Professional Documents
Culture Documents
June 02B Filcom Japan
June 02B Filcom Japan
Ambassador Manuel and Mrs. Maria Teresa Lopez; Secretary Cesar Purisima—
Secretary Cesar Purisima is the head of the Economic cluster as Secretary of
Finance. You might have noticed he had a slight limp. I am here to tell you and
assert that the Philippine economy is not limping, it is actually due to excess, in his
case the excess of peanuts, which brought about the condition of gout—Secretary
Babes Singson, Secretary Voltaire Gazmin, Secretary Greg Domingo, Secretary Jun
Abaya, Secretary Arsi Balisacan, Secretary Sonny Coloma, Secretary Julia Abad,
and of course, Secretary Rene Almendras, Undersecretary Luna del Rosario, Mrs.
Anita Sasaki, leaders and members of the Filipino community in Japan, honoured
guests, mga minamahal ko pong kababayan, if you don’t mind I’ll speak in Tagalog.
I understand that our emcee is fluent not just in Nihonggo, English obviously, also
Tagalog, and I am told also Cebuano, ‘no? Gamay, gamay? Okey.
Saan ba tayo mag-umpisa. Siguro ano, alam naman ho niyo galing tayong Canada,
state visit din po doon tapos may naalala akong kwento ng mga kababayan nating
na pumunta ng Estados Unidos para mag immigrate. Palagay ko, kanina kasi
kausap ko yung may-ari ng Uniqlo at sabi niya sa atin magpapadala siya ng mga
estudyante sa atin na mga trabahador nila para mag-aral ng Ingles. So, doon ko
naalala yung kwento nitong kababayan natin na hindi masyado marunong mag
Ingles papunta ng Amerika. So pinuntahan niya yung kaibigan niya na matagal ng
nandun, sabi niya—eh umuwi ho ng Pilipinas kasi ang kaibigan niyang
naninirahan dun—“Pare, tulungan mo naman ako.” Sabi niya, “ano ang
problema?” “Eh may trabaho ako sa Amerika ang problema hindi ako masyado
magaling mag Ingles baka pati pagkain hindi ako makakain diyan. Pano ba ako
kakain? Saan ba ako kakain? Ano ba ang oorderin ko?” So sabi ng kababayan
niya, “Madali yan pupunta ka sa isang lugar nakasulat sa labas nakapaskil diner,
d-i-n-e-r, medyo mura pagkain diyan saka marami. Pagkatapos upo ka dun sa
counter diyan sa counter kasi pinakamabilis masilbihan—okey kanya—tapos
sabihin mo coffee and doughnuts, please.” (laughter) “Eh ano naman yun?” “May
kape at saka doughnut.” “Ah naku, masarap yan,” ‘ka niya. “Okey, kung may
problem ka susunod naman ako sa iyo dun puntahan mo na lang ako.” Okey,
kanya. Eh yung kaibigan niya isang buwan nasa Pilipinas pa bago bumalik ng
Amerika. Nagkita sila after one month. Sabi nung kababayan nating isa, “Pare, buti
na lang nakita kita.” “O, anong problema?” “Eh isang buwan na ako kumakain ng
coffee at doughnut sa almusal, (laughter) tanghalian at saka hapunan, medyo
purgang-purga na ako dun sa coffee at doughnuts tulungan mo naman ako
maiba.” (laughter) So sabi nung kaibigan niya, “Hindi problema yan, bukas orderin
mo naman ham and eggs, please. Yan” (laughter) So, tinanong naman niya, “eh ano
naman yan?” “Aba eh di hamon at itlog.” “Sarap yun!” So nung gabi ho habang
nananaginip siya ngumunguya rin siya dahil kinabukasan ham and eggs. Pumunta
siya ngayon dun sa diner na paborito niya at tinanong nung nagsisilbi sa kanya,
“what can I get you?” Sagot niya, “ham and eggs, please” sabay ngiti siyempre
tapos na yung coffee and doughnuts. So, tinanong siya, “Okey, how do you like
your eggs?” Sagot niya ngayon, pardon? (laughter) “You know, boiled, soft boiled,
hard boiled, scrambled, fried, over easy, sunny sideup, eggs benedict—lahat na ho
1
ng klase itlog sinabi sa kanya.” “Hmmm… coffee and doughnuts, please.”
