Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 7

Reginald Geoffrey Lausa Bayeta IV Pebrero 28, 2019

GEFILI1 G. Mon Karlo Mangaran

Panggitnang Markahang Pagsusulit

Ang pagkakaugnay-ugnay ng globalisasyon, wika at kultura

Sa pagpasok ng ikadalawampu’t isang siglo, mabilis na umuunlad ang proseso ng


globalisasyon. Ang globalisasyon, sa madaling sabi ay ang pagkawala ng balakid o
limitasyon sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang mga bansa. Pinapanatili ang
relasyong ito para sa politikal at ekonomikal na tunguhin ng isang bansa lalo na ng mga
papaunlad na bansa kagaya ng Pilipinas. Kung titignan sa panlabas na antas, maiinuha
na tunay na kapaki-pakinabang ang epekto ng globalisasyon dahil nagdadala ito ng mga
oportunidad na maaaring maging susi sa pagpuksa ng kahirapan. Nariyan ang mga
trabaho, bukas na pakikipagkalakalan, dekalidad na edukasyon, bukod sa iba pa.

Sa kadahilanang bukas ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang bansa sa konteksto


ng globalisasyon, nagkakaroon tayo ng tinatawag na culture exchange o pagbabahagi ng
kultura. Ang phenomenang ito ay hindi na bago sa Pilipinas bilang ito ay isang
multicultural na bansa. Sa katunayan, bago pa man tayo masakop ng mga manlulupig
mayroon nang umuusbong na kultura mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Ngunit
magmula nang malalinan tayo ng kulturang banyaga ay unti-unti na nating nakakalimutan
ang sariling atin. Makikita na halos lahat ng social institutions ay nakamodelo mula sa
istraktura ng sistema ng mauunlad na bansa partikular ng Estados Unidos. Ang mga
pagbabago sa mga social institutions na ito ay nakasentro sa wika, na siyang
sumasalamin sa kultura at lipunan. Bilang Ingles ang lingua franca ng mundo, ito ang
pinagtutuunan ng pansin ng mga umuusbong na bansa gaya ng Japan, South Korea, at
Taiwan, upang mapataas pa lalo nila ang kanilang politikal at ekonomikal na katayuan sa
panahon ng globalisasyon. Ngunit sa kabila nito, kahit na higit-kumulang isang siglo mula
nang maipakilala sa atin ang wikang Ingles, hindi pa rin ganoon kaunlad ang bansang
Pilipinas. Isa ito sa mga patunay na hindi sapat na malinang ang mga mamamayan sa
wika ng nakararami bagkus dapat ding pagtuunan ng pansin ang wika’t kulturang sarili.
Kapansin-pansin sa sistema ng ating edukasyon na tila nakakalimutan o hindi na
nabibigyan ng atensyon ang mga asignaturang nakatuon sa wikang Filipino at
kasaysayang Pilipino, sa halip ito ay nakasentro sa wikang banyaga at kasaysayan at
literaturang banyaga. Ito ang produkto ng misedukasyon, kung saan masasabi nating ang
kasalukuyang sistema ng edukasyon ay may katangiang kolonyal, komersiyalisado, at
elitista.

Kolonyal. Nakabase ang sistema ng ating edukasyon batay sa mga pamantayang


ipinakilala sa atin ng mga banyaga, partikular ng mga Amerikano. Ginamit nila ang
kanilang husay sa pakikipag-ugnayan bilang sandata upang magkaroon sila ng
lehitimong dahilan sa kanilang pananakop. Naging matagumpay ang mga Amerikano sa
kanilang paglalapat ng kaisipang banyaga sa mga Pilipino kung saan halos lahat ng
aspetong panlipunan ay nakabatay mula sa modelo ng progreso ng Amerika. Mula sa
pamamahala nila gamit ang lakas at dahas, patuloy nila tayong kinontrol gamit ang mga
ideya na kanilang ipinakilala na atin namang tinanggap at patuloy na tinatangkilik. Ang
pagkontrol na ito ay umuugat sa sistema ng ating edukasyon kung saan kinikilala natin
ang mga Amerikano bilang mga bayani na tumulong sa pagkakamit natin ng kalayaan sa
halip na bilang mga mananakop at mapagsamantala sa isang hindi pa gaanong kaunlad
na bansa.

