Adyenda Sa Pananaliksik Sa Gramar NG Fil PDF

You might also like

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

ADYENDA SA PANANALIKSIK SA GRAMAR NG FILIPINO

Jonathan Malicsi, Propesor Emeritus sa Linggwistiks, UP Diliman

Batay sa mga impormasyong nakalap ko sa mga mag-aarál at guro ng wika at Lingguwistiks, narito ang
ilang mungkahi para sa pagsulong at pagpapaunlad sa pag-aaral ng gramar ng Filipino:

1. Alisin ang puwang sa pagitan ng gramar na deskriptibo at gramar na preskriptibo.

Ang gramar na preskriptibo ang ginagamit sa pagtuturo ng wika o pag-eedit ng mga teksto. Marami dito
ay nakasalalay pa rin sa tinatawag na tradisyonal na gramar na hango sa gramar ng Ingles na hango rin
sa gramar ng Latin pero marami nang paliwanag sa deskriptibong gramar na mas makakatulong sa mas
madali at wastong pagtuturo ng Filipino.

Halimbawa, ang konsepto ng panahunan o "tense" ay dapat ng palitan ng "aspekto". Ang panahunan ay
nakatuon sa panahon ng kaganapan kung kaya’t ang mga kategorya nito ay pangnakaraan,
pangkasalukuyan, at panghinaharap. Ang aspekto ay nakatuon sa estado ng kaganapan kung kaya't ang
mga kategorya nito ay perfektibo, imperfektibo, at kontemplatibo. Sa mga di-Tagalog na nagtuturo gamit
ang konsepto ng panahunan, maaaring hindi nila masabi ang pangungusap na nag-aaral ako kahapon sa
dahilang ang nag-aaral ay nasa panahunang pangkasalukuyan. Sa katunayan ang nag-aaral ay nasa
aspektong imperfektibo, o patuloy na nangyayari at maaaring nasa panahong nakaraan, o sa
kasalukuyan gaya ng nag-aaral ako ngayon. Ang salin ng nag-aaral sa Ingles ay maaaring past
progressive na was studying o present progressive na am studying.

Ang paghuhulapi ng -an/-han at -in/-hin ay ipinapaliwanag sa mga gramar na preskriptibo bilang mga
allomorph ayon sa tunog—na ang -an at -in ay isinusunod sa katinig (kasama ang impit na hindi naman
isinusulat), samantalang ang -han at -hin isinusunod sa patinig. Noong mga dekada 60, lumabas ang
konsepto ng canonical form ng salitang ugat bilang CV(C)CVC, halimbawa, lakad at bagsak. Ayon dito,
ang salitang walang nakasulat na huling katinig, tulad ng takbo, ay may canonical form na /takboh/. Ang
huling /h/ ay hindi binibigkas kapag walang kasunod na tunog at binibigkas kapag may kasunod na
patinig. Kung gayon, ang mga hulapi ay -an at -in lang. Pero ang paliwanag na ito ay hindi nasasakop
ang mga salitang tulad ng tawanan at kayanin na may tunog na /n/ sa halip na /h/. Sa konsepto ng
epenthesis madaling ipaliwanag ito bilang pagsingit ng /h/ sa pagitan ng -an o -in at sinusundang patinig
sa karamihan ng salitang ugat, at ang pagsingit ng /n/ sa isang maliit na grupo ng pandiwang salitang
ugat, tulad ng bahagi, bihasa, hangga, kabila, kaya, kilala, kuha, paa, sala, sampalataya, sarili, talo, tawa,
tuto, at ulo.

Ang paggamit ng pantukoy na ang hindi lamang sa unahan ng pangngalan (ang bahay) kundi pati na rin
sa unahan ng pandiwa (ang nahalal), pang-uri (ang maginoo), at pariralang pang-ukol (ang para sa
bakwit) ay kadalasang ipinapaliwanag bilang nominalisasyon ng pandiwa, pang-uri, o pariralang pang-
ukol. Maaari rin itong ipaliwanag bilang resulta ng relatibisasyon ng panaguri, at ang pagtanggal ng
simuno na hindi pinangalanan. Ganito ang proseso:
S: nahalal ang N ⇒ NP: ang N na nahalal ⇒ NP: ang nahalal
S: maginoo ang N ⇒ NP: ang N na maginoo ⇒ NP: ang maginoo
S: para sa bakwit ang N ⇒ NP: ang N na para sa bakwit ⇒ NP: ang para sa bakwit

Ang salitang ”nasa" ay itinuturing na pang-ukol o pandiwa o di-nababanghay na pandiwa na tumutukoy sa


lunan. Ito ay dahil nakasanayan na nating makita ito bilang isang salita sa pagbaybay, pero kapag ang
kasunod na pangngalan ay pangalan ng tao, maaaring lumabas ang baybay na na kay at na kina.
Ganoon din sa pananong na na kanino. Sa simpleng pagdagdag ng negatibo makikitang ang na ay
napapalitan ng wala, na nakahiwalay sa mga pariralang wala sa, wala kay, at wala kina. Kung gayon,
maaari nating ituring ang katagang na bilang pandiwang lokatibo na walang banghay.


