(PALIMA) Gunita - Isang Pagbabalik-Tanaw Sa Yabong NG Sinaunang Kabihasnan

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

Gunita: Isang Pagbabalik-Tanaw

sa Yabong ng Sinaunang Kabihasnan

Marami sa mga kasalukuyang Pilipino ang nag-aakalang nabigyan lamang ng kulay at


kahulugan ang kultura ng Pilipinas nang dumating ang mga Espanyol. Lingid sa kaalaman nila,
hitik na sa kasaysayan ang ating bansa bago pa man tayo sakupin ng mga Kastila. Makikita ang
isang maunlad na kabihasnang Pilipino sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa iba’t ibang salik –
uring panlipunan, klase ng pamahalaan, sining at teknolohiya, at kasanayan sa paggawa ng mga
kasangkapan, sandata, at kasuotan.
Marahil isa sa mga pinakamagandang patotoo sa yaman ng kultura ng sinaunang
kabihasnang Pilipino ay ang Islamikong estado o Sultanato ng Sulu at Maguindanao. Naipakilala
ang Islam sa Pilipinas noong 1380 sa pagdating ng mga mangangalakal na Muslim sa Jolo at
Sulu. Ang Islam ay isang monoteismong paniniwala na nangangahulugang, “pagsuko sa
kagustuhan ng Diyos na si Allah” (Rillon, 2017). Pagkalipas ng ilang panahon, naitatag naman ni
Sharif ul-Kisham ang Sultanato ng Sulu noong Nobyembre 1405. Isang makapangyarihang
pamahalaan ang nasabing sultanato sapagkat malaki ang naging sakop ng mga pirata ni ul-
Kashim, na kalaunan ay naging paraan upang malabanan nila ang tangkang panghihimasok ng
mga Espanyol.
Ang impluwensya ng Islam ay lalo pang napalawig sa pagkakabuo ng Sultanato ng
Maguindanao sa ilalim ni Shariff Mohammed Kabungsuwan. Sa pamumuno ni Sultan Kudarat,
ang pinakapamosong lider ng Mindanao, nagawa ring mapigilan ng mga tao sa Lanao at
Maguindanao ang nais ng mga Kastila na masakop ang kanilang mga lugar. Ipinahihiwatig nito
na dahil sa lawak ng impluwensya ng Islam at lalim ng pagpapahalaga ng mga tagasunod ng
relihiyon sa mga aral at paniniwala nito, naging malakas ang kanilang pwersa upang mapanatili
at lalo pang mapaunlad ang nasimulang kultura at pamayanan sa kabila ng mga panunubok ng
mga dayuhan na sakupin sila.
Bukod sa mga sultan na pinaniniwalaang “anino ng Diyos sa lupa”, mayroon ding mga
pinunong tinatawag na mga datu at rajah. Habang ang mga sultan ay gumagamit ng ispiritwal na
pangangaral upang mapanatili ang kanilang pwesto, ang mga datu naman ay namumuno sa
pamamagitan ng pisikal at politikal na kakayahan. Ang kanilang kapangyarihan ay nasusukat
hindi sa dami ng salapi o kagamitan na mayroon sila – ibinabase ito sa lawak ng kanilang
alyansa, koneksyon sa kalakalan, at lugar na pinamumunuan.
Isa ring paraan upang malaman ang estado ng tao sa lipunan ay sa pamamagitan ng
pagtingin sa kanyang kasuotan. Ang mga datu ay nagsusuot ng kulay pulang damit na
sumisimbolo sa kanilang posisyon at kapangyarihan. Maaari ring gawa sa sutla ang kanilang mga
kasuotan na may kapares na mga gintong palamuti tulad ng pulseras at hikaw.
Mayroon ding mga damit na isinusuot kapwa ng mga ordinaryong mamamayan at mga
pinuno. Ilan sa mga ito ang putong (may burda kung ang may-ari ay datu); kangan (pula para sa
datu, asul sa bagani, at itim sa ibang uri); bahag; baro’t saya; at tapis (Slideshare, 2011). Iba-iba
rin ang paraan ng pananamit ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar. Halimbawa na lamang ang
pagsusuot ng mga Tagalog ng mas maraming gintong alahas kaysa sa mga Bisaya dahil
sinasabing mas mayaman ang una kaysa sa huli.
Makikita na naging malikhain ang ating mga ninuno sa pagsasauri sa mga tao sa lipunan.
Imbis na sa pamamagitan ng salapi o ari-arian, idinaan nila ito sa pananamit na mas madali nga
namang mapansin ng mas nakararami. Mula rito, mapagtatanto rin na noon pa lamang ay may
malinaw at organisadong sistema na sa ating lipunan.
Pagdating naman sa paraan ng kanilang pamumuhay, ang ating mga ninuno ay umasa sa
maraming gawain na nagbigay sa kanila ng kanilang mga pangangailangan. Pangunahin na rito
ang pakikipagkalakalan nila sa mga taga-Indonesia, Tsina, at Arab. Ang pakikipagpalitan nila ng
produkto sa mga Indiano ay hindi tuwiran at idinaan lamang sa Indonesia. Ilan sa mga
