Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Pangalan: WU, Aidan-Sealtiel S.

Taon at Seksyon: Ikatlong taon – AC 302


PANUNURING PAMPELIKULA
I. PAMAGAT
2 Cool 2 Be 4Gotten
II. MGA TAUHAN
Khalil Ramos bilang Felix Salonga – Siya ay isang matalinong mag-aaral sa ikalawang antas
ng paaralan sa lungsod ng Pampanga na laging napapag-isa sa kanyang buhay eskwela.
Ethan Salvador bilang Magnus Snyder – Siya ay isang Filipino-America na lumipat sa
paaralan kung saan din nag-aaral si Felix at unang naging kaibigan nito simula noong
magpatulong siya sa kanyang mga aralin matapos makakuha ng mabababang grado.
Jameson Blake bilang Maximillian “Maxim” Snyder – Siya ang nakababatang kapatid ni
Magnus Snyder na magiging mitsa ng isang hindi magandang pangyayari sa kabuuang
kwento.
Ana Capri bilang Demetria Snyder – Siya ang ina nina Magnus at Maxim Snyder.
Peewee O’Hara bilang Mrs. Salvacion - Isa siya sa mga guro nina Felix at Magnus.
Joel Saracho bilang Mr. Pangan - Isa siya sa mga guro nina Felix at Magnus.
Meanne Espinosa bilang Mrs. Echiverri - Isa siya sa mga guro nina Felix at Magnus.
Ruby Ruiz bilang Gng. Salonga – Siya ang ina ni Felix Salonga.
Bajun Lacap bilang G. Salonga – Siya ang ama ni Felix Salonga.
III. BUOD NG PELIKULA
Ang kwentong ito ay patungkol sa buhay ng isang matalinong mag-aaral na si Felix Salonga
at kung paano niya diniskubre ang kanyang tunay na pagkatao matapos niyang makilala si
Magnus Snyder at ang kapatid nitong si Maxim Snyder. Nagsimula ang kanilang
pagkakakilala noong lumipat sa pinapasukang paaralan ni Felix ang magkapatid na Snyder at
naging kamag-aral niya ang isa sa mga ito na si Magnus. Sa pagdaan ng mga araw ay tila
nahihirapan sa leksyon si Magnus dahilan ng mabababang marka na kanyang nakukuha.
Buhat nito ay lumapit si Magnus kay Felix upang magpatulong sa kanilang mga aralin na may
kapalit palang bayad kahit hindi humihingi si Felix. Lumipas pa ang mga araw at unti-unting
nahulog ang loob ni Felix kay Magnus. Nalaman niya ang istorya ng buhay ng magkapatid na
Snyder at ang dahilan ni Magnus kung bakit siya nagpapaturo kay Felix sa mga aralin.
Nalaman ni Felix na ang dahilang pinanghahawakan ni Magnus ay upang makarating sila sa
Amerika tulad ng ipinangako sa kanila ng kanilang ama kapag nakapagtapos silang
magkapatid ng pag-aaral. Nakaramdam ng pagdadalawang isip si Felix gayung kung
mangyari man ito ay magkakahiwalay silang dalawa na kaniyang kinatatakutan. Ngunit tila
gumuho ang mundo ni Magnus ng madinig niya ang pag-uusap ni Felix at ni Demetria na
kanyang ina patungkol sa walang katotohanang pangako ng kanilang ama. Nawalan ng gana
si Magnus sa pag-aaral at sinimulang iwasan si Felix. Nalaman ni Felix mula naman kay
Maxim na plano nitong kitilin ang buhay ng sariling ina dahil ang alam niyang paraan para sila
ay kuhanin ng kanilang ama papuntang ibang bansa ay ang pagpanaw ni Demetria habang
menor de edad pa ang magkapatid. Sa paglipas pa ng mga araw ay napatalsik sa paaralan
ang magkapatid na Snyder at isang araw ay inantay ni Magnus si Felix sa kanyang paglabas
sa paaralan upang kahit sandali’y makapagliwaliw sila. Nagpunta sila sa dating tirahan ni
Felix na natabunan ng lahar matas ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo at doon sila ay
nakapag-usap ng masinsinan at nalaman ni Magnus ang mga pinagdaanan at kwento ng
