Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

MAYNILA: SA MGA KUKO NG LIWANAG

Director: LINO BROCKA


Paksa: Tinatalakay nito ang reyalidad ng buhay na kung minsan, dahil sa labis na pagtitiwala at
pagnanais na makawala sa hirap, kadalasan ang tao ay kumakaharap at nagiging biktima ng panlilinlang
ng mga mapang abuso na tao.

Mga Gumanap:

Rafael “bembol” Roco bilang Julio Madiaga- isang 21 taong gulang na nagmula sa Marinduque, na
napadpad sa Maynila sa paghahanap sa kanyang kasintahang si Ligaya. Sa una’y inilarawan bilang isang
pasensyoso at walang muwang na karakter ngunit hindi kinalaunan ay naging malupit at mapaghiganting
tao.

Hilda Koronel bilang Ligaya Paraiso – ang kasintahan ni Julio. Siya ang nagtungo sa maynila dahil sa
kanyang kagustuhang makapagaral, ngunit naging biktima lamang ng prostitusyon.

Lou Salvador bilang Atong - Siya ang mabait na kaibigan ni Julio na nakatrabaho niya sa
isang construction site .

Tommy Abuel bilang Pol - Siya ang matalik na kaibigan ni Julio na laging tumutulong sa kanyang mga
problema .

Jojo Abella bilang Bobby – nagsilbing gabay ni Julio sa mundo ng prostitusyon. Nagkaroon din siya ng
pagtingin kay Julio.

Pio de Castro bilang Imo – kasamahan ni Julio sa construction site. Sa simula ng kwento siya ay isa
lamang mahirap ngunti kalaunan ay guminhawa din ang buhay.

Joone gamboa bilang Omeng – isa pang kasamahan ni Julio sa construction site.

Pancho Pelagio bilang Mr. Balajadia – Isa sa mga kontrabida ng kwento. Siya ang tagapamahala sa
construction site kung saan nagtatrabaho si Julio. Makasarili at mayabang, ganyan siya ilawaran sa
kwento, madalas tratuhin ng hindi pantay ang mga nakakababa sa kanya.

Juling Bagabaldo bilang Misis Cruz – isa pang kontrabida sa kwento. Siya ang rekruter ng mga
probinsyanang dalaga na kanyang isinasabak sa prostitusyon. Pinaghinalaan pa nga ni Julio na ang “Mrs.
Cruz” na tawag sa kanya ay hindi niya tunay na pangalan bagkus ay isa lamang palayaw.

Tommy Yap bilang Ah-Tek – isa pang kontrabida ng kwento. Siya ang bumili kay ligaya upang gawin
itong kanyang babae.
Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag

(Buod)

Si Julio, isang maralitang mangingisda ay lumuwas ng Maynila upang hanapin ang kaniyang
kababata’t kasintahang si Ligaya, na matagal nang sumama sa isang Misis Cruz upang magtrabaho at
mag-aral sa lungsod ng Maynila. Sa paghahanap, naranasan ni Julio ang maging biktima ng masasamang
elemento ng lipunan, mapagsamantalahan sa loob at labas ng pinagtatrabahuhang konstruksiyon,
mawalan lagi ng trabaho, makapatay ng tao nang hind sinasadya, magutom, matulog sa kung saan-saan
na lamang at maging ang ibenta ang sariling katawan para lamang kumita ng malaking pera. Sa gitna ng
tensyon at kabiguan, siya’y nag-anyong mabangis, siya mismo’y naging mapanganib. Unti-unting
nawawalan ng pagasa si julio na matagpuan pa si Ligaya. Ngunit nagbago ang lahat ng muli niyang
makita si Ligaya. Nalaman ni Julio na ang dalaga pala’y nagging biktima ng prostitusyon: binili at
mistulang bilanggong kinasama ng isang Tsino.

