisyong dulot ng turismo, hindi pa rin maiiwasan ang ilang
argumento na hindi pabor sa pagpapalawig at pagtangkilik dito. Kasama na rito ang isyu ng
relokasyon na ikinababahala ng mga lokal na nakatira mismo sa lugar ng turismo o kahit na sa
paligid nito. Tunay na may mga ganitong pangyayari na ang naganap sa bansa ngunit ito ay
hindi dapat na ikabahala sapagkat ang solusyon dito ay imbis na ilipat ang mga local at kanilang
kabahayan ay maari silang maging parte na rin ng turismo. Isang pagpapatunay dito ay ang
isinagawang proyekto ng DOT-Cordillera Administrative Region’s Rev-Bloom (Rev-up, Revive,
Revisit, Revitalize) Urban Redevelopment Tourism Program katulong ang lokal na gobyerno, at
iba pang isponsor, sa isang maliit na burol sa abalang sulok na naghihiwalay sa Lungsod ng
Baguio at La Trinidad, Benguet na dati ay mistulang walang buhay, ngunit ngayon ay isa na ring
atraksyon. Ang mga bahay na nakatayo sa parteng ito ay pininturahan at ginawan ng mural at
mas kilala na ngayon sa tawag na The Color of Stobosa na naging isa na sa pinakasikat na
pinupuntahan ng mga turista. Sa pamamagitan nito hindi napaalis ang mga lokal at nakatulong
pa ang proyektong ito sa pagpapaunlad ng turismo sa kanilang lugar (Lakwatsero, 2020). Isa
pang bentahe nito ay maaring mabibigyan ng oportunidad ang mga naninirahan sa mga
pasyalan sa simpleng pagtatayo ng mga kaininan, tindahan o sari-sari store, at souvenir shop
para makatulong upang mayroon silang pagkakitaan.
Isa pang ikinababahala ng mga mamayan natin ay ang pagiging mas maingay, ma-ilaw,
at pagdami ng hindi pamilyar na mukha o tao sa kapaligiran na maaring makagambala sa
kanilang pamumuhay sa araw-araw. Isa sa mga paraan ng ating gobyerno patungkol dito ay
ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9593 na naglalaman ng mga patakaran at regulasyon
na naglalayong maprotektahan at mapaunlad ang turismo ng bansa kasabay ng mga
naninirahan dito[CITATION Off09 \l 1033 ]. Halimbawa na lamang pagpunta sa isang bundok sa
Kalinga Province na kung saan ay matatagpuan ang huling Mambabatok na si Fang-od na kilala
rin sa tawag na Whang-od. Siya ay nakatira sa liblib at masukal na parte ng bundok at patuloy
na ginagamit ang dati pa nilang gawi sa pamumuhay. Ayon sa mga gabay sa paglilibot (tour
guide) ang mga nakatira sa Kalinga ay may matatapang na personalidad. May kasabihan pa
ngang, “Pag masagasaan mo ang isang manok, hindi nila pababayaran ang manok, ang
magiging anak ng manok at magiging anak ng mga anak ng manok”, na ang ibig sabihin ay
huwag kang gumawa ng ikagagalit nila dahil hindi lamang isang tao ang makakalaban mo.
Kung kaya naman ang napag-usapan ng mga tao sa lugar nito pati na ng mga turista ay ang
pagkakaroon ng mga paalala at mga alintuntunin para sa mga dadayo upang sa gayon ay hindi
sila makagambala sa pamumuhay ng mga taong nakatira roon. [CITATION Kat14 \l 1033 ] Dahil
na rin sa dami ng turista hindi maiiwasan na ito ay maging mapanganib sa kalusugan ng mga
lokal na mamayan sa lugar. Lalo na sa panahon ngayon na laganap sa buong mundo ang sakit
na dulot ng Coronavirus. Hindi maikukubli na doble ang pag-iingat na isinasagawa ng bawat isa.
Apektado nito ang mga taong mahilig maglakbay ngunit hindi naman matatapos dito ang
pagpapatuloy ng turismo dahil may inilabas na mga alituntunin ang Departamento ng Turismo
patungkol sa mga dapat gawin at sundin upang makabiyahe sa loob ng bansa at maipagpatuloy
pa rin ang turismo sa ligtas na paraan. Ang pagsusumite ng Health Declaration Form,
pagdadala ng alcohol, pagsusuot ng pantabing sa muka, bibig at ilong ay ilan lamang sa mga
paraan upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat isa, turista man o mga naninirahan sa
mga lokal na pamayanan.
