Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 12

facebook

Do you want to log in or join Facebook?

Join

or

Log In

Rene Bendal, profile picture

Rene Bendal

PONEMIKA

JUNE 21 · PUBLIC

PONEMIKA

Ponemika ang tawag sa pag-aaral at pag-uuri-uri sa iba't ibang makahulugang tunog na ginagamit sa
pagsasalita. Ponema naman ang tawag sa makahulugang tunog ng isang salita. (Tatalakayin natin nang
puspusan ang tungkol sa ponema sa dakong huli ng kabanatang ito.)

A. Makahulugan at Di-Makahulugang mga Tunog. Ang alinmang wika ay binubuo ng iba’t ibang tunog.
Karamihan sa mga tunog na ito ay makahulugan o makabuluhan bagama’t ang ilan ay hindi. Ang
pagkakaiba-iba ng mga makahulugang tunog ang siya nating malimit napapansin sa ilang wika; ang di-
makahulugang mga tunog ay hindi. Napapansin natin ang pagkakaiba-iba ng tunog ng mga ponema
sapagkat ang mga ito‘y nakapagdudulot ng pagbabago sa kahulugan ng salita.

Gamitin nating halimbawa ang mga ponemnng /p/* at /b/ ng Pilipino. Ang dalawang tunog na ito ay
magkatulad sa punto ng artikulasyon sapagkat kapwa panlabi. Magkatulad din ang mga ito sa paraan ng
artikulasyon sapagkat kapwa istap o pasara. Ngunit ang /p/ ay binibigkas nang walang tinig samantalang
ang /b/ ay mayroon. Dahil sa pagkakaibang ito, ang kahulugan ng isang salita ay nababago sa sandaling
ang isa ay ipalit sa isa. Halimbawa: ang salitang pala ‘shovel’ ay magbabago ng kahulugan sa sandaling
ang /p/ ay palitan ng /b/ = bala ‘bullet.

Pansinin na ang mga ponemang /p/ at /b/ ay inilagay natin sa magkatulad na kaligiran upang
mapatunayan kung ang mga ito nga ay totoong makahulugan - pala: bala Sa ganitong kalagayan ay
natitiyak natin na ang pagkakaiba sa kahulugan ng pala at bala ay dahil sa mga ponemang /p/ at /b/ at
hindi dahil sa ibang bagay.

Sa halimbawang pala : alab ay kaagad mapapansin na ang /p/ at /b/ ay wala sa magkatulad as kaligiran
sapagkat ang /p/ ay nasa unahan o pusisyong inisyal ng salita samantalang ang /b/ naman ay nasa
hulihan o pusisyong pinal. Samakatwid, ang pagkakaiba sa kahulugan ng pala at alab ay hindi dahil sa /p/
at /b/.

B. Mga Pares Minimal. Napag-usapan na natin na ang pinakamaliit na yunit ng tunog na makahulugan sa
isang salita ay tinatawag na ponema. Sinasabing makahulugan ang ponema sapagkat kapag ito'y inalis o
pinalitan sa kinasasamahang salita, ang kahulugan ng nasabing salita ay nag-iiba. Ang salitang bansa
‘country’. halimbawa, ay mag-iiba ng kahuIugan kapag ang ponemang /s/ ay inalis o pinalitan; banâ
small lake, banta ‘threat.’
Ang paggamit ng mga pares minimal, gaya ng nabanggit na sa unahan, ay isang pinakakaraniwang
paraan upang ipakita ang pagsasalungatan o pagkokontrast ng mga ponema. (Tandaan na ang pinag-
uusapan dito ay ang mga ponema at hindi ang baybay.) Ang isang pares minimal ay binubuo ng
dalawang aytem sa isang wika -maaaring salita, parirala, o pangungusap na magkatulad na magkatulad
maliban sa isang bahagi. Halimbawa:

Salita (pagkakaiba sa ponema)

lasa ‘taste’

tasa ‘cup’

Parirala (pagkakaiba sa morpema)

pupunta sa bayan - 'will go to town’

pumunta sa bayan - ‘went to town’

Pangungusap (pagkakaiba sa leksikon)

Pula ang bulaklak. ‘The flower is red.’

Puti ang bulaklak. ‘The flower is white.

Ponemiko at Ponetikong mga Tunog. Kapag ang pagkakaiba sa dalawang tunog ay makahulugan,
sinasabi nating ang pagkakaiba’y ponemiko; kapag naman ang pagkakaiba'y di-makahulugan, ay sinasabi
nating ang pagkakaiba'y ponetiko.

Lahat ng wika ay may uri ng mga tunog na mahahati sa dalawang antas: ponetikong antas at
ponemikong antas. Kapag sinusuri ng isang dalubwika ang isang wika, unang-una niyang ginagawa ay
ang pagtatala a pag-iimbentaryo ng lahat ng iba’t ibang tunog na kanyang naririnig sa mga
nagsisipagsalita ng nasabing wika. Pagkatapos ay susuriin niya ang kanyang naitalang mga tunog upang
alamin kung alin-alin sa mga ito ang ponemiko at kung alin-alin naman ang di-ponemiko o ponetiko.

Madaling nakikilala ng isang nagsusuri ang mga panama ng kanyang sariling wika kaysa mga ponema ng
isang wikang hindi niya nauunawaan. Halimbawa, kung madali mang nakikilala ng isang Tagalog ang iba’t
ibang tunog sa kanyang wika, hindi nangangahulugang madali tin niyang makikilala ang iba’t ibang tunog
ng wikang lloko.