Komersiyalisado. Kapansin-pansin na nagiging ‘negosyo’ ang sistema ng


edukasyon dahil halos lahat ng aspeto nito ay may kaakibat na bayarin. Nito lamang 2017
naipasa ang Batas Republika Blg. 10391 o mas kilala sa tawag na Universal Access to
Quality Tertiary Education Act na nagbibigay ng libreng edukasyon sa antas ng kolehiyo
na bukas para sa lahat (Ranada, 2017). Mula rito, mababatid natin na bago pa man
maipasa ang batas na ito, lubos na nakikinabang at kumikita ang mga paaralan mula sa
matrikulang kanilang nakakalap sa bawat estudyanteng mag-aaral. Bukod pa rito,
kapansinpansin din ang patuloy na pagtaas ng matrikula hindi lamang sa mga
pangpribadong paaralan, pati na rin sa pampublikong unibersidad na siyang
dumadagdag sa sakit ng ulo ng mga magulangin at mga estudyanteng nagsusumikap
mag-aral. Humahantong ang patuloy na pagiging komersyalisado ng sistema ng
edukasyon sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kabataang nagta-trabaho na lamang
sa halip na mag-aral. Kaugnay dito, dumarami rin ang kumukuha ng tech-vocational
courses na siyang angkop sa mga pagawaan. Sa kadahilanang ang bansang Pilipinas
ay isa sa mga patuloy na lumalagong bansa sa Asya, ito ay ang madalas dayuhan ng
mga foreign investors dahil sa dami ng manggagawa at murang lakas paggawa. Sa
madaling sabi, pawang nagiging alipin na lamang ang mga Pilipino sa sarili nating
bansa.

Elitista. Kapag hindi ka nakapagtapos sa ‘respetadong’ unibersidad, malamang


sa malamang ay mahihirapan ka na makahanap ng trabahong hinahangad mo. Bukod pa
rito, kung hindi mo kurso ang mga in o patok sa kasalukuyang ekonomiya, mapipilitan
kang mag-adjust sa kung ano ang pangangailangan ng work force. Mas pinahahalagahan
ng mga kompanya ang oras sa pagpili ng mga aplikante at isa sa kanilang paraan ay ang
pagpili ng mga tapos mula sa mga magagandang unibersidad. Mula rito masasabing
nagkakaroon ng diskriminasyon bago ka pa lamang makapasok ng trabaho dahil mula
pa lang sa screening ay mas binibigyang pansin na ang mga nakapagtapos sa
‘respetadong’ unibersidad kumpara sa iba. Ito rin ang nagiging sanhi ng backer system
kung saan mas mapapadali ang paghahanap mo ng trabaho kung mayroon kang kakilala
mula sa kompanya na nais mong pasukan o koneksyon mula sa may kapangyarihan.
Mula rin dito patuloy na dadami ang bilang ng mga unemployed dahil sa kahirapan ng
paghahanap ng trabaho.

