Isinulat ni: Mathew Jendrick V. Garol (9 – Holy Trinity)
Ika-labing lima ng Disyembre, sama-samang kumakain ng pananghalian ang
pamilyang Cruz na nakatira sa isang baryo ng San Mateo. Dahil tapos na silang kumain, mabagal na tumayo si Dianne sa tabi ng kanyang alagang aso. Habang nakatingin sa mga kapatid niyang naglalaro, bigla na lang tumulo ang luha mula sa kanyang mga mata. Napansin ito ng kanyang ina, kaya’t nilapitan niya ito at tinanong, “Dianne, bakit parang ang lungkot-lungkot mo? Kanina lamang ay tumatawa ka habang tayo’y kumakain. May problema ba ang panganay ko?” ngunit, hindi siya sinagot ni Dianne. Bigla na lang siya umalis sa tabi ng kanyang ina at nagkulong sa kanyang kwarto. “Ma, bakit ba kasi?” ani ni Juan na bunso sa kanilang magkakapatid. “Anong bakit ba kasi?” “Bakit ba kasi kinailangan tayong iwan ng tatay?” subalit, hindi kumibo ang kanyang ina. Pilit pa ring tinatanong ni Juan kaya’t umupo sila sa kanilang sofa. Magsisimula na sanang ikwento ni Corazon ang dahilan ng pag-iwan sa kanila ng kanilang ama. Ngunit, nakita niyang paalis ng bahay si Dianne, bitbit ang isang maleta. “Saan ka pupunta? tanong ng kanyang ina. “Hindi ko kayang mabuhay nang walang ama! Kung kaya ninyo, magtiis kayo. Pero ako? Hindi ko talaga kaya!” galit na sinabi ni Dianne sa kanyang mga kapatid. Lumisan agad siya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Nang makaalis na si Dianne sa kanilang bahay, tinuloy na ni Corazon ang kanyang pagkwento. “Anak, ganito kasi…” “Ano po ba kasi dahilan ma? Gusto ko pong malaman” sambit ni Juan. “Ang tatay,…. may iba nang pamilya.” malungkot na sinabi ng ina. “Ano?!’ Ang tatay may ibang pamilya?! Imposible!” “Oo… kasi… hindi na daw siya masaya kasama tayo.” tugon ni Corazon. Biglang tumulo sa kanyang mga mata ang luha na akala niya ay hindi na muling tutulo sa paglipas ng panahon. “Kailangan.. ba ng tatay… humanap ng iba para sumaya? Hindi ba siya masaya kasi may pamilyang nagmamahal sa kanya? May mga taong sumusuporta sa kaniya? May mga anak na pinagsisilbihan siya? Saan ba kami nagkulang?! Saan?!” Agad niyakap ni Juan ang kanyang ina, sabay ang pagpatak ng kanyang mga luha. Ang kanyang pagluha ay narinig ng mga kapatid niya, kaya’t nagtaka sila bakit umiiyak ang dalawa? “Ma, bakit kayo umiiyak ni Bunso? May dapat ba kaming malaman?” tanong ni Irish na pangalawa sa kanilang magkakapatid. Pinaupo ni Corazon si Irish at ipinaliwanag ang lahat. Nang malaman niya ang lahat, tila nanghina ang kanyang loob. ‘Di alam kung ano ang gagawin. Hindi alam ni Dianne kung saan siya pupunta nang umalis siya sa kanilang tahanan. Nagmamasid, nalulungkot, nalulumbay. Padilim na ng mga sandaling iyon kaya’t naisipan niyang dun muna magpalipas ng gabi, sa isang simbahan malapit sa kung nasaan siya. Pagpasok niya ay agad nyang nakita ang isang lalaking umiiyak sa gilid ng simbahan. Nilapitan niya ang lalaki at sinabi, “Magandang Gabi po. Matanong ko lang kayo, bakit po kayo nandito sa simbahan? Pagabi na po.” tanong ni Dianne. Hindi umimik ang lalaki kaya’t humiga na lamang siya sa mga upuan sa simbahan. Ilang minuto ang lumipas, lumapit sa kanya ang lalaki, umiiyak din at mukhang may dinadamdam na problema. “Iha, maitanong ko lang din. Bakit kapa nandito sa simbahan? Gabi na.” wika ng lalaki na kinausap niya kanina. “Ang tatay kasi namin… iniwan… kami.” malungkot na sambit ni Dianne. “Bakit kinailangan umalis ka sa iyong tahanan? Hindi mo ba naisip na hindi dapat maging hadlang ang paglisan ng iyong ama? Nandyan naman ang iyong ina na handa kayong alagaan, mahalin, at suportahan.” sagot ng lalaki. “Pero teka, kayo po? Saan po ba kayo nakatira? At ano pong pangalan mo?” “Hindi na mahalagang sabihin ang pangalan ko, ngunit gusto kong