Kalimitan, lalo na sa isang di-gaanong bihasa sa pagsusuri, ang alam na alam niyang set ng mga ponema
ng kanyang wika ang siyang nagdudulot ng suliranin sa kanyang pagsusuri. Nangyayari ito sapagkat ang
isang pares ng mga ponema na nagsasalungatan o nagkokontrast sa kanyang wika ay hindi
nangangahulugang nagkokontrast din sa ibang wika. Halimbawa: Sa Ingles ay malinaw na malinaw na
hiwalay at magkaibang ponema ang /f/ at /p/, tulad ng mapatutunayan sa mga pares minimal na
sumusunod fin : pin. Ngunit sa Pilipino, ang /f/ ay hindi (pa) maituturing na ponemiko sapagkat ang mga
salitang hiram sa Ingles o sa Kastila, o sa alinmang wika, na may ganitong ponema’y karaniwang
pinapalitan ng ponemang /p/. Halimbawa: formal=pormal, cafe = kape, atb. Kung gagamiting mga pares
minimal ang nabanggit na mga salita, mapatutunayang ang kahulugan ng salita ay hindi nababago.
Gayundin naman ang ponemang /v/ sa Ingles na karaniwan ay pinapalitan ng /b/. Halimbawa: vinta =
binta. Samakatwid, sa isang Amerikanong nagsusuri sa wikang Pilipino, ang ganitong sitwasyon ay
maaaring makalito.
Sa Kastila, gayundin sa Filipino, ang mga tunog na /s/ at /z/ (na sa Ingles ay tiyak na mga ponemiko, tulad
ng makikita sa pares minimal na sue at zoo) ay hindi maituturing na magkahiwalay at magkaibang mga
ponema sapagkat ang mga ito’y hindi nagsasalungatan o nagkokontrast sa magkatulad na kaligiran,
tulad ng zigzag : zigzag na kahit bigkasin nang /zigzag/ o /sigsag/ ay hindi nagbabago ang kahulugan.
Samakatwid, ang pagkakaiba sa bigkas ng [s]* at [z] ay hindi maituturing na ponemiko.

Ang pagkakaiba sa tunog ng [s] at [z] ay hindi gaanong napapansin ng isang Pilipino o ng isang Kastila
sapagkat ang pagkakaibang ito ay hindi makahulugan sa kani-kanilang wika. Katulad din naman sa Ingles
na ang pagkakaiba ng [pʰ] at [p] sa mga salitang pam [phæn] at span [spæn] ay hindi halos napapansin
sapagkat ang pagkakaibang ito ay hindi ponemiko.

Sa bahaging ito ay mapapanain din na ang transkripsyong pamponetiko ay naghuhudyat on may tunog o
mga tunog na nakukulong ng mga braket na di-ponemiko, samantalang ang transkripsyong
pamponemiko ay naghuhudyat naman na ang mga tunog na nakukulong ng mga pahilis na guhit ay tiyak
na mga ponemiko.

Sa wikang Pranses ay walang tunog na /θ/. Kaya’t sa isang Pranses na nag-aaral ng Ingles, ang /θ/ ay
nagiging /s/, kaya’t ang ‘thin’ /θin/ ay nagiging ‘sin’ /sin/. At sapagkat ang /θ/ at /s/ ay magkaibang
ponema sa Ingles, ang isang Pranses ay tiyak na makasusumpong ng suliranin sa kanyang pakikipag-usap
sa isang Amerikano.

Samantala, kung sa Ingles ay hindi ponemiko mg pagkakaiba an bigkas ng [pʰ] at [p], sa ilang wikain sa
Tsina, ang pagkakaiba sa bigkas ng tunog na aspirado at di-aspirado ay ponemiko. At sapagkat sa wikang
Intsik ay nakapagpapabago ng kahulugan ang pagkakaroon at pagkawala ng aspirasyon, dito naman
magkakaroon ng suliranin ang isang Amerikanong nag-aaral ng wikang Intsik.

Halimbawa ay gusto nating malaman kung ang dalawang tunog ng isang wika ay may pagkakaibang
ponetiko o ponemiko, Una, ay subukin natin kung ang mga ito ay matatagpuan sa magkatulad na
kaligiran. Pagkatapos ay subukin kung ang mga ito’y nagsasalungatan o nagkokontrast sa gayong
kaligiran. Kapag ang dalawang tunog ay hindi nagkokontrast sa magkatulad na kaligiran, sinasabi nating
ang pagkakaiba ng dalawang tunog ay di-ponemiko.

Mga salitang Ingles muna ang gamitin nating halimbawa sapagkat ang ganitong penomena ay
karaniwang-karaniwan sa wikang ito. Suriin natin ang kalagayan ng /t/ sa salitang top at stop - [thap]:
[stap]. Nasa magkatulad na kaligiran ba ang [tʰ] at [t]? Wala, sapagkat ang [tʰ] ay nasa pusisyong inisyal
samantalang abg [t] ay nasa pusisyong midyal. Maaaring pagpalitin ang pusisyon ng [t] at [tʰ], na ang [t]
ay ilagay sa pusisyon ng [tʰ] sapagkat ang pagkakaiba sa bigkas ng dalawang tunog na ito ay hindi
itinuturing na ponemiko. Ngunit sa sandaling ang [tʰ] ay malagay sa pusisyon ng [t], ito’y magkakaroon
ng pagbabago-magiging [t] na rin dahil sa impluwemya ng nauunang ponemang /s/. Gayundin, kapag
ang [t] ay inilagay sa punisyong inisyal, ito’y magkakaroon ng aspirasyon - [tʰ] - dahil sa hinihingi ng
ganitong paraan ng pagbigkas sa lahat ng ponemang pasara o istap na /p, t, k, b, d, g/ kapag nasa
pusisyong inisyal upang malinaw na marinig ng nakikinig ang ponemang nasa punisyong inisyal.