buhay ni Felix. Namangha siya na sa kabila ng mga iyon ay nanatiling matatag si Felix. Gabi
ng araw na iyon habang nakainom si Magnus at sa bahay sana nina Felix siya manunuluyan
sa gabing iyon ay binanggit ni Felix sa kanya ang plano ni Maxim na kitilin ang buhay ng
kanilang sariling ina. Napabalikwas si Magnus at umuwi sa kanila upang bantay ang kanyang
ina at kapatid. Ngunit tila walang makakapigil sa plano ni Maxim kung kaya’t siya ay nag-aya
na magdaos ng selebrasyon ng kaarawan ng kanilang ina upang sa araw na iyon ay
isakatuparan niya ang plano. Dumating ang araw ng kaarawan ni Demetria at si Felix lamang
ang nakapilit kay Magnus na sumama. Sa kabilang banda, sa araw na iyon din
napagdesisyunan ni Felix na umamin kay Magnus ngunit hindi naging maganda ang
kinalabasan nito. Nasira ang kanilang pagkakaibigan at tuluyang natupad ni Maxim ang
kaniyang plano subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay maging si Magnus ay binawian ng
buhay. Naiwang mag-isa at miserable si Maxim at punong-puno ng paghihinagpis maging si
Felix.
IV. BANGHAY NG MGA PANGYAYARI (STORY GRAMMAR)
A. Tagpuan
Sa isang paaralang pangsekondarya sa lungsod ng Pampanga ang unang tagpuan sa
pelikula. Sumunod naman ay sa tahanan ng mga Snyder, sa lugar ng dating tinitirhan ni Felix
na natabunan ng lahar matapos ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo at maging sa bagong
tahanan ni Felix at ng kanyang pamilya. Naging tagpuan din ang isa sa mga dalampasigan sa
Subic.
B. Protagonista
Ang pangunahing tauhan sa kwento ay si Felix Salonga kung saan ay umikot sa kanyang
buhay ang bawat kaganapan sa pelikula.
C. Antagonista
Ang naging kontrabida sa kwentong ito ay si Maxim Snyder na pinagmulan ng mga hindi
magagandang nangyari sa buhay ni Felix.
D. Suliranin
Sa kwentong ito, masasabing ang naging sulirinan at sentro ng mga ‘di magagandang
pangyayari sa bawat eksena ay ang kagustuhan nina Magnus at Maxim Snyder na
makarating ng Amerika sa puder ng kanilang ama dahil naniniwala silang mayroon silang
mas magandang hinaharap sa bansang iyon. Buhat ng pangnanais nilang ito, naniwala sila
sa mga paraang nalalaman nila upang maisakatuparan ang mithiin nilang iyon. Isa pang
naging suliranin ang pagdiskubre ni Felix sa kanyang sekswalidad kung kayang itinago niya
ito kay Magnus upang hindi siya layuan nito.
E. Mga Kaugnay na Pangyayari o Mga Pagsubok sa Paglutas ng Suliranin
Sa paglutas ng suliraning nabanggit, naniwala si Magnus na ang kanilang pagtatapos sa
sekondaryang paaralan ang mag-uudyok sa pagkamit ng kanilang inaasam na makaalis ng
bansa kung kaya naman siya ay nagpatulong sa kanyang pag-aaral kay Felix. Kasalungat ng
mabuting paraang ito, ang nalalaman ni Maxim na paraan ay ang pagkitil sa buhay ng
kanilang sariling ina na humantong sa kanya upang hikayatin ang kanyang mga kaibigan na
isakatuparan ito kapalit ng pera. Sa kabilang banda, sa parte naman ni Felix ay tila naging
daan si Maxim upang lalo niyang mailabas ang tinatago niyang nararamdaman o lihim sa
paraang sensitibo. Ang pagmamahal namang nararamdaman ni Felix para kay Magnus ang
nag-udyok sa kanya upang pigilan ang mga paraan ng magkapatid upang hindi na sila
makaalis ng bansa at manatili silang magkasama ni Magnus sa pagtupad sa kanilang napag-
usapang pangarap matapos nilang mag-usap ng masinsinan.