kagamitang galling sa bansang India ay kristal, abaloryo, at kasangkapang metal. Malaking
bahagi rin ang ginampanan ng pangingisda sa ating ekonomiya, sapagkat ang Pilipinas ay
napalilibutan ng malawak na katubigan. Ang gamit nila sa panghuhuli ng mga lamang-dagat ay
lambat, bangwit, basket, at lason. Bukod pa rito, ang mga Pilipino ay kilala ring mahusay sa
pagsasaka at paghahayupan. Sumabak din sila sa pagmimina ng ginto dahil ang mineral na ito ay
sagana sa ating bansa. (My Homeschool Life, 2018)
Marami ring lokal na produktong nagawa noong sinaunang panahon. Ilan sa mga ito ang
palayok, hinabing tela, at bangka.
Ang mga bangkang binuo ng ating mga ninuno ay ginamit ng mga datu at sultan sa
kanilang pakikidigma (My Homeschool Life, 2018). Bukod dito, marami rin silang sandata tulad
ng palakol, bolo, at sibat na ang mga baryasyon (variation) ay laganap sa ilang bahagi ng Luzon.
Halimbawa na lamang sa Zambales, kung saan ang mga sandatang nabanggit ay ginagamit upang
pumugot ng ulo ng tao bilang paghihiganti sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o hindi
kaya’y bilang simbolo ng lakas at kapangyarihan – ang may pinakamaraming napaslang ang
itinuturing na pinakamatapang sa kanyang komunidad.
Mahihinuhang matalino at maparaan ang ating mga ninuno. Mula sa mga hilaw na
materyales na kanilang nakikita sa kapaligiran, nakagagawa sila ng mga bagay na makabuluhan.
Mahusay din silang humanap ng mga koneksyon sa pagitan ng mga bagay-bagay kaya naman
napaiigting nila ang kanilang kapangyarihan.
Sa kanila namang pakikipagkomunikasyon, gumamit sila ng isang sistema ng pagsulat na
tinatawag na “Baybayin”. Ito ay may labimpitong (17) karakter na pawang binubuo ng mga
nakakurbang linya na sumisimbolo sa lakas at kakayahan ng mga Pilipino na makaagapay sa ano
mang pagsubok ng buhay. Ang sistema ng pagsulat na ito ay tinawag ni Paul Versoza bilang
“Alibata”, sa pag-aakalang ito ay nagmula sa alpabetong Arabik (ang Alif-bata ay ang mga
unang letra nito). Ngunit walang sapat na ebidensyang nagpapatunay sa kaniyang paniniwala
kaya’t para sa mga mananalaysay, hindi dapat tawaging Alibata ang Baybayin.
Sa pagdating ng mga Espanyol, labis silang nagulat na halos lahat ng Pilipino sa
panahong iyon ay marunong nang magsulat at magbasa. At dahil sa kagustuhan nilang higitan
ang anumang nabuo ng ating mga ninuno, pinalaganap nila ang kanilang kultura at marami sa
mga lugar sa bansa ang nakalimot na sa Baybayin.
Ngunit dapat tayong magpasalamat sa mga pag-aaral at impormasyong patuloy na
umuusbong hinggil sa kultura at tradisyon ng ating mga ninuno. Dahil sa mga ito, naliliwanagan
tayo na tunay ngang malalim na ang ugat ng ating pagkakakilanlan bago pa man dumating ang
mga dayuhang nais tumapos dito.
Ang naging paglalarawan sa sinaunang kagawian at sistema ng pamumuno sa ating bansa
ay nakatulong upang mapagtanto nating mga kasalukuyang Pilipino na malaki ang
pagpapahalaga ng ating mga ninuno sa kanilang kapaligiran at antas sa lipunan. Sana ay lagi
nating tandaan na ang dahilan ng mayaman nating kultura ngayon ay ang matibay na pundasyon
ng mga aral, paniniwala, kaugalian, at uri ng pamumuhay na itinatag ng mga sinaunang Pilipino.
Hindi magiging sagana ang Pilipinas sa kasaysayan kung hindi dahil sa maunlad na sinaunang
kabihasnan. Umaasa ako na ang bawat isa sa atin ay magiging bahagi ng pagpapalaganap ng
kaalaman hinggil sa kanila upang hindi masayang at mabaon sa limot ang lahat ng kanilang
pinaghirapan.

Mga Sanggunian

My Homeschool Life. (2018). Kalagayang ekonomiko ng mga sinaunang Pilipino.


https://irajshomeschoolblog.wordpress.com/2018/08/28/kalagayang-ekonomiko-ng-mga-
sinaunang-pilipino/

Rillon, B. R. (2017). Paniniwala, tradisyon, at kagawiang panlipunan ng sinaunang Pilipino.


Slideshare. https://www.slideshare.net/billyreyrillon/paniniwala-tradisyon-at-kagawiang-
panlipunan-ng-sinaunang-pilipino

Slideshare. (2011). Pananahan at pananamit. https://www.slideshare.net/siredching/pananahanan-


at-pananamit

You might also like