Dahil dito, masasabi natin na ang [t] at [tʰ] sa katotohanan, ay mga alopono lamang ng isang ponema.
Nagkakaroon lang ito ng bahagyang pagbabago ayon an kinnlalagyang kaligiran, o ayon sa distribusyon.

D. Kanya-kanyang Kaligiran. Ang kaligiran ng [t] at [tʰ] sa mga salitang top at stop ay hindi magkatulad.
Ang [t] , gaya ng nabanggit na sa una ay hindi maaaring ipalit sa [tʰ] nang hindi susunod sa anyo nito.
Gayundin man, ang [tʰ] ay hindi maaaring ipalit sa [t] nang hindi susunod sa anyo nitong huli.
Sa ibang salita, ang [t] at [tʰ] sa Ingles, bilang mga alopono ng isang ponema, ay may kanya-kanyang
lugar o kaligiran; na ang [t] ay hindi maaaring matagpuan sa kinalalagyan o kaligiran ng [tʰ].

E. Distribusyong Komplimentaryo. Ang dalawang tunog na [t] at [tʰ] sa mga salitang top [tʰap] at stop
[stap] ay may kanya-kanyang kaligirang katatagpuan. Ang [t] ay ma pusisyong midyal, samantalang ang
[th] ay nasa pusisyong inisyal. Sa gayong kalagayan, sinasabi nating ang [t] at [tʰ] ay nasa distribusyong
komplimentaryo. Kailanman, ang mga tunog na nasa distribusyong komplimentaryo ay hindi
nagkokontrast sapagkat ang mga ito, gaya ng nabanggit na, ay hindi matatagpuan sa magkatulad na
kaligiran.

Sa wikang Kastila, ang [s] ay natatagpuan sa pagitan ng mga patinig samantalang ang [z] ay hindi
kailanman. Kapag sinuri natin ang distribusyon ng mga tunog na [s] at [z] sa wikang Kastila ay
mapatutunayan nating kailanman ay hindi matatagpuan ang mga ito sa magkatulad na kaligiran,
samakatwid ay nasa distribusyong komplimentaryo.

Samantala, hindi ganito ang kalagayan ng dalawang tunog na ito sa Ingles sapagkat ang mga ito ay
natatagpuan sa magkatulad na kaligiran.

Halimbawa:

house [haws] (pangngalan)

house [hawz] (pandiwa)

Samakatwid, kung matatagpuan ang mga tunog na [s] at [z] sa magkatulad na kaligiran, hindi natin
masasabing ang mga ito ay may kanya-kanyang kaligiran. At sapagkat nagkokontrast ang mga ito kapag
nalagay sa magkatulad na kaligiran, makapagbibigay tayo ng kongklusyon na ang mga ito ay magkaibang
ponema.

Ang salitang houses ay binibigkas nang may dalawang tunog na [z] [hawzəz]. Ang unang [z] ay nasa
pagitan ng diptonggong /aw/-itinuturing na patinig-at ng patinig na /ə/. Ang ikalawang [z] ay nasa
pusisyong pinal ng salita. At sapagkat sa Pilipino ay walang [z] sa pagitan ng dalawang tunog na patinig,
malamang na [s] ang magiging dinig sa [z] ng isang Pilipinong nag-aaral ng Ingles. Ang dahilan ay
sapagkat sa Ingles, ang pagkakaiba sa bigkas ng /s/ at /z/ ay ponemiko samantalang sa Pilipino ay hindi.

F. Malayang Pagpapalitan. Ang mga ponemang matatagpuan sa magkatulad na kaligiran ngunit hindi
nagpapabago sa kahulugan ng salita ay sinasabing nasa malayang pagpapalitan. Sa ibang salita, ang isang
ponema ay maaaring ipalit sa pusisyon ng ibang ponema nang hindi nababago ang kahulugun ng salita.
Ang dahilan kung bakit maaari anf ganito ay tatalakayin sa Kabanata VII.

Sa Ingles ay hindi nagaganap ang pagpapalitan ng alinmang dalawang ponema nang hindi nagkakaroon
ng epekto sa kahulugan ng salita. Subalit sa Pilipino ay maituturing na karaniwang-karaniwan ang
ganitong penomena. Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa:

u-o : pinanunuod - pinanunood

r-d : marusing - madusing

r-l : karsada - kalsada


Subalit sa kabila ng ganitong karaniwang nagaganap sa pagpapalitan ng di-iilang ponema sa Pilipino,
hindi rin naman mapasusubalian na ang mga halimbawang ponema sa itaas ay sadyang magkakaibang
ponema, tulad ng mapatutunayan sa sumusunod na mga pares minimal:

u-o : uso - oso

r-d : riles - diles

r-l : loro - lolo

G. Ang Alopono. Ang pangkat ng mga tunog na itinuturing na halos magkatulad sa isang wika ay ang mga
alopono. Sinasabi nating halos magkatulad sa bigkas ang dalawa o higit pang tunog kapag ang mga ito ay
parehung-pareho sa punto at paraan ng artikulasyon ngunit may bahagyang-bahagya lamang na
pagkakaiba.

Ang mga alopono ay may mga katangiang tulad ng sumusunod: .

1. Hindi nagkokontrast o di nagsasalungatan sa magkatulad na kaligiran.

2. Magkatulad sa bigkas-sa punto at paraan ng artikulasyon.

3. Nasa distribusyong komplimentaryo.

Ang lahat ng mga alopono ng /t/ sa wikang Ingles, halimbawa, ay may iisang punto at paraan ng
artikulasyon - pawang mga voiceless alveolar stop. Ngunit ang mga aloponong ito ay nagkakaroon ng
pagkakaiba-maaaring aspirado o di-aspirado, pigil o di-pigil, ayon sa distribusyon.

