Professional Documents
Culture Documents
Isang Tasa NG Pag-Asa
Isang Tasa NG Pag-Asa
Isang Tasa NG Pag-Asa
Bata pa lamang ako ay gusto ko nang maging isang guro. Siguro nga ay
nananalaytay na sa aking dugo ang kagustuhang makapagbahagi ng kaalaman
kahit ako ay nasa murang isipan pa lamang. Noong una, akala ko ay madali ang
pagtuturo. Ngunit ako ay nagkamali. Mahirap. Maraming balakid. Nariyan ang
mga makukulit kong estudyante. Mayroon ding mga pagkakataon na hindi ko
makasundo ang ilan sa aking mga kapwa guro. Idagdag pa ang mga problema
ng aking pamilya na nagpapabigat sa sitwasyon. Gayunpaman, ako ay nanatiling
matatag at nakatayo; handang suungin ang mga hamon sapagkat ako ay
kailangan ng aking mga mag-aaral at yaon ay tulungan sila na maabot nila ang
tuktok ng tagumpay.
Ito ang kwento ng aking buhay. Maagang gumising. Hapon na kung umuwi.
Walong oras sa araw ang ginugugol upang makapagbahagi ng kaalaman sa mga
munting anghel gamit ang pisara at isang piraso ng yeso. Masaya. Mayroon ding
lungkot. Isang hamon sa akin bilang guro ang mga batang kapos sa buhay ngunit
nagsisikap sa pag-aaral, mga batang araw-araw pumasok kahit walang baon,
mga batang nakaligtaan nang maging ‘bata’ dahil maagang nagbanat ng buto
para makapaghanap-buhay, mga batang hindi nakakapasok sa eskwelahan dahil
kailangang mag-alaga ng kapatid, at mga batang kahit luma ang gamit at walang
maayos na damit ay naroon pa rin ang dedikasyon upang mapagyabong ang
kanilang nalalaman. Hindi maitatanggi na ito ang reyalidad ng buhay na dapat
kong harapin at suungin. Tila napakahirap bigyan ng solusyon, pero aking
kakayanin alang-ala sa aking mga estudyante na nagpupunyagi sa kanilang pag-
aaral.
Lumipas man ang mga taon, lumabo man ang aking mga mata, agawan man ng
lakas ang bawat himaymay ng aking laman, at humina man ang aking mga buto
sa aking katawan, mananatili akong guro sapagkat nariyan ang mga batang
nagsisikap upang makamit ang kanilang mga mumunting pangarap.