Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Ang Alamat ng Dama de Noche

Magaganda at mababango ang mga bulaklak sa ating bansa.  Isa na rito ang bulaklak ng Dama de Noche.
Natatangi ito sa mga bulaklak sapagkat lunti ang kulay nito at sa gabi ito humahalimuyak sa bango.
Narito ang isang kuwento na nagpapaliwanag kung bakit sa gabi humahalimuyak sa bango ang bulaklak
ng Dama de Noche.

Noong unang panahon ang mga pamayanan o mumunting kaharian sa ating kapuluan ay pinamumunuan
ng mga datu at sultan.  Sila ay iginagalang at pinagsisilbihan ng mga taong kanilang mga nasasakupan.
Nasusunod nila ang bawat maibigan.  Nakapamimili sila ng babae na pakakasalan nila.

Ganito ang katayuan ni Datu Makisig.  Bata pa siya at makisig kaya maraming dalaga na anak ng
matatandang datu at sultan sa karatig na mga kaharian ang nagnanais na maging asawa niya.  Ngunit
walang mapili si Datu Makisig sa kanila.

Minsan sa pagbibisita ni Datu Makisig sa malayong pook na nasasakop ng kanyang kaharian ay nakita
niya si Dama.   siyang dalagang mahirap ngunit ubod ng ganda.  Sinuyo si Datu Makisig ang dalaga at ang
mga magulang nito.  Hindi nagtagal, sila ay pinagtaling-puso.

Naging mabuting maybahay si Dama.  Gumanda ang palasyo ng munting kaharian ni Datu Makisig.  Lagi
na itong malinis at maayos.  Nagkaroon ito ng mga palamuti.  Masasarap ang pagkaing niluluto ni Dama
para kay Datu Makisig at sa kanyang mga nagiging panauhin.  Winiwisikan niya ng pabango ang kanilang
silid upang mahimbing ang tulog ng asawang datu.

Kung ilan ding taong maganda ang pagsasama ni Datu Makisig at ni Dama.  Ngunit hindi sila magkaroon
ng mga anak.  Ito ang naging dahilan nang pagbabago ng datu.  May mga panahong hindi na siya
umuuwi kung gabi at hindi na niya kinakain ang pagkaing niluluto ni Dama.  Madalang na rin niyang
kausapin ang asawa.
Dinamdam ni Dama ang pagbabago ng mahal niyang asawa.  Gayunman, higit niyang pinagbuti ang
pagsisilbi sa asawang datu.  May mga gabing hindi siya kumakain at natutulog sa pag-aantay kay Datu
Makisig.  Dahil dito, humina ang katawan ni Dama hanggang sa siya ay magkasakit.

Isang gabi, umuwi si Datu Makisig.  Gaya ng dati, nalanghap niya ang pabango sa kanilang silid ngunit
nakaratay sa sakit si Dama.

Mahal na Datu, malubha ang sakit ng mahal na reyna, wika ng mga manggagamot sa nasa tabi ng
maysakit na si Dama.

Naawa si Datu Makisig sa maysakit na asawa.  Kinalong niya at hinagkan ang asawa at saka siya humingi
ng tawad.  Nagmulat ng mata si Dama, yumakap sa datu at may ngiti sa labing sinabi: Salamat at
dumating ka. Mahal kita.  Ibig kong paglingkuran ka pa.  Ngunit kinukuha na ako ni Bathala.  Paalam
mahal kong datu.

Ang Alamat ng Dama de Noche - Page 2 of 2

15

Nagluksa ang munting kaharian ng datu sa pagkamatay ng mahal nilang reyna.  Nagsisi si Datu Makisig.
Ang nalulungkot na Datu ay nakakita ng isang lunting halaman sa puntod ni Dama.  Inalagaan niya ito
nang mabuti at hiniling niya kay Bathala na pamalagiing lunti ang halaman sa puntod ni Dama.

Lumipas ang maraming araw.  Lumaki at lumago ang halamang inaalagaan ni Datu Makisig.  At dumating
ang araw na sumulpot ang bulaklak ng halaman.

Lunti ang mga bulaklak, wika ng datu.  Dininig ni Bathala ang aking pakiusap.  Salamat sa bigay ninyong
alaala sa akin ni Dama.
Nang gabing iyon, may nalanghap na pabango ni Dama si Datu Makisig.  Hinanap niya ang
pinagmumulan ng halimuyak ng pabango sa kanyang silid.  Ngunit wala siyang nakita sa halip naamoy na
muli niya ang mabangong halimuyak na waring nanggagaling sa halaman sa puntod ni Dama.  Dali-dali
niyang pinuntahan ang halaman.  Natiyak ni Datu Makisig na ang mga bulaklak na lunti ang
pinagmumulan ng mabangong halimuyak ng pabango ni Dama.

Magmula na noon, tuwing gabi ay laging makikita si Datu Makisig sa tabi ng halaman na sinasamyo ang
halimuyak ng bulaklak na alaala ng yumaong asawa.  Hanggang isang umaga nakita ng mga alagad ng
datu na wala ng buhay si Datu Makisig na nakayakap sa tabi ng halamang lunti.

Lumipas ang mga taon.  Dumating ang mga Kastila sa dating munting kaharian ni Datu Makisig.
Napansin nila ang halamang lunti sa bawat bakuran ng tahanan.  Sa pagtatanong-tanong ay nalaman nila
ang magandang kuwento ng halamang lunti at ang pag-iibigan nina Datu Makisig at Dama.  Tinawag
nilang Dama de Noche ang bulaklak na lunti dahil sa gabi ito bumabango.  At magmula na noon tinawag
ng lahat na Dama de Noche ang lunting bulaklak na alaala ni Dama kay Datu Makisig.

You might also like