Inihanda para sa Kongreso ng Wika 2018, 3 Agosto 2018.
Madalas na itinuturo ang mga pandiwang may at mayroon bilang baryasyon na katumbas ng existential
na pariralang there is/are, o ng pandiwang have sa Ingles. Nakakalimutang ipakita na magkaiba ang
istruktura ng pangungusap. Ang pandiwang may ay nasusundan ng pangngalan at pariralang nabuo ay
ang buong panaguri, samantalang ang mayroon ay nasusundan ng morpermang ng at pangngalan kung
saan ang mayroon ang panaguri. Isang madaling demonstrasyon nito ay ang pagsingit ng pananong na
ba, na naisisingit sa pagitan ng panaguri at mga sumusunod na komplemento, halimbawa:
may libro ang bata ⇒ may libro ba ang bata?
mayroong libro ang bata ⇒ mayroon bang libro ang bata?

Pansinin na kapag demonstratibo ang isinunod sa mayroon, ang lumalabas ay nasa pormang ng:
mayroon nito ang bata

Pansinin din na kapag ginawang negatibo ang pangungusap, ang istruktura ng negatibo ay umaayon sa
istruktura ng mayroon:
may libro ang bata sa library ⇒ *wala libro ang bata sa library
mayroong libro ang bata sa library ⇒ walang libro ang bata sa library

Makikitang kapag kinompleto ang mga komplemento ng may/mayroon, lalabas ang strukturang:
may N1 + ang N2 + sa N3
mayroong N1 + ang N2 + sa N3

Kapag ang istruktura ay may/mayroon + N1 ang pangunusap ay existential. Kapag ang istruktura naman
may/mayroong + N1 + N2 ang pangungusap ay possessive, at kapag ang istruktura ay may/mayroong +
N1 + (N2) + N3 kung saan maaaring mayroon o walang N2 ang pangungusap ay locative. Kung gayon,
masasabing ang pandiwang may/mayroon ay isang existential-possessive-locative o EPL na pandiwa.

2. Palawakin pa at palalimin ang pag-aaral ng gramar ng Filipino.

Marami pang mga detalye ang gramar ng Filipino na masasabing kulang pa sa paglalahad at
pagpapaliwanag. Isang napakalaking problema ang subcategorization ng mga pandiwa. Marami ng
pananaliksik ang nailahad tungkol dito. Ang latest na saliksik dito sa aking pagkakaalam ay ang MA tesis
ni Divine Endriga tungkol sa subcategorization ng 500 pandiwa, pero hindi pa rin ito sapat para makabuo
ng maaaring tawaging mga conjugation set sa Filipino, tulad ng mga conjugation set sa mga iregular na
pandiwa sa Ingles at sa Kastila. Kailangan sigurong gawan muna ng subcategorization ayon sa valence
(o bilang at uri ng mga komplemento) at pagkatapos ay gumawa ng mas masinsin pang
subcategorization sa bawat valence group ayon sa mga panlaping ginagamit.

Ang kategoryang pang-abay ay kailangan ding ayusin dahil kadalasan ipinapasok lang dito ang
morpema, salita, o parirala na hindi maipasok sa mga kategorya ng pangngalan, pang-uri, pandiwa,
pangatnig, at pandamdam. Kasama na rin dito ang pagpapaliwanag kung ano ang kaibahan ng
komplemento sa pariralang pang-ukol, dahil ang komplemento ay kasama sa batayang pangungusap
pero kung ang pariralang pang-ukol ay pang-abay, ito ay nasa labas o adjunct ng batayang
pangungusap. Kailangan ding suriin kung ano-ano ang paraan ng pagiging pang-abay ng isang
pangungusap. Itong nakaraang mid-year term sa UP, gumawa ng pananaliksik sa pang-abay ang mga
estudyante ko sa Informant Work pero dahil sa kailangan nilang gumawa ng saliksik sa wikang hindi nila
alam, nag-focus sila sa Iranun, Kalingga, Waray, Sebwano, Magindanawn, Mëranaw - hindi kasama ang
Filipino.

Isang pag-aaral na maaaring madaling gawin ay tungkol sa mga contraction sa Filipino kung paanong
ang mga kumpleto at mahabang istruktura ay natatapyasan ng mga elemento at madalas ay nagiging
isang salita na lang. Ilang halimbawa:
maghintay ka ⇒ hintay ka ⇒ tay ka ⇒ teka
winika ni ⇒ eka ni ⇒ ani
kailangang tumakbo tayo ⇒ tumakbo tayo ⇒ takbo tayo ⇒ takbo
ayaw ko ⇒ ayoko ⇒ yoko ⇒ yaw
ano'ng nangyari? ⇒ anyare?

