Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Solo sa Oslo

Will P. Ortiz
Mahigpit ang hawak ko sa armrest ng upuan ng eroplanong patungong Amsterdam.
Pinagpapawiasn ako sa loob ng malamig at madilim na lugar.Taong 2005, huling araw iyon ng Hunyo.
Kinausap ako ng katabi ko.Isa siyang Pilipinong seaman. Tinanong niya kung saan ako pupunta. “Oslo,”
sabi ko.“Solo?” Tumango ako, oo nga, naisip ko. Unang pagkakataon kong pumunta sa Europa dahil
magsasalita ako sa kumperensiya sa University of Oslo. Solo sa Oslo. Marami akong agam-agam. Hindi ko
alam ang lugar. Hindi gayon kalaki ang pera kong dala. Kung marami akong pera, maari akong maligaw,
pero dahil tamang-tama lamang, hindi kasama sa plano ko ang lumampas at maligaw.
Pagbaba ng eroplano sa Amsterdam, nakilala ko ang mga Pilipinong seaman na kasamahan ng
kasabay ko. Marami silang payo tungo sa paglalakbay. Ngunit di ko na matandaan dahil mayroon lamang
akong 30 minuto patungo sa dulo ng airport kung saan naroon ang eroplano ko patungong Oslo.
Natatandaan kong malumanay at masaya ang mga tinig nila.Tumakbo na ako habang hila-hila ang aking
stroller at nakasukbit ang backpack na humahampas-hampas sa aking likod. Mas mabilis ang sikdo ng
dibdib kaysa sa aking mga paang nanghihina. Hindi lang miminsan akong tinapik at hinawi ng ibang mga
manlalakbay na nagmamadali. Tila nauuuna rin ang kanilang pangamba kaysa kanilang mga paa.
Mahigpit ang hawak ko sa armrest ng upuan ng eroplano. Mapusyaw ang ilaw. Patungo na ako ng
Oslo. Nanlalamig ang mga kamay ko. Wala pa akong tulog simula nang umalis ng Pilipinas na ang ibig
sabihi’y 20 oras na akong gising. Sa kabilang aisle ng eroplano, ngumiti sa akin ang isang lalaki.Hindi ko
alam kung ano ang kanyang lahi. Ngumiti rin ako. “Pinay?” tanong niya. Tumango ako at natuwa.
Tanungan kami kung ano ang ginagawa namin.Isa siyang inhinyero at magte-training sa Oslo. Nakilala ko
rin ang kasamahan niyang Indonesian. Pagdating namin sa Oslo, linga ako nang linga. Nakahinga ako
nang maluwag nang sabihin ng inhinyero na sumabay na ako sa kanila.Maaaring mag-bus o mag-bullet
train patungong downtown Oslo. Pinili naming mag-bullet train kahit doble ang bayad dahil 30 minuto
lamang ito kumpara sa bus na tatlong oras. Sa loob ng bullet train na halos walang tao, umupo akong
malapit sa bintana. Nagsu-zoom ang mga lugar na aming dinaraanan, sumasabay sa kabog ng puso ko
habang nakatingin sa luntiang paligid na dinaanan namin. Sa Oslo Central Station kami bumaba. Maraming
mga tao, mga nakangiti, maingay. Nagtanong ako sa information kung gaano kalayo ang hostel na
tutuluyan ko. Itinuro niya ito sa mapa.Kung lalakarin ko raw ay 30 minuto. Nagulat ako na nasa likod ko pa
rin ang inhinyero, sabi niya idadaan na lamang nila ako sa titirhan ko. Bumagal ang napakabilis na sikdo ng
puso ko. Isang Mercedes-Benz ang sumundo sa kanila at inihatid nga ako sa tinutuluyan ko.
Maliit ngunit malinis ang hostel at malapit sa train station patungong University. Nakatulog ako
nang siyam na oras. Para sa isang insomniac, isa itong milagro. Binisita ko ang pagdadausan ng
kumperensiya kinabukasan, natuwa ako sa lawak nito, naglalakihan ang mga puno. Kapag huminga ka
nang malalim, manunuot sa ilong ang amoy ng damo, lupa at lamig.
Yari sa salamin ang malaking gusali ng library nila. Sa loob, mga nakangiting Norwegian
volunteers ng kumperensiya ang makikita sa registration. May isang conference participant ang nagtaas ng
boses, di ko alam kung taga-saang bansa. Sabi niya, “ I’m sorry but who speaks English here? ” At sa
malumanay na tinig, sinagot siya ng kausap sa matatas na Ingles, “ I do, I do speak English. I’m just not
sure what you’re asking me. ”Sa pagitan ng mataas at malumanay na boses na nagsasalimbayan,
nagtanong ako sa sa isa pang nasa registration. Inasikaso niya akong mabuti at ipinadama sa kanyang
ngiti ang “welcome.” Napatitig ako sa babaeng malumanay ang tinig sa pagpapaliwanag, blonde ang
kanayang umaalong-along buhok na lagpas balikat, at bughaw ang mga mata. At namangha ako na tila
namana niya ang tiyaga ng mga Pilipino sa pakikisama sa mga dayuhang mahirap pakibagayan. Pagpalain
ka, naisip ko.
Kinakabahan man sa unang bugso ng mga salita sa pagbabasa ng aking papel sa kumperensiya,
sa kalagitnaa’y madulas na ang aking mga paliwanag. Sa pagtatapos, maraming iba’t ibang mga lahi at
ilang mga Pilipino ang aking nakilala. Marami silang mga tanong na maaaring maging paksa ng iba kong
pag-aaral ukol sa panitikang pambata.
