Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Aralin 7

MAKAPANGYARIHANG PAG-IBIG

55
" Halina, Laura't aking kailangan
ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay,
ang abang sinta mo'you nasa kamatayan.

56
"At ngayong malaki na ang aking dalita
ay di humahanap ng maraming luha,
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y nagmula.

57
"Katawan ko ngayo'y siyasatin,ibig ,
tingni ang sugat kong di gawa ng kalis,
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
ng kamay ko,paa't nakataling liig.

58
"Halina,irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang,
kalangin ang lubid at iyong bihisan;
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.

59
"Ang mga mata mo'y kung iyong ititig
dini sa anyo kong sakdalan ng sakit,
upanding mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.

60
"Wala na, Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay.

61
"Nguni,sa aba ko! ay sa laking hirap!
wala si Laura'y aking tinatawag
napalayu-layo't di na lumiliyag,
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.

62
"Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na,at ako'y dinaya,
buong pag-ibig ko'y ipinanganganyaya,
nilimot ang sinta't sinayang ang luha.

63
"Alin pa ang hirap na di nasa akin?
may kamatayan pang di ko daramdamin?
ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.

64
"Dusa sa puri kong kusang siniphayo
palasyong may lasong natirik sa puso
habag ng ama ko'y tunod na tumimo
ako'y sinusunog niring panibugho.

65
"Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdamay ni Laura ang kumakamandag
dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
sa libingang laan ng samasang palad.

66
"O Konde Adolfo'y inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinukuban,
ang kabangisan mo'y pasasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw!"

67
Dito naghimutok nang kasindak- sindak
na umalingawngaw sa loob ng gubat,
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntong- hininga't luhang lumagaslas.

68
Sa puno ng kahoy ay napayukayok
ang liig ay supil ng lubid na gapos,
bangkay na mistula't ang kulay na burok
ng kanyang mukha'y naging puting lubos.

69
Nagkataong siyang pagdating sa gubat
ng isang gererong bayani ang tikas
putong na turbante ay kalingas-lingas
pananamit Moro sa Pers'yang siyudad.

70
Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw
anaki'y ninita ng pagpahingahan
di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
ang pika't adarga't nagdaop-palad.

71
Saka tumingala't mata'y itinirik
sa bubong ng kahoy na takip sa langit,
estatuwa manding nakatayo'y umid,
ang buntong-hininga niya'y walang patid.

72
Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo
sa puno ng isang kahoy ay umupo,
nagwikang " O palad"! sabay ang pagtulo
sa mata ng luhang anaki'y palaso.

73
Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
at saka tinutop ang noo sa kanan,
isang mahalagang nalimutang bagay
anaki'y mayroong ginugunamgunam.

74
Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
di rin kumakati ang batis ng luha,
sa madlang himutok ay kasalamuha
ang wikang "Flerida'y tapos na ang tuwa!"

75
Sa balang sandali ay sinasabugan
yaong buong gubat ng maraming ay! ay!
nakikitono sa himig na mapanglaw
ng panggabing ibon doo'y nagtatahan.

76
Mapamaya-maya'y nagbangong nagulat
tinangnan ang pika't sampu ng kalasag
nalimbag sa mukha ang bangis ng Puryas
"Di ko itutulot," ang ipinahayag.

77
"At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
ay di ang ama kong dapat na igalang,
hindi ko masabi kung ang pikang tanga'y
bubuga ng libo't laksang kamatayan.

78
"Bababa si Marte mula sa itaas,
at sa kalalima'y aahon ang Parkas,
buong galit nila ay ibubulas,
yayakagin niring kamay kong marahas.

79
"Sa kuko Ng lilo'y aking aagawin
ang kabiyak niring kaluluwang angkin
liban na kay Ama,ang sinuma't alin
ay di igagalang ng tangang patalim.

80
"O pagsintang labis ang kapangyarihan
sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw!
pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
hahamaking lahat masunod ka lamang!"

You might also like