Nagbalak tumakas ang dalawa, ngunit gaya ng sabi ni Ligaya kaya siyang patayin ng kanyang
kinakasama kapag ito ay nahuling tumakas. Makalipas ang gabi at sa paggising ni Julio ay nalaman niyang
niyang wala ng buhay si Ligaya matapos nitong mahulog mula sa taas ng kanyang tinutuluyang bahay.
Ipinaghiganti ni Julio si Ligaya, pinaslang niya ang kinakasama nitong intsik subalit marami ang sa kanya
ay nakasaksi, hindi man tuwirang naipakita, ngunit namatay din si Julio matapos pagmalupitan ng mga
nakasaksi sa nagawa niyang krimen.

REPLEKSIYON

Ang pelikulang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Lino Brocka (1975) ay hango sa isang
nobelang isinulat ni Edgardo Reyes. Isinasalaysay nito ang kuwento nina Julio at Ligaya, kapwa galing sa
probinsiya. Hindi na binabanggit dito kung aling probinsiya, sapagkat kinakatawan nila ang libo-libong
kapuspalad na nakikipagsapalaran sa lungsod ng maynila araw-araw.

Si Ligaya ang naunang nagbaka-sakali, kasama ng isang matronang babae, na tinatawag na Misis
Cruz, na nangako sa kanya ng isang simpleng trabaho, na may posibilidad pang makapag-aral at
makapagpadala ng kaunting tulong sa iiwanan niyang mga magulang at kapatid. Pagkatapos ng ilang
panahon na hindi na nakakapagpadala ng sulat si Ligaya sa kanyang mga magulang at pati na rin kay
Julio, na isip ni Julio na sundan ito sa Maynila upang hanapin ito.

Sa paghahanap ni Julio ay naharap siya sa reyalidad ng buhay sa lungsod. Katulad nga ng


ipinahihiwatig ng pamagat ng pelikula, maaakit siya ng mga kuko ng liwanag ng mga nagniningning na
ilaw ng Kamaynilaan.

Huling-huli ng pelikula ang ingay, at kalaswaan ng Maynila. Akmang-akma ang pagsasalarawan


nito sa mga lugar, pangyayari, at tauhang mapupuntahan, mararanasan, at makikilala nina Julio at
Ligaya. Ibinibigay nito sa manonood ang isang napakamakatotohanang buhay sa Lungsod ng mga
Pangarap at Kasawian- ang Maynila.

Kung panunuorin ang pelikula ngayon, maiisip nating maaari pa ring mangyari ang kuwento ito
sa kasalukuyang panahon. Baguhin lang ang mga pangalan ng kalye sa mga kasalukuyang pangalan nito,
bigyan mo lang ng telepono sina Mister Balajadia at Misis Cruz, gawin mo lang mas moderno ang
tindahan ni Ah Tek at pasakayin mo lang kahit minsan si Julio sa LRT, at iba pa.
Ngunit lubog man sa dumi at alikabok ang Maynilang ipinapakita sa pelikula, mayroon pa ring
liwanag o pag-asang nagpupumilit na sumilay dito. Ang mga nakilala ni Julio ay mabubuting tao, kapos
man sila mismo sa materyal na mga bagay at kahit hindi nila halos maitawid ang kanilang mga sarili sa
pang-araw-araw nilang pangangailangan ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng tulong at kabaitan kay
Julio. Sino pa ba naman ang magtutulungan kundi yaong mga taong hirap din sa buhay.

Isang mabisa, walang-kupas, at makatotohanang salamin ng lipunan ang pelikula. Mabisa,


sapagkat hindi nito itinatago ang katotohanan, bagkus ay ipinapakita nito sa manonood sa paraang hindi
ito maaaring isa-isantabi. Sa makatotohanan nitong paglalahad, wala kang magagawa kundi harapin at
tanggapin ito.