Maaaring isama rito ang ilang itinuturong pariralang pang-ukol gaya ng gáling sa at mula sa na katumbas
sa Ingles na from. Di kaya ang mga ito ay contraction ng nanggaling/nanggagaling sa at
nagmula/nagmumula sa? Katulad ba ito ng ginawa sa at niyari sa na nagiging gawa sa at yari sa?

Karamihan sa mga nauna ng pag-aaral ng Filipino ay nagkakaroon ng gawi na tumigil sa pag-analisa ng


kahulugan ng isang porma kapag natukoy na ito bilang isang morpema. Isang madaling halimbawa ay
ang pagtawag sa ang bilang pantukoy ng simuno (nagluto ang dalaga) pero ito rin ay ginagamit bilang
pantukoy ng panaguring pangngalan na depinitibo (ang dalaga ang tagapagluto vs. dalaga ang
tagapagluto), at ginagamit pa ring pangdiin o intensifier ng salitang ugat na pang-uri (ang ganda mo).

Sa mga panlapi naman dahil tinawag na ang hulaping -an bilang pangmarka ng simuno na lokatibo
(pinuntahan namin ang mall), nagkaroon ng paliwanag na sa pangungusap na tiningnan namin ang mall,
ang salitang mall ay ang locus ng pagtingin, samantalang mas angkop na tawagin itong focus sa obheto
ng persepsyon bilang pangalawang kahulugan ng hulapi.

Kung gayon, kinakailangang pag-aralan ang polysemy o ang pagkakaroon ng maraming kahulugan ng
isang porma lalo na ng mga functor - mga kataga o partikula at mga panlapi. Commented [ECP1]: O mas akma po siguro ang partikel

3. Paigtingin ang pag-aaral ng gramar ng Filipino gamit ang mga makabagong teorya tungo sa mas
komprehensibong pagpapaliwanag.

Maaaring masubok din ang kakayahan ng mga teorya sa analisis ng isang wikang Austronesian lalo na ’t
lahat ng mga makabagong teorya ay hango sa o pinapaliwanag sa pamamagitan ng Ingles . Bakâ
makabuo din ng bagong teorya batay sa Filipino bilang representante ng wikang Austronesian.

Ang mga teorya ay nakabatay sa kani-kaniyang algoritmo o paraan ng representasyon ng mga elemento
at kanilang relasyon sa isa't isa. Halimbawa, ang pangunugsap na uminom si Madge ng beer ay
maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng:

(1) rules:

S → VP + NP-agent + NP-patient
VP → focus + aspect + Vtrans
focus → agent
NP-agent → agent marker + NS1
NP-patient → patient marker + NS2
(2) tree:
IP

Focus

Aspect Vtrans

agent N1 patient N2
marker marker

(3) schema (hango sa tesis ni Javier, 2013):

Ang mga algoritmong ito at iba pa (hal., ang mga diagram ng stratificational at relational na gramar) ay
ginagamit para maisapormal ang pagpapaliwanag ayon sa mga teorya ng struktura, proseso, at relasyon
ng mga sangkap. Maaaring mas malinaw ang isang algoritmo sa isang aspekto ng Filipino, at iba namang
algoritmo para sa ibang aspekto, pero kinakailangang mapagsama nang lohikal ang mga ito. Maaari ring
makapagmungkahi ng iba pang algoritmo at teorya, lalo na ngayong dumadami na ang pag -aaral ng
pagkakadikit ng gramar sa semantika at sa lohika.
Isang lapit na maaaring subukan ay ang pagtingin sa pagbuo ng dalawang salitang pangungusap ng bata
bilang pagsulong mula sa komunikasyong referential, kapag isang salita lang ang ginagamit, tungo sa
komunikasyong propositional. Kung gayon, bawat pangungusap ay naglalaman ng isang uri ng
proposition na maaaring humihingi ng aksiyon sa kausap o reaksiyon kung ang pangungusap ay totoo o
hindi. Ang sentro ng pangungusap ay ang pandiwa na siyang nagkokontrol kung anong kahulugan ang
intensiyon (o illocution) ang isinasaad. Sa Filipino kailangan nating maglagay ng isang teoretikal na
stative verb para sa mga proposition na nakatuon sa klasipikasyon at identipikasyon, halimbawa:
Klasipikasyon: SV NS NP: ∅ magsasaka ang guro
Ang guro ay isa sa mga magsasaka.
Identipikasyon: SV def NS NP: ang magsasaka ang guro
Ang guro ang tinutukoy na magsasaka.

