Patawad kung hindi na magiging ikaw ang tutukuyin ng mga
salitang gagamitin ko—kung hindi na ikaw ang magiging inspirasyon ng mga piyesa. Pasensya sapagkat hindi na ikaw at hindi na magiging ikaw pa. Gaya na lamang ng mga tipikal na kwento; anumang pagkakatulad ng mababanggit na mga pangalan, lugar, petsa o maging ng mga pangyayari ay hindi sinasadya. At kung sakali man na mahal pa nga kita—hindi na para isulat pa. Turuan mo akong huminto sa pag-alala sa kung paano natin nilimot ang takipsilim. Hindi ko nais na magaya sa mga talang hindi nabilang ng kalawakan, ang liwanag nitong taglay na nagdudulot ng brilyanteng kislap sa iyong mata. Humahawak ako sa mga alaalang limot na, umaasa pa rin ako sa pag-ikot ng mundo nating dalawa. Hanapin mo ang aking anino sa kawalan. Yakapin mo ang nanlalamig kong kaluluwa sa mga hagkan ng kumusta at paalam. Kung matutukoy mo ang yapos ng simula ay sana hindi mo na piliing kumalas sa mga salita ng himakas. Samahan mo akong ikutin ang ating mundo hindi lamang sa pagpapakilala. Patuloy na umiikot ang ating mundo at nais kong hanapin mo ako– kahit na hindi na ako magunita ng mga alaalang dulot mo.