May mga nagsasabi rin na ang turismo ay isa sa mga dahilan kung bakit tuluyan nang
nawawala ang kultura ng iba nating mga kababayan sa iba't ibang lugar sa bansa. Sa konteksto
ng turismo, ang salitang kultura ay maaring tumukoy sa mga tao at mga katangian nila, mga
tradisyon at ang kanilang pamumuhay sa araw-araw na nagpapakita ng kanilang pagkakaiba sa
iba pang grupo ng tao [CITATION Mik06 \l 13321 ]. Dagdag pa ng United Nations Educational,
Scientific and Cultural Organization (UNESCO), hindi lamang nararanasan ang kultura ng isang
lugar sa mga gusali at kapaligiran kundi nararanasan din ito mula sa pakikipag-ugnayan sa mga
taong nakatira sa lugar na iyon. Ang mga pag-uugali at mga gawi ay sumasalamin din sa mga
kulturang ipinasa mula pa sa kanilang mga ninuno na hinulma ng panahon at siyang nakikita
natin ngayon. Sa patuloy na pagdami ng mga dayuhan na bumibiyahe papunta sa Pilipinas,
kaakibat nito ang hindi maiiwasan na pagdaloy ng kultura mula sa ibang panig ng mundo
patungo sa atin. May katotohanan naman ang mga pahayag na ito ngunit hindi natin maaring
gawing basehan ito upang masabi na ang turismo ay nakasasama sa ating mga lokal na
pamayanan. Kung ang kultura ng mga banyaga ay dumadaloy patungo sa ating lipunan, maari
rin nating padaluyin ang sarili nating kultura at paniniwala patungo sa kanila. Maraming mga
tanawin at pook-pasyalan ang ating bansa at isang halimbawa na lamang ang Mount Maculot
sa Cuenca, Batangas. Sa bundok na ito, mayroong tatlong destinasyon--Rockies, Summit, at
Grotto--na maaring puntahan. Sa pag-akyat papuntang Grotto, madadaanan ang hagdanan na
mayroong 1000 hakbang kung saan ay makikita rin ang 14 na istasyon na tinatawag na Daan
ng Krus. Ang Grotto ay dinadayo rin ng mga deboto tuwing Semana Santa upang manalangin at
sariwain ang sakripisyo ng Panginoon [ CITATION Bal18 \l 13321 ]. Dito pa lamang ay naipapakita
na ang pagiging relihiyoso ng mga Pilipino. Ang pagpapakita ng kaugalian na ito sa isang pook-
pasyalan ay nakatutulong para sa mga dayuhan upang mas lalo pa nilang maintindihan ang
pagiging Katoliko ng nakararami sa atin. Sa pamamagitan rin nito, hindi lang natin naipapakita
ang ating mga nakasanayan kundi naipararating din natin sa kanila na ang relihiyon at mga
gawain na konektado rito ay hindi lang simpleng gawain kundi ito ay dapat na nirerespeto at
binibigyang pagpapahalaga. Dagdag pa rito ay ang pagbibigay ng dagdag karanasan sa mga
turista sa kung paano ang pamumuhay ng mga lokal sa isang lugar. Halimbawa dito ay ang
mga kwartong pinauupahan sa ibang mga pasyalan na ang disenyo ay kagaya ng mga bahay
noong unang panahon. Isa na sa mga sikat na pasyalan ang Las Casas Filipinas de Acuzar
kung saan makikita ang iba't ibang istruktura at kabahayan na may disenyong mula pa sa
panahon ng ating mga bayani. Bukod sa mga bahay dito, mayroon din itong dagat na maaring
paglanguyan at maaari ka ring lumibot sa buong lugar kasama ang mga gabay sa paglilibot
habang nakikinig sa mga kwento ng bawat bahay at ng mga may-ari nito noon. Sa ganitong
mga pamamaraan, hindi lamang natin nasisigurado na ang kultura natin ay hindi natin
malilimutan kundi mas lalo pa natin itong pinahahalagahan at ibinabahagi pa natin sa mga
turista na nais maranasan ang pagiging isang Pilipino at ang kagandahan ng ating bansa.
Isa pang sinasabing problema ng turismo ay ang pagiging dahilan nito sa pagkasira ng
kalikasan. Sa panahon ngayon, kasunod na ng pagdami ng tao ay ang pagdami rin ng basura
at pag-abuso sa kapaligiran. Hindi maikakaila na marami nang nabalita na pagkasira ng mga
karagatan at kagubatan hindi lamang sa ating bansa kundi pati na sa iba pang panig ng mundo.
