Professional Documents
Culture Documents
Anong Gusto Mong Maging Paglaki
Anong Gusto Mong Maging Paglaki
(Teoryang Realismo)
Karaniwang tanong ng matatanda sa mga musmos na wala pang kamulatan sa tunay na korte na
mundo.
Ikaw, ako, siya, lahat tayo bumuo ng ambisyon sa mapangarap nating kamusmusan.
At kung babalikan natin ang nakaraan, ang mga panahong wala pa tayong kapaguran sa
paglalaro ng tumbang preso at taguan, ng luksong baka at habulan, ng patintero, bangkang papel,
holen, teks, o bahay-bahayan, at ang pagtatampisaw natin sa ulan, paano mo ipakikilala sa batang
ikaw na ikaw ang batang lawlaw ang salawal ngunit may ambisyon sa buhay?
Kung ako ang lilingon sa kahapon upang magpakilala sa batang ako, ipaaalala ko sa kanya na
ako pa rin ang dating ako. Maambisyon. Mayroon lamang konting pagbabago pagdating sa
pananaw at perspektibo ko sa mundo.
Lumaki ako sa ideolohiyang ang buhay ay isang kompetisyon na kung saan kailangan ako parati
ang nangunguna at nagwawagi. Bawal ang matalo, dapat palaban, at kailangan parating may
napatutunayan sa ibang tao.
Nangarap ako na makatapos upang magkaroon ng magandang trabaho na may malaking sweldo.
Nangarap ako ng magandang bahay, magarang kotse, at maging milyonaryo.
Ubos na ang gasolina, pagod na ang makina, at wala ng lakas ang mga paa upang magpatuloy pa.
Subalit noong mga oras na iyon natuklasan ko ang tunay na korte ng mundo. Naliwanagan ako sa
hiwaga ng buhay at kung bakit tayo narito.
Hindi pala sapat na motibasyon ang mataas na sahod sa pagpili ng kurso dahil hindi sukatan ng
tunay na tagumpay ang milyong piso.
Nalaman ko na ang buhay katulad ng kompetisyon ay parating may posibilidad na matalo, hindi
palaging panalo at ang pinakamabigat na kalaban ay ang sarili mismo.
Hindi sukatan ng pagkatao ang medalya o taas ng grado o kung parati kang nangunguna kundi
kung paano ka lumaban at magpakatao.
Hindi mahalaga kung ano ang napatunayan natin sa mundo kundi kung ano ang napatunayan sa
sarili natin. Hindi tayo isinilang upang piliting magustuhan ng ibang tao.
Napakaliit na dahilan pala ng paghinto sa pag-aaral at pagkakaroon ng bisyo para kitilin ang
sariling buhay dahil maraming may mas mabigat na dalahin pero patuloy na lumalaban at
nakikipagsapalaran.
Habang may buhay may pag-asa. Habang may pag-asa may pagkakataon tayong magbago at
bumangon upang magpatuloy sa pag-abot ng ating ambisyon.
Hinulma ako ng panahon at ng mga pagsubok. Pinatatag ako ng Panginoon at ng mga taong
nagmamahal sa’kin kaya patuloy akong bumabangon.
Minsan pala kailangan natin maligaw para malaman ang tamang daan.
Kaya sa kasalukuyan tinatahak ko na ang landas tungo sa mundo ng pagiging guro, ng gusto
kong maging pagdating ng panahon.