Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ako Ay Ikaw At Ikaw Ay Tayo

Noong ako’y bata pa, may kaibigan akong tuwing gabi ko lang nakikita at nakakausap. Dudungaw ito sa
gilid ng aking bintana at kakatok nang apat na beses upang gisingin ako sa mahimbing kong tulog. Sa una
naming pagtatagpo ay hindi naging maganda ang relasyon naming dalawa, sa unang katok niya ay agad
akong nagising ngunit inakala kong ito lamang ay ang aking panaginip.

Sa pangalawang katok niya ay hindi na ako nakatulog dahil naalimpungatan na ako sa takot na
nadarama. Pilit kong hinintay ang susunod na hakbang nito hanggang makalipas ang ilang segundo “tok”

Naaninag ko ang isang kamay sa dilim na pilit kumakatok sa aking bintana. Sinilip ko ito habang
nakatalukbong sa aking makapal na kumot; kumakaway ito sa akin at tila ba gustong makapasok.
Pinagmasdan ko ito at agad na tumayo ang aking mga balahibo mula ulo hanggang paa. Wala itong
ekspresyon habang mariin akong pinagmamasdan sa aking higaan.

At ang huling katok nito ay ang siyang pagbukas ng bintana ng aking silid. Ang madilim kong kwartong
walang ilaw ay lalong nandilim habang napapalibutan ng uwak at nakakasulasok na usok. “Kumusta,”
aniya.

Sa unang pagkakataon ay iniyakan ko ang pagsalubong; nakapikit ang aking mga mata habang
pinapanalanging ito ay matapos na ngunit hindi ako nito iniwanan habang pinagmamasdan ang mga
luhang dumadaloy sa aking pisngi at ang aking paghihikahos kakasigaw ng tulong.

Sa kalaliman ng gabi ay siyang kababawan ng luha ko. At sa kinaumagahan ay ang pagmasid niya sa akin
sa di-kalayuan. Nagtatago at nag-iintay ng pagkakataong lamunin ako nang buo, yung tipong ihehele ako
pabalik sa masalimuot kong kwarto. Minsan kong ninais ang tulong ngunit naalala kong hindi siya
karapat-dapat na ibahagi sa kung kani-kanino. Pangit, nakakatakot, at higit sa lahat, nakakamatay kung
hahayaan. Habang tumatagal ay natutunan kong kausapin ito, dahil gabi-gabi rin naman niya akong
dinadalo.

Kakausapin ko ito ngunit hindi iimik at sa pagkakataong ako’y tahimik saka lang siya kikibo. Tuwing
magu-umaga ay liliban na ito- hindi sa ilalim ng himlayan, hindi rin sa aparador. Magtatago ito sa likod
ng isip ko- kung saan walang makakakita o makakahusga sa kanyang pangit na anyo. May mga
pagkakataong lalabas lang ito sa tuwing nag-iisa ako, biglang huhuni o di kaya’y manlalait. Isang tipikal
na kaibigan. Mahiyain ito sapagkat hindi ito iimik tuwing nakikipag-usap ako sa aking mga kamag-aral,
walang hi o hello, tititigan ka lang nito. Sa mga panahon namang pagod na ako, saka ito lalabas hindi
para mangunswelo ngunit para ipaalala ang mga pagkakamali ko. Minsan ay nagdadalawang-isip ako
kung kaibigan niya ba talaga ako—o baka naman sa pagkakatong ito ay kaibigan ko lang siya.

Alam ng kaibigan ko ang aking mga sikreto at ibinubulong niya ito sa aking tainga nang paulit-ulit na tila
ba’y walang katapusan. Bakit kaibigan pa rin ang turingan kung sinasaktan ka lang? Tinuring kong
kaibigan dahil hindi umaalis sapagkat ang lahat ng umalis ay itinakwil akong tunay.

“Ikaw at ako, pareho lang tayo” sambit niya sa akin sa panlimang hawi ng buhok ko. Habang sinusuklay
ko ang aking buhok ay nakatingin ako sa salamin. Ang kaibigan kong espesyal ay hindi maaaninag ng
anumang salamin. Ngumiti ako sa biro niyang ito na tila ba’y nang-iinis “Hindi tayo pareho dahil mas
matibay ako”
Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito—dati-rati ay natutuwa ito tuwing iiyak ako, na para bang
paligsahan ang pagtulo ng luha ko. “Hindi ka na nakakatakot at hinding-hindi na rin ako matatakot pa sa
iyo,” unti-unting tumulo ang mga luha ko habang basag ang boses ko sa pagbanggit nito. Sa unang
pagkakataon ay lumuha ako nang may kasamang lakas ng loob.

Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa mukha nito. Wala siyang sinabi simula ng gabing iyon. Taimtim ang
aking pagtulog hanggang sa imulat ko ang aking mata sa pagdalo ng umaga. Hindi umalis ang kaibigan
ko, tinabihan niya pala akong sa mahimbing kong tulog. Napansin kong pumuti ang kanyang balat at ang
dila’y umatras nang kaunti. Niyakap ko ito nang mahigpit sa unang pagkakataon ay natutunan ko itong
angkinin.

“Tama ka,”

“Ako ay ikaw…”

“at ako ay tayo.”

Tinuruan niya akong mahalin kung ano ang totoo, hindi man kagandahan ngunit alam ko sa sarili ko-
masarap mahalin ang taong kilala mo pati ang kabahu-bahuan ng budhing itinatago. Ang pagmamahal sa
sariling ako. Ang kaibigang hinding-hindi ka tatantanan, na babaunin ka sa sandamakmak na paghihinala
at papaluhain ka nang butil-butil ay ang sarili mo.

You might also like