Ngunit ayon nga sa kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Kalihim
Roy Cimatu, kung tayo ay parte ng problema, tayo rin ay maaring maging parte ng solusyon.
Naglunsad ang DENR ng isang programang tinawag na “Tayo Ang Kalikasan” na naglalayong
pagtibayin ang kooperasyon sa pagitan ng gobyerno, publiko at ng iba pang mga kasapi upang
maprotektahan ang kalikasan at mapanatili ang kaayusan nito para sa susunod pa na
henerasyon. Binigyang-pansin rin dito ang kahalagahan ng pagbibigay halaga sa mga isyu
patungkol sa mga natural na yaman at hindi lamang sa kontribusyon nito sa ating ekonomiya.
Isa na sa mga adhikain ng DENR ay ang pagkakaroon ng maayos na waste management
facility sa mga pasyalan. Ang pagtatayo nito ay makatutulong upang maiwasan ang pagdami ng
basura at maayos itong maitapon sa tamang lugar. Noong 2018 ay sinabi rin ng DENR na
125,214 hektarya na ang matagumpay na naisaayos bilang bahagi ng Expanded National
Greening Program na naglalayong makapagtanim ng isang milyong puno mula 2019 hanggang
2021 [ CITATION Vil20 \l 13321 ]. Dagdag pa rito, may mga ordinansa rin na ipinapatupad sa
ibang lugar na nagpapataw ng kaukulang parusa sa sinumang mahuhuli na nagkakalat o
gumagawa ng mga bagay na makakasira sa kapaligiran. Sa probinsya naman ng Batangas,
mayroon seminar at workshop na naglalayong makapag-bigay ng dagdag kaalaman tungkol sa
pag-aalaga ng mga halaman at hayop. Ayon kay Atty. Sylvia Marasigan, Provincial Tourism and
Cultural Affairs Officer, ito ay sinusulong ng kanilang lokal na pamahalaan upang kasabay ng
pagdami ng mga turista sa kanilang lugar, napapatibay pa nila ang kanilang agrikultura at
naibabahagi rin ito sa mga dayuhan. Mas nakikita ng mga lokal na pamahalaan ang galaw ng
mga tao na kanilang nasasakupan kung kaya’t mas epektibo ang ganitong pamamaraan. Kung
patuloy nating iiwasan ang isyu na ito at idadahilan ang pagkasira ng kalikasan, hindi natin
mabibigyan ng solusyon ang tunay na problema—ang pang-aabuso ng mga tao. Gobyerno ang
may kakayahan na masubaybayan at maprotektahan ang kalikasan sa pamamagitan ng
pagpapatupad ng batas. Kasabay ng maigting na pagpapatupad nito, dapat din nating
gampanan bilang mga mamamayan responsibilidad na alagaan ang kapaligiran.
Ayon kay Staiton, isa pa sa mga positibong naidudulot ng turismo sa mga lokal na
komunidad ay ang pagkakaroon ng mga social services na naglalayong mapaunlad ang isang
lugar na dinarayo ng mga turista. Layunin nito na mas mahikayat at mapalawak pa ang turismo
sa mga hindi pa gaanong kilalang mga destinasyon. Kasama sa mga naturang social services
ay ang pagpapagawa ng mga panibagong daan upang mas maging madaling marating ang
isang lugar, mga bagong sewage system para sa kalinisan at kaayusan, mga bagong libangan
na ipatatayo upang mas madaming aktibidad ang maaring gawin ng mga turista, at
pagkakaroon ng transpostasyon sa naturang lugar. Ang mga nasabing social services ay hindi
lamang makatutulong sa mga turistang dadayo sa lugar ngunit mas magbibigay benepisyo rin
ito sa mga mga taong nakatira malapit sa lugar na iyon. Isang magandang halimbawa nito ay
ang malaking pagbabago na ginawa sa Boracay. Noong Oktubre 2018, ipinasara ni Pangulong
Rodrigo Duterte ang Boracay dahil naging madumi na ang tubig at paligid nito na maari
makaapekto sa kalusugan ng mga turista. Isa na ring dahilan ay ang pagsasagawa ng planong
pagpapaganda, paglilinis at pagsasaayos ng nasabing lugar. Isa sa malaking hakbang na
ginawa ay ang pagsasaayos ng mga sewage system, pagpapatupad ng striktong batas at
regulasyong pangkalikasan, pag-inspeksyon sa mga hotels ukol sa tamang pagtatapon ng
basura at sewage system, malawakang paglilinis ng kapaligiran, at paglimita sa mga gawain ng
mga turista sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga bagong regulasyon sa Boracay. Ang
mga nabanggit na mga hakbangin ay hindi lamang magdudulot ng magandang epekto sa
turismo, kundi pati na rin sa mga local na naninirahan sa isla dahil maisasaayos ang kanilang
lugar at sisikapin ng gobyerno na panatilihin ito.