Nang makatapos ako sa aking presentasyon, lumabas ako at naglakad sa campus. Nakita kong sunod-
sunod na nakahilera ang mga bisikleta sa harap ng library. Nararamdaman ko ang init ng araw sa aking
balikat. Umupo ako sa hardin sa harap ng aklatan at tiningnan ang mga naglalabas-masok. Iba’t iba ang
kulay ng kanilang mga buhok at mata. Isang lalaking estudyanteng may brown na buhok ang lumabas ng
library at tinungo ang kanayang nakaparadang bisikleta. Habang tinatanggal niya ang kadena nito, nakita
niyang tinitingnan ko siya, ngumiti siya.Nakamata lamang ako.Sumakay siya at ipinedal ang bisikleta
papalayo sa gusaling salamin. Ilang pedal lamang at muli niya akong nilingon. Ngumiti ako.
Nang huling araw ng kumperensiya, ninamnam ko ang kaylambot na salmong inaagusan ng
natutunaw na butter at katas ng lemon na idinulog sa amin. Ninamnam ko ito tulad ng pagnamnam ko sa
pagyakap sa aking pagdating at paglisan sa University of Oslo.
Limang araw akong naglagi sa Oslo kasama ng mga bago at matagal nang kaibigan. Nang malaman ng
isang Pilipina na nasa hostel ako, inanyayahan niya akong tumira sa kanyang bahay. Sa maliit kong
budget, hindi na ako humindi pa. Ginugol namin ang panahon sa pamamasyal.Halos lahat ng tao ay nasa
labas ng mga café. Bakit ka nga naman matutulog kung laging sumisikat ang araw? Halos 20 oras o higit
pa ang sikat ng araw sa tag-araw.Para sa isang bansang laging nakakaranas ng lumalamong dilim tuwing
winter, isang di-mapapantayang biyaya ang maramdaman at masilayan ang mapagpalang init ng araw.
Naroon sila sa kalye, humahalakhak, strapless o sleeveless ang mga blusa ng mga babae. Mga lalaking
naka-shorts. Sari-saring kulay, sari-saring wika ang maririnig. Maliwanag kong nakikita ang pagsasanib ng
kulay kahit maghahating-gabi. Isang sari-kulay ng mga taal na taga-Oslo at turistang nagsasaya sa “Land
of the Midnight Sun.”
Sumakay kami ng ferry sa Radhusbrygge patungo sa iba’t ibang museo sa Oslo.Namimigay sila ng
leaflets sa turista sa Oslo Central Station.Sa dami ng halos magkakatabing museo, hindi ito kakayaning
libutin sa loob ng isang araw. Ngunit isa sa mga museong ito ang tumatak sa aking isipan – ang Viking
Museum.
Ngumiti ako sa guwardiya nang pumasok sa museo ng mga piratang Scandinavian. Ngumiti siya at
pinapasok ako nang hindi man lamang tinitingnan kung mayroon akong tiket o wala. Nakakatuwa. Ngunit
nawala ang aking ngiti nang makita ang nasa bungad na barko na marahil 20 metro ang haba, gawa sa
oak at halos buo pa.Ito ang Gokstad (o Gaukstad).Kamangha-97
mangha ang inukit na disenyo ng tila ahas at dragon sa gilid nito. May kung anong kilabot ang dala ng mga
barko ng Viking na nagsilbing libingan ng namayapa. Inihahatid sila tungo sa kabilang buhay. Siglo walo
hanggang labing-isa pa ang mga ito ngunit napreserba maging ang mga alahas ng mga Viking. Tumatayo
ang mga balahibo ko sa kamay habang kinukunan ng kamera ang mga naiwang gamit nila.
Nang bumalik ang ferry sa downtown, umupo kami sa dock at bumili ng ice cream sa cone. Halos
Ᵽ700 ang presyo nito. Sa saliw ng live jazz na tumutugtog sa malapit na barge, tinatanaw ko ang dagat at
ang iba’t ibang mga barko. Lumapit sa akin ang seagulls na abuhing-puti ang kulay, hinihingi nila ang
french fries na hawak ko. Ibinigay koito sa kanila at tila tumawag pa ng pansin sa kanilang mga kasamang
ibon. Nagliparan sila patungo sa akin.Hindi sila takot. Napangiti ako.
Hindi na sumisikdo nang mabilis ang tibok ng puso ko sa loob ng eroplano patungong Pilipinas.
Ano nga bang uri ng takot ang sumagi sa akin patungong Oslo? Marahil may takot ako na galing sa lahing
Scandinavian pirates ang mga taga-Oslo at ako, sa makitid kong pag-iisip ay may takot sa uri ng mga
taong makasasalamuha ko sa ibang bayan. Ngunit magkaiba man ng kulay, may pagkakatulad ang
paniniwala ng mga sinaunang Pilipino sa Vikings – ang pagtawid sa kabilang buhay gamit ang bangka o
barko. Hindi nga ba’t ito ang makikita sa Manunggul jar?
Sa kabuuan ng aking paglalakbay, kayrami kong naranasang kakaibang pagtanggap, pagtulong
mula sa mga taga-Oslo, banyaga at sariling kababayan. Sa kabila ng mapusyaw na ilaw, laging
naghihintay ang araw.Kung maniniwala ka sa kabaitan ng mga estranghero sa ibang bayan, lagi mo itong
makikilala sa anumang paraan, sa ngiti man, payo, paghahatid o sa pagpapatuloy sa iyo nang busong
puso sa isang tahanan.
Maluwag na nakapatong sa armrest ang aking mga kamay habang pabalik ng Pilipinas

You might also like