Siguro kung sakaling nadale ka sa Samar, hindi mo rin nanaisin ang mga akdang iniaalay para sa mga bayaning bangkay. Itinuturing mo na hindi iyon usapin ng panlasa o pagkatakot sa kamatayan o pagkailang sa pagturing na bayani dahil payak lang naman ang iyong katuwiran: Isa kang pulang mandirigma at ayaw mong malagasan ng bilang ang mga kawal para sa bayan at sambayanan. Tinitiyak mo na hindi uubra ang kadramahan laban sa mga berdugo ng estado at hindi rin naman nito mawawasak ang tanggulan ng mga kaaway. Para sa iyo, Bostsip, ang mga akdang mayroong bisa ay hindi iyong mga ibinabad sa luha o pinanday sa apoy ng galit kundi iyong mga likha na kumakalinga sa masa, ang tunay na musa ng rebolusyon, isang marikit na inspirasyon na naiiba sa kahindutang muse ng mga sentro at institusyon sa malikhaing pagsulat.
Nagulat ako, Bostsip,
nang mabasa ko ang balita. Hindi ko naisip kailan man na magtutungo ka roon. Mas pinagdududahan ko kasi ang iyong pangangatawan kaysa antas ng pampolitikang kamulatan, Spinky Lampaso (ang birong tawag nila noon sa iyo sa Diliman). Wala rin naman kasing sustansiya ang Lucky Me Instant Noodle na sabi'y naging pantawid-gutom mo sa ilang taon ng paghahawan sa kasukalan ng petiburges na isip at gawi. Ang trip mo dati: Blues at jazz; Si Binky Lampano at Eraserheads; Beer at alak; Magpa-artist; Mangupal ng probees sa Kule; Makipag-target shooting sa mga intelektuwal sa campus, gamit ang titi bilang sandata at ang ihi naman ang bala; Umupo at tumae ng mga tula at ibang akda; Makipagkiskisan ng siko sa noo'y hindi mo batid na mga miyembro pala ng CPP; Magpuyat at matulog nang buong maghapon sa inyong middle class na bahay sa Cubao, managinip at pagkagising ay saka maghanap ng kalabaw sa lugar. Dahil gusto mong patuluyin ka sa munting kubo ng bago mong pamilya na ang pagkain ay palaging balinghoy, asin, at niyog, iwinaglit mo ang mga kalabisang iyon. Hindi dahil mali kundi dahil gusto mo na makasama sila. Gumigising ka nang maaga para sa kanila. Nananaginip ka para sa kanila.
Sa bago mong lugar,
ang iyong bagong Shangri-La, ay walang mall, beer house, at library, pero may tunay na kalabaw at nasasagot isa-isa ang mga tandang-pananong sa buhay mo sa siyudad bilang si Spinky Lampaso at ibang saliw na ang inaawit mo ngayon, Bostsip. Hindi mo na marahil aariin ngayon ang copyright o natatawa ka na lang sa hit na hit na mong "Walang Kalabaw sa Cubao" kung ikukumpara sa piyesa na nilikha mo sa ilalim ng iyong koda sa araw na hinihintay mo ang giya na maghahatid sa iyo sa mga ruta kung saan araw-araw na nagaganap ang rebolusyon. Wala roong tarpaulin na nagsasabi ng "Welcome!" pero nadama mo sa iyong pagpasok na nakasilip lang sila sa butas na dingding ng kanilang bahay, nagagalak sa pagdating ng pinakabagong anak ng digmaang-bayan. Ang "I think, therefore I am" ni Rene Descartes ay isang huntahan na lang sa nakalipas at pampahid na lang sa tae sa puwet sa CR sa Palma Hall dahil sa natatanging araw lang na iyon naganap ang iyong tunay na pag-iral.
Dahil nakaya mong talikuran
ang komportableng uring iyong pinanggalingan kung kaya naging magaan ang mabigat na armas na nakasukbit sa balikat at pasan-pasang backpack sa paglalakbay mo, kasama ng iba pang mandirigma, sa mga bagong bukas na baseng gerilya.
Nagiba ang dibdib ko nang makita ko
ang retrato mo na ipinakalat ng mga sundalong humuli sa iyo. Ang pagtatanghal sa iyong kaawang-awang itsura ay propapaganda na dapat mo pang ipagpasalamat. Tarok mo ito dahil isa kang tambuli ng masang pinagkakaitan ng impormasyon at kaalaman. Iniisip ko nga ngayon kung sadyang umarte ka lang dahil dati ka rin namang aktor sa ilang linyadong dula na itinanghal sa entablado ng ating unibersidad. Nagkamali ang hukbo ng gobyerno dahil ang hindi nila alam, marami pang Spinky Lampaso sa mga paaralan at iba't ibang lugar sa Metro Manila, na naghihintay lang ng paanyaya na makapasok sa tarangkahan ng himagsikan.
Bostsip, kung magkikita tayo ngayong mismong oras na ito,
hindi ko alam kung makatitingin ako nang diretso sa iyong mga mata na palaging umuuri at sumusiri dahil nais nitong mabatid kung ang kaharap mo ba ay hayop o halaman o bagay o pangyayari o tao o panganib o isang nostalgia na lang sa nakaraan.
Ang totoo, hindi kami ang iyong iniwan,
ilan sa amin ang nang-iwan sa iyo. Hindi ko alam kung muling magtatagpo ang magkahiwalay na landas na ating tinahak.
Siyanga pala, hindi ko masasabi ang STR
sa hulihan ng aking sulat na ito dahil hindi ako karapat-dapat. Ang tanging masasabi ko ay "good luck!" Saka binabawi ko na rin ang pagtawag sa iyo ng "bostsip," Ericson, dahil maaari mo akong punahin dito. Dahil para sa iyo, piyudal ito at ang tunay na bostsip ay ang masa.
Kung kilala mo pa ako,
ako nga pala si Danilo R. dela Cruz, Jr. Huwag kang magsasabi ng "sino?" Dahil sasagot ako ng "wala lang ako." Ituring mo na lang ako na isa sa maraming kaibigan mo, isa ring kapanalig.
Ericson, ingat!
Huwag kang matakot.
Ang maikukulong lang nila ang iyong katawan pero hindi ang iyong dangal.