Nag-uugat lahat ang suliraning ito sa kung paano pinatatakbo ng pamahalaan ang
sistema ng edukasyon. Upang mapalaya ang kasalukuyang sistema mula sa kolonyal na
modelo, nararapat lamang na bigyang tuon ng pamahalaan ang pundasyon o ang mga
paunang taon sa edukasyon ng mga mag-aaral kung saan sa murang edad ay
namumulat na sila sa kanilang pagiging Pilipino. Ito ay kasalukuyang isinasagawa sa
ilalim ng mother tounge based education ng K-12 curriculum. Mula unang baitang
hanggang ikatlong baitang, sinasanay na ang mga mag-aaral na matuto sa kanilang
unang linggwahe upang hindi na magkaroon ng pagkalito sa pag-aaral ng wikang
banyaga kinalaunan. Isa rin ito sa mga susi sa pagmumulat ng katutubong kaisipan at
kultura sa isipan ng mga kabataan na maaari nilang mapagyaman sa kanilang paglaki.
Bagama’t mayroong mga hakbang na isinasagawa ang pamahalaan sa pagpapaunlad
ng wika at kultura, sila rin ang gumagawa ng balakid sa pagpapaunlad nito. Isa sa mga
mahalagang isyu na dapat bigyan ng pansin ay ang pagtitibay ng Korte Suprema na
tanggalin ang asignaturang Filipino at panitikan sa antas ng kolehiyo tatlong taon
pagkatapos mabigyan ng temporary restraining order (TRO) ang CHED Memorandum
Order No. 20 (San Juan, 2017). Bagama’t masusing ipinaglaban ng Tanggol Wika tungkol
sa isyung ito, tila napawalang bisa ang kanilang pagsisikap dahil hindi naging bukas ang
mga mata at isipan ng lehislador sa kanilang desisyon. Sa ganang sarili, wala akong
panig na kinikilingan dahil nakikita ko na may punto ang dalawang panig kung saan ang
desisyon ng Korte Suprema ay naaayon sa realismong pananaw, samantalang ang panig
ng Tanggol Wika ay naaayon sa liberal na pananaw. Subalit alang-alang sa
pagsasakatuparan ng papel na ito, papanigan ko ang Tanggol Wika dahil sa kanilang
mga argumento na inilahad sa papel ni San Juan (2017). Tinalakay dito ang labing-apat
(14) na argumento kung bakit hindi nararapat na tanggalin ang wikang Filipino bilang
asignatura sa kolehiyo.

Ang mga sumusunod ang mga argumento ng Tanggol Wika kung saan lubos
akong sumasang-ayon:

ARGUMENTO 7: BINIGYAN NG DEPED AT CHED NG ESPASYO ANG MGA


WIKANG DAYUHAN SA KURIKULUM, KAYA LALONG DAPAT NA MAY
ESPASYO PARA SA WIKANG PAMBANSA

ARGUMENTO 12: MULTILINGGWALISMO ANG KASANAYANG AKMA SA


SIGLO 21

ARGUMENTO 13: HINDI PINAUNLAD, HINDI NAPAUNLAD AT HINDI


MAPAPAUNLAD NG PAGSANDIG SA WIKANG DAYUHAN ANG EKONOMYA
NG BANSA

Kahit saanmang anggulo tingnan, kabalintunaan ang pagtatanggal ng


asignaturang Filipino sa antas ng kolehiyo. Maliwanag na inilalahad ng Argumento 7 at
Argumento 12 na nararapat na bigyan ng mas higit na pokus ang pagpapaunlad ng
sariling wika kaysa sa pagsasadalubhasa sa wikang banyaga. Hindi na lingid sa
kaalaman ng lahat na malaking bentahe ng ating bansa ang ating husay sa wikang Ingles
at mula rito, maaring gawing isang simbolismo na ang pagtatanggal ng wikang Filipino sa
kolehiyo ay isang tanda na tila kumikiling na tayo tungo sa pagiging bansang
monolinggwalismong batay sa Ingles. Ang progresong ito ay dahil sa paniniwala na ang
pagiging dalubhasa sa lingua franca ng mundo ang magiging susi sa pag-unlad ng isang
bansa na sinasalungat naman ng Argumento 13. Isa sa mga ebidensiya sa Argumento
13 ang bansang Japan. Isa sila sa mga bansang kasisimula lamang na
magsipagdalubhasa sa Ingles ngunit isa rin sila sa mga pinakamaunlad na bansa sa
mundo. Hindi tulad ng Pilipinas na may angking kasanayan at husay sa wikang Ingles,
kapansinpansin na isa pa rin tayo sa mga bansang umaasa sa tulong mula sa pakikipag-
ugnayan natin sa iba’t ibang makakapangyarihang bansa.
Samakatuwid, ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi para sa ikasusulong ng
bagkus ito ay tungo sa pag-urong ng progreso ng bansang Pilipinas. Tandaan natin na
ang pag-aaral sa sariling wika ay nagiging instrumento sa paghahanap ng sariling
identidad at pagkakakilanlan. Isulong natin ang pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip lalo
na sa mga kabataan. Samahan natin ang Tanggol Wika sa kanilang pakikipaglaban na
ibalik ang wikang Filipino bilang asignatura sa antas ng kolehiyo. Hindi pa tapos ang
laban, kinakailangan lamang na lakasan pa natin ang apoy at paglaabin pa lalo ito sa
pamamagitan ng pagkakaroon ng boses at kamalayan. Ang apoy na nag-aalab ay siyang
kakalat at siyang mapapansin ng nakararami. Marahil ay hindi masyadong binigyan ng
pansin ng mga lehislador ang panig ng Tanggol Wika dahil kakaunti lamang ang
sumusuporta rito. Samahan natin sila at sabay-sabay nating ipamukha sa mga
mambabatas na ang nararapat na ayusin ang sira at hindi dapat sirain ang nasa
ayos. Isapuso natin na ang wika ay ang kaluluwa ng isang kultura. Hindi mo mauunawaan
nang lubusan ang isang kultura kung hindi mo magagawang kilalanin at isapuso ang
sariling wika.