Sa ganitong pananaw, ang pangungusap na uminom si Madge ng beer ay ipapaliwanag bilang:

Pagganap ng transitibong aksyon: agent FOC perf Vtrans FOC agent mrker N1 patient mrker N2
Tapos na ang paggawa ni N1 ng Vtrans sa S2

4. Magkaroon o bumuo ng isang preference committee ng mga kinikilalang mga propesyonal sa wika
(gramaryan, titser ng wika, manunulat, mamamahayag, editor) para desisyunan ang ilang mga
kontrobersiyal na detalye sa estandardisasyon.

Magiging tulad ito ng Real Academia Española para sa Kastila at Académie française para sa Frances.
Dapat may impluwensiya ang komiteng ito sa mga responsable sa wika ng mass media (diyaryo, radyo,
tv).

Pipiliin ng komiteng ito ang mas mahusay, angkop, o magandang porma o proseso sa mga kasong may
higit sa isang porma o proseso sa isang natatanging aytem na gramatikal na nagagamit ng mass media,
at mga naglilimbag ng librong panturo.

Halimbawa, dapat bang igiit ang kaibahan ng pagbalik sa pagbabalik, kung saan ang pagbalik ay hango
sa pandiwang bumalik, samantalang ang pagbabalik naman ay hango sa pandiwang nagbalik, alinsunod
sa hulma ng nominalisasyon ng mga pandiwang -um- at mag-? Tingnan ang mga sumusunod:
tumaas ang presyo ng langis ⇒ ang pagtaas ng presyo ng langis
nagtaas ng bandila ang sundalo ⇒ ang pagtataas ng bandila ng sundalo
tumayo ang pasyente ⇒ ang pagtayo ng pasyente
nagtayo sila ng pader ⇒ ang pagtatayo nila ng pader
bumalik ang bata sa ekswela ⇒ ang pagbalik ng bata sa eskwela
nagbalik ng sukli ang bata ⇒ ang pagababalik ng sukli ng bata

Pero sa kasulukuyan, halos lahat ng mga brodkaster ay nagsasabing sa aming pagbabalik sa halip na sa
aming pagbalik. Aayunan na lang ba natin ang mas madalas gamitin ng midya o maiimpluwensyahan ba
natin ang midya sa pamamagitan ng komite, na gamitin ang mas angkop na porma?

Mapapansin din sa midya ang paggamit ng kabilaang panlaping ka-…-an bilang pormang maramihan,
halimbawa:
kapulisan vs. mga pulis
kasundaluhan vs. mga sundalo

Mapapansin din ang paggamit ng ka-…-an sa mga salitang ugat na hindi kailangan nito ayon sa
konteksto, halimbawa:
may katanungan ba kayo sa akin? vs. may tanong ba kayo sa akin?
eto ang kasagutan ko vs. eto ang sagot ko
Meron ding mga pagkakaibang maaaring ayon sa wikain. Aling porma ang mas magandang gamitin sa
Filipino? Halimbawa:
lalagyan vs. lalagyanan
kalagayan vs. kalalagayan
katayuan vs. katatayuan

Siguro naman kailangang ding susugan ng komite ang paggamit ng mas malinaw na termino sa halip na
terminong popular pero hindi tugma sa konteksto. Halimbawa:
sinibak sa puwesto ang mga pulis na nangotong
tinanggal ba sila sa trabaho o inilipat lang sila ng puwesto?
ibinasura ng korte suprema ang mosyon
nagbabasura na ba ang korte suprema?

Kailangang-kailangan ang preference committee para tukuyin kung alin ang mas angkop sa Filipino na
impleksiyon ng mga pandiwa lalo na ng mga hiram na salita na may kambal-katinig sa unahan,
halimbawa:
kakatapos vs. katatapos
gumradweyt vs. grumadweyt vs. naggradweyt
nagsa-speech vs. nag-iispeech
nagtatransfer vs. nagtratransfer

5. Ituro ang gramar hindi lamang tungkol sa mga alituntuning kailangang sundin kundi mga estrukturang
nagsasaad ng partikular na intensiyon o kahulugan (illucution).

Nasa intensyon ang kahulugan ng pangungusap, kung kaya't kailangang akma sa intens iyon ang
pormang gramatikal na gagamitin para hindi magkaroon ng kalabuan o higit sa isang kahul ugan. Pansinin
ang estruktura ng pangungusap na nagsasaad ng pagsisisi:
kung nag-aral lang ako ng maige, nagkamit sana ako ng mataas na grado

Parehong nasa perfektibo ang mga pandiwa ng mga dalawang sugnay at kahit walang katagang
negatibo, ang ibig sabihin ay hindi naganap ang isinasaad ng dalawang sugnay: hindi ako nag-aral ng
maige, at hindi ako nagkamit ng mataas na grado. Kung papalitan natin ng kontemplatibo ang aspekto ng
pandiwang panaguri ng mga sugnay, ganito ang lalabas: kung mag-aaral ako ng maige, magkakamit ako
ng mataas na grado.

