Alternative Alamat

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Isa itong “Alternative Alamat” sa paborito kong antolohiya.

Isa ito sa mga uri ng proyektong kay sarap na


patuloy na bigyan ng ambag. Sulit itong basahin.

Malinaw na nalatag ng patnugot ng koleksyong ito ang hugot sa paglikha ng aklat na ito. Kabalintunaan
na lango tayo sa mga diyos at diyosa ng ibang mga bansa subalit hindi tayo pamilyar sa ating mga
bathala at bathaluman samantalang ang dami nating umiiral na panteon dahil maraming mga
katutubong pangkat sa bansa natin. Mas kilala natin halimbawa sina Zeus at Poseidon kaysa kina
Mebuyen at Indarapatra at Sulayman.

Subalit tulad nga ng nabanggit ng isa sa mga gurong kinapanayam ng editor ng aklat na ito, susi sa
pagkilala ng ating mga katutubong panitikan ay ang popularisayon ng mga ito. At tugon nga ang
koleksyong ito sa layong ito. Interesante at mahalaga sa akin ang usaping ito ng pagpapakilala at
paglinang sa ating mga lokal na teksto dahil hindi lamang mga manunulat, mga dalubwika, at mga
antropologo ang may papel sa motibasyong nabanggit subalit maging mga guro at mga tagapangasiwa
ng paaralan na patuloy na hinahamong isulong ang multikultural na pananaw sa edukasyon.

May mga sandali pang nanaginip ako nang gising sa paghiraya sa mga kuwentong nabasa mula sa aklat
na ito. Astig at napipinta ko pa sa aking isip iyong mala-Avengers na bakbakan ng mga may katungkulang
Kastila laban sa mga bayani ng ating mga epiko sa isang kuwento rito. May gayuma pa rin sa akin ang
pagsasapantaha ukol sa sineng nagpapalabas ng mga masasayang alaala para sa mga matatandang
tanggap ang kanilang kamatayan dito sa nakakaantig na kabanata ng Trese. Kay sarap pa ring tulaan ang
malikhaing pagbubulay rito ukol kay Tungkung Langit at Alunsina.

May kirot pa rin kapag naiisip ang mga gawa rito ni Eliza Victoria, itong paggamit ng mga kapangyarihan
ng mga bathaluman sa mga kontekstong hindi mo inasahang puwede palang ilugar roon. At iba pa rin
ang tama sa akin ng isang kuwento rito ukol sa papahirap nang papahirap na hamon ng patuloy na
pagsunod sa tradisyon sa gitna ng modernisasyon.

Siksik, liglig, at umaapaw ito sa mga nilalamang sapat upang buhayin o ibalik ang lugod sa pagsulat. Para
sa akin, ang koleksyong ito ay kalipunan ng mga pagsasanay kung paano puwedeng gamitin ang
mitolohiya sa pag-akda. Ayon na rin sa ibinahagi sa akin ng kaibigang si Vida Cruz, maaaring laruin ang
pagmumundo o worldbuilding sa pagsulat ng mga kuwentong sapantahang humahango sa mitolohiya.
Sa antolohiya, may mga kuwento, halimbawa na nilulugar ang ating mga bathala at bathaluman sa
modernong daigdig na mayroon tayo; posibleng tamis-pait ang ganitong uri ng panulat dahil napapakita
ang pakikibaka ng tradisyon sa modernisasyon.

Pwede rin namang didaktiko ang gamit sa mitolohiya o iyon bang nag-iiwan ng aral. Dahil nagagawa
nating masipat sa ating mga katutubong kuwento o mitolohiya ang mga matibay at malalim na
pagpapahalaga, oportunidad na gamitin ang mitolohiya upang banggain ang mga namamayaning
ideolohiya at talakayin ang mga politikal na diskuro ng kasarian, uring panlipunan, at kolonyalismo.
Maaaring ilahad ang isang alamat o kuwentong-bayan sa isang bagong paraan o pananaw. Puwedeng
isakapangyarihan ang mga nasa laylayan. Ginagawa na ito ngayon sa mga kuwentong pambata at una ko
itong naengkwentro sa mga muling paglalahad ni Rene O. Villanueva ng mga alamat.

Dagdag pa rito, may ilang mga akda sa kuwento na meta-komentaryo sa naratibo ng mitong tinatampok,
pinasisisid tayo sa arketipo ng ating mga isip, pinakikilatis sa atin ang permutasyon at pagsasalin ng mga
naratibong bayan.
Lalo akong napukaw sa mga panayam ng editor sa ilang mga iskolar sa larang ng poklorikong Pilipino.
Idinaong ang kuwento sa antropolohikal na pagsipat, na may mahigpit na kaugnayan pala sa politikal at
pang-ekonomikong kondisyon ng kanilang banwa ang relihiyon at mitolohiya.

Naalala ko rito sa “Alternative Alamat” ang isang aktibidad na ginawa namin sa asignaturang 21 st Century
Literature in the Philippines and the World. Sakto at kuwentong sapantaha ang aming tinatalakay.
Sentro sa aming talakayan na ang kuwentong sapantaha ay pagtugon sa mapaglarong tanong na “What
if” o “Paano kaya kung…”. Mula rito ay naisip kong ipahiraya sa kanila na ilugar ang mga tauhan ng ating
“higher” at “lower” mythology sa isang modernong lunan. Namamangha pa rin ako tuwing naaalala ang
mga gawa nila. May mga poster pa na para bang may planong gawan ng pelikula ang modernisayon nila
ng mga kuwentong bayan.

Mahalaga ang ating mga kuwentong bayan. Sa panahong ninanakaw na ng mga nasa kapangyarihan,
pambansa man o banyaga, ang halos lahat sa atin, itong mga makulay na ugat na ito ng ating bayan ay
nawa manatiling yaman. Pangwakas nga ni Rosario Cruz-Lucero sa kanyang sanaysay na “The Music of
Pestle-on-Mortar”, “not to love our own people and our own music is akin to being deaf in a land of
musicians.” Nariyan na ang mga instrumento natin, huhukayin na lamang at gagamitin.

You might also like