Ang Pilipinolohiya at ang kahalagahan ng pag-aaral sa kaisipan, sining at


kulturang Pilipino

“Madaling maging Pilipino, mahirap ang magpaka-Pilipino.” Tunay na sumasang-


ayon ako sa pahayag na ito. Sinasalamin nito ang kasalukuyang maoobserba natin sa
kalagayan ng ating bansa ngayon sa konteksto ng ating pagka-Pilipino. Masasabi natin
na maraming kapuri-puring katangian ang mga Pilipino ngunit ganoon din karami ang
mga kapuna-punang katangian nito. Sa progreso ng panahon, madali nating nakikita ang
mga pagbabago sa ating pagka-Pilipino partikular sa wika, kaisipan, at kultura, na
animo’y mabilis na na naiimpluwensiyahan ng ibang kulturang banyaga bunsod ng
globalisasyon.

Ang Pilipinolohiya ay “ang sistimatikong balangkas upang magbigay liwanag sa


pag-unawa ng Pilipinong kaisipan at Pilipinong kultura at lipunan” (Covar, 1993).
Binibigyang linaw nito ang ating pagka-Pilipino, kung saan masasabing ito ay ang bunga
ng ating karanasan at kinagawian sa pagdaan ng panahon. Kung ikaw ay hindi
dalubhasang mag-aaral sa Filipino bilang isang disiplina, marahil ngayon mo lamang
narinig ang salitang Pilipinolohiya. Isa rin sa tawag dito ang Araling Pilipino o sa madaling
salita ay ang pag-aaral ng bansang Pilipinas at ng mga mamamayan nito. Mahalaga na
hindi dapat nating ipagpalit ang Araling Panlipunan sa Araling Pilipino dahil mas
maraming saklap ang Araling Pilipino. Pinag-aaralan ito nang may iba’t ibang approach
o perspektibo na naaayon sa kurikulum na ipinapatupad ng isang unibersidad.
Sa aking personal na pananaw, para sa akin ay wala naman talaga tayong
kaisipang Pilipino. Ito ay dahil sa hindi naman tayo matagumpay na nakalaya sa mga
manlulupig sa lahat ng aspeto na tayo’y sinakop nila. Nakatanim pa rin sa ating mga
kaisipan ang kanilang mga impluwensiya at hanggang sa ngayo’y patuloy pa rin nating
tinatangkilik. Hindi tulad ng mga karatig bansa natin gaya ng Vietnam, India, at Japan,
tuluyang naging direkta ang koloniyalismo at nawalan na ng matatag na sibilisasyon sa
ating bansa.

