Kaakibat na ng kulturang Pilipino ang paniniwala sa mga bagay na hindi
maipaliwanag ng simpleng kaisipan. Kabilang sa mga paniniwalang ito ay sapi, kulam,
masasamang espiritu, at iba pang mga kakatwang elemento na pinaniniwalaang kapwa naninirahan sa mundong ito. Ipinapakita lamang nito ang pagkahilig ng mga Pilipino sa mga makapanindig balahibong palabas na siyang tinugunan ng pelikulang Pilipino na Dark Room. Ang pelikulang Dark Room ay isang horror documentary film mula sa direksyon ni Pedring Lopez sa ilalim ng produksyon ng VIVA Films na inilabas sa sinehan noong ika-8 ng Enero taong 2017. Ang pelikulang ito ay binuo mula sa isang video footage ng exorcism na naganap pa noong February 24, 1986 at pinagbidahan ng mga batang aktor at aktres na sina Ella Cruz (Maine Azores), Bret Jackson (Vin Flores), AJ Muhlach (Kurt Tuazon), Donnalyn Bartolome (Yssah Jusay’s), Andrew Muhlach (Franz), Rose Van Ginkel (Mina Montero), Caleb Santos (Josh), Samantha Capulong (Gail Brion), Jack Reid (Mac), Lander Vera-Perez at Abby Bautista. Nagsilbing introduksyon ng pelikula ang video footage na naglalaman ng mga gawaing exorcism ng isang pari na kung saan ay ipinapakita ang mismong pagsapi ng demonyo sa katawan ng tao gayun din ang pagpapaalis dito. Kasunod nito ay nagsimulang umikot ang istorya sa mga magkakabarkadang kinabibilangan nina Maine, Vin, Kurt, Yssah, Mina, Josh at Gail kasama ang kapatid ni Mina na si Mac at kabarkada nitong si Franz na kapwa naghahanap ng kasiyahan sa pamamagitan ng gawaing ghost hunting hanggang sa mapadpad sila sa lumang bahay na pag-aari ng pamilya ni Vin. Dito ay natagpuan nila ang kapaligirang kanilang inaasam at sinimulang libutin ang lugar dala ang kasiyahan at kagalakan na makakita ng mga kakaibang bagay. Sa simula ay maayos at masaya ang kanilang paglilibot hanggang sa umabot sila sa lugar kung saan ginaganap ang pag e-exorcise ng kamag-anak ni Vin na pari. Dito ay nakaramdam sila ng kakaibang takot na kanila na lamang ipinagsawalang bahala at nagpatuloy sila sa kanilang kasiyahan at pangangalikot ng mga gamit. Natagpuan rin nila ang maraming imahe na kung saan ay ipinapakita ang iba’t ibang gawaing pagpapaalis sa demonyo na lubha nilang ikinasiya subalit sa kabilang banda ay ikinatakot. Bilang pinaka huling destinasyon ng kanilang paglilibot, tinungo nila ang kinaroroonan ng mga luma at kakaibang camera na noo’y ginagamit ng pari sa pagkuha ng larawan at video sa mga gawaing exorcism. Noo’y tuwang tuwa ang magkababarkada sa kanilang natagpuan kaya’t hindi na nila napigilan ang kanilang mga sarili na pakialaman ang mga ito. Doo’y nagsimula na ring magbago ang ikinikilos ni Maine na noo’y hindi na umiimik at kadalsa’y nakayuko na lamang. Ito’y napansin ng kanyang mga kabarkada subalit inakala nilang hindi lang maganda ang pakiramdam nito. Makalipas ang ilang sandali, habang nasa harap ng camera ay bigla na lang naglaho si Maine na siya namang ikinagulat ng grupo. Masugid nila itong hinanap sa kung saan-saang sulok ng bahay hanggang makarinig na lamang sila ng sigawan. Dito ay mas lalo silang kinabahan at nabahala hindi lamang para sa kalagayan ng kanilang nawawalang kaibigan bagkus ay pati narin sa kani-kanilang kapakanan. Lumitaw na rin ang iba pang mga katakot-takot na nilalalang katulad ng paring sinapian na naging dahilan ng kanilang pagtatakbuhan at pagkakahiwa-hiwalay. Sa mga sumunod na tagpo ay inisa-isa na silang pinatay ng demonyong sumapi kay Maine