Malungkot mang isipin, ang pelikula ngang ito ay kuwento ng libo-libong Julio at Ligayang
ipinapadpad ng kapalaran mula sa kanilang tahimik ngunit napakahirap na buhay sa probinsiya patungo
sa buhay na hindi nila akalain na mas magiging mas mahirap pa.

Makatotohanan ito, sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad ng lipunang
sinasalamin nito. Tinatalakay dito ang di-makatarungang sitwasyon ng mga manggagawa, ang kaawa-
awang kalagayan ng mga maralitang tagalungsod, ang diskriminasyon ng ilang tao, at ang bulok na
sistema na nag papatakbo dito.

Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni Julio at sa kung
paano siya kumilos at tumugon sa mga nangyayari sa kanya. Hindi siya walang-kibong biktimang
nagpapadala lamang sa kanyang kapalaran. Hindi siya ang taong tama at wasto lamang ang gagawin ano
pa man ang mangyari sa kanya. Si Julio ay hindi si Ibarra (Noli me tangere) na iniinda lamang ang mga
kasamaang idinudulot sa kanya ng kanyang mga kaaway. Ngunit hindi rin naman siya si Simoun (El
Filibusterismo)na naniniwalang kasamaan din ang dapat idulot sa mga kanyang mga kaaway.

Maraming bagay ang nais iparating ng pelikulang ito. Hindi man nito tuwirang sinasabi, maaaring
inaanyayahan nitong palawakin ng manonood ang kani-kanilang kamalayan sa reyalidad na ito at
umaasang may gagawing hakbang tungo sa pagbabago. Ngunit ano nga bang uri ng pagbabago ang
maasahang makamit dulot sa panuoring ito? Kailan natin matutunghayan ang pagbabagong nais makita?

Ayon sa aking sariling pananaw, anumang sakit o suliranin na gusto nating mahanapan ng lunas
o kalutasan ay kailangan nating mahagilap at mahalungkat ang puno’t dulo nito. Sa paghagilap naman ng
isang bagay ay kailangan nating balikan at maalalang muli ang mga daang ating tinahak bago tayo
nasadlak sa kalunos-lunas na sitwasyon. Balikan natin ang buhay nina Julio at Ligaya, diba’t sa simula
nama’y walang problema ang kanilang pagsasama? Masaya silang nagmamahalan sa isang probinsya,
hangga’t sa may dumating na akala nila’y liwanag ang dala ngunit ito pala ay kumaladkad sa kanila sa
kadiliman at isang malagim na trahedya. Saan ngayon nagsimula ang problema? Hindi masama ang
mangarap, pero sa pagbuo ng ating mgapangarap ay kailangan kilalang-kilala natin kung sino ang ating
sinasandalan. Huwag padadala sa panandaliang kaluwagan na hatid nila dahil kasunod ng kaluwagang
ito ay ang unti-unting paghawak nila sa ating mga leeg hangga’t sa tayo’y masakal at mabawian ng
hininga. Ngunit ano ang nag-udyok sa kanila upang sa kasinungalingan ng isang MIsis Cruz ay agad-agad
silang naniwala? Wala akong ibang maisip na dahilan maliban sa pera. Hindi masamang magkaroon ng
pera, ang masama ay ang padalos-dalos na pagdedesisyon at hindi pagsaalang-alang sa mga bagay kung
ano ang maidudulot nito maganda man o masama. Sa madaling salita, kailangan nating maging maingat
at mabusisi bago tayo tuluyang tumalon sa isang alay na pagkakataon.
Ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang naloloko ay dahil sa kamangmangan o kasalatan
ng wastong pang-unawa. Kaya mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman at tamang gabay ang mga
kabataan. Ako ay naniniwala na ito ay tungkulin ng mga guro sa paaralan at maging ng mga magulang sa
tahanan. Lubhang mahal ang kabayaran sa ating kamangmangan, kaya sana ito’y hindi na maulit muli sa
mga bagong silang, maging sa kasalukuyang kabataan at sa lahat ng mga mamamayan.

You might also like