sabihin sa iyo na umuwi ka na, hinahanap kana ng pamilya mo. Huwag kang susuko sa buhay, gawin mong inspirasyon ang paglisan ng iyong ama para mas magpursigi sa buhay.” Pagkatapos magsalit ng lalaki, umalis agad siya sa simmbahan. Hahabulin sana ni Dianne ang lalaki subalit, hindi na niya ito makita. Nagnilay siya sa sinabi sa kanya at pilit na iniintindi ang mga ito. Lumuhod siya, nanalangin, at tinanong ang Diyos, “Sa lahat ng taong mawawalan ng ama, bakit ako pa po? Bakit sa dinami-dami ng tao, ako po ang nasasaktan? Panginoon, ano ang dahilan? Bakit ako?” umiiyak na tinanong ni Dianne sa Diyos. Ilang sandali pa’y naisipan na niyang umuwi sa kanilang tahanan. Gabing gabi na nga mga panahong iyon kaya’t kinailangan niyang bilisan ang pag-uwi dahil unti lang ang nakabukas na ilaw papunta sa kanila. Bago siya pumasok ng bahay, huminga muna siya ng malalim at kumuha ng lakas ng loob. “Ma, Juan, Irish, patawad. Hindi ko inaasahang madala ng aking mga emosyon kaninang tanghali. Tanggap ninyo pa din ba ako?” wika ni Dianne. Lumapit sa kanya ang kanilang ina at sinabi, “Anak, mahal kita. Kaya kahit umalis ka pa diyan, kahit siraan mo ako, kahit hindi mo na ako kailangan, lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita!” Niyakap ni Corazon ang kanyang anak at tumulo ulit ang luha sa kanilang mga mata. Pati si Juan at Irish ay naiyak sa tuwa dahil hindi nila inaasahang babalik ang kanilang ate. “Oh siya, halina’t maghapunan. Maaga pa tayo bukas.” ani ni Corazon. “Anong mayroon bukas ma?” tanong ni Irish. “Ika-labing anim ng Disyembre, ang simula ng pasko!” Agad silang nagsalo-salo, masaya, at wala ng lungkot sa kanilang mga mukha. Nagmamadali silang matulog dahil maaga pa ang pamilya kinabukasan. Alas tres na ng umaga kaya’t nagsigising na sila at nag-ayos. Papunta sila ng Simbahan at nakita nila ang kanilang ama. Lumapit si Dianne at sinabi, “Tay! Tay!” sigaw ni Dianne sabay yakap sa kaniyang ama. “Dianne, saan kayo papunta?” tanong ng ama. “Sa simbahan po. Simbang Gabi na kasi po!” masayang sinabi ni Dianne. “Parehas pala tayo ng pupuntahan!” may ngiting winika ng ama. Ngunit bigla siyang lumapit kay Corazon, Irish, at Juan. Bigla siyang lumuhod at umiyak, “Corazon, Irish at Juan, humihingi ng patawad ang tatay. Sana mapatawad ninyo ako.” umiiyak na sinabi ni Jose sa kanila. “Jose, iniibig kita! Kahit iniwan mo na kami ay handa pa din kaming tanggapin at patawarin ka. Kahit hindi kana bumalik sa amin, patatawarin at patatawarin pa din kita.” may ngiting sinabi ni Corazon sa kanyang asawa. “Tay, kami din po! Mahal na mahal ka po namin maging sino ka man.” masayang sinabi ni Juan kay Jose. Niyakap nila ang isa’t isa ng may ngiti sa kanilang mga labi. Pagkatapos nito, ay nagtungo na silang lahat sa simbahan upang magsimba. Pagkatapos ng misa, muling kinausap sila ng kanilang ama. “Mga anak, alagaan ninyo ang inyong ina. Corazon, ikaw na ang bahala sa mga anak natin. Muli, patawad at paalam.” wika ni Jose bago siya humiwalay sa kanila. “Oo, ako ang bahala sa kanila. Ingat ka palagi. Paalam” ani ni Corazon. Umuwi na ang lahat sa kani-kanilang mga tahanan. Ang pamilya nila Dianne ay umuwing may magaan na kalooban at kapayapaan. Si Jose naman ay masayang umuwi sa kanyang pangalawang pamilya sa kabilang baryo. Ika-labing anim ng Disyembre. Ito pala ang araw na magkakaintindihan ang lahat, araw na magbubukas sa isipan natin na ang pagpapatawad ay siyang susi sa pagtanggap at pagkakaroon ng kapayapaan. Nawa’y magsilbi itong aral sa atin, gawin nating lakas ang mga pangyayari sa ating buhay upang mas lalo tayong magsumikap at huwag ito gawing hadlang. Ang pakikinig ang siyang unang hakbang sa pagpapatawad, at ang pagpapatawad ang siyang paraan ng pagmamahal.