Replektibong Papel

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

REPLEKTIBONG SANAYSAY

Awiting "Anak" ni Freddie Aguilar

Ang Anak ay isinulat ni Freddie Aguilar noong 1977 para sa Metropop Song Festival. Ito ay
naisalin sa dalawampu’t anim na lenggwahe at naipakilala sa limapu’t anim na bansa, dahil sa pagiging
sikat ng kantang ito sa buong mundo.

Ang kantang ito ay hindi pangkaraniwan, sapagkat sinasalamin nito ang dakilang pagmamahal
ng isang magulang sa kanyang anak. Mararamdaman sa bawat talata ng kantang ito ang pakiramdam ng
kaligayahan, pagsisisi, at kalungkutan. Napakaganda ng mensaheng nakapaloob dito, sapagkat ito ay
literal at madaling maiintindihan ng bata man o matanda. Sa una hanggang ikatlong talata, ipinapakita
ang mga sakripisyo at pag-ibig ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Naka-pokus naman sa
naging buhay ng anak ang talata apat hanggang pito; habang ang talata walo hanggang sampu ay
tungkol sa pagbabalik-loob at pagsisisi. Kung ikukumpara sa mga pangyayari sa Bibliya, ang kantang ito
ay maihahalintulad sa parabulang “Ang Alibughang Anak”. Sa kabila ng mabubuting ginawa ng magulang
para sa kanyang anak, hindi pa rin naiwasan ng anak na talikuran ang mga paghihirap na ginawa ng
kanyang magulang. Ngunit sa huli, buong puso pa rin siyang tinanggap. Ang kantang ito ay hindi lamang
limitado sa perspektibo ng anak, bagkus ay sinasaklaw din nito ang pananaw ng isang magulang.

Apatnapu’t apat ng taon na ang nakararaan simula nang maisulat ang awiting ito. Ngunit
hanggang sa ngayon, hindi pa rin ito nawawala sa uso, sapagkat ito ay laging napapanahon. Hindi
maipagkakaila na karamihan sa mga kabataan ngayon ay tila nakawala sa kanilang mga kulungan,
sapagkat ang kanilang imahinasyon at kuryosidad ay kasing tayog ng lipad ng mga agila sa himpapawid.
Ngunit, hindi nila napapansin na kasabay ng pagpagaspas ng kanilang mga pakpak, unti-unti naman
silang lumalapit sa bagyong paparating. Ito ay nangangahulugan na may dalang kapahamakan ang mga
gawain na hindi lubusang pinag-isipan ang kalalabasan. Isa sa mga isyung nabanggit ay ang pagkalulong
ng anak sa bisyo. Ito ay maaaring paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagsusugal, paggamit ng
ipinagbabawal na droga, at pagkakasangkot sa mga imoral na gawain. Sa kabila ng mga pagkukulang at
pagkamakasarili ng anak, hindi pa rin nawala ang pagmamahal at pagaaruga ng magulang, sapagkat ang
nais lamang nila ay isang buo at masayang pamilya.

Malaki man ang naging porsiyento ng mga negatibong linya tungkol sa mga kamaliang nagawa
ng anak, hindi pa rin mawawala ang mabuti at magagandang aral na makukuha sa awiting ito. Ilan sa
pinakamahahalagang konsepto na naipakita rito ay ang pagbabalik-loob, pagpapatawad,
pagmamahalan, at pag-aaruga na walang hinihintay na kapalit. Sa aking opinyon, ang mas nababagay na
titulo para sa awiting ito ay Magulang.

Habang pinakikinggan ko ang liriko ng kantang ito, naalala ko ang mga sakripisyong ginawa ng
aking mga magulang upang mabigyan kami ng magandang kinabukasan. Sa pamamagitan din ng awiting
ito, namulat ako sa katotohanan, kaya naman nais kong maiparamdam sa aking ama at ina kung gaano
ko sila kamahal. Mula pagkabata, sila na ang gumabay at nagturo sa akin ng tamang daan; at sa kanilang
pagtanda, ako naman ang kanilang magiging tungkod at gabay. Napagmunimuni ko rin na maswerte ang
mga anak na may magulang, sapagkat may ilaw na nagbibigay tanglaw sa kanila at nagtatama sa
kanilang mga ginagawa. Madalas man tayong napagsasabihan o nasisigawan, hindi ito hadlang upang
tayo ay magbingi-bingihan sa kanilang mga pagtawag. Hindi rin dapat tayo makulitan kung sakaling
dumating na ang panahon na paulit-ulit na ang kanilang mga sinasabi, dahil hindi sila nagsawang sagutin
ang mga simpleng katanungan natin noong tayo ay musmos pa lamang.

You might also like