Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 11

Supplement

Elementary and High School


Values Education Class™
(EHSVEC)
Unang Markahan:
Ako, Sa Bagong Normal
(Aralin 1)
Alamin
Magandang buhay! Nagagalak akong isa ka sa mga mag-aaral na nabigyan
ng modyul na ito na naglalayong mas maunawaan mo kung ano ang
nangyayari sa iyong paligid sa panahong ito ng pandemya.

Alam kong marami kang katanungan, at maaaring natatakot ka dahil sa


pagbabagong nararanasan mo, subalit kung nauunawaan mo kung bakit nagkakaganito,
at kung alam mo ang mga bagay na maaari mong gawin sa ganitong sitwasyon,
makatutulong ito nang malaki upang maka-adjust ka sa bagong normal.

Nahahati sa dalawang bahagi ang araling ito. Maaari mong tapusin muna ang una
bago ka tumuloy sa ikalawa upang magkaroon ka ng sapat na panahon upang mapag-
bulay-bulayan ang mga mahahalagang konsepto at katotohanan dito.

Subukin
Ano nga ba ang bagong normal at anu-ano ang mga mahahalagang bagay
na dapat mong matutuhan tungkol dito? Pag-aralan ang sumusunod na
sitwasyon at sagutin ng Tama o Mali.

______ 1. Ang bagong normal ay isang bagong paraan ng pamumuhay.

______ 2. Magsusuot ako ng facemask kung kailan ko lang gusto.

______ 3. Susunod ako sa mga alituntunin ng pamahalaan sa pag-iwas sa COVID-19.

______ 4. Sa panahong ito, maaari akong lumabas anumang oras kung gusto ko.

______ 5. Seseryosohin ko ang banta ng COVID-19.

Aralin
Ikaw Ba’y Natatakot?
1 (Unang Bahagi)
Natatakot ka ba? Anu-ano ang mga bagay na kinakatakutan mo? Ilista mo ang mga
ito sa loob ng kahon sa ibaba.

1
Ang lahat ng tao ay may kinakatakutan. Kahit ang mga matatanda ay may mga
bagay din na ayaw nilang makita o maranasan.

Ang buong mundo ngayon ay nababalot sa isang malaking takot. Bakit kaya? Tama!
Ito ay dahil sa banta ng COVID-19!

Ano ba ang COVID-19?

Ang COVID-19 ay isang virus o mikrobyo na nagiging sanhi


ng isang malubhang sakit na nakamamatay.

Tuklasin
Normal lang na matakot o malungkot dahil sa maraming nangyayari.
Katanggap-tanggap kung ang pakiramdam mo ay wala kang magawa. Maaari
ka ring umiyak. Minsan, ang pag-iyak ay nagpapagaan sa ating damdamin.

Subalit, ano man ang nararamdaman mo ngayon, makatitiyak kang


nalalaman ito ng Diyos na lumikha sa iyo. Siya ay nalulungkot sa tuwing may
masamang nangyayari.
Alam mo ba na may sinasabi ang Bibliya kung ano ang maaari mong gawin kapag
ikaw ay nakararamdam ng takot o kalungkutan?
Kung may Bibliya ka, maaari mo itong buksan sa Awit 56:3. Sinasabi sa talatang ito
ang ganito:

“Kapag ako’y natatakot, O aking Diyos na Dakila;


sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.”
Awit 56:3
Kapag ikaw ay natatakot, tandaan mo na ang Diyos ay dakila. Ibig sabihin, Siya
ay makapangyarihan at kontrolado Niya ang lahat ng bagay. Alam rin Niya ang
nangyayari sa iyo, at mahal ka Niya. Kaya, sinasabi sa talatang ito na ikaw ay umasa at
magtiwala sa Diyos.
Umasa ka na hindi ka Niya pababayaan at magtiwala ka na Siya ay
makapangyarihan upang iligtas ka sa anumang kapahamakan.

Suriin
Binabati kita at natapos mo ang unang bahagi! Suriin natin kung nakuha mo
ang mga aral na ibinahagi sa talata.

Panuto: Pag-aralan ang mga sumusunod at sagutin ng Tama o Mali.

