Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Buhay Estudyanteng Atleta

by Carl Lewis D. Rendon

Kumusta! Ako’y naaalala niyo pa ba?


Ako yung minsa’y naging tampulan niyo ng tukso at panghuhusga
Oo ako nga, at ako’y isang estudyanteng atleta.

Pansin ko lang na madalas sa paaralan, nasa amin ang diskriminasyon,


Madalas kong marinig ang;
Ahh atleta, walang interes sa edukasyon,
Ahh atleta, tamad ‘yan at hindi mo maaasahan,
Ahh atleta, absinero ‘yan!
Ilan lamang iyan sa mga katagang pilit na inuugnay sa aming hanay.

Pero mga kaibigan, minsan ba ay naisip niyo ang aming kalagayan?


Sa tuwing papasok sa paaralan?
Araw-araw ay pumapasok kami na hapong-hapo ang katawan,
at sa antok ay pilit na nakikipaglaban.

Alam niyo, sa bawat segundo na lumipas sa aking orasan,


May nabuo akong isang katanungan, bakit ko kaya ito nararanasan?
Pero naisip ko na sa sobrang daming dahilan ay may nag-iisang pinakatiyak na kasagutan,
Yun ay parte ito ng proseso upang ako’y mas tumibay pa at matutuong lumaban,

Tumibay sa pagkamit ng aking mga pangarap gamit ang sarili kong mga paa,
Mga paa na ilang libong kilometro na ang tinakbo,
Mga paang pagod na, pero hindi pa puwedeng sumuko,
Oo, isa akong estudyanteng atleta.

Tipong alas tres pa lang ng umaga kami gising na,


ang iba sa inyo tulog pa,
Kami hinihingal na at maaring kayo humihilik pa,
Oo, isa akong estudyanteng atleta.

May mga pagkakataong sawa na ako sa lasa ng mga iniinom kong mga bitamina,
Pero gusto ko naman ang dulot nitong ginhawa,
Ayoko na ring iniisip ang ensayo kinabukasan,
Dahil ngayon pa lang pakiramdam ko pagod na ako. (nakakatawa ‘di ba?)

Haaay, pinili kong tahakin ang landas na ito,


Upang matulungan ang aking pamilya,
Sino ba namang hindi matutuwa sa pinag-aaral ang sarili niya hindi ba,
Eh ito ang binigay sa aking talento,
Kaya itinuturing ko itong biyayang ginto.

Pero kung iisipin, parang normal lang ako kung titingnan,


Ngunit sa likod ng aking ngiting inyong nasisilayan,
Nakatago ang lungkot at pangungulila sa naiwan kong tahanan,

Sa bawat sugat ko na inyong nakikita,


Iyan ay tanda o marka ng aking pakikibaka,
Sa bawat patak ng aking pawis, dugo, at luha,
Ay nadidiligan ko ang mga pangarap na aking ipinunla.

Oo, isa akong estudyanteng atleta,


Wala akong takot na sumabak,
Hindi pwedeng matakot dahil may mga buhay na nakasalalay sa aking mga pangarap.
Oo, isa akong estudyanteng atleta,

Osiya, hindi ko na pahahabain pa,


At bago ako magtapos, mga kaibigan lilinawin ko,
Hindi ako humihingi ng espesyal na trato,
Patas lang na pakikisama, at huwag lang basta-basta humusga ay ayos na yun,
Dahil alam ko lahat tayo ay may pinagdaraanan talaga.

Kaya kaibigan, sa susunod na may makita kang katulad ko,


Katulad ko... na nahihirapan, akayin niyo, tulungan niyo,
Sapagkat ako’y pihado... na minsan sa buhay niyo,
May isang estudyanteng atleta na naging kaibigan niyo,
Dinamayan kayo, at napangiti kayo.

Muli, ako’y isang estudyanteng atleta,


Na katulad niyo rin, na nangangarap ng buhay na maganda.

Maraming Salamat!

You might also like