Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 3

ARALIN 3: ETIKA NG AKADEMIKONG SULATIN

KASANAYANG PAMPAGKATUTO: Naisasaalang-alang ang etika sa binubuong sulatin

Maikling Pagpapakilala ng Aralin:

Etika at Pagpapahalaga sa Akademiya

Ang salitang etika ay mula sa salitang Griyego na ethos (ethicos – moral character) na may
kahulugang “karakter.” Ang etika para kay Chris Newton ay tumutugon sa mahalagang tanong ng
moralidad, konsepto ng tama o mali, Mabuti at masama, pagpapahalaga at pagbabalewala,
pagtanggap at di-pagtanggap ng lipunan na siyang nagtatakda ng mga batayan sa mga ito. Ang mga
batayang ito naman ang nagdidikta kung ano ang dapat gawin ng tao bilang kaniyang obligasyon,
Karapatan, katuwiran at halaga. Ilan sa mga batayang inaasahan ng alinmang lipunan o bansa ang
pagkamakatao, katapatan at pagtitiwala. Halimbawa ng mga Gawain o praktis kaugnay ng etika ang
respeto sa kapuwa, nakatatanda, awtoridad, bata, kababaihan at iba pa na maipakikita sa iba’t ibang
paraan depende sa kultura at bansa.

Ang pagpapahalaga (values) naman ay ang standard o batayan – mga ideyal at gawi at
institusyon gaya ng simbahan, pamilya, paaralan at Negosyo – na pinagbabatayan natin kung tama o
mali ang ating mga desisyon. Isa itong paniniwala ng isang tao o grupo na may sangkol o
pinanggalingang damdamin o emosyon ukol sa isang bagay na dinedesisyunan.

Ang etika at pagpapahalaga ay kapuwa gumagabay kung paano nating ihaharap ang ating
sarili o pakikiharapan ang ating kapuwa. Gayundin, tumutulong ito upang magkaroon ng kaayusan
at katahimikan sa isang lipunan.

May sari-sariling etikang sinusunod at mga pagpapahalagang gumagabay sa bawat


institusyon, opisina, grupo, maging sa loob ng komunidad o bansa. Ang mga Gawain, kultura,
kasaysayan, karanasan at heograpiya ang mga salik sa pagbuo ng mga etika at pagpapahalaga.

Etika at Pagpapahalaga sa Pagsulat sa Akademiya

Sa pagdating ng makabagong teknolohiya, kanluraning edukasyon at impluwensiya ng iba’t


ibang kultura, iba’t ibang etika at pagpapahalaga ang nangibabaw, lalo na sa larangan ng edukasyon.

Sa akademikong pagsulat, ang paggamit ng social media ay hindi malinaw kung


makatutulong sa scholarship. Sa tradisyunal na paraan, deskripsiyon, eksperimento, obserbasyon at
personal na karanasan ang ginagamit ngunit sa kasalukuyan, maraming impormasyong matatagpuan
sa internet ang ginagamit. Subalit may mga pagkakataong hindi tiyak ang awtentisidad ng mga
material na ito.

Kaugnay nito, ilang isyu o paglabag kaugnay ng etika at pagpapahalaga sa pagsulat gamit ang
sari-saring datos at reperensiya ang mahalagang bigyang-pansin:

a. Copyright – sa Pilipinas, nililinaw sa Intellectual Property Code of the Philippines


(Republic Act no. 8293) ang mga Karapatan at obligasyon ng mga may-akda, pati na ang
paggamit sa mga ginawa ng mga ito. Mahalagang malinawan ang mga Karapatan at
obligasyon ito upang maiwasan ang anumang di pagkakaintindihan para sa mga pagsipi
at pagbubuod, lalo na sa mga layuning akademiko. Dapat tukuyin ng may-akda o kung
saan nanggaling ang datos, petsa, naglimbag at iba pang impormasyon.
b. Plagiarism-ito ang maling paggamit, “pagnanakaw ng mga ideya, pananaliksik,
lengguwahe at pahayag” ng ibang tao sa layuning angkinin ito o magmukhang sa kaniya.
Maituturing na plagiarism ang mga sumusunod (www.newworldencyclopedia.com):
1. Hindi pagbanggit sa may-akda ng bahaging sinipi at kinuhaan ng ideya
2. Hindi paglalagay ng panipi sa hiniram na direktang salita o pahayag
3. Hindi ginamitan ng sariling mga pananalita ang mga akdang ibinuod (summary) o
hinalaw (paraphrase).
c. Paghuhuwad ng Datos