______ 1. Normal lang ang makaramdam ng takot o kalungkutan.


______ 2. Dakila ang Diyos. Ibig sabihin, Siya ay makapangyarihan at alam Niya ang lahat.
______ 3. Iniibig ako ng Diyos.

2
______ 4. Hindi ko maaasahan ang tulong ng Diyos.
______ 5. Ayon sa Awit 56:3, ilalagak ko sa Diyos ang aking pag-asa at tiwala.
Napag-isipan at nasagutan mo na ba ang mga tanong? Magaling! Basahin ng malakas ang
Awit 56:3. Laging tandaan at isapuso ang talatang ito. Makatutulong ito kung ikaw ay
nakararamdam ng takot o lungkot.

“Kapag ako’y natatakot, O aking Diyos na Dakila;


sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.”
Awit 56:3
Mahalagang Kaisipan

Mahalagang ilagak mo sa Diyos ang iyong pag-asa at tiwala at hindi sa tao. Ang tao ay
maaaring mabigo, subalit hindi ang Diyos. Siya ay makapangyarihan. Tutuparin Niya ang
Kanyang mga pangako sa iyo, at isa sa mga pangakong ito ay hindi ka Niya iiwan o
pababayaan kailanman.

Pagyamanin
Gaano mo inaasahan at pinagkakatiwalaan ang Diyos? Sa ibaba ay may iba’t
ibang sitwasyon na maaaring nararanasan mo ngayon. Pumili ng bilang mula
1 hanggang 5. Ang isa (1) ay nangangahulugang “hindi masyadong
pinagkakatiwalaan” at ang liba (5) naman ay “lubos na
pinagkakatiwalaan”. Walang tama o maling sagot sa gawaing ito.

1. Nawalan ng trabaho ang magulang ko. 1-2-3-4-5


2. Nagkasakit ako. 1-2-3-4-5
3. Naubusan kami ng pagkain. 1-2-3-4-5
4. Nawala ang ipon kong pera. 1-2-3-4-5
5. Nahihirapan ako sa pagsagot sa mga modyul. 1-2-3-4-5

May iba ka pa bang sitwasyong nararanasan ngayon na wala sa mga nabanggit? Maaari
mong isulat ito sa kahon sa ibaba at ikuwento mo sa akin kung ano ang ginawa mo upang
mapagtagumpayan ito.

3
Isaisip
Nais kong isaulo mo ang Awit 56:3. Maaari mo itong basahin nang 8 hanggang
10 beses, at bigkasin mo sa iyong ama o ina, o sinumang nakatatandang
kasama mo sa bahay. Tandaan mo ang mahahalagang salita na nakapaloob
dito:

 “Diyos na Dakila” - Ang Diyos ay makapangyarihan, alam Niya ang lahat, at


iniibig ka Niya.
 “Pag-asa at tiwala” - Umasa ka sa Diyos na tutulungan ka Niya at magtiwala
ka sa Kanyang pangakong hinding-hindi ka Niya iiwan o pababayaan.

Isagawa
Nais kong kausapin mo ang Diyos ngayon sa pamamagitan ng panalangin.
Sabihin mo sa Kanya ang lahat ng nararamdaman mo, at sabihin mo sa
Kanyang ikaw ay nagtitiwala at umaasa sa Kanya lalo na sa panahong ito
ng Pandemya.

Tayahin
Dalawang hakbang na lang at matatapos mo na ang unang bahagi ng modyul
na ito! Simulan na upang marating mo ang huling pagsubok!

1. Buuin ang talata sa pamamagitan ng paglalagay ng mga nawawalang salita. Huwag


kang titingin sa itaas.
“Kapag ako’y _________, O aking Diyos na ________; sa iyo ko
ilalagak, _________ ko at _________.” Awit 56:3
2. Ano ang ibig sabihin na ang Diyos ay dakila? __________________________________
3. Bakit kailangan mong umasa at magtiwala sa Diyos? ___________________________

Karagdagang Gawain
Napakagaling mo! Naabot mo na ang huling pagsubok! Ngayon naman ay nais
kong kausapin mo ang sinumang kasama mo sa bahay tungkol sa natutuhan
mo ngayon. Sabihin mo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin sa tuwing
siya ay makararamdam ng takot.