kaya’t nawalan na lamang sila ng pag-asa at isa-isa napaslang sa loob ng Dark Room. Bilang pagsusuri sa mga eksena sa pelikula, maituturing na naging matagumpay at maayos ang naging daloy ng kwento. Ang paggamit ng iisang tagpuan ay naging epektibo sapagkat higit na naituon ang pansin sa mga mahahalagang eksena. Gayunpaman, bagamat iisa lamang ang nagsilbing tagpuan ay nasiguro ang kaangkupan nito na nakadagdag sa antas ng takot sa bawat eksena. Naging mabisa rin ang paggamit ng kwento sa nakaraan na siyang pinag-ugatan ng kanilang suliranin. Ang pagpapakita ng katangian ng bawat karakter sa pamamagitan ng eksena ay naging mahusay sapagkat nagkaroon sila ng magkakaibang identidad na siyang naglalarawan din sa iba’t ibang uri ng kabataan sa ngayon. Sa antas ng kahusayan ng pagdidirehe ay iba’t ibang imahe ang nais iparating ng direktor at manunulat ng pelikula, nariyang binigyang tuon ang kahiligan ng mga kabataan na sumubok ng mga bagong bagay o pagtuklas sa misteryo , ang paglalarawan sa pagiging mapusok ng mga kabataan, ang pag gamit ng backstory bilang pundasyon ng kwento, ang paggamit ng mga tradisyon bilang inkorporasyon ng mga manonood sa pelikula, pagiging natural ng mga talastasan at karaniwang pangyayari na hindi nalalayo sa totoong buhay. Sa larangan ng pag-arte, makikita ang mahusay na pagganap ng mga aktor at aktres sa kani-kanilang mga gampanin. Naging tila natural na magbabarkada ang kanilang turingan na kung saa’y makikita ang iba’t ibang katangian ng pagkakaibigan. Ang bawat karakter ay naglalarawan ng iba’t ibang pag-uugali at personalidad ng kabataan na higit na pinagtibay ng direktor sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang pagkakaisa o di kaya’y mga pagtatalo na karaniwang nagaganap sa mga magkakaibigan. Dahil dito, naging makatotohanan ang kanilang pag arte at naging mabisa ang bawat eksena. Pagdating sa mga musics at sound effects, tiyak na nahuli nila ang kiliti ng mga manonood sa pamamagitan ng wasto at kakaibang lapat ng mga tunog na bumubuhay sa damdamin ng sino mang makakarinig nito. Tagumpay na maituturing ang paggamit ng mga nakatatakot na hiyawan na siyang nakapagpapatindig-balahibo at hudyat ng mas kapana-panabik na mga eksena. Sa huli, kung mayroon mang naging pinakamahusay na kalidad ang pelikula, masasabing ito ay ang napakamalikhaing paggamit ng elementong biswal lalong lalo na ang paggamit ng iba’t ibang anggulo ng camera. Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagpapakita sa nakukunang video ng mga karakter at pagpapakita sa kung paano nila ito kinukuhanan. Sa pamamagitan nito, lalong naging makatotohanan ang bawat tagpo na maaaring sabihing magulo subalit nagpapakita lamang ng higit na tunay na kalagayan ng mga karakter. Kapuri-puri din ang malikhaing paggamit ng dugo at ang paraan ng pagpatay. Bilang kongklusyon, muli ay makikita ang napakalaking pagbabago sa pelikulang Pilipino pagdating sa horror genre. Ang progresibong pag-unlad sa kalidad nito ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng bagong inobasyon at pamamaraan. Gayunpaman, hindi parin binibitawan ng mga direktor ang ating sariling tradisyon at mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Ang pelikulang Dark Room ay tuwirang nagpapahayag ng mga kakatwang pangyayari, kaakibat ang paglalarawan sa pag-uugali ng mga kabataan sa ngayon. Isang mahusay na obra na hindi lamang puro katatakutan, bagkus ay isang malinaw na repleksyon ng lipunan.