Ang ating bansa ay mayaman sa mga likas-yaman at tanawin at ang pagpapakilala nito
sa publiko ay makatutulong upang mas makilala pa ang ating bansa sa angkin nitong
kagandahan at sa pag-unawa sa kultura at kasaysayan ng mga nakatira dito. Nagbibigay ito ng
iba’t ibang oportunidad sa atin at sa ekonomiya. Hindi rin maikakaila na ang pagiging kilala ng
isang lugar bilang destinasyon ng mga turista ay isa sa mga tumutulak sa gobyerno upang
umaksyon at maging istrikto sa pagpapatupad ng batas upang mas maprotektahan pa ang
kalikasan at makapag-isip ng mga paraan upang mapaunlad ito. Turismo rin ang isa sa mga
paraan upang mas makilala pa natin ang ating pagiging Filipino at maibahagi natin ang ating
pinagmulan sa iba pang tao. Ang turismo sa kalikasan ay isa sa mga maipagmamalaki ng ating
bansa at dahil pa sa patuloy na pag-unlad nito, siguradong naranasan mo na rin ang mga
benepisyong dulot ng turismo.
Mga Sanggunian
Balastique, J. (2018, Abril 28). MT. MACULOT: The Ultimate Guide for First-Timers. Retrieved
Setyembre 21, 2020, from https://www.adventurouslens.com/mt-maculot/?
amp#GROTTO_510_MASL
Cagape, K. (2018, Nobyembre 21). Gobyerno, may bagong estratehiya para mapalakas ang
turismo sa Pilipinas. Retrieved Setyembre 21, 2020, from The Filipino Channel:
https://emea.kapamilya.com/community/news/gobyerno-pinapalakas-ang-turismo-sa-
pilipinas
Kathleen. (2014, Marso 21). Da Socila Climber. Retrieved Setyembre 20, 2020, from
http://www.dasocialclimber.com/6-things-to-learn-before-going-to-fang-od-in-buscalan/
Lakwatsero. (2020, Marso 9). Adventures in Asia and Beyond. Retrieved Setyembre 20, 2020,
from https://www.lakwatsero.com/spots/the-colors-of-stobosa-hillside-homes-
artwork/#sthash.ioVfD8tk.dpbs
Las Casas FIlipinas de Acuzar: Explore. (n.d.). Retrieved Setyembre 21, 2020, from Las Casas
FIlipinas de Acuzar: https://www.lascasasfilipinas.com/explore/
Official Gazette. (2009, Nobyembre 10). Retrieved Setyembre 20, 2020, from
https://www.officialgazette.gov.ph/2009/11/10/implementing-rules-and-regulations-of-
republic-act-no-9593/
Robinson, M., & Picard, D. (2006). Tourism, Culture and Sustainable Development. Retrieved
from UNESCO: https://unesdoc.unesco.org/in/documentViewer.xhtml?v=2.1.196&id=p
%3A%3Ausmarcdef_0000147578&file=%2Fin%2Frest%2FannotationSVC
%2FDownloadWatermarkedAttachment%2Fattach_import_b63e32a3-204e-4313-933a-
dd73aae791b4%3F_%3D147578eng.pdf&locale=en&multi=true&ark
Staiton, D. H. (2020, March 4). Social impacts of tourism. Retrieved Setyembre 21, 2020, from
tourismteacher.com: https://tourismteacher.com/social-impacts-of-tourism/#2-preserving-
local-culture
Statement of the Department of Tourism. (2020, 5 Setyembre). Retrieved Setyembre 21, 2020,
from Republic of the Philippines: Department of Tourism:
http://www.tourism.gov.ph/news_features/StatementofDOT092020.aspx
Turismo sa Batangas Province at sa Bansa, Patuloy na Umaangat. (2017, Disyembre 15).
Retrieved from Batangas Government Portal:
http://www.batangas.gov.ph/portal/turismo-sa-batangas-province-sa-bansa-patuloy-na-
umaangat/
Villanueva, A. (2020, Pebrero 28). DENR leads ‘Tayo Ang Kalikasan’ campaign. Retrieved
Setyembre 21, 2020, from Manila Standard:
https://manilastandard.net/mobile/article/318347

You might also like