Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

TALAMBUHAY NI FRANCISCO “BALAGTAS” BALTAZAR

Tubong Bulacan ang Prinsipe ng Makatang Tagalog. Isinilang siya noong ika-2 ng Abril, 1788 sa Panginay,
Bigaa, Bulacan. Ngayon ay Balagtas na ang tawag sa lugar ng kanyang kapanganakan bilang parangal sa kanyang
dakilang makatang anak ng Bulacan. Mahirap lamang ang kanyang pamilya. Si Juan Balagtas ang kanyang ama, at si
Juana dela Cruz naman ang kanyang ina.
Kiko ang ipinalayaw sa kay Francisco. Musmos pa lamang ay kinakitaan na siya ng talino at hilig sa pag-aaral.
Dahil sa kahirapan, kinailangan niyang manilbihan bilang utusan sa Tondo, Maynila. Ang kapalit ng kaniyang
paninilbihan kay Donya Trinidad ay ang pagpapaaral nito sa kanya. Pinag-aral siya sa Colegio de San Jose at dito ay
nakapagtapos siya ng Gramatica Castellan, Gramatica Latina, Geografia y Fisica, at Doctrina Christiana. Ang mga
nabanggit ay ang mga karunungang kailangan niyang malaman upang makapag-aral siya ng Canones, ang batas ng
pananampalataya. Bukod ditto, pinalad siyang makapag-aral sa isang paaralan, ang San Juan De Letran. Natapos niya ang
Humanidades, Teologia, Filosofia. Dito niya nagging guro si Padre Mariano Pilapil, isang bantog na guro na sumulat ng
Pasyon.
Naging bukambibig ang pangalan ni Kiko sa larangan ng pagbigkas ng tula. Madalas siyang maanyayahan sa iba’t
ibang pagdiriwang upang bumigkas ng tula. Naging makulay ang kanyang pagbibinata at nagging bantog na makata.
Ang angking husay niya sa pagbigkas ng tula ang nagging dahilan kung bakit maraming kababaihan ang humanga
sa kanya. Subalit isang dilag na nagngangalang Magdalena Ana Ramos ang bumihag sa kaniyang puso. Sinikap niyang
handugan ang dalaga ng isang tula para sa kaarawan nito ngunit sa kasamaang-palad ay hindi siya natulungan ng isa pang
makatang tumutulong sa pag-aayos ng tula. Ang tulang ipaaayos niya sana kay Jose dela Cruz, na tinawag ding Huseng
Sisiw, ay hindi nito tinanggap sa kadahilanang wala siyang dalang sisiw na ipambabayad. Ang pangyayaring iyon ang
nagtulak kay Balagtas na pagbutihin ang kaniyang kakayahan sa paglikha ng tula. Hindi naglaon at namayagpag sa
larangan ng panulaan si Balagtas at nangulimlim naman ang kabantugan ni Huseng Sisiw.
Mula sa Tondo ay lumipat si Balagtas sa Pandacan. Dito niya nakilala si “Selya” o Maria Asuncion Rivera sa
tunay na buhay. Napaibig niya ang dalaga at naging magkasintahan sila. Subalit nagkaroon siya ng mahigpit na katunggali
sa pag-ibig sa dalaga sa katauhan ni “Nanong” Mariano Kapule. Si Nanong ay mula sa isang may kaya at
makapangyarihang pamilya. Sa kagustuhan niyang hindi na makahadlang pa si Balagtas sa kanyang panunuyo kay Selya
ay ipinabilanggo niya ang makata. Pinagdusahan ni Balagtas sa bilangguan ang isang maling paratang. Dumagdag pa sa
kanyang dalahin ang balitang nagpakasal na ang dalagang kanyang iniibig sa kanyang karibal.
Pinaniniwalaang dahil sa kabiguang ito ay naisulat niya sa bilangguan ang obrang Florante at Laura. Bagama’t
may ilang nagsasabing natapos niya ang obra sa Udyong Bataan, dito sa lalawigang ito siya nanirahan pagkatapos ng
kanyang pagkabilanggo at dito rin niya nakilala ang babaeng iniharap niya sa dambana, si Juana Tiambeng. Sa edad na 54
ni Balagtas, ikinasal sila ni Juana sa kabila ng pagtutol ng magulang ng dalaga dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad.
Muling nakilala ang husay ni Balagtas. Naging kawani siya sa hukuman at hindi naglaon ay naging Tenyente
Mayor at Juez de Sementera. Noong mga panahong iyon ang posisyong iyon ay pinagpipitagan.
Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana, sa lalawigan din ng Bataan ay muli siyang bumalik sa bilangguan dahil
sa paratang na pinutulan niya ng buhok ang isang babaeng utusan ni Alferez Lucas. Bagama’t lumaban siya sa kaso at
naubos ang kanyang kayamanan sa pag-apela, pinagdusahan pa rin niya ang paratang na iyon sa kulungan. Sa isang kisap-
mata’y nawala ang lahat ng kanyang pinaghirapan. Paglabas niya ng piitan, sinalubong siya ng hirap sa buhay dahil
naubos na ang kanyang kabuhayan. Gayunpama’y ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang pagsulat hanggang sa bawian
siya ng buhay noong ika-20 ng Pebrero taong 1862 sa gulang na 74. Naulila niya ang kanyang asawang si Juana at ang
apat nilang anak.
Lumisan man siya sa mundong ito ay iniwan naman niyang buhay sa alaala ng mga Pilipino ang maraming
immortal na obrang bagama’t gumamit ng alegorya upang maitago ang tunay na mensahe ng akda ay sumasalamin pa rin
sa mga kalakaran sa totoong buhay. Isa na sa mga ito ang Florante at Laura.
Sinasabing ang mga pasakit sa buhay na naranasan ni Blagtas ang pumanday sa kanya upang maging isang
mahusay na manunulat. Dahil sa angking kakayahan, determinasyon, at katatagan ni Balagtas, isinilang ang isang obra-
maestrang nagtaas sa antas ng sining ng panitikan. Tunay ngang karapat-dapat na tawagin ng Prinsipe ng Makata ng
Tagalog si Francisco Balagtas.

KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN NG FLORANTE AT LAURA

Ang Florante at Laura ay isinulat ni Francisco “Balagtas” Baltazar noong 1838, panahon ng pananakop ng mga
Espanyol sa bansa. Sa panahong ito, mahigpit ang ipinatupad na sensura kaya’t ipinagbawal ang mga babasahin at palabas
na tumutuligsa sa pagmamalabis at kalupitan ng mga Espanyol. Dahil sa pagkontrol ng mga Espanyol, ang mga aklat na
nalimbag sa panahong ito ay karaniwang patungkol sa relihiyon o di kaya’y sa paglalaban ng mga Moro at Kristiyanong
tinatawag ding komedya moro-moro, gayundin ng mga diksiyonaryo at aklat panggramatika.
Sa kabila ng mahigpit na sensura ng mga Espanyol ay naging matagumpay si Balagtas na mailusot ang kanyang
awit dahil relihiyon at paglalaban ng mga Moro at Kristiyano rin ang temang ginamit niya rito bagama’t naiugnay niya ito
sa pag-iibigan nina Florante at Laura. Naitago niya sa pamamagitan ng paggamit ng alegorya ang mensahe ng pagtuligsa
at pagtutol sa kalupitan at pagmamalabis ng mga Espanyol. Gumamit din siya ng simbolismong kakikitaan ng pailalim na
diwa ng nasyonalismo. Ang mga tauhan at mga pangyayaring nagdulot ng kaawa-awang kalagayan ng kaharian ng
Albanya ay kasasalaminan ng mga naganap na kaliluan, kalupitan at kawalang katarungan sa Pilipinas sa ilalim ng
pamamahala ng mga Espanyol. Masasalamin din sa akda ang tinutukoy ni Lope K. Santos na apat na himagsik na
naghahari sa puso at isipan ni Balagtas:
1.) Ang himagsik laban sa malupit na pamahalaan;
2.) Ang himagsik laban sa hidwaang pananampalataya;
3.) Ang himagsik laban sa maling mga kaugalian at;
4.) Ang himagsik laban sa mababang uri ng panitikan
Ang Florante at Laura ay itinuturing na isang obra maestro ng panitikang Pilipino at sinasabing
Nagbukas ng landas para sa Panulaang Tagalog noong ika-19 na daantaon. Isinulat niya kasi ang kanyang akda sa wikang
Tagalog sa panahong ang karamihan sa mga Pilipinong manunulat ay nagsisulat sa wikang Espanyol. Ang awit ay inialay
ni Balagtas kay “Selya” o Maria Asuncion Rivera, ang babaeng minahal niya ng labis at pinagmulan ng kanyang
pinakamalaking kabiguan. Sinasabing isinulat niya ito sa loob ng selda kung saan siya nakulong dahil sa maling paratang
na pakana ng mayamang karilbal na si Nanong Kapule. Ang malabis na sakit, kabiguan, kaapihan, himagsik at kawalang
katarungang naranasan ni Kiko sa lipunang kanyang ginagalawan na siyang nagtulak sa kanya upang likhain ang walang
kamatayang Florante at Laura.

You might also like