Akademiko - Piling Larang

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 3

“Ang kahulugan at kahalagahan ng Araw ng Kalayaan”

Ni: Clemen Bautista

IKA-12 ngayon ng Hunyo. Natatangi, mahalaga at makahulugan ang araw na ito sa


kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas sapagkat ipinagdiriwang natin ang ika-120 Taon
Anibersaryo ng ARAW NG KALAYAAN. Sa sambayanang Pilipino, isang dakilang araw ito na
nagpapahalaga sa mga alaala at nagawa ng ating mga bayaning namuhunan ng buhay, talino,
pawis, dugo at sakripisyo alang-alang sa Kalayaan. Ang mga nabanggit ang kanilang alay sa
Kalayaan na tinatamasa at inaalagaan natin ngayon. At lahat ng mga pangyayaring lumagot sa
tanikala ng pang-aalipin sa mga Pilipino ay bahagi na ng ating kasaysayan.

Bilang pagpapahalaga, sa lahat ng panig ng ating bansa sa mga bayan, lungsod sa


mga lalawigan ay may idinaraos na makulay at makahulugang programa na magbibigay-
kahulugan sa paksa ng pagdiriwang na: “Pagbabagong Ipinaglaban, Alay sa Masaganang
Kinabukasan”. Sa bayan ng Angono, ang lokal na tema ng pagdiriwang ay “Kasarinlan ng Bansa,
Bayang Malaya”. Ang nasabing paksa ay kaugnay ng pagsalubong sa ika-80 taon ng
pagkakalagda ng pagsasarili ng Angono. Ang naganap na makasaysayang pangyayari noong
Agosto 19, 1938.

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, noong Hunyo 12, 1898, ipinahayag ni Heneral Emilio


Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Dinaluhan at sinasaksihan ng mga
rebolusyonaryo at makabayang Pilipino ang natatanging pangyayaring iyon. Binasa ni Ambrosio
Rianzares Bautista ang Pagpapahayag ng Kalayaan na kanyang binalangkas.

Ang Pambansang Awit na kinatha ni Maestro Julian Felipe ay tinugtog sa unang


pagkakataon, kasabay ng pagtataas, sa una ring pagkakataon, ng ating Pambansang Watawat
na tinahi ni Marcela Agoncillo, isang makabayan na taga-Taal, Batangas, sa tulong ng kanyang
anak na si Lorenza at Delfina Herbosa Natividad, pamangkin ni Dr.Jose Rizal.

Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nalilimutan lagi ang pagpapahalaga sa mga


bayaning taga-Rizal. Sa mga nagtatalumpati at nagbibigay ng mensahe ng mga inanyayahang
panauhin at maging ng ilang lokal na opisyal, hindi nababanggit at napag-ukulan ng angkop na
pagkilala ang mga bayaning Rizalenyo.

Nabanggit ko ito sapagkat kung magbabalik-tanaw tayo sa kasaysayan, sa lalawigan ng


Rizal unang nagtaas ng tabak sina Andres Bonifacio at ang mga Katipunero. Naganap ito sa
kuweba ng Pamitinan sa Montalban (Rodriguez na ngayon) noong Abril 12, 1896 nang gawin
ang mga plano sa Himagsikan tulad ng Sigaw sa Pugad-Lawin, Sagupaan sa Pinaglabanan sa San
Juan (lungsod na ngayon).

Sa panahon ng Himagsikan, ang mga taga-Morong ay pinamunuan ng kanilang lider na si


Agustin Natividad. At isa sa hindi malilimot sa Morong ay nang salakayin ng mga Katipunero ang
comamandancia o munisipyo ng Morong. Naganap ito noong umaga ng Oktubre 7,1896.
Tumagal ng dalawang oras ang labanan, sa pamumuno ng matapang na si Atilano Sta. Ana,
isang dating municipal captain ng Cainta, nabihag ang puwersa ng mga Kastila at nakakuha ng
maraming mga baril at bala.

Matapos ang madugong sagupaan sa Pinaglabanan, San Juan, ang mga lider ng mga
rebolusyonaryo ay nagtayo na ng himpilan sa mga kabundukan at nagpatuloy sa paglaban.
Pinamunuan sila ng mga dakilang lider na taga-Rizal na sina Heneral Licerio Geronimo, Pio del
Pilar, Hermgenes Bautista, Vicente Leyva na lalong kilala sa tawag na Heneral Kalentong
(pangalan ngayon isang karsada sa Mandaluyong City); Guillermo Masangcay, Gregorio
Altamirano, Heneral Edilberto Evangelista, Pedro Tanjuatco, Gregorio Mendez at iba pang
magigiting at matatapang na rebolusyonaryo.

Hindi na malilimot ang mga sagupaan sa Morong, sa Sitio Rawang at Kalinwan sa bundok
ng Tanay, Jalajala, Baras, Pililla, San Mateo hanggang sa bundok ng Puray sa Montalban. Sa
pakikipaglaban sa mga dayuhan, ay nagbuwis sila ng dugo at buhay para sa ating kalayaan.
Kalayaan na hindi na nila nasilayan ngunit lumagot sa tanikala ng pang-alipin sa minamahal
nating Perlas ng Silanganan. Sila ang mga bayaning tinutukoy ng ating pambansang bayaning si
Dr. Jose Rizal na sinabi ni Elias sa nobelang “Noli Me Tangere”, na mga nalugmok sa dilim na
hindi na nasilayan ang maningning na bukang-liwayway sa ating bayan. Hindi sila dapat limutin

Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, hindi maiwasan na may iba’t ibang kahulugan at


pananaw ang iba nating kababayan. May nagsasabing hindi pa ganap na malaya ang bansa
sapagkat huwad at maputla pa rin ang nasyonalismo o pagka-makabayan ng maraming lider ng
ating bansa. Bunga nito, hindi makabangon sa paghihikahos ang sambayanang Pilipino.
Dumaranas ng kahirapan dahil sa mga panukalang-batas na pinagtibay ng mga sirkero at payaso
sa Kongreso. Parusa, pahirap at pabigat sa mga mamamayan.

May nagtatanong pa na kailan kaya lalaya ang mga Pilipno sa mga pinunong buwaya,
tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan at sa mga katiwalian na nagiging dahilan ng
paghihirap ng mamamayan? Kailan kaya lalaya sa pinunong tagapagtanggol ng interes ng mga
dayuhan.

Anuman ang maging pananaw at kahulugan ng Araw ng Kalayaan ng ating Lupang


Hinirang, Bayang Magiliw at Duyan ng Magiting, isang magandang pagkakataon sa lahat ng mga
Pilipino na ang mahalagang araw na ito’y pagtibayin ang pagkakaisa. Alalahnanin lagi na: “Ang
kamatayan ng mga bayani’y paglaya ang bunga/ Gintong Kalayaan na magiging pamana /Sa
salin ng lahing magsisidating pa!

Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas!

Sanggunian:

Bautista C. (2018) “Ang kahulugan at kahalagahan ng Araw ng Kalayaan” Balita Online. Hango sa
http://balita.net.ph/2018/06/12/ang-kahulugan-at-kahalagahan-ng-araw-ng-kalayaan/

You might also like