Ito ay nagsasaad ng prediksiyon na, kapag nasamahan pa ng maraming kaso ng katulad nito ay
magiging basehan para sa pangungusap na nagsasaad ng prinsipyo:
lahat ng nag-aaral ng maige, nagkakamit ng mataas na grado

Parehong nasa imperfektibo ang mga pandiwa ng mga sugnay. Lahat ng ito ay mga kondisyonal na
pangungusap at hindi maaaring magpalit-palit ang aspekto.

Sa pag-aaral ng intensiyon, dapat makita ng mag-aaral na ang mga modipikasyon ay hango sa


relatibisasyon ng panaguri. Kung gayon, bawat salitang nag-uuri ay nagsisimula sa batayang
pangungusap bilang panaguri at kung totoo ang pariralang may salitang nag-uuri, ang katotohanan nito
ay nanggaling sa katotohanan ng orihinal na batayang pangungusap.
maginoo ang lalaki ⇒ ang lalaking maginoo ⇒ ang maginoong lalaki
tumaas ang presyo ⇒ ang presyong tumaas ⇒ ang tumaas na presyo
ayon sa utos ang pagpatay ⇒ ang pagpatay na ayon sa utos ⇒ ang ayon sa utos na pagpatay
magsasaka ang estudyante ⇒ ang estudyanteng magsasaka

Mapapansin sa mga halimbawa na ang unang hango mula sa batayang pangungusap ay inilalagay ang
orihinal na panaguri sa posisyong kasunod ng orihinal na simuno at pinagdidikit ang dalawa ng pang-
angkop na na. Tatawagin natin itong relatibisasyon. Ang pangalawang hango ay inilalagay ang orihinal na
panaguri sa pagitan ng pantukoy ng simuno at ng pangngalang simuno, at ginagamitan din ng pang-
angkop na na. Tatawagin natin itong atribusyon. Ang mga panaguring pang-uri, pandiwa at pariralang
pang-ukol ay nagkakaroon ng dalawang hango. May limitasyon lang sa atribusyon para sa mga
pariralang pang-ukol dahil sa kahabaan ng mga ito.

Ang pangngalang panaguri naman ay limitado sa relatibisasyon, dahil kapag inilagay ang pangngalang
panaguri sa harapán ng pangngalang simuno, babangga ito sa relatibisasyon ng isa pang pangungusap
tulad ng:
estudyante ang magsasaka ⇒ ang magsasakang estudyante

May mga pang-uring limitado ang hango sa atribusyon, halimbawa:


ganap ang tagumpay ⇒ ang ganap na tagumpay (*ang tagumpay na ganap)
tatlo ang mansanas ⇒ ang tatlong mansanas (*ang mansanas na tatlo)

Kung ano man ang lohikal na relasyon sa pagitan ng panaguri at simuno ay dala-dala nito sa mga
hangong relatibisasyon at atribusyon. Kung gayon ang isang pangungusap ay kasing bigat sa semantika
ng mga sangkap nitong batayang pangungusap, at paghihimay-himay nito ay kailangan para lubos na
maintindihan ang kahulugan.
ang pag-ibig ko sa'yo ay tunay, tulad din ng umagang may pag-asang sumisikat =
tunay ang pag-ibig ko sa'yo +
tulad din ng umaga ang pag-ibig ko sa'yo +
sumisikat ang araw nang may pag-asa

6. Isama ang pagtuturo ng mapanuring pag-iisip sa pagtuturo ng wika, batay sa pag-aaral ng epekto ng
mga pangatnig sa pagsasaad ng katotohonan sa tambalang pangungusap (truth value), at sa pagbubuo
ng mga hugnayang pangungusap.

May mga estruktura ng pangungusap na maaaring magdulot ng kalituhan sa interpretasyon o magbigay


ng maling kaisipan at marami rito ay popular. Halimbawa, ang isang sugnay ay maaaring gawin pang-
abay na pamanahon, tulad ng:
namatay ang doktor matapos maturukan ng dengvaxia

Ang isinasaad ng unang sugnay ay naganap pagkatapos maganap ang sinasabi ng pangalawang
sugnay. Walang isinasaad na aktuwal na pagitan sa panahon pero maraming nakarinig nito ang naisip na
maikling panahon lang ang pagitan ng dalawa. Sa aktuwal na kasong ito, dalawang taon na ang
nakaraan bago namatay ang nasabing doktor. Isa pa, marami ang nakaintindi sa pangungusap na ito
bilang pagsasaad na dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng doktor. Ang ganitong kaisipan ay mali at
isang halimbawa ng fallacy na post hoc ergo propter hoc—maling kaisipan na "pagkatapos nito kung
gayon dahil dito". Totoong ang dahilan ay nauuna sa resulta pero hindi ibig sabihin na lahat ng nauuna sa
isang kaganapan ay kaniyang dahilan. Sa mga pangungusap na tulad nito idinidiin ng ilang
mamamahayag na delikado at nakakamatay ang dengvaxia na hindi naman naaayon sa mga
pananaliksik tungkol sa bakunang ito.

