Repleksyong Papel tungkol sa mga Salik sa Matagumpay na Pagkatuto ng Wika
Nangunguna sa mga salik ang (1) motibasyon na nangangahulugang antas o haba ng
interes ng isang estudyante na matuto. Maaaring ang motibasyon na naging sanligan ng mga ito upang magpatuloy sa pagkatuto ay panlabas na motibasyon na siyang bunga ng mga salik na eksternal o motibasyong intrinsik na may likas na kagustuhang matuto ng wika. Kaugnay nito, mapapansing matagumpay ang isang mag-aaral sa pagkatuto ng wika kung matataas ang antas ng kanilang motibasyon at matatawag na pasang-awa ang mga mag-aaral na may mababang motibasyon. Dahil dito, masasabi nating ang motibasyon ay isang inspirasyon upang matapos ang isang gawain. Ito ang siyang nag-uudyok at naghihikayat sa mag-aaral na makapagtamo ng panibagong aralin o leksyon. Ang mga (2) mag-aaral ang tinuturing na pangunahing tauhan sa klasrum. Lalong matagumpay at malayo ang nararating ng pagtuturo ng isang guro kung naiintindihan nito ang iba‟t ibang kakayahan, kahusayan at kalinangan ng mga mag-aaral. Higit na nakatutulong sa pagpapalawak ng mga talakayan at kaalaman sa tulong ng mga naiaambag na konsepto at ideyang magaaral (Garcia, et al., 2014). Ayon kay Rubin at Thompson (1983), may mga naitala silang mga katangian ng isang magaling na estudyante ng wika. Una, nagagawa ng magaaral na manghula hinggil sa kayarian ng wikang pinagaaralan at sinusubukan niya ang mga ito sa pamamagitan ng pangangalap at pag-iipon ng mga impormasyon sa isang mabisang paraan. Bukod pa rito, gumagamit rin ang mag-aaral ng mga hudyat na maririnig at makikita niya sa kaniyang kaligiran. Dito na papasok ang isa pang mahalagang salik: ang (3) mga guro. Sila ang mga namamahala sa paghahanda ng mga gawain sa pagkatuto na siyang nakapagdaragdag ng motibasyon sa mga mag-aaral. Kinakailangang malawak ang kabatiran ng isang guro sa asignaturang kanyang itinuturo at nararapat na kawili-wili o nakapupukaw ng interes ang mga kontemporaryo at makabagong (4) estilo na kaniyang ginagamit. Nakasalalay ang pagkatuto ng ng mag-aaral sa mga estilo at materyal na ginagamit ng guro sa isang klasrum dahil sila ang sentro ng mga gawain at sa kanila idinidesenyo ang lahat ng mga aktibidad ng proseso ng pagtuturo-pagkatuto dahil ang mga aktibidad na ito ang nagsisilbing paraan ng paghahasa at pagpapabuti sa kanilang pagganap. Obligado rin ang mga guro na mag-obserba sa mga mag-aaral sa loob ng kaniyang klasrum na may iba’t-ibang uri ng katalinuhan. Maaaring taglayin ng isang indibidwal ang 9 na Uri ng Katalinuhan ni Howard Gardner: linggwistik, lohikal-matematikal, musikal, biswal, bodily- kinaesthetic, interpersonal, intrapersonal, naturalist, eksistensyal. Gayunpaman, may kani- kanilang set ng kakayahan at pangangailangan ang mga mag-aaral kaya’t nararapat na gumawa ang guro ng iba’t-ibang pamamaraan upang matugunan ang nagkakaibang katalinuhan ng mga mag-aaral sa proseso ng pagkatuto.
Sa pagtatamo at pagkatuto, kailanma’y ‘di sapat na alam lamang ng mag-aaral ang
tuntuning pang-gramatika sapagkat layunin ng pagtuturo na magamit ng mag-aaral ang mga ito sa angkop na sitwasyon sa totong buhay, maihatid ang tamang mensahe at magkaunawaan ng lubos ang nag-uusap. Ayon kay Canale at Swain (1980), upang matamo ang kakayahang komunikatibo, kinakailangan ang apat na aspetong ito: (1) linguistic/grammatical competence na nararapat lamang na hasa ang mag-aaral ang istruktura ng wika o pag-aaral ng linggwistika; (2) sociolinguistic/sociocultural competence na kung saan inaasahang nauunawaan ng mag- aaral ang mga konteksto bilang elemento ng komunikasyon; (3) discourse competence na may kinalaman sa pag-unawa ng buong diskurso at may kakayahang magbigay ng interpresyon ng mga napakinggang usapan upang makagawa ng isang makabuluhang kahulugan; at (4) strategic competence gaya ng mga estratehiya na ginagamit ng bawat indibidwal upang matakpan ang ga imperpektong kaalaman sa wika.
Ang pakikinig ay isang paraan ng pagtanggap ng mensahe sa pamamagitan ng pandinig
(Parra, 2017). May ilang katangian ang proseso ng pakikinig na makatutulong sa paglilinang ng kasanayang ito sa pagtuturo. Una, ang pagdinig vs. pakikinig na kung saan ginagamit natin ang ating kapasidad sa pandinig at maunawaan at maipaliwanag ang ating narinig. Ikalawa ang prosesong top-down kung saan iniuugnay ang dating kaalaman (top) sa panibagong impormasyon na napakinggan (down). Ikatlo ang prosesong bottom up na inaakyat sa utak ang mga napakinggang impormasyon ng tainga upang mas maunawaan ng tagapakinig ang lahat ng datos linggwistika. Ang huli ay ang aktibong proseso ng pakikinig na tungkol sa aspektong kognitibo ng isang tagapakinig na may kakayahang bumuo ng sariling pagpapakahulugan sa mga impormasyong kaniyang narinig. Sinisiyasat at hinuhulaan niya ang kahulugan ng mga bagong salitang kaniyang napakinggan. Samakatuwid, itinuturo ang pakikinig dahil mahalaga ang papel nito sa proseso ng pagtatamo at pagkatuto ng wika. Kaugnay nito, hawak ng pakikinig ang 45% sa makrong kasanayan ng isang tao kaya’t kinakailangan itong matutunan upang bawat isa ay magkaunawaan at magkaroon ng mabuting palagayan.