• Imbensiyon ng datos – sa mga eksperimento, estadistika at maging mga pag-aaral ng kaso,


maaaringmaengkuwentro ang ganitong problema. Malinaw na sinadyang pandaraya ito at
malaki ang kabayaran dito katulad ng pagpapatalsik sa unibersidad o suspensiyon nang ilang
semester o taon.
• Sinadyang di paglalagay ng ilang datos
• Pagbabago o modipikasyon ng datos
• Pagbili ng mga papel o pananaliksik sa mga lugar gaya ng ilang tindahan o lagyan ng sariling
pangalan upang ipasa sa guro
• Pag-subscribe upang bumili ng artikulo o pagkopya sa mga website upang gamitin at
angkinin bilang sariling papel na isusumite sa guro.
• Pagpapagawa o pagbabayad sa iba uoang igawa ng papel, tesis, disertasyon, report at iba
pa. Ang gumagawa at nagpapabayad para gawin ang mga ito ay sangkot din sa pandaraya.

Mga Pagpapahalagang Intelektuwal at Moral sa Akademiya

Mahalagang maisabuhay ang pitong pagpapahalagang moral sa etikal na pagsulat na


inilahad ni Paul (1995):

1. Kababaang-loob – huwag angkinin ang hindi sa iyo at aminin na hindi sa iyo ang ideya o
datos. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtukoy kung kanino galling ang ginamit na ideya
o datos.

2. Lakas ng loob na harapin at tanggapin ang ideyang humahamon sa sariling ideya at


pangatuwiranan ito.

3. Pakikiisa at pag-unawa sa karanasan at kalikasan ng iba – mausasakongkreto ito ng paggamit


ng politically correct na mga salita upang maiwasan ang insult at pananakit ng damdamin.
Tinutukoy ng mga salitang ito ang mga may kaugnayan sa kasarian, kalusugan o pisikal na
kaaunyuan, grupong kinabibilangan, kalagayan sa pag-iisip at edad.

4. Integridad – pinahahalagahan ang katapatan kaugnay ng paraan ng pagkuha, paggamit at


interpretasyon ng mga datos, gayundin ang paraan ng pagpapahayag ng katuwiran.

5. Pagsisikhay, hindi basta sumusuko sa gitna ng mga pagsubok. Gagamitin ang mga
pamamaraan upang makakuha ng mga datos sa legal at matapat na paraan.

6. Paniniwala sa katuwiran – pinangangatuwiranan nang naaayon sa etika at pagpapahalaga ng


komunidad na tagabasa ang anumang ideyang gustong patunayan.

7. Pagkamakatarungan, katapatan at pagsunod sa mga alituntunin, may matuwid at


karampatang pagpapahalaga sa tao, katuwiran, ideya at mga Gawain.

8. Kamalayang mapanuri – binibigyang-halaga rito ang papel ng tao bilang tagapagpaganap.


Kailangan ang kaniyang aktibong pagdedesisyon at mapanuring kaisipan kaugnay ng
kaniyang ikinikilos, ibinabahagi at isinusulat.

9. Pag-aatubili – hindi kailangang madaliin kundi bigyan ng sapat na panahong manaliksik at


magsiyasat upang maiugnay ang mga Gawain sa pagpapahalagang angkop sa kultura at
lipunan.
10. Hiya – ayon kay Dr. de Castro (1998) na ang “hiya ang mekanismo ng indibidwal at lipunan
upang mapagtugma ang kani-kanilang kalooban…ang gabay ngindibidwal upang maiangkop
niya ang kaniyang kaisipan sa agos ng panlipunang kamalayan.
SANGGUNIAN:

Constantino, P., Zafra, G., Batnag, A. (2016). Filipino sa Piling Larang (Akademik). Manila: Rex Book
Store

Julian, A. at Lontoc N (2016). Pinagyamang Pluma, Filipino sa Piling Larang (Akademik). Quezon City:
Phoenix Publishing House, inc.

Mabilin, E. et al. (2012). Pilosopiya ng Pagbasa at Pagsulat para sa Esensyal na Pananaliksik. Lungsod
ng Malabon: Mutya Publishing House, Inc.

INIHANDA NI: CYNTHIA D. SAMSON

Dalubguro II

San Mateo Senior High School

You might also like