Ang kondisyonal na pangungusap ay madalas ding magresulta sa maling interpretasyon . Halimbawa:


kung makatapos kayo ng MA, mapopromote na kayo

Kung ito nga ay patakaran ng isang kolehiyo, maaaring gamitin itong batayan sa pag-iisip na dahil na-
promote ang isang guro, siguradong nakatapos na siya ng MA. Isa itong maling kaisipan na tinatawag na
pag-ayon sa consequent, dahil sa conditional, kung totoo ang antecedent, maaaring maging totoo ang
consequent (kaisipang modus ponens), at kung hindi totoo ang consequent maaaring hindi totoo ang
antecedent (modus tollens). Ito ay dahil ang antecedent ay isa lang sa maraming posibleng antecedent
para sa naturang consequent (ang gurong napromote ay paborito ng dekano). Isa pang maling kaisipan
sa conditional ay ang maling pag-iisip na kung hindi totoo ang antecedent, siguradong hindi totoo ang
consequent.
Iba ang estruktura ng biconditional na pangungusap kung saan kung totoo ang antecedent, siguradong
totoo ang consequent; kung totoo ang consequent, totoo ang antecedent; kung hindi totoo ang
antecedent, hindi totoo ang consequent; at kung hindi totoo ang consequent, hindi totoo ang antecedent.
kung makatapos kayo ng MA saka lang kayo mapopromote
kung makatapos lang kayo ng MA kayo mapopromote

Ilan pang mga halimbawa ng maling kaisipan na laganap ay:

galing din sa dengue virus ang dengvaxia kaya nakamamatay ito


Non causa pro causa, o maling dahilan. Ang bakuna ay mahina o pinahinang uri ng virus na
nakakapagpahanda ng antibodies para sa orihinal na virus.

uminom ng 1000mg ng vitamin C kada araw para gumaling sa sipon, ayon kay Dr. Linus Pauling,
isang Nobel Prize winner
Argumentum ad verecundiam, o maling awtoridad. Si Dr. Pauling ay may Nobel Prize sa
Peace at sa Chemistry at hindi sa medicine.

kailangan ko po ng extra assignment para pampataas ng grade dahil sa aking scholarship


Argumentum ad misericordiam, o pagpapaawa. Hindi dapat magbigay ng palugit dahil sa
awa.

kung naliliitan ka sa sweldo mong P24k dito, pumunta ka sa South Korea para makakuha ng mas
mataas na sweldo, mga ₩502k
Large numbers accent, o panggugulat gamit ang malalalaking bilang. Pareho lang ang
halaga sa Peso at Won.

7. Suportahan ang mga komparatibong pag-aaral ng Filipino at mga wika ng Filipinas.

Ang komparatibong pag-aaral nito ay magsisilbing siyentipikong batayan sa pagtuturo ng Filipino bilang
pangalawang wika. Kahit na natututo ng Filipino ang mga kabataan batay lamang sa kanilang exposure
sa mass media, mas mainam kung ang pagkatutong ito ay maiiayon sa gramar ng Filipino na mas
pinapaburan ng mga propesyonal sa wika.

Isang kategorya ng Filipino na mahirap itumbas sa iba't ibang wika ng Filipinas ay ang mga pang-abay na
kataga: na, man, nga, din, lang, naman, daw, ho/po, tuloy/kasi, ba/kaya, muna, pala. Lumalabas
sa mga paunang pagsasaliksik dito na kakaunti ang cognates o magkatumbas na tunog at kahulugan sa
kategoryang ito at mayroon pang pagkakataon na ang parehong porma ay magkaiba ang kahulugan .
Naging popular ang komparatibong pag-aaral ng gramar ng Ingles at mga wika ng Filipinas noong
panahon na popular ang lapit na TESL o Teaching English as a Second Language. Kaya lang karamihan
ng mga pananaliksik na nagawa ay hindi naman nagamit sa pagbuo ng mas angkop na pagtuturo ng
gramar ng Ingles sa iba't ibang lugar sa Pilipinas. Sana hindi mangyari ito sa komparatibong pag-aaral
ng Filipino at iba pang mga wika, na ang bawat saliksik, artikulo, tesis, o disertasyon ay magamit ng
husto sa pagbuo ng gramar na panturo sa mga nagsasalita ng ibang wika.