(laughter/applause)
Alam po ninyo, mahigit isang taon na lang ang natitira sa ating termino bilang
pagka-Pangulo, at baka nga po ito na ang huling dalaw natin sa Japan bago tayo
tuluyang bumaba. Alam po niyo dito sa Japan natin talaga na-experience, unang
una, yung pagpuri sa ating mga kababayan ang sinasabi talagang significant ang
contribution sa kanilang lipunan. At dito nga, siguro 2010 pa yun eh, kung kailan
at sa iyo ko pa huling… parang di natin nakita, bigyan mo ang Pilipino ng
pagkakataon at oportunidad na tama talagang nagpapakita ng gilas maski saang
parte ng mundo. At idagdag ko na rin ho yung isang parte ng buhok kung minsan
ho talagang na… kita naman niyo yung aking makapal na buhok dati medyo mas
makapal pero... (laughter) Yung parte ng Pilipinas ho, ah yung parte ng mundo,
lahat ng parte ng mundo may Pilipino ho yata eh. Di nagkaroon ng problema sa
Ukraine, may mga kakabayan tayong nasa Kiev. Nagkaroon naman ng gulo sa
Yemen, may isang libong Pilipino nasa Yemen. Nung nasa Canada ako yung kanila
raw hong pinaka northernmost communities pumunta raw doon sa simbahan itong
member of Parliament parang 70 to 80 percent ang nandun sa simbahan Filipino,
pati na yung pinakaliblib na lugar sa Canada meron rin ho.
Hindi po ako nakakalimot: Noong huling Presidential elections po, ang pagkapanalo
ko po sa absentee votes, overwhelming. At doon po, kaya sa inyo pong lahat na
nakihakbang, at patuloy na nakikihakbang sa Daang Matuwid, lalo na dito sa
Japan: Maraming maraming salamat po sa oportunidad at pagkakataong ibinigay
niyo. (laughter) Kayo nga po ang nagpunla ng pagbabago, kayo ang nagdidilig nito,
at talaga naman pong tiwala ako na kayo pa rin ang magpapatuloy ng
transpormasyong tinatamasa natin ngayon.
Mixed emotions din po ako kapag humaharap sa ating mga Filipino community. Sa
isang banda, masaya akong makita ang tagumpay na tinatamasa ng mga
kababayan natin sa iba’t ibang larangan. Sa kabilang banda naman, siyempre
nalulungkot din ako, dahil nahanap nila ang asenso, hindi sa sarili nating
tahanan, kundi sa ibayong dagat. Mabuti nga po, nitong mga nakaraang taon, ang
balita sa atin, kailan lang ho nasabi sa atin ito, lumiliit nang lumiliit ang bilang ng
mga Overseas Filipinos: Noong 2011, nasa mahigit 10 million ang Overseas
Filipinos. Sa bilang ng DFA o Department of Foreign Affairs, nitong 2014, nasa
8.359 million na lang ang Overseas Filipinos natin. Para sa akin po, magandang
indicator ito na nakikita ng ating mga kababayan na gumaganda na ang buhay sa
Pilipinas, at talaga naman pong sulit nang umuwi.
Paano po natin nagawa ito? Noon pong nagsimula tayo, ang panata natin,
pagbabago. Alam naman natin na malaki talaga ang minana nating mga problema,
at hindi masosolusyonan ang lahat ng ito sa loob ng anim na taon. Pero ang tutok
2
po natin, itong tinatawag nating exclusive growth. Sabi natin, hindi puwedeng
aangat lang ang nasa itaas habang mapapag-iwanan ang nasa ibaba. Hindi
puwedeng mag-abang lang ng ambon ang iba: Sabay-sabay tayong aangat, sabay-
sabay tayong makikinabang sa lumalawak na oportunidad ang dapat. Kaya nga po
ang tutok natin, nasa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, at mga programang
mag-aangat sa mga kababayan natin mula sa kahirapan.
Tiyak ko po, marami sa inyo ang nasa social media, kaya sana naman po
nababalitaan ninyo ang mga magagandang nangyayari sa mga sektor na nabanggit
natin. Sa edukasyon po, sarado na ang minana nating backlog sa classrooms,
upuan, at textbook. Sa classrooms po, 66,800 ang kakulangan niyan nang
dumating tayo; napunuan na po natin ang lahat ng ito 2013, bayad na po yung
66,800 na yan. ‘Yun pong sa upuan, konti lang naman, 2.5 milyon na silya—wala
na rin po yun; at sa textbook, 61.7 million naman ang kulang, yan po nasara natin
ang kakulangan taong 2012 pa lang.