F. Mga ibinunga
Sa paglipas ng panahon na magkakasama sina Felix, Manus at Maxim ay tuluyang nakilala ni
Felix ang kanyang sarili at gawing matanggap ito na nagtulak sa kanya upang aminin ang
katotohanan kay Magnus. Subalit, nasira ang iniingatang pagkakaibigan nina Felix at Magnus
matapos tila biglain ni Felix ang pag-amin niya kay Magnus tungkol sa kanyang
nararamdaman at tunay na pagkatao sa hindi magandang paraan. Ang mga pangyayaring ito
rin ay nagbunga ng kapinsalaan sa kani-kanilang mga buhay. Isinakatuparan ni Maxim ang
kanyang planong kitilin ang buhay ng kanilang ina ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay
kasabay rin nitong mawawalan ng buhay ang kanyang kapatid na si Magnus kung kaya’t
imbis kaginhawaan ang kanyang makamit at pag-iisa at pagbagabag ng konsensya ang
kanyang natamo.
V. PAKSA O TEMA
Ayon kay Petersen Vargas na direktor ng pelikulang 2 Cool 2 Be 4Gotten, ang tema o paksa
ng istoryang ito ay umiikot sa pagdiskubre at pagkilala sa sarili ng isang tao at kung ano ang
koneksyon nito sa pag-ibig o pagmamahal.
VI.MGA ASPEKTONG TEKNIKAL
A. Sinematograpiya
Ang teknik ng pagkuha sa bawat anggulo kasabay ng paggalaw ng kamera at timpla ng mga
ilaw na ginamit sa pelikula ay masasabi kong mahusay at hindi nagbibigay ng pagkahilo para
sa mga manonoood. Sakto ang mga pagkuha sa bawat eksena na nagbibigay ng pokus sa
mga tauhan o kahit lulan na bumibida sa partikular na eksenang nagaganap kung kaya’t
lubhang maiintindihan ng mga manonood ang nangyayari. Subalit, mayroong mga parte na
hindi gaanong malinaw ang pagkakakuha sa mga eksena na nakasisira sa pokus at
pagkahumaling sa eksenang napapanood.
B. Musika
Ang mga musikang ginamit sa pelikula ay naghahatid ng kakaibang pakiramdam sa mga
manonoood kapag napapakinggan habang naghihintay ng mga susunod na kaganapan sa
bawat eksena. Akma rin ang mga ito sa bawat emosyong ipinapakita sa bawat eksena na
siyang mas nagpapaganda sa pelikula dahil mas nakakapukaw at nakakadala ito ng
damdamin.
C. Visual effects
Dahil sa paggamit ng produksyon ng mga makatotohanang lugar at kasangkapan ay hindi na
naging komplikado ang mga visual effects na inilapat sa pag-eedit ng pelikula upang
makabuo ng isang makatotohanang sining. Masasabi kong maayos at naaangkop ang mga
ito kung kaya’t hindi ito kapansin-pansin at mas nakapagbigay buhay at diin pa nga sa
kalagayan o sitwasyong ipinapakita sa bawat eksena. Hindi nakakalito ang ginawang
pagsasaayos at pagdudugtong-dugtong ng mga eksena kung kaya’t hindi naging magulo ang
daloy ng istorya. Naging makatotohanan din ang kapanahunan ng pelikula buhat ng biswal na
pagsasaayos nito.
D. Set Design
Ang mga lugar na isinama, kagamitang napili at pagkakaayos ng mga ito ay hindi nasobrahan
at akmang-akma lamang sa tema ng istorya at kwento ng bawat eksena. Naging mas
makatotohanan ang bawat kaganapan buhat ng detalyadong pagsasaayos ng kanilang mga
lulan na nagpapakita ng pagkanatural ng mga ito at tila ba ay sa makalumang panahon
talaga kinuhanan ang buong pelikula. Nakakatuwa na parang dinadala ang mga manonood
sa kapanahunan ng istorya buhat ng mga nakikitang paligid sa pelikula.