May mga problemang gramatikal din sa Filipino na maaaring maresolba batay sa katulad na aytem sa
ibang wika. Halimbawa, ang ang…ang na pangungusap sa Filipino kumpara sa say…su sa Pangasinan
at so…i sa Mëranaw.

8. Magkaroon ng web-based na archives ng mga pag-aaral ng gramar ng Filipino at iba pang mga wika
ng Filipinas na downloadable ninoman sa mundo para mas malawak ang maabot nito kaysa sa mga
nalimbag na jornal.

Ang web-based archives na ito ay magsisilbi ring electronic publication at dapat ma-recognize bilang ISO
jornal upang mabigyan ng puntos ang mga may akda para sa kanilang buhay propesyonal.
Kailangan nito ng nagpapatuloy na suportang pinansiyal para sa sarili nitong server, internet connection,
editor, editorial board, at mga referee.

Kung ang pag-aaral ay ginawa bilang term paper sa isang kurso, dapat ito ay rekomendado ng guro. Ang
editorial committee at mga referee ang magpapasya kung tatanggapin ang papel na naisumite para
mapabilang sa archives.

Sa kasulukuyan, karamihan ng pag-aaral sa gramatika lalo na ng mga term paper ay nakalibing sa library
ng mga guro, at ang mga tesis at disertasyon ay nakalagak sa kani-kanyang aklatan ng kolehiyo at doon
lang maaaring mahiram para mabasa.

9. Magkaroon ng searchable database ng mga teksto sa Filipino.

Ang ibig-sabihin ng searchable database ay ang collection sa pormang electronic ng mga teksto na
nalimbag na. Halimbawa, iyong galing sa mga diyaryo, mga jornal, at mga libro, kasama na rin ang mga
artikulo sa archives na nakasulat sa Filipino, at mga opisyal na komunikasyon ng gobyerno. Dahil
electronic ang dokumento, maaaring gawan ito ng mga iba't ibang aplikasyon tulad ng paghahanap
(search) at pagbibilang (frequency count).

Sa pamamagitan nito, maaaring makita ang frequency ng mga salita at parirala para makatulong sa
pagdesisyon kung anong porma ang mas mainam na gamitin at ituro. Isang halimbawa nito ang Google
Ngram Viewer (sa <books.google.com/ngrams>)

Maaari ring gamitin ito bilang batayan ng diksiyonaryo at glossary ng mga idyoma at kawikaan. Maaaring
makita rito ang panahon ng pag-uso ng mga salitang hiram na binaybay sa abakada, salitang hiram na
binaybay sa bagong alpabeto ng Filipino, at mga salitang hiram na hindi na pinalitan ang baybay.
Maaaring makita rin ang ilang pagbabago sa pagbaybay at pagbigkas ng ilang ponema tulad ng /d/ na
nagiging [d] o [r]; ilang salita ay lumalabas ngayon na hindi na gumagamit ng [r], halimbawa, dadating,
didinggin, dudukot. At kung titingnan ang mga tekstong hango sa pag-uusap, makikita rin ang unti-unting
pagpalit ng ung sa ang.

10. Suportahan din ang mga pag-aaral ng gramar ng Filipino tungo sa paggamit nito sa Teknolohiyang
Panggwika ng Tao (Human Language Techonology).

Sa larang na ito pinagsasama ang kaalaman tungkol sa wika, programming, at teknolohiya sa


kompiyuter. Mga ilang halimbawa ng paggagamitan ng gramar dito ay (1) pagtayà ng kahirapan o
kadalian sa pagbasa ng isang teksto (readability); (2) awtomatikong pagmamarka ng mga mali (error
analysis) ng teksto, at pagbibigay ng grado dito; (3) pag-analisa ng isang teksto para malaman kung sino
ang sumulat nito kapag ikinompara sa mga tesktong sinulat ng mga pinaghihinalaang awtor; (4)
pagkokompleto ng mga posibleng pangungusap kapag nagbigay ng ilang susing salita, na magagamit ng
mga nagkaroon ng kapansanan sa wika; (5) awtomatikong pagsasalin mula o tungo sa Filipino.

Kailangang mai-encode sa grammar ang limitasyon sa paggamit ng mga salitang hindi lumalabas sa
pangungusap na pormang positibo, at kani-kaniya pa ang mga negatibong kailangan, halimbawa:
balewala, ipagwalang-bahala, walang ano-ano, walang anuman, walang kaabog-abog, walang
patumangga, walang pakundangan, walang binatbat, hindi maubos maisip, hindi magkamayaw, di
makabasag pinggan, huwag ka, at huwag mag-atabuli.

Ang mga larang ng pag-aaral dito ay ang mga sumusunod:

1. Sub-Sentential Processing

1.1 Morphological Analysis

a. Pagpapalit ng mga morpema: ang isang morpema ay maaaring magkaroon ng iba'tibang anyo ayon sa
konteskto.
b. Morphotactics: pag-aaral kung paano nagsasama-sama ang mga salitang ugat at panlapi at malaman
kung anong mga kombinasyon ang tinatanggap.