Kung sabagay, kapag inulit-ulit ang pagbigkas sa isang salitang tulad ng teacher, ang ponemang /t/ na
nasa pusisyong inisyal ay tiyak na magkakaroon ng pagkakaiba-iba sa bigkas kahit bahagyang-bahagya
lamang sa aspirasyon, sa haba, sa uri ng tunog, sa tono, atb. Kaya nga ba’t sinasabing kung sampung
beses na binigkas ang teacher sa Ingles, sampung iba’t ibang tunog din ng /t/ ang lilitaw. Ang
pagkakaiba-iba sa bigkas ng /t/ sa ganitong pagkakataon, kung sabagay, ay mapatutunayan lamang natin
kung gagamitan ng isang sensitibong instrumentong tulad ng spectogram.

Subalit may napapansing mga pagbabago sa pagbigkas ng isang ponema kahit hindi gamitan ng
instrumento, tulad ng pagkakaroon at di-pagkakaroon ng aspirasyon. Ang ganitong mga pagbabagong
nagaganap sa isang tunog ay dahil sa nagiging impluwensya ng kaligiran o mga katabing tunog nito.

Subalit ang pagkakaiba sa bigkas ng mga alopono ay hindi maaaring lubhang magkalayo. Sa ibang salita,
ang pagkakaiba-iba ay di dapat lumabas sa katangian ng ponema. Sa Ingles, kapag ang /s/, halimbawa,
ay binigkas nang may boses, hindi na ito maituturing na alopono kundi iba nang ponema /z/. Pansinin na
ang seal ay mag-iiba na ng kahulugan kapag binigkas ang /s/ nang may boses - zeal.

Bumalik tayo sa ponemang /t/ ng Ingles upang malinaw nating maunawaan ang kahulugan ng alopono.
Ang ponemang /t/ sa Ingles ay masasabing may mga aloponong hindi kukulangin sa apat, tulad ng mga
sumusunod (Buchanan 1963):

[t] - (hindi aspirado) kapag ang /t/ ay sumusunod sa /s/, tulad sa mga salitang stand, still, stole, stop, atb.

[tʰ] - (aspirado) (1) kapag ang /t/ ay nasa pusisyong inisyal, tulad ng sa mga salitang tin, tip, tan, top,
atb., (2) karaniwan kapag ang /t/ ay nasa pusisyong pinal, tulad sa mga salitang sit, mint, get, light, atb.
[t-] = (pigil) karaniwan kapag ang /t/ ay nasa pusisyong pinal, tulad sa mga salitang sit, mint, get, light.
(Ang [tʰ] at [t-], samakatwid ay malayang nagkakapalitan sa pusisyong pinal.)

[t'] = (tap) kapag ang /t/ ay nasa pagitan ng dalawang patinig, tulad ng sa mga salitang bitter [bitər],
water ]wɔt’ər], butter [bətər] atb.

Mapapansin sa paglalarawan sa itaas na -

1. ang bawat alopono ay may kanya~kanyang pusisyon sa salita, maliban sa [th] na bukod sa pusisyong
inisyal ay ginagamit din sa pusisyong midyal at pinal sapagkat kalimitan ay malaya itong nakikipagpalitan
sa [t'] at [t-]. Halimbawa: bitter = [bitʰer] [bit’er], light = [layt-]~ [laytʰ].

2. lahat ng mga alopono ng /t/ ay binibigkas nang walang boses at pasara; ang punto ng artikulasyon ay
alveolar. Samakatwid, masasabing lahat ito ay magkakatulad sa paraan at punto ng artikulasyon. Kung
ang mga tunog ay magkakatulad sa punto at paraan ng artikulasyon, ang mga tunog na ito’y sinasabi
nating may pagkakatulad na ponetiko. Sinasabi rin natin na ang mga aloponong ito ay hindi
nagkokontrast sapagkat ang mga ito’y hindi matatagpuan ea magkatulad na kaligiran; matagpuan man
ay hindi rin nakapagbabago sa kahulugan ng salita.

3. sa pagbigkas ng [t’], ang dila ay dumidiit nang sandaling-sandali lamang sa punto ng artikulasyon na di
kasintagal ng pagdiit ng dila kung binibigkas ang [tʰ], [t-], at [t].

H. Ang Ponema. Sa bahaging ito ay nakahanda m tayong talakayin nang masusi ang ponema. Ngunit
makabubuti marahil na alamin muna natin kung saan hinango ang katawagang phoneme.

Ang phoneme ay hango sa dalawang salitang phone (tunog) at -eme (makahulugan) na inasimila naman
natin at tinawag na ponema ayon sa kinagawiang paraan ng panghihiram. Mababanggit na rin sa
pagkakataong ito ang morpheme na hango naman sa morph (yunit) at -eme (makahulugan) na inasimila
tin natin at tinawag na morpema. Gayundin ang allophone allo (katulad) + phone (tunog) at allomorph
allo (katulad) + morph (yunit) na tinawag natin sa Pilipino ng alopono at alomorp. Magagamit ding
panumbas ang ponim, morpim, alopon, at alomorp.

Ang ponema, sa katotohanan,ay walang kahulugan kapag nag-iisa. Nagkakaroon lamang ito ng
kabuluhan kung ito’ y nagiging bahagi ng salita.