4
Aralin
Ikaw Ba’y Natatakot?
1 (Ikalawang Bahagi)

Balikan
Sa unang bahagi ng ating pag-aaral, pinag-usapan natin kung ano ang COVID-
19. Sinabi nating ito ay isang uri ng mikrobyo na nagdadala ng isang malubha
at nakamamatay na sakit.
Pinag-usapan din natin kung ano ang maaari mong gawin kapag ikaw ay may
maramdamang takot. Binasa at sinuri natin ang Awit 56:3 na nagsasabing kailangan mong
ilagak ang iyong pag-asa at tiwala sa Diyos. Sa madaling salita, ano ang dalawang bagay
na dapat mong gawin sa tuwing may takot sa iyong puso?
1. ______________ ako sa Diyos.
2. ______________ ako sa Diyos.

Subukin
Anu-ano ang mga praktikal na bagay na maaari mong gawin ngayong
panahon ng Pandemya? Pag-aralan ang sumusunod na sitwasyon at sagutin
ng Tama o Mali.
______ 1. Kailangang palakasin ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pagkain nang
wasto at pag-inom ng vitamin C.
______ 2. Mahalaga ang pagsusuot ng face mask at face shield sa tuwing ako ay
lalabas.
______ 3. Hindi na kailangan ang social distancing kapag naglalaro sa labas.
______ 4. Maghuhugas lang ako ng kamay kapag kakain.
______ 5. Nagmamalasakit sa akin ang Diyos.

Tuklasin
Sa panahong ito, kailangan mong umasa at magtiwala sa Diyos. Subalit may
ilang mga bagay ka ring dapat gawin upang maiwasan ang pagkakasakit.
Anu-ano ang mga ito?

1. Magsuot ng face mask at face shield.


2. Maghugas lagi ng kamay
3. Magpalakas sa pamamagitan ng pagkain nang wasto, pag-inom ng
vitamin C, at pag-eehersisyo
4. I-practice ang social distancing.

5
 Tuwing kailan ka dapat magsuot ng face mask at face shield? Tama! Sa tuwing
ikaw ay lalabas ng bahay at makikihalubilo sa iba. Kailangan ito upang maiwasang
dumapo sa iyong bibig, mata, o ilong, ang anumang droplet galing sa isang taong may
COVID-19. Ang droplet na ito na galing sa laway ay nagdadala ng mikrobyong
nabanggit.
 Tuwing kailan maghuhugas ng kamay? Tama! Gawin mo ito palagi. Kapag hindi ka
sigurado kung malinis ang mga kamay mo, iwasang humawak sa anumang bagay, lalo
na sa iyong mukha.
 Kumain ka rin ng maraming gulay at uminom ng vitamin C. Ugaliin din ang pag-
eehersisyo araw-araw.
 At sa tuwing ikaw ay lalabas, iwasan ang paglapit sa ibang tao. Pero, tandaan
mong kung ikaw ay bata, ipinagbabawal sa iyo ang lumabas ng bahay. Manatili ka lang
sa bahay mo upang hindi ka mahawa o makahawa.

Suriin
Binabati kita at natapos mo ang unang bahagi! Suriin natin kung nakuha mo
ang mga aral na ibinahagi sa talata. Pag-aralan ang mga sumusunod at
sagutin ng Tama o Mali.

______ 1. Ang pagsusuot ng face mask at face shield ay kailangan sa tuwing ako ay
lalabas ng bahay.
______ 2. Maaaring lumabas ang isang bata sa bahay upang maglaro sa kalsada o
mamasyal.
______ 3. Kailangang magpalakas ng katawan upang makalaban ito sa mikrobyo.
______ 4. Maghuhugas ako ng kamay lagi.
______ 5. Ang droplet na galing sa isang taong may COVID-19 ay dapat iwasan.
Mahusay! Ngayong alam mo na ang mga dapat mong gawin upang makaiwas sa COVID-19,
tingnan naman natin ang ilang katanungang maaaring naglalaro sa isip mo:
 Nakikilala at nagmamalasakit ba sa akin ang Diyos?
 Bakit nangyayari ang napakaraming masasamang bagay?
 Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ito?
 Paano ko malalampasan ang mahirap na sitwasyong ito?
Ating suriin isa-isa ang mga tanong na ito.