Nito nga pong Abril, nagtapos na sa high school ang unang batch ng ating mga
benepisyaryo na tinulungan sa pinalawak na high school program sa Pantawid
Pamilya—333,673 na kabataang Pilipino po iyan. Mayroon pong dalawang batang
3
nagsalita para sa kanila noong tayo’y nagdaos ng pagdiriwang; pareho silang
nakapasa na po sa UP College of Engineering. Hindi po birong kurso ito; quota
course po ito, at kakailanganing mataas ang grado mo sa entrance exam at sa
eskuwela para makapasok. Isipin po ninyo: Mga bata ito na talagang dumaan sa
hirap, na kung hindi natulungan ng estado at sa pagpupursigi ng kanilang mga
magulang, ay baka po hindi na nagpatuloy sa pag-aaral. Pero ngayon po, mayroon
pang nakapasa na sa quota course, at naging mas mataas ang potensyal na
makakuha ng magagandang trabaho. Sa College of Engineering ang balak po
nilang dalawa ay civil engineering. Talagang mapapakinabangan ng kanilang mga
pamilya at ng kalakhang lipunan ang mga talento nila, at dahil sa kanila at sa mga
tulad nila, di hamak na mas mainam ang magiging situwasyon ng susunod nilang
salinlahi. Iyan po ang totoong bunga ng pagtutok natin at pagbibigay-lakas sa
bawat Pilipino.
Kung oportunidad nga po ang pag-uusapan, talagang bumibida diyan ang TESDA,
sa pangunguna ni Secretary Joel Villanueva. Isipin na lang po ninyo: Mula nang
maupo tayo sa puwesto, nakapagtala na sila ng mahigit 7.4 million graduates sa
iba’t ibang kurso sa technical and vocational education and training. Yan po
pwedeng multiple courses ang pinasukan ng ating mga kababayan. Ang good news
pa po: Kung dati, 28 porsiyento lang ng graduates ng scholarship programs nito
ang nakakahanap ng trabaho, ngayon po, ang average ay 70 percent na ang agad
pang nakahanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan. Baka po may nagtatanong,
may ibubuga ba ang mga graduates ng TESDA? Ang kuwento po sa akin ni
Secretary Joel Villanueva: May nag-training daw po sa TESDA para maging
sertipikadong mekaniko. Noong tinatawanan siya ng mga kaklase niya bakit yan
lang ang ambisyon mo; ngayon, nagtatrabaho na siya sa Australia. At kung
tatanungin niyo kung magkano ang sinasahod niya, isipin niyo na lang po ang
suweldo ng Pangulo ng Pilipinas, tapos, doblehin niyo, yun ang suweldo niya. Sabi
ko nga po, baka pagkatapos ng termino ko, mag-enroll na rin ako sa TESDA
(laughter) at umasenso, sumama na rin ako sa umasenso.
Ano po ang epekto ng mga programang ito? Ito pong mga tinutulungan nating
umangat, sila po ang titiyak na ang mga oportunidad na bumubukas dahil sa
lumalagong ekonomiya ay talagang masusulit. Kapag nagkatrabaho po sila, kapag
nagamit nila ang kanilang kaalaman, ang makukuha nilang mga sahod ay papasok
naman ulit sa mga merkado at talaga naman pong lalo pang paaangatin ang ating
ekonomiya. Ang mga negosyo naman, lalaki ang kita, palalawakin ang operasyon,
at magdudulot ng trabaho para sa iba pang mamamayan. Ito nga po ang tinatawag
nating virtuous cycle.
May mga paunang resulta na po ang ating pagsisikap. Nitong Enero, nasa 1.04
million ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho. Noong Oktubre
2014, naitala ang 6.0 percent unemployment rate sa bansa: Ito po ang
pinakamababa sa loob ng 10 taon. Linawin ko lang din po: Ang tinutukoy natin
dito, mga permanenteng trabaho, hindi yung tipong magkaroon ka lang ng
pinagkakakitaan ng ilang linggo o ng ilang araw, kasali ka na sa bilang ng
employed. Ibig sabihin po noon kung nung araw nakita niyo yung OYSTER—di ba,
may teeshirt na oyster, ibig sabihin ho nun pinagwalis sa kalsada ng isang linggo
dahil yun yung survey period gumanda yung ating unemployment period.
Pagkatapos ng survey period wala na rin ho silang trabaho. Ngayon ho hindi na
pwede yun. Ang good news pa po: Ayon naman sa pinakahuling survey ng SWS,
ang self-rated hunger nitong first quarter ngayong taon, nasa 13.5 percent na lang.
Pinakamababa rin po ito sa nakaraang dekada.
4
Ang totoo po, talagang dumadami na ang bilang ng mga nababakanteng trabaho.
