Opening Prayer (+) Makapangyarihang Diyos, ikaw ay ang
aming Poon at Ama na patuloy na kumakalinga at nagbabasbas
sa aming lahat na buong pusong nananampalataya sa iyo. Papuri at pasasalamat ang tangi naming maiaalay sa banal mong pangalan, at sa kakapusan ng halaga ng aming hininga at salita, Ikaw at ikaw pa rin Ama ang tangi naming sandalan. Salamat Ama sa iyong mga biyaya: sa pagbabasbas niyo sa aming pamilya, sa pagkakaloob niyo sa amin ng mga mabubuting kaibigan, sa pagbabasbas niyo sa aming mga hanapbuhay, sa inyong pangangalaga ng aming kalusugan, at sa pagliligtas niyo sa amin sa mga kapahamakan. Sumasamo po kami sa inyo ngayon Ama sa gitna ng hamon ng isang pandemyang nagbabantang panganib sa aming buhay, o kung hindi nama’y pinagbabadyaang ibaba ang kalidad ng aming mga buhay. Ipinapaubaya po namin sa inyo ang kaligtasan naming lahat, at nawa’y gabayan niyo po kami lagi sa aming mga gawain at pupuntahan. Bukod tangi po naming ipinagdarasal sa inyo ang aming mga mag-aaral sa...., kalingain mo po sila; ang kanilang mga magulang, pawiin niyo po ang kanilang takot at agam-agam; ang lahat ng mga guro, basbasan niyo po sila ng karunungan; at ang lahat ng mga doktor, nars, pulis, sundalo atbpng frontliners na tumutulong sa amin, pagtibayin niyo po ang kanilang pag-asa at tiwala sa gitna ng lahat ng pagod na kanilang nadarama. Panalangin din po naming kaming nananampalataya at nagsasabuhay ng turo ng iyong Anak ay magawa naming tulungan ang mga nangangailangan, mabigyang mulat ang mga walang kabatiran, magkaroon ng tiyaga sa gitna ng pagdaramdam, maging mapagpatawad sa panahon ng kagipitan, maging mapagkalinga sa mga nagdurisa’t nagdadalamhati, at makapag-alay ng dasal para sa kaluluwa ng mga inosenteng pumanaw na dahil sa pandemya. Ito ang aming dasal sa inyo, sa iyong Anak at sa espiritu santo, sa pamamagitan na rin ng Awa at kalinga ng Birheng Maria. Amen