Una, nakikilala at nagmamalasakit ba sa iyo ang Diyos?


Ano ang sagot mo? Nakikilala at pinagmamalasakitan ka ng Diyos na buhay. Concern
Siya sa iyo. Alam Niya ang lahat. Ginawa ng Diyos ang buong mundo at alam Niya ang
nangyayari sa lahat ng dako-- walang nakagugulat sa Kanya.
Alam Niya ang mga tanong sa isipan mo. Maaring walang nakauunawa sa
pinagdadaanan mo, pero nauunawaan ito ng Diyos.

6
Hindi ka lang kilala ng Diyos, minamahal ka rin Niya, ano pa man ang mga iniisip at
nararamdaman mo. Sa Bibliya’y sinasabi ng Diyos na “sa simula pa’y iniibig ko na sila”
(Jeremias 31:3). Nilikha ka ng Diyos at higit ka Niyang kilala kaysa pagkakilala sa iyo
ninuman. Maaaring hindi mo gaanong iniisip ang Diyos pero iniisip ka Niya.

Pangalawa, bakit nangyayari ang napakaraming


masasamang bagay sa mundo? Ano ang sagot mo? Bakit may mga
sakuna tulad ng sunog at baha? Bakit may pag-aaway at kamatayan?
Nang likhain ng Diyos ang mundo, ginawa Niya itong perpekto. Ang lahat ay
maganda at mabuti. Pero ano ang nangyari? Bakit naging masama ang mundo?
Nagsimula ito nang suwayin ng unang mga tao ang Diyos. Sa halip na sundin ang Diyos,
ginawa nila ang gusto nila. Ang pagsuway sa Diyos ay tinatawag na kasalanan.
Nang pumasok ang kasalanan sa mundo, sinira nito ang perpektong nilikha ng
Diyos. Nagsimulang masira ang kalikasan—nagkaroon ng mga bagyo, ipo-ipo, at lindol.
Dahil sa kasalanan, pumasok sa mundo ang pagdurusa at kamatayan.
Gayuman, hindi ikaw ang dapat sisihin sa mga nakatatakot na bagyo o lindol. Hindi
mo ito kasalanan. Pero ikaw at ako ay nakagagawa ng mga bagay na hindi ikinatutuwa ng
Diyos at inilalayo tayo ng ating kasalanan mula sa Diyos na perpekto. Mayroong pagdurusa
at kamatayan dahil sa kasalanan. Sinasabi ng Bibliya na ang kasalanan ay pumasok sa
mundo at kasabay nito ay ang kamatayan (Roma 5:12).

Ikatlo, bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ito? Ano


ang sagot mo? Minsan hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay at may
mga pagkakataong hindi natin lubos na nauunawaan ang layunin ng Diyos sa mga bagay na
nangyayari.

Tandaang ang mga masasamang nangyayari sa atin ay bunga ng kasalanan.


May kapangyarihan ang Diyos na patigilin ang mga tao sa paggawa ng mga kasalanan
pero binigyan Niya sila ng kalayaang pumili—maging ang pagpili sa masama.

Dapat mong malaman na kahit na nagdudulot ng mga nakatatakot na bagay


ang kasalanan, kaya ng Diyos na gawing mabuti ang kalalabasan ng mga ito, gaya ng
mga sumusunod:
 Maaaring itinataya ng iba ang sariling buhay para makatulong sa kapwa.
 Maaari ring simula ito na isipin nang higit ng mga tao ang tungkol sa Diyos at
kung sino Siya para sa kanila.
Ang Diyos pa rin ang may kontrol kahit sa tingin mo’y parang hindi. Maaaring hindi
mo maintindihan kung bakit hinahayaan itong mangyari ng Diyos. Pero maaari mong
malaman na habang nasasaktan ka, nasasaktan rin Siya. Kasama natin ang Diyos sa
ganitong nakatatakot na pagkakataon. Nauunawaan Niya kung nalulungkot ka o
naguguluhan. Alam Niya at may pakialam Siya sa nararamdaman mo. Mahal ka Niya.
Kapag pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang tulad nito, nais Niyang samahan kang
malampasan ito.