Noong bata ako—at hindi naman ho ganun katagal yun bata ako, ngayon medyo
bata pa rin ako—ang mga signage na lagi nating nakikitang nakapaskil, di ho ba,
“No Vacancy.” Ngayon po, napakarami nang “For Immediate Hiring.” Yung ibang
kompanya, kanya-kanya ring pakulo. Di po ba, dati, katakot-takot na pakiusap
ang gagawin mo para lang ma-interview? Ngayon, may mga kompanya nang pag
nagpa-interview ka, bibigyan ka pa ng almusal sa mga fastfood na sikat. Kapag na-
hire ka naman o nakapasa ka sa interview, sagot na rin nila ang pang-blow-out mo
sa iyong pamilya dahil nahire ka. Nagugulat nga ako dahil noong araw noong ako
po’y nag blowout sa pamilya ko parang inipon ko muna yung sweldo ko ng tatlong
buwan at pinakiusapan ko sila na hinay-hinay lang yung iorder nila. Kita po ninyo:
Ang pinoproblema na natin ngayon, hindi na yung walang makuhang trabaho ang
mga kababayan natin, kundi kung paano sila sasanayin para makapasok sa
maraming trabaho nagbubukasan. Kayo ho ba, naisip ninyong aabot tayo sa
puntong ito?
Iyan nga po ang ilan sa mga resulta ng lumalagong ekonomiya. Isipin po ninyo:
Dahil sa maayos na paggastos at tapat na pamumuno, ang dating Sick Man of
Asia, itinuturing nang Darling of Asia ngayon, at nasa investment grade status na
po tayo. Nagtala tayo ng 6.3 percent average GDP growth kada taon mula 2010
hanggang 2014, at siyempre yung 2015 inaasahan natin na palalakihin pa yan; ito
po ang pinakamabilis na paglago ng ating ekonomiya sa nakaraang 40 taon.
Dagdag pa rito, nakamit na natin ang all-time high na foreign direct investments
na nagkahalaga ng 6.2 billion dollars nitong 2014. Ang sabi pa ng Bloomberg,
magiging world’s second fastest growing economy ang Pilipinas ngayong taon.
(applause)
Ito pong pag-angat natin, makikita rin natin sa mga ipinapatayong imprastruktura.
Talaga pong matindi ang tutok natin diyan, dahil kapag mas madaling
nakakapaglakbay ang produkto at serbisyo, lalong lumalago ang ekonomiya. Noon
pong 2010, 165 billion pesos ang budget ng Pilipinas para sa imprastruktura.
Ngayon pong 2015, umabot na yan sa 570 billion pesos; mahigit triple po ito. At
hindi po ito tulad dati na puwedeng daanin sa palakasan ang pagtatayo ng
imprastruktura: Sa atin po, walang kampihan; nakatutok ang mga proyekto sa
kung ano talaga ang may tunay na pakinabang sa ating mga mamamayan.
Alam po niyo nung inaugurate yung tulay, cute pa ho nung pangalan, ang
pangalan po kasi ng tulay Lullutan Bridge. (laughter) Sabi ko, “ano naman kaya
buong pangalan niyan lulutang at lulubog.” (laughter) Eh noong araw ho kasi
mababa siyang tulay na talagang puwede mag overflow. Pero ang itinatayo nga
natin ngayon mataas na tulay na ngayon para pag rumagasa na naman ang ilog na
5
yan protektado sila. So nung ininaugurate yun sabi ng mga pulitiko po sa atin
doon, “alam ho niyo may pangalawa pa kaming tulay.” Sagot po ni Secretary
Singson, “alam niyo nasa budget na yan hindi lang na-approve ng senado pero sa
2016 kasama sa budget yan.” “Ay, kung ganun ho, salamat. Dahil meron na ho
tayo nung una, meron tayo ng pangalawa, meron pa ho pangatlo kaming tulay.”
Sabi ko, sandali lang ginawa na nga niyo ako number 2, tatlo pang tulay ang
kailangan niyo, pero pupunta ho tayo doon kung kailangan niyo talaga.
Iba na po talaga ngayon: Mas patas at maigting ang kumpetisyon, mas handang
tumaya ang pribadong sektor, at nababawasan natin ang pagkakataon para
magbulsa ng pondo ang mga tiwali. Ang kaban ng bayan, diretso na sa
pagpapagawa ng maayos na kalsada, tulay, at mga strukturang talagang
kapakipakinabang. Di po ba dati, nangunguna sa listahan ng pinaka-corrupt na
ahensya ang Department of Public Works and Highways? Ngayon, isa na ito sa
hinahangaang tanggapan. Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson, kasama po
natin ngayon, ang kulturang umiiral na dito ay mabubuod sa tinatawag nating 5Rs
sa aking pamumuno: right projects at the right cost for the right quality and right
6
on time implemented by the right people. Ang resulta: Ang savings po ng ahensiya
hanggang nitong Marso, umabot na sa 39 billion pesos; dahil dito, napapaaga ang
pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan, at napapabilis ang pagdadala ng
pakinabang sa ating mga Boss.