Iba’t iba ang paraan ng pagbibigay-katuturan ng mga dalubwika sa ponema. Sa pagkakataong ito ay
gamitin natin ang depinisyon ni Gleason na humigit-kumulang ay may ganitong diwa:

Ang ponema ay (1) isang grupo ng magkakahawig na tunog (2) na magkakatulad sa punto at paraan ng
artikulasyon, at (3) may kanya-kanyang sistema ng distribusyon (4) sa wikang pinag-uusapan.

Isa-isa nating suriin kung ano ang ibig sabihin ng bawat parirala sa itaas:

. . . isang grupo ng magkakahawig na tunog. Muli nating gamiting halimbawa ang ponemang /t/ sa
Ingles. Gaya ng natalakay na sa una, ang /t/ ng Ingles ay may apat na alopono - [t], [tʰ]. [t-], at [t’]. Ang
mga aloponong ito ay isang grupo o pangkat ng mga magkakahawig na tunog. (Hindi natin magagamit
ang pang-uring ‘magkakatulad’ sa pagkakataong ito sapagkat ang mga aloponong nabanggit, sa teknikal
na kahulugan, ay may bahagyang pagkakaiba sa isa’t isa.
Mapapansin na waring hindi angkop sa PiIipino ang kahulugang ito lalo na sa mga ponemang katinig
sapagkat hindi nagkakaroon ng aspirasyon o anumang pagbabago ang alinmang ponemang katinig
saanmang pusisyon matagpuan. Gamitin nating halimbawa ang ponemang /t/ na ginamit natin sa Ingles:

Pusisyong Inisyal:

“tanong” [tanong] ‘question'

Pusisyong Midyal:

“pintor” [pintor] ‘painter‘

Pinangungunahan ng /s/:

“estado” [esta:do] ‘state’

Pusisyong Pinal:

“sagot” [sagot] ‘answer’

Pagitan ng Dalawang Patinig:

“batas” [batas] ‘law’

Pansinin na walang nagiging pagbabago ang pagbigkas sa ponemang /t/ sa halimbawang apat na
pusisyon na di tulad ng /t/ ng Ingles.

Kung sabagay, hindi lamang marahil napapansin ang nagaganap na pagbabago sa isang ponema sa
Pilipino dahil nga sa impluwensya ng kaligiran o katabing (mga) tunog. Ang ponemang /k/ diumano ay
nagkakaroon ng ‘fronting‘ kapag nakapagitan sa mataas-harap na /i/, tulad sa salitang "pikit" [pi< kit].
Samantala, nagkakaroon naman daw ng ‘backing' ang /k/ kapag ito’y nakapagitan sa mataas-likod na
/u/, tulad sa salitang “buko” -[buk>u] ‘node’. Mapapatunayan lamang ito marahil kapag ginamitan ng
spectogram. Nguni't ito’y hindi na natin pag-uukulan ng interes sapagkat ito'y wala namang
kahalagahang pedagodyikal.

. . . nagkakatulad an paraan at punto ng artikulasyob. Ang apat na alopono ng /t/ sa Ingles ay binibigkas
nang halos magkatulad na magkatulad-iisang paraan at punto artikulasyon ang ginagamit-kaya't
sinasabing ang mga ito‘y 'phonetically similar'.

Lahat ng mga aloponong ito ay binibigkas nang walang boses, pasara, at ang dulo ng dila ay dumidiit
nang minsan sa may punong gilagid.

. . . may kanya-kanyang sistema ng distribusyon. Sinasabi nating kung nagkakaroon man ng bahagyang-
bahagyang pagkakaiba ang mga alopono ng isang ponemang tulad ng /t/ sa lngles, iyon ay dahil sa
impluwensya ng kani-kanilang kaligiran. Subalit ang bahagyang pagkakaibang ito ay hindi sapat upang
makapagpabago sa kahulugan ng salita kapag ang mga ito ay inilagay sa magkatulad na kaligiran. Kaya
nga’t mapatutunayan, gaya ng natalakay na sa una, na halos lahat ng mga alopono ay nasa distribusyong
komplimentaryo; sa ibang salita, bawat isa ay may kanya-kanyang sistema ng distribusyon.

. . . sa wikang pinag-uusapan. Kailangang isama ito sa katuturan ng ponema sapagkat lahat ng wika ay
may kanyakanyang set ng mga ponema. May wikang higit na maraming ponema; may wikang higit nu
kakaunti. Ang Ingles ay may 47 ponema samantalang ang Pilipino ay may 21 lamang. Kaya nga’t
sinasabing hindi ngayo’t ponemiko ang isang tunog sa isang wika ay hindi nangangahulugang ponemiko
na rin ito sa ibang wika. Halimbawa, maraming ponema sa Ingles na hindi maituturing na ponemiko rin
sa Pilipino, tulad ng /č/, /j/, /f/, /v/. /θ/. /ə/, /s/. /z/, /ž/. Gayundin naman, kahit kakaunti ang mga
ponema ng Pilipino, may mga ponema rin ito na wala sa Ingles, tulad ng pnnemang glottal na pasara /?/
o impit na tunog na matatagpuan sa pusisyong pinal ng mga salitang tulad ng bata /ba:ta?/, puso
/pu:so?/, labi /la:bi?/ atb. (Tinatalakay nang puspusan ang ponemang ito sa Kabanata VII.)

Isa pa, bawat wika ay may kanya-kanyang sistema sa paggamit ng mga tunog, ponemiko man o hindi. Sa
lngles, ang /k/ sa keep /kip/ ay iba sa /k/ ng cool /kuwl/. Ang /k/ sa keep ay ‘frontopalatal,’ samantalang
ang /k/ ng cool ay ‘dorso-velar.’ Iba rin ang /k/ sa kit kaysa /k/ sa skit; sa una ay aspirado, sa ikalawa ay
di-aspirado. Samantala, ang /k/ sa Pilipino ay walang nagiging pagbabago kahit saan mang pusisyon
matagpuan-laging dental-alveolar.