Pang-apat, paano ko malalampasan ang mahirap na


sitwasyong ito? Ano ang sagot mo? Anuman ang nangyayari, matutulungan ka ng
Diyos na malampasan ito. Kung magiging anak ka Niya, iingatan ka Niya bilang bahagi ng

7
Kanyang pamilya. Ang Diyos ay naiiba sa mga ama dito sa lupa—perpekto Siya. Nais
Niyang maging mapagmahal mong Ama sa Langit at aliwin ka sa mahirap na sitwasyong ito.
Ang Diyos ay nakatira sa Langit, ang perpekto Niyang tahanan. Doon din nakatira
ang nag-iisa Niyang Anak na si Jesus.
Dahil ang Diyos ay banal, hindi Niya maaaring balewalain ang kasalanan sa mundo.
Kailangang parusahan ang kasalanan. Sinasabi sa atin ng Biblia na ang parusa ng
kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). Ang ibig sabihin ng kamatayan ay walang
hanggan kang mahihiwalay sa Diyos doon sa kakila-kilabot na lugar.
Ang plano ng Diyos para ayusin ang problema ng kasalanan ay ang ipadala ang
Kanyang Anak para akuin ang parusang nararapat sa iyo at sa akin. Ipinadala ng Diyos Ama
ang Kanyang Anak na si Jesus dito sa Mundo bilang isang sanggol. Dahil si Jesus ang Anak
ng Diyos, Siya lamang ang hindi nagkasala kailanman.
Sa paglaki Niya, wala Siyang ginawang anumang mali. Pagkatapos ay dumating ang
araw para akuin ni Jesus ang parusa ng iyong kasalanan. Nauunawaan ng Diyos ang
mahihirap na pinagdadaanan mo ngayon dahil nagdusa rin Siya. Nakita Niya nang kinuha
ng mga lalaki at ipinako sa krus ang Kanyang Anak. Nagdusa rin si Jesus. Dumanak ang
Kanyang dugo at naging kakila-kilabot ang Kanyang pagkamatay. Alam ng Diyos Ama na ito
lamang ang paraan para mapatawad ang iyong kasalanan.Kusang-loob na nagdusa at
namatay si Jesus para saiyo.
Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay namatay sa krus, inilibing Siya, at sa ikatlong araw
ay nabuhay Siyang muli (I Corinto 15:3-4). Alam nating totoo ito dahil maraming tao ang
nakakitang buhay si Jesus bago Siya bumalik sa Langit para makasama ang Diyos na
Kanyang Ama. Buhay Siya at Siya ay nasa Langit ngayon.Ipinakita ng Diyos sa
pamamagitan ng pagpapadala Niya sa Kanyang Anak kung gaano ka Niya kamahal! Nais
Niyang mapabilang ka sa Kanyang pamilya.

Pagyamanin
Naunawaan mo ba ang mga sagot sa apat na mahahalagang tanong na ating
pinag-usapan? Maaari mong higit pang pagyamanin ito sa pamamagitan ng
paglalagay ng mga nawawalang salita sa mga sumusunod na pangungusap.
1. Nakikilala at _______________ sa akin ang Diyos.
2. Ang kasalanan ay _____________ sa utos ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit
nangyayari ang masasamang bagay sa mundo.
3. Ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at kaya ng Diyos na gawing __________
ang kalalabasan ng mga ito.
4. Sasamahan ______ ng Diyos na ____________ ang sitwasyong ito.

Isaisip
Hindi mo kailangang haraping mag-isa ang hamon ng COVID-19. Nais kang
samahan ng Panginoong Jesus, subalit kailangan mong magdesisyon ngayon
na tanggapin Siya sa iyong buhay at buong pusong sumampalataya o

8
maniwala sa Kanya bilang Tagapagligtas mo. Sinasabi sa Juan 1:12, “Ang lahat ng
tumanggap at sumampalataya sa Kanya ay binigyan Niya ng karapatang maging mga anak
ng Diyos.”