VII. TEORYANG PAMPANITIKAN
Ang kwento ng pelikulang ito ay may teoryang pampanitikan na realismo. Ito ay sa
kadahilanang ang inspirasyon ng akda ng manunulat na si Jason Paul Laxamana ay hango
rin sa pinagdaanan noon ng direktor ng pelikula na si Petersen Vargas na parte ng LGBTQ
Community. Ang pelikulang ito ay isinagawa upang bigyang representasyon ang
katotohanang pinagdadaanan at nangyayari sa buhay ng bawat indibidwal na nagsisimula pa
lamang diskubrihin ang kanyang tunay na pagkatao lalo na sa aspeto ng sekswalidad.
Ipinapakita rin sa pelikula ang nararanasan ng ating bayan na kahirapan at ang mga paraan
at mentalidad ng karamihang Pilipino na makakatulong sa kaalwanan ng buhay kung
mangingibambansa upang doon magtrabaho.
VIII. SIMBOLISMO
Sa pelikulang ito, ang karakter ni Khalil Ramos bilang si Felix Salonga ay sumisimbolo sa
hirap na pinagdaraanan ng isang tao sa pagtuklas ng sarili sa iba’t-ibang aspeto ng pagkatao,
lalo sa binigyang diin ng pelikula na sekswalidad, habang namumulat sa reyalidad. Siya din
ay isang simbolo ng pag-ibig. Bukod dito, ang pelikulang ito ay tila may mas malalim pang
sinisimbolo sa pamamagitan ng magkapatid na Snyder at ng mga guro sa pelikula, ito ay ang
mentalidad ng karamihang Pilipino na higit na aalwan ang buhay kung makakarating sa ibang
bansa at doon makikipagsapalaran imbis na paglingkuran ang ating sariling bayan.
Sinisimbolo nila ang pagtangkilik sa ibang bansa at kung gaano kataas ang tingin ng iba sa
mga dayuhan. Sa kabila nito, sa eksenang nagkaroon ng pag-uusap ang magkaibigang Felix
at Magnus sa lugar kung saan natabunan ng lahar ang dating tirahan nina Felix matapos
sumabog ang bulkang Pinatubo, naging simbolo muli si Felix ng kakaibang katatagan at
pagiging positibo ng mga Pilipino kumpara sa ibang lahi sa pagharap sa mga hamon ng
buhay.
IX. KABUUANG MENSAHE NG PELIKULA
Sa kabuuan, nais iparating ng pelikulang ito na bilang taong nakakakita at nakakaramdam ay
dapat nating intindihin ang pinagdadaanan ng iba kahit sa simpleng paraan dahil wala tayong
nalalaman kung ano nga ba ang tunay at mga pinagdadaan ng bawat isa. Ngunit sinasabi na
bago natin tanggapin at mahalin ang iba ay dapat muna nating kilalanin, tanggapin at mahalin
ang ating mga sarili kasabay ng pagdiskubre natin sa ating tunay na pagkatao at
nararamdaman. Walang masama sa pagpapakatotoo maliban na lamang kung mayroon
maargabyadong tao o hindi kaya naman ay manlilinlang ng iba para lamang magustuhan nila.
Bukod sa mga ito, hindi maiiwasan ang mga problema at paghihirap ngunit mas mainam
kung maging bukas ang isipan ng bawat isa sa pagharap sa mga ito upang hindi malihis ng
landas. Sa pag-abot ng mga pangarap, tama lamang na gawin ang lahat at huwag
palampasin ang bawat oportunidad ngunit kung ang magiging paraan ay taliwas sa kabutihan
ay siguradong bandang huli ay ito’y ating pagsisisihan buhat ng magiging masamang epekto
nito hindi lamang sa iba kundi maging sa ating mga sarili.

You might also like