Napakaganda ng bansang Pilipinas, sagana sa likas na yaman, mabubuti ang mga


tao, magagandang mga tanawin… Masarap pakinggan ngunit unti-unti na itong
nagbabago. Mula sa mga namamahala tungo sa simpleng mamamayan ay kakikitaan mo
na kapuna-punang katangian. Ang problema ng bansa ay nakasentro sa kakulangan sa
disiplina ng mga tao, at ang napakalaking suliranin sa sistema ng edukasyon. Para sa
akin, ang paaralan hanggang sa panahon ngayon ay tila kuhaan o pagawaan na lamang
ng katibayan o diploma na nakatapos ka ng pag-aaral. Sinundan natin ang modelo ng
Estados Unidos kahit na hindi tayo nakakasabay sa kanila sa sistema ng lipunan at
ekonomiya. Ang mga mag-aaral ay nakakaranas ng miseducation kung saan sila rin
balang araw ang magiging miseducators. Natatandaan ko ng masinsinan kong
nakakuwentuhan ang aking guro sa literatura noong ika-12 baitang sambit niya na wala
na sa panahong ito ang kasiyahan sa pag-aaral. Tumaas ang standards ngunit ang
kalidad ay mataas lamang sa mga paaralan na respetado at kalimita’y may mataas na
matrikula. Kahit na may angking talino ang mga Pilipino, ang tunay na nakikinabang dito
ay ibang mga bansa dahil pinipili na rin ng mga Pinoy na manatili sa labas ng bansa
bunsod sa benipisyong kanilang nakukuha roon. Napakakitid na mag-isip ng mga
kabataan, kumbaga makakita na sila ng anumang bagay na maituturing na komplikado
ay inaayawan o hindi na nila tinatangkang intindihin pa. Marahil ay epekto ito ng pag-
unlad ng teknolohiya kung saan ay marahil nakatatak na sa isip ng nakararami na hawak
ng teknolohiya partikular ng mga search engines ang mga kasagutan sa kanilang mga
tanong. Bumababa ang kanilang pagkasabik na matuto ng mga bagong bagay dahil sa
pilosopiyang ito.

Hindi naman natin masisisi ang nakararami kung bakit mas pinilipili nila na
tangkilikin ang mga produktong banyaga dahil hindi naman talaga ganoon katatag ang
pagkatatag ng kaisipang Pilipino o mga kaisipang sariling atin. Mula sa ating mga
lehislador, mga kawani ng Kagawaran ng Edukasyon, at may kapangyarihan, wala ni-isa
ang nangunguna na magtaguyod ng sariling atin. Lahat sila ay nakatuon sa pagsabay sa
alon ng globalisasyon. Nakikipagsabayan tayo sa ibang mauunlad na bansa kahit na hindi
pa ganoon katatag ang nasyonalismo sa bawat mamamayan. Ang bawat Pilipino malimit
sa hindi ay nagsisikap para sa kanilang sarili at hindi para sa bayan. Upang solusyunan
ang mga suliraning ito, dapat may mangunang grupo sa pagbibigay kamalayan na
nararapat na bigyang tuon ang pag-aaral at pagsasanay ng ating mga kinaugaliang
Pilipino. Nararapat din na tuonan ng pansin ng mga lehislador o mambabatas ang
kasalukuyang sistema ng edukasyon dahil ito ang pinakaugat ng pagiging produktibo ng
isang mamamayan. Hindi pa ako suko sa bansang Pilipinas, dahil alam kong darating din
ang araw na uupo na sa puwesto ang mga makabagong lider ng kasalukuyang
henerasyon. Nangangamba lamang ako na malalinan sila ng kasuklaman na matagal
nang nakikita sa sistema ng pamamalakad ng politika at edukasyon.

Ang midya bilang ideological state apparatus, partikular bilang anesthesia upang
makalimot sa kahirapan

Kahit saan ka tumingin, hindi mawawala ang produkto ng midya. Hindi ito
mawawala sa araw-araw nating pamumuhay dahil ito ang daluyan ng impormasyon na
kinakailangan sa pakikipag-ugnayan ng bawat isa. Direkta man o hindi,
naiimpluwensiyahan tayo ng midya dahil sa malawakang saklaw nito sa ating lipunan.
Kung tatanungin mo ang karamihan kung ano sa kanila ang midya, marahil ang isasagot
nila ay may kinalaman sa modernong produkto ng teknolohiya kagaya ng social
networking sites o ng internet dahil ito na sa kasalukuyan ang may pinakamalawak na
network o dami ng tao na naaabot o gumagamit. Ang patuloy na paggamit dito ay
naghahatid ng parehong positibo at negatibong epekto hindi lamang sa personal na antas
ngunit gayundin sa antas panlipunan. Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat ang epekto
ng midya partikular sa telebisyon/radyo kaya ang bibigyang tuon ko ay ang social media
(socmed).