Isagawa
Nais mo bang gawin ito? Maaari mong ihinto ngayon ang iyong gawain at
kausapin ang Diyos. Taos-puso mong sabihin sa Kanyang tinatanggap mo si
Jesus sa iyong buhay at sumasampalataya ka sa Kanya bilang Tagapagligtas.

Tayahin
Binabati kita dahil natapos mo ang una at ikalawang bahagi ng Unang Aralin.
Ngayon ay tingnan natin ang iyong pagkaunawa sa ating mga pinag-aralan.

Panuto: Sagutin ang mga tanong sa pamamagitan ng pagbilog sa pinakatamang sagot


ayong sa napag-aralan.
1. Ang lahat ng tao ay may kinakatakutan.
a) Tama b) Mali c) Maaaring tama, maaaring mali
2. Sa panahong ito na may Pandemya,
a) Maaaring gawin anuman ang gusto b) OK lang na malungkot
c) Huwag sumunod sa batas
3. Ang COVID-19 ay isang uri ng
a) bacteria b) mikrobyo c) sakit
4. Kapag ikaw ay natatakot, ano ang sabi sa Awit 56:3 na dapat mong gawin?
a) Magmukmok b) Aasa at magtitiwala sa Diyos c) Manalangin
5. Ang salitang ito ay nangangagulugang ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat.
a) mapagmahal b) dakila c) mabuti
6. Alin sa mga sumusunod ang hindi dapat gawin sa panahong ito ng Pandemya?
a) Magsuot ng face mask at face shield
b) Maglaro sa labas anumang oras
c) Kumain nang tama
d) I-observe ang social distancing
e) Huwag maghugas ng kamay
7. Ikaw ay nakikilala at pinagmamalasakitan ng Diyos dahil
a) mabuti ka b) mayaman kayo c) ginawa at mahal ka Niya

9
8. Ang paglabag sa utos ng Diyos ay tinatawag na
a) kasalanan b) pagkakamali c) kaguluhan
9. Sa panahong ito, ikaw ay
a) sasamahan at tutulungan ng Diyos b) iiwan sa ere ng Diyos
c) papaasahin lang ng Diyos
10. Isulat sa ibaba ang pinakamahalaga mong natutuhan sa araling ito.
Tala para sa Magulang

Ngayong natapos na ng iyong anak ang Modyul 1, maaari na itong ihatid sa


paaralan sa takdang petsa at oras. Maaari na ring kunin ang Modyul 2 kasabay
nang pagbalik ng modyul na ito. Maraming salamat.

Susi sa Pagwawasto
Unang Bahagi
Subukin Suriin Tayahin Karagdagang
1. Tama 1. Tama natatakot, Gawain
2. Mali 2. Tama dakila, Tama, anumang sagot
3. Tama 3. Tama pag-asa,
4. Mali 4. Mali tiwala
5. Tama 5. Tama
Isagawa
Tama, anumang sagot

Ikalawang Bahagi
Balikan Suriin Pagyamanin Tayahin
1. Aasa 1. Tama 1. nagmamalasakit 1. a
2. Magtitiwala 2. Mali 2. pagsuway 2. b
Subukin 3. Tama 3. mabuti 3. b
1. Tama 4. Tama 4. ako, harapin 4. b
2. Tama 5. Tama 5. c
3. Mali 6. b
4. Mali 7. c
5. Tama 8. a
9. a

Ang modyul na ito ay inihanda ng Child Evangelism Fellowship® of the Philippines National Capital Region South
Area na naglalayong maging katuwang ng Kagawaran ng Edukasyon sa paghubog ng mga mag-aaral nito upang
sila ay Maging maka-Diyos, Maka-Tao, Maka-Kalikasan, at Maka-Bansa.

Ang CEF ay ang siyang nagpapatupad ng Elementary and High School Values Education Class (EHSVEC) sa
maraming pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa. Ang EHSVEC ay isang programa na nagtuturo ng
universally-accepted Filipino values base sa Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) K-12 Curriculum.

10

You might also like