1.2 Morphological Disambiguation

Ang pagtukoy sa tamang kahulugan ayon sa konteksto ng mga pormang may higit sa isang kahulugan;
pagtukoy sa tamang paghahati ng salita na mayroong higit sa isang morpema. Ang nangungunang
paraan dito ay ang paggamit ng mga alituntunin at ng komputasyon ng probabilidad ng morpema at
kahulugan nito batay sa mga naunang morpema sa estruktura.

1.3. Shallow Parsing

Pagtukoy sa mga kategoryang gramatikal at tungkulin sa pangungusap kahit hindi pa nahihimay ang mga
sangkap ng mga ito.

Layunin dito na maging mas masinsin ang relasyon ng deskripsiyon ng mga morpema sa sintaks at
semantika.

2. Grammar Formalisms

Kailangang makapili ng formalism ng gramar na angkop sa ginagawang program. Ilan sa mga


nangungunang formalism ay ang Functional Unification Grammar (FUG), Head-Driven Phrase-Structure
Grammar (HPSG), Lexical Functional Grammar (LFG), Categorial Unification Grammar (CUG), at Tree
Adjunction Grammar (TAG). Sa pamamagitan ng algoritmo ng formalism na pinili dapat maaaring
maipaliwanag ang porma, distribusyon, at tungkulin ng mga sangkap ng pangungusap. Tandaang ang
gramar ay hypothetical, at nasusukat ang kahusayan ng isang gramar sa HLT sa kung paano itong mas
madaling magamit para magpalabas ng tamang output.

3. Lexicons for Constraint-Based Grammars

Kailangang ang bawat salita na nakalista sa leksikon ay kompleto sa detalye di-lamang kung anong
kahulugan kundi pati na rin kung paanong gamitin ito sa pangungusap at ano-ano ang ibang salita na
kailangang kasama nito. Halimbawa, sa salitang usap, dapat nakasaad, bukod sa aksiyon ng pagsasalita,
ang kailangang higit sa isang tagagawa na maaaring ang pagsasalita ay direksiyonal mula A patungong
B sa banghay na nakipag-usap o resiprokal sa banghay na nag-usap.

4. Sentence Modeling and Parsing

Layunin dito na matukoy ang mga sangkap o constituent at kanilang relasyon sa isa't isa. Halimbawa,
dapat malaman agad ng programa kung ang isang porma ay payak, o resulta ng impleksiyon o
deribasyon. Kailangang matamo ang tiyak na analisis sa pinakamaraming bilang ng pangungusap na
nasa datos. Halimbawa, kaya ba ng programang bilangin kung ilan ang mga pangungusap na nasa
locative focus at maihiwalay ito sa mga pangungusap na perceptee focus - ang kaibahan ng pinuntahan
si Ana at tiningnan si Ana. Isang hamon ang awtomatikong pagtukoy sa kategoryang gramatikal ng bawat
porma sa mga datos.

5. Computational Requirements

May tatlong partikular na problema sa mga computational gramar: (1) chunking, o ang paghahati ng input
na pangungusap sa mga parirala, salita, at mga morpema; (2) disambiguation, ang paraan ng pagtukoy
kung aling kahulugan ang isinasaad ng mga kombinasyon ng morpema at salita lalo na kung higit sa isa
ang maaaring maging kahulugan; at (3) undergeneration, ang kakayahang mag-analisa ng mga bagong
input sa data, pati na rin mga output galing sa gramar.

Inaasahang magagabayan ng listahang ito ang mga pag-aaral sa gramatika na ipapatupad natin sa
pamamagitan ng mga term paper sa kursong gramatikal at pedagohikal, mga tesis at disertasyon, mga
artikulo sa jornal, at mga librong akademiko. Sana ay magkaroon ng sapat na suporta dito ang mga
kolehiyo, CHED, at ang KWF.

Mga Sanggunian:

Ceña, Resty M. at Ricardo Ma. D. Nolasco. Gramatikang Filipino: Balangkasan. Quezon City: UP Press,
2011.
Endriga, Divine Angeli. An Affix-based Subcategorization of Filipino Verbs. MA Tesis, UP Diliman, 2014.
Javier, Jem. Ang Clause Structure ng Tagalog Batay sa Cognitive Grammar. MA Tesis, UP Diliman,
2013.
Malicsi, Jonathan. Gramar ng Filipino. Quezon City: UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino, 2013.
Santiago, Alfonso O. at Tiangco, Norma G. Makabagong Balarilang Filipino (binagong edisyon). Manila:
Rex, 2003.
Santos, Lope K. Balarila ng Wikang Pambansa. Manila: Surian ng Wikang Pambansa, 1944.

You might also like