Masasabi ring ang isang ponema ng isang wika ay hindi kailanman makakatulad na makakatulad ng isang
ponema ng ibang wika; na walang isang ponemang unibersal. Ang Ingles ay may kanyang sarling /t/,
halimbawa; ang Pilipino ay mayroon din; gayundin ang Pranses, ang Aleman, atb.

Ang tinalakay sa itaas na katuturan ng ponema, ayon kay Gleason, ay mapapansing angkop na angkop sa
wikang Ingles. Para sa ating pangangailangan makabubuti pang sabihin na lamang natin na ang ponema
ay ang pinakamaliit na makahulugang tunog ng isang wika. Halimbawa, sa salitang basâ /basa?/ ay
sinasabi nating lima ang ponema-/b, a, s, a, ?/ sapagkat bawat isa ay makahulugan o ponemiko; na hindi
maaaring palitan o alisin ang alinman sa mga ito sapagkat maiiba o mawawala ang kahulugang wet.

1. Ang Morpema. Tinalakay natin sa itaas sa isang payak at pabuod na pamamaraan kung ano ang
ponema. Ngunit ang pag-alam sa mga ponema ay isang bahagi lamang ng paglalarawan sa wika. Hindi
magiging ganap ang ating paglalarawan sa wika kung palatunugan lamang nito ang ating aalamin.
Kailangan din nating suriin kung papaanong ang mga ponema ay pinagsasama-sama upang magkaroon
ng kahulugan. Gayundin, kailangan din nating alamin kung papaanong ginagamit sa pakikipag-usap ang
mga salita o katagang binubuo ng pinagsama-samang mga ponema.

Sa bahaging ito ay pag-uusapan natin ang ikalawang pinakabatayang yunit sa sistema ng pananalita-ang
morpema. Ang unang pinakabatayang yunit, gaya ng alam na natin, ay ang ponema.

Ang morpema, gaya ng ponema, ay may kahirapang bigyan ng tiyak na katuturan na maaangkop sa
alinmang wika. Alam nating ang bawat wika ay may sariling sistema sa pagbubuo ng mga salita. Kaya’t
makabubuti marahil na talakayin muna natin kung ano ang morpema at pagkatapos ay saka tayo
magbigay ng depinisyon na magiging makatumran para sa mga guro at mag-aaral ng Pilipino.

Sinasabing ang morpema ay naiiba sa ponema sapagkat may mga morpema na may kahulugan kahit
nag-iisa; ang ponema ay wala. Sa isang wika, ang ponema ay ang pinakamaliit na makabuluhang tunog,
samantalang ang morpema ay ang pinakamaliit na makahulugang yunit nito. Ang morpema ay binubuo
ng isa o higit pang ponema, kaya’t masasabi natin na may pagkakataong ang ponema ay morpema rin.
Halimbawa, ang boys sa Ingles ay binubuo ng dalawang morpema {boy}* + {z}. Ang {z}, bagama’t
maituturing na isa ring ponema, ay isa pa ring morpema. Ito ang tinatawag na pamparaming morpema
(pluralizer morpheme). Isa pang halimbawa: sa wikang Ilocano, ang pera mo o kuwarta mo ay
cuartam /kwartam/. Ang salitang cuarta /kwarta/ ay isang morpema, gayundin ang paaring panghalip na
{m}. At sapagkat nakakabit sa salitang-ugat ang /m/ na tulad ng {z} sa boys, ito ang tinatawag na
nakalaping morpema (bound morpheme). Maaari ring tawagin itong di- malayang morpema. Ang
morpemang mo ay malayang morpema. Ngunit mapapansin na ang mga morpemang {z} sa boys at {m}
sa cuartam, bagama’t mga ponema rin, ay iba ang katayuan sa mga ponemang /z/ at /m/ sa mga salitang
rose /rowz/ at hiram /hiram/.

Sa linaw ng mga halimbawang nabanggit ay hindi natin masasabing ang morpema ay salita o kataga
sapagkat ang {z} ng boys at {m} ng cuartam ay hindi mga salita o kataga. Isa pa, may mga pagkakataong
ang isang salita ay binubuo ng higit pa sa isang morpema. Ang salitang /maganda/ ay binubuo ng
dalawang morpema -{ma-} + {ganda}. Manapa, masasabi natin sa bahaging ito na ang morpema ay
mauuri sa dalawang klase: salitang-ugat na tulad ng basa {ba:sa}, lakad {la:kad}, salita {salita?}, abp.,, at
panlapi na tulad ng {-um-} sa lumakad, {nag-} sa nagsalita, atb.

Hindi rin masasabing ang morpema ay isang pantig. Ang bubuyog [bubu:yug/ ay isang morpema ngunit
binubuo ng tatlong pantig. Kung susubuking hatiin o pagputul-putulin ang salitang bubuyog,
makakukuha tayo ng mga putol ng salitang tulad ng /bu/, /bub/, /bubu/, /ubu/, /bu:yu/, /uyug/, atb.
Nakabuo nga tayo ng mga salitang tulad ng /bubu/, /ubu/, /bu:yu/ ngunit ang mga kahulugan ay walang-
wala nang relasyon o kaugnayan sa bubuyog.

Ang pagkilala sa mga morpema ng isang wika ay madali kung alam ng nagsusuri ang wika; may kahirapan
kung banyagang-banyaga sa kanya ang wikang kanyang sinusuri. Halimbawa, madaling makikilala ng
isang Tagalog ang mga morpema ng wikang Tagalog, ngunit siya’y mahihirapan sa pag-alam sa mga
morpema ng isang wikang bagung-bago sa kanyang pandinig.