Sa madaling salita, ang midya ang ating pinagkukunan ng parehong realidad at


pantasya. Nakakagawa ito ng kahit anomang realidad na nakadepende na lamang sa
ating interpretasyon kung paano natin ito tatanggapin. Bilang ito ay isang ideological state
apparatus, naglalayon itong kontrolin ang mga impormasyong maaaring malaman ng
bawat indibidwal sa surface na antas. Sa panahon ngayon, kapansinpansin na ang
madalas nating makita sa socmed ay mga click-bait worthy na headline kung saan
binibigyang pansin nito na iligaw ang mga mambabasa sa isyung nararapat bigyan ng
pansin at nagnanais din na mang-akit ng views dahil dito tumatakbo ang kanilang mga
sites. Ito ang isa sa mga downside na pagiging malaya ng midya sa ika-21 siglo dahil
may kakayanan ang lahat na gumawa ng sarili nilang realidad sa pamamagitan ng
paglilimbag gamit ang internet dahil ang oportunidad sa medium na ito ay walang-
hanggan.

Kapansin-pansin din na ito ang nagiging avenue ng nakakarami na ilabas ang


kanilang sama ng loob o pagtakas sa realidad sa pamamagitan ng paglilibang sa sarili.
Makikita rin dito ang epekto ng teknolohiya kung saan umiikli ang ating attention span
dahil sa dami ng impormasyong maaari nating makalap mula sa data base ng internet.
Ito rin ang nagbigay ng daan sa pag-usbong ng mga memes na maaaring pagkunan hindi
lamang ng kakatawanan, pati na rin ng mahahalagang impormasyon.
Tayong mga Pilipino ang pinakamalaking komunidad sa socmed na may bilang na
67 milyong katao at isa rin sa pinakamaraming oras na ginugugol sa paggamit nito (Chua,
2018). Mahihinuha natin dito na ito ay parte na ng buhay ng karamihan sa mga Pilipino.
Ito na ang nagiging paraan nila ng pagtakas sa realidad partikular sa kahirapan. Ito rin
ang nagsisilbing tulay upang makipag-ugnayan ang bawat indibidwal na magkalayo sa
bawat isa. Dito rin natatamasa ng iba ang mga pantasyang inaasam na makamit kahit sa
panaginip lamang dahil alam na nila na sa hirap ng buhay ay kahit anong kayod pa’y hindi
nila ito makakamtan. Kahit saan ka umiling, lahat na sa panahon ngayon may
smartphone. Sa LRT man yan, eskwelahan, silid-aralan, bukod sa iba pa, lahat nakatutok
na sa kani-kanilang mga gadget. Tila tumataliwas sa pangunahing layunin ng socmed na
panatilihing konektado ang bawat isa ang kasalukuyang nagaganap sa ating lipunan.
Nawawala na ang tunay na interaksyon. Lahat ay pawang tumatakbo na sa realidad.
Magbabago pa kaya tayo mula rito? Marahil walang nakakaalam.

Karagdagang saloobin: Sa darating na eleksyon, malaking implikasyon ang


pagiging sikat o mabuting pagtingin ng mga netizen tungkol sa mga kandidato kaya kung
sinoman ang maging trending in a good way, malamang sa malamang siya rin yung
mananalo. Wala na ito sa isyu kung mayroon mang kaso o hindi ang isang kandidato, ito
ay sa kung paano maitatanim sa utak ng mga botante ang pangalan ng isang kandidato
gamit ang mga antiks na patok sa masa. Hindi na sapat ang mga tarpaulin o mga
talastasang makikita mo kahit saan. Nakatutok na ang karamihan sa socmed. Ito ang
magiging sandata ng isang kandidato na maipabatid ang kanyang nais na sabihin dahil
sa lawak ng saklaw na kayang maabot ng social media.

Sanggunian
Chua. (2018). PH top in social media usage for 3 straight years. Kuha mula sa
https://www.rappler.com/technology/news/196114-we-are-social-philippines-social-
media-usage
Covar. (1993). Pilipinolohiya (1991-2004).
Ranada. (2017). Duterte signs law for free tuition in state colleges. Kuha mula sa
https://www.rappler.com/nation/177661-duterte-signs-law-free-tuition-state-colleges-
universities
San Juan. (2017). Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino/TANGGOL
WIKA: Internal na Kwento, Mga Susing Argumento at Dokumento (2014-2017).

You might also like