Tandaan lang po natin: Nagawa natin ang lahat ng inisyatibang ito nang hindi
nagtataas ng anumang buwis, maliban sa Sin Tax Reform na ipinasa para
pangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino. Isipin ninyo: Kung matagal nang
ginawa ng mga nauna sa atin ang tama at mabuting pamamahala, gaano na kaya
katayog ang dapat sana nating narating sa kasalukuyan?
Kabilang po diyan ang mga tinatawag na trapo o mga traditional politician. Sila po
ang mga politikong mas gustong panatilihin ang mga problema sa kanilang
sinasakupan, para sila lagi ang lalapitan ng tao para hingan ng tulong. Kapag may
kailangang banda sa piyesta, ilapit mo kay Congressman. Kapag kailangan ng
abuloy sa namatayan, idulog mo yan kay Mayor. Kapag kailangan ng mag solicit
para sa pa-liga ng basketball, aba, dalhin natin kay Konsehal. Ang resulta: si Juan,
baon sa utang na loob. At kailan naman ang singilan? Siyempre, walang iba kundi
sa darating na halalan.
Ikukuwento ko na rin po ang isa pang halimbawa. Sa Bilibid po, mayroong mga
nakapiit na kriminal, na sukat ba naman pong mahulihan ng band equipment at
sound systems, pati audio-video equipment, aircon, pati rin po jacuzzi nakita. Para
pong nakatira sila sa condominium imbes na sa bilangguan. Nang harapin po sila
ng kinaukulan, may humirit pa hong, “Ano’ng gagawin ninyo sa amin, ipapakulong
n’yo pa kami?” (laughter) Sa iba pong ahensya po, may nahuli ring gumagawa ng
kung anu-anong kabulastugan. Ang salita raw po nila: Deka-dekada na naming
ginagawa ito; kayo, isang taong na lang o isang termino lang diyan. Hihintayin na
lang namin kayong bumaba, para maituloy na namin ang dati naming kinagisnan.
Talaga nga naman pong ayaw nila sa pagbabago.
7
na medyo nagkakaedad na ngayon na nasa linyang beinte anyos na ngayon, ay
baka ho sila magpalit ng apelyido, baka sila ang mavolunteer eh.
Kaya ang tama po yatang pananaw sa akin pong mungkahi: Di ho ba kayo ang
gumawa nito; kayo ang nagdala ng pagbabago, at kayo ang magpapatuloy nito.
Marami na po talaga tayong narating, pero marami pa rin tayong kailangang gawin.
Ang tanong: Magyu-U-turn ho ba tayo pabalik sa baluktot na daan? O itutuloy
natin ang pag-arangkada sa Daang Matuwid? Nasa kamay ng mamamayan ang
patutunguhan ng Pilipinas. Lalo pa po’t palapit na ng palapit ang halalan ng taong
2016. Marami na ang nagtatanong kung sino ang magpapatuloy ng maganda
nating nasimulang pagbabago lalo na sa pagbaba natin sa puwesto. Uulitin ko po:
Kayo ang gumawa ng pagbabago, at kayo ang magpapatuloy nito. Nasa inyo ang
pagpili ng tapat at matuwid na pinuno, na talaga namang gagamitin itong
tinatamasa nating mas mataas na estado, upang lalo pang paangatin ang Pilipinas
tungo sa katuparan ng ating kolektibong mga pinapangarap.
Kung may darating na papalit sa atin para apihin lang tayo, parang nag-U-turn
nga lang po tayo sa dati at palagay ko po sino ho kaya sa atin ang papayag na
magkaroon ng ganung sitwasyon. Ididiin ko lang po: ‘Yung kinabukasang dadatnan
natin, kayo pa rin o tayo pa rin ang gagawa, tayo ang magpapanatili, gaya ng
paggawa ninyo sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
Mga Boss, hayaan po ninyong idiin ko: Hindi tadhana ng Pilipino ang habambuhay
na paghihirap. Hindi nakakabit sa pangalan natin ang walang humpay na
pagdurusa. Nasa dugo natin ang pagtindig para sa tama; nasa lahi natin ang
paglaban para sa katarungan.
Isang karangalan ang mapaglingkuran ang lahing Pilipino. Magandang gabi po.
Maraming salamat po sa inyong lahat. (applause)
* * *