Ang isang karaniwang paraan ng pag-alam ng mga morpema ng isang wika ay ang pagkuha ng sapat na
daming mga aalita na nagkakatulad sa ginagampanang bahagi sa pananalita. Ang mga salitang malaki,
malinaw, at malungkot ay pare-parehong mga pang-uri. Sapagkat ang {ma-} ay natatagpuan sa
pusisyong inisyal ng bawat salita, masasabi natin kaagad na ito’y isang morpema, gayundin ang mga
sumusunod na salitang-ugat: lahi, linaw at lungkot. Ang ganitong paraan ng pag-alam sa mga morpema
ay waring madali para sa mga Tagalog sapagkat wikang Tagalog ang pinag-uusapan. Ngunit para sa isang
di-Tagalog, ito'y hindi kasindali ng ating akala. Ang isang walang kaalam-alam sa wikang Tagalog, isang
Kastila, halimbawa, ay maaaring magpalagay na {mal} at hindi {ma} ang morpemang panlapi sapagkat,
gaya ng mapapansin natin, ang tatlong halimbawang salita ay nagsimula Iamang magkaroon ng
pagkakaiba pagkatapos ng l. Ang dahilan kung bakit hihinalain ng isang Kastila na isang morpema ang
*{mal} ay sapagkat may kahulugan ito sa kanyang unang wika. Ipalalagay din niya samakatwid na ang
mga salitang-ugat sa mga halimbam sa itaas ay *aki, *inaw, at *ungkot. Mangyayari ito sapagkat wala sa
kanyang bokabularyo ang mga salitang Iaki, Iinaw, at lungkot. Isa pang halimbawa: sa mga salitang sitaw.
sibuyas, sili, sigarilyas, at sitsaro ay malamang na hinalain ng isang walang kaalam-alam sa Tagalog na
ang /si/ ay isang morpemang panlapi at ang mga salitang nilalapian ay *taw, buyas, Ii, gadilyas, at tsaro.

Nangyayari rin na ang isang morpema na ating ihiniwalay ay maaari pang hatiin sa dalawang ponema.
Halimbawa: pinagtapunan, pinagtaguan, pinaglutuan, pinagtalian. Kung ihiniwalay natin ang {pinag-)
bilang isang morpema, hindi na kaya maaaring himayin pa ito, tulad ng {p-ag} at {-in-}? Gayundin,
nangyayari na ang ihinihiwalay ng isang nagsusuri bilang isang morpema, sa katotohanan, ay bahagi
lamang ng kabuuan ng morpema. Hindi kaya bahagi lamang ng buong morpemang { pag-...-an) ang { p-
ag}?

Bawat morpema ng isang wika ay may kanya-kanyang distribusyon. Ang morpemang {a:so}, halimbawa,
ay matatagpuan sa balangkas ng Tumatahol ang ______ , ngunit hindi hindi sa Umaawit ______ Maria.
Ang si ay matatagpuan sa ikalawang pangungusap ngunit hindi sa una. Gayundin, ang morpema o
panlaping {-um-} ay matatagpuan sa pusisyong inisyal at sa pusisyong midyal ngunit hindi kailanman sa
pusisyong pinal. Halimbawa: umawit, tumahol; ngunit *awitum, taholum.
Mapapansin na, tulad ng ponema, ang isang di-malayang morpema ay nagkakaroon ng kaunting
pagbabago sa bigkas ayon sa distribusyon o dahil sa impluwensya ng kinakakabitang salitang-ugat. Ang
morpemang {s} sa Ingles, halimbawa, ay nagkakaroon ng tatlong iba’t ibang anyo ayon sa kinalalapiang
salita: sa boys /boyz/, ito ay {-z}; sa cats [kaets], ito ay {s}; at sa roses /rowziz/, ito ay /-iz/. Kung ating
susuriin ang iba pang salita sa Ingles na katatagpunn ng morpemang {s}, mauumwaan natin na ang
anyong {-iz} ay matatagpuan lamang sa mga salitang nagtatapos sa ponemang /s, z, š, ž, č, at j/ ang
anyong {-s} ay mga nagtatapos sa /p, t, k, t, at θ/, at ang {z} ay sa lahat ng iba pang katinig at sa lahat ng
mga patinig. Maaari pa ring idagdag sa mga alomorp ng {-s} ang {-in} sa salitang oxen, bagama’t
masasabing ito’y natatanging alomorp ng {-s}.

Ang tatlong anyong {-iz}, {-s}, at {-z} ay tinatawag na mga alomorp ng morpemang {-s}. Ang {pang-},
{pam-}, at {pan-} sa Pilipino ay isa pa ring halimbawa ng mga alomorp ng isang morpema. Pansinin na
ang alomorp na {pang-} ay matatagpuan lamang sa unahan ng mga salitang nagsisimula sa mga
ponemang patinig at sa mga ponemang katinig na /k, g, h, ?, w, y/; ang {pam-} ay sa /p at b/ at ang
{pan-} ay sa /t, d, s, l, r/. Ang may at mayroon man, kung ating suriin, ay maituturing na mga alomorp
lamang ng isang morpema. Tingnan ang halimbawang tanong-sagot na, May lapis ka ba? Meron
(Mayroon); ngunit, *Mayroong lapis ka ba? *May. Isa pang halimbawa ay ang mga paaring morpema sa
Ilocanong (-k) ~ {ko} at {-m} ~ {mo}: cuartak /kwartak/~ Iapis ko /la: pis ko/; cuartam /kwartam/~ lapis
mo /la:pis mu/. Pansining ang {-k} at {-m} ay ginagamit kapag ang salitang-ugat ay nagtatapos sa patinig,
at ang {ku} at {mu} kapag nagtatapos sa katinig.

