Naramdaman mo na ba ang mahikang bitbit ng isang salitang “PAG-IBIG”? Isang
salitang binubuo ng pitong letra, masarap pakinggan sa tenga ngunit ano nga ba? Naranasan mo na ba ang paulit-ulit na pagkabigo at paulit-ulit na nasaktan dahil lamang sa ikaw ay nagmamahal ng lubusan? Hanggang saan nga ba nasusukat ang tunay na nararamdaman?
Sa isang relasyon na halos ginagawa mo na ang lahat upang ito’y maging
maayos at magkaroon ng katuparan. Ang bawat pangarap na magkasama ninyong binuo, mga pangarap na umaasang balang araw ito’y matutupad pagdating ng tamang panahon. Sa pag-ibig, kaakibat nito ang saya, ligaya, sakit at luha. Sa bawat matatamis na mga ngiti ng labi ito’y masasalamin; mga wagas na pagmamahalan na akala mo ay walang katapusan. Aminin man natin o hindi, merong kasabihan na “Lahat ng bagay, may hangganan,” dahil kung hindi ka masasaktan, masasabi mo bang ika’y nagmamahal?
Sa bawat tahimik na pagpatak ng bawat mga luha na halos bumigay ka na dahil
sa hirap huminga. Para ka na ngang multo na nanlalalim ang iyong mga mata sapagkat bulag ka na sa iyong sariling halaga. Marami pang mga bagay ang pinagdaanan dahil sa ngalan ng pag-ibig o pagmamahal, yayakapin ang sakit para sa minamahal. Damdaming nagpupuyos at gustong umalpas sa nagtatagong yungib ng damdamin. Kahit ang tadhana na walang sala ay nais mong sisihin. Nang dahil sa pag-ibig, natutong umibig, magmahal at magpasubali.
Ang musikang hatid ng dalisay na pag-ibig ay tunay na di matatawaran. Ang
kaligayahan na dulot ng wagas na pagmamahalan ay hinuhubog ng panahon. Darating ang panahon, na ang puso ay di na kayang buwagin na kahit anong unos pa ang dumating, di na matitibag pagkat pundasyon ay malalim. Ang pag-ibig na matibay at nagpapatibay sa lahat na darating balang araw, sa tamang panahon.