Sa bahaging ito ay makapagbibigay na tayo marahil ng isang arbitraryong depinisyon na tulad ng


sumusunod, halimbawa: Ang morpema ay ang pinakamaliit na makahulugang yunit sa balangkas ng
isang wika. Sa ‘pinakamaliit na makahulugang yunit,’ ang ibig nating sabihin ay isang yunit na hindi na
maaaring hatiin pa nang hindi masisira ang kahulugan.

Mga Notasyong Ating Ginagamit. Makabubuting sa bahaging ito ay lagumin natin ang mga notasyon o
simbolong ating ginagamit sa aklat na ito:

[ ] - transkripsyong ponetiko; na ang lahat ng tunog, maging ponemiko o hindi ay isinasama sa notasyon.
Masasabing ang mga tunog na inirereprisinta ng mga simbolo sa loob ng braket ay mga ‘hilaw’ pa; na
wala pang katiyakan kung makahulugan o hindi. Sa halimbawang kit [khit] kahit alam na alam nating
ang /k, i, t/ ay mga ponemiko o makahulugan, braket pa rin ang ginagamit natin upang ihudyat na may
isang simbolo sa transkripsyon na kumakatawan sa isang tunog na (di-ponemiko- ang [h].

/ / - transkripsyong ponemiko; na ang lahat ng tunog na nakukulong ng mga ito ay ponemiko o


makahulugan. Ang dalawang pahilis na guhit na ito ay tinatawag sa Ingles na ‘virgules’. Masasabing ang
mga tunog na inirereprisinta ng mga simbolo sa loob ng dalawang guhit na pahilis ay mga ‘luto' na; na
lahat ay makahulugan o ponemiko 'lung'.

{ } - notasyong morpemiko;na ang nakakulong ng mga ito ay morpema o alomorp. Halimbawa: {pang~}
{nam-}. {pag-}. Ang gitling sa hulihan ng morpema o alomorp ay naghuhudyat na ito’y unlapi. Kung ang
isang panlaping morpema naman ay isang gitlapi, ito’y nilalagyan ng gitling sa magkabila. Halimbawa: {-
in-}; kung hulapi, ay nilalagyan ng gitling sa unahan {-an-}. At kung ang morpema ay putol, ito'y
inirereprisinta nang ganito: {pag-...-an} pagtaguan.

“ " - Ang mga halimbawang salita ay kinukulong ng panipi o kung minsan naman ay isinusulat nang
pahilig o italisado; naghuhudyat din ito ng tinatanggap na baybay ng halimbawang salita. Halimbawa:
"cuartam" sa Ilokano sa halip na *kuwartam sapagkat ang una ang tinatanggap o ginagamit sa kanilang
ortograpiya.

' ' - salin ng kahulugan sa ibang wika. “Gloss" ang tawag dito sa Ingles. Halimbawa: bata /ba:ta?/ ‘child’.

* - nangangahulugang ang halimbawang ibinigay ay mali o hindi tinatanggap ng katutubong


tagapagsalita ng wika. Halimbawa: *Umaawit Maria si.

: - kumakatawan sa haba (length) na ibinibigay sa patinig na sinusundan nito. Halimbawa: /pu:su?/.

/?/ - kumakatawan sa glotal na pasara o impit na tunog na ponemiko sa wikang Pilipino at iba pang wika
sa kapuluan. Halimbawa: /ba:ga?/ ‘lung', /idu?/ (Hiligaynon) 'dog.’

A phoneme is a class of sounds which are phonetically similar and show certain characteristic patterns of
distribution in the language under consideration.

Ortograpiya -ito ay tumutukoy sa sistema ng pagsulat, ilang mga letra ang binubuo sa alpabeto nito,
paano tatawagin o ngangalanin ang mga letra nito, at mga tuntuning dapat sundin sa ispeling.

MGA TULONG SA PAG-AARAL

1. Ipaliwanag ang bawat bilang na sumusunod tungkol sa katuturan ng ponema:

(1) isang grupo ng magkakahawig na tunog.

(2) na magkatulad sa punto at paraan ng artikulasyon, at

(3) may kanya-kanyang sistema ng distribusyon

(4) sa wikang pinag-uusapan

2. Kailan sinasabing ponemiko ang isang tunog? Kailan naman sinasabing di-ponemiko o ponetiko?
Magbigay ng mga halimbawa.

3. Ano ang pares minimal? Papaano ito ginagamit?

4. Anu-ano ang mga katangian ng mga alopono?

5. Ipaliwanag ang kahulugan ng mga sumusunod: “kanyakanyang kaligiran” “distribusyong


komplimentaryo,” at “malayang nagpapalitan.”

6. Ano ang pagkakaiba ng mga simbolong ginagamit sa ortograpya at ng mga simbolong ginagamit sa
notasyong ponemiko?

7. Paano nagkakatulad at nagkakaiba ang ponema at ang morpema? Magbigay ng mga halimbawa.

8. Bakit hindi natin masasabing ang morpema ay isang salita? kataga? pantig?

9. Ipaliwanag kung papaanong ang mga alopono ng isang ponema o ang mga alomorp ng isang morpema
ay nasa distribusyong komplimentaryo.

10. Ipaliwanag ang ibig sabihin ng malaya at di-malayang morpema. Magbigay ng mga halimbawa sa
Ingles, sa Pilipino, at sa iba pang wika sa Pilipinas.
ref. PANIMULANG LINGGWISTIKA. Alfonso O. Santiago. Rex Book Store, Inc. Quezon City. 1979. pp. 63-
79

You might also like