Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 7

GAWAING PAMPAGKATUTONG PAPEL

(LEARNING ACTIVITY SHEET)


Filipino 10, Quarter 2, Week 2

DULA: “Sintahang Romeo at Juliet”

Pangalan: ___________________________________________ Baitang at Seksyon: ___________________

Layunin/MELCs:

 Nailahahad ang kultura ng lugar na pinagmulan ng kwentong bayan sa napakinggang


usapan ng mga tauhan (F10PN-IIa-b-72)
 Naihahambing ang kultura ng bansang pinagmulan ng akda sa alinmang bansa sa
daigdig (F10PB-IIa-b-75)
 Naipapaliwanag ang kahulugan ng salita batay sa pinagmulan nito (etimolohiya)
(F10PT- IIa-b-72)
 Naipapaliwanag ang katangian ng mga tao sa bansang pinagmulan ng dula batay sa
napanood kaugnay nito ( F10PD-IIa-b-70)
 Naisusulat nang wasto ang sariling damdamin at saloobin tungkol sa sariling kultura
kung ihahambing sa kultura ng ibang bansa batay sa nabasang nobela ( F10PU- IIb-74)

Paksa: Panitikan: Sipi mula sa Sintahang Romeo at Juliet


(Dula mula sa England) ni William Shakespeare
Salin ni Gregorio C. Borlaza
Gramatika at Retorika: Wastong Gamit ng Pokus sa Pinaglalaanan at Pokus sa Kagamitan
sa Pagsulat ng Sariling Damdamin

Bilang ng Sesyon: 4 na oras

Pagtatalakay
S

 DULA
Ayon kay Aristotle ang dula ay isang sining ng panggagaya at pag-iimita sa
kalikasan ng buhay. Ipinapakita dito ang realidad ng buhay ng tao gayundin ang
kanyang mga iniisip, ikinikilos, at isinasaad. Ito ay isinusulat at itinatanghal upang
magsilbing salamin ng buhay na naglalayong makaaliw, makapagturo, o
makapagbigay ng mensahe.
Ang dula ay isang sining na nagpapaabot sa mga manonood o mga mambabasa
ng damdamin at kaisipang nais nitong iparating gamit ang masining na pagsasatao ng
mga karakter ng dulang pantanghalan. Ito ay maaring mauri ayon sa paksa o
nilalaman. Nagkaroon din ito ng iba’t ibang anyo batay sa damdaming nais palitawin
ng may-akda nito. Ang epekto ng damdaming taglay ng dula ay nagdudulot ng higit na
kulay at kahulugan hindi lamang sa mga manonood kundi maging sa mga taong
gumaganap nito.
 MGA URI NG DULA AYON SA ANYO
1. Komedya. Katawa-tawa, magaan ang mga paksa o tema at ang mga tauhan ay
laging nagtatagumpay sa wakas.
2. Trahedya. Ang tema o paksa nito’y mabigat o nakasasama ng loob, nakaiiyak,
nakalulunos ang mga tauhang karaniwang nasasadlak sa kamalasan, mabibigat
na suliranin, kabiguan, kawalan at maging sa kamatayan.
3. Melodrama. Ito ay sadyang namimiga ng luha sa mga manonood na para bang
wala nang masayang bahagi ng buhay kundi pawang problema at kaawa-awang
kalagayan na lamang ang nangyayari sa araw-araw. Ito ay karaniwang napapanood
sa mga de-seryeng palabas sa telebisyon.
4. Tragikomedya. Sa anyong ito ng dula, magkahalo ang katatawanan at
kasawian kung saan may mga tauhang katawa-tawa tulad ng payaso para
magsilbing tagapagpatawa, ngunit sa huli’y nagiging malungkot dahil sa kasawian
o kabiguan.
5. Saynete. Itinuturing na isa sa mga dulang panlibangan ng mga huling taon ng
pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang paksa nito ay tungkol sa paglalahad
ng mga kaugalian ng isang lahi o katutubo, sa kanyang pamumuhay, pag-ibig, at
pakikipagkapwa. Isang halimbawa nito ang La 4 India Elegante Y Negrito Amante
ni Francisco Baltazar na isa sa mga nakaaaliw na libangang saynete sa panahon
ng Espanyol.
6. Parse. Dulang puro tawanan at halos walang saysay ang kwento. Ang mga
aksyon ay slapstick na walang ibang ginawa kundi magpaluan, maghampasan at
magbitiw ng mga kabalbalan. Karaniwan itong mapapanood sa mga comedy bar.
7. Parodya. Anyo ng dulang mapanudyo, ginagaya ang mga kakatwang ayos, kilos,
pagsasalita, at pag-uugali ng tao bilang isang anyo ng komentaryo o pamumuna o
kaya’y pambabatikos na katawa-tawa ngunit may tama sa damdamin ng
kinauukulan.
8. Proberbyo. Kapag ang isang dula ay may pamagat na hango sa mga bukambibig
na salawikain, ang kwento’y pinaiikot dito upang magsilbing huwaran ng kanyang
tao sa buhay.

MGA ELEMENTO NG DULANG PANTANGHALAN


 Ang dulang pantanghalan, katulad ng maikling kuwento at nobela ay nagtataglay
rin ng mahahalagang sangkap o elemento. Kung ang katawan ng tao ay may
bahagi, ang dulang pantanghalan ay nagtataglay rin ng mahahalagang bahagi. Ito
ay ang simula, gitna at katapusan.
1. Simula- dito matatagpuan ang dalawang mahahalagang sangkap o elemento ng
isang dula, ang tauhan at tagpuan. Sa bahaging ito, makikilala ang mga tauhan at
mga papel na kanilang gagampanan na maaring bida at kontrabida. Ipinakilala rin
dito ang tagpuan o ang panyayarihan ng mga eksena.
2. Gitna- sa bahaging ito naman makikita ang banghay o ang maayos na daloy o
pagkakasunod-sunod ng mga tagpo o eksena. Dito rin nakapaloob ang
pinakamahalagang bahagi ng dula, walang iba kundi ang diyalogo.
Ang diyalogo ay usapan ng mga tauhan. Kagaya rin ng sa nobela, sa gitna
rin ng dula makikita ang mga sumusunod na katangian: ang saglit na kasiglahan
na magpapakita ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa
problema, ang tunggalian na tahasan nang nagpapakita ng labanan o pakikibaka
ng tanging tauhang maaaring sa kanyang sarili, sa kapwa o sa kalikasan. At ang
panghuli ay ang kasukdulan, pinakamadulang bahagi ng dula kung saan iikot ang
kahinatnan ng tanging tauhan, kung ito ay kasawian o tagumpay.
3. Wakas- dito matatagpuan ang kakalasan at ang wakas ng dula. Sa kakalasan,
unti-unting bababa ang takbo ng istorya. Sa kakalasan makikita ang kamalian o
kawastuhan at pagkalag sa mga bahaging dapat kalagin. Sa wakas naman
mababatid ang resolusyon na maaring masaya o malungkot, pagkapanalo o
pagkatalo.
May mga dulang hindi winakasan ng dalawang huling sangkap. Iniwan na
lamang itong bitin sa kasukdulan at hinahayaan na lamang ang mga mambabasa
o manonood na humatol o magpasiya sa dapat na kahihinatnan. Mapanghamon
ang ganitong wakas sa isip ng mga mambabasa o manonood.
Ang huling elemento ng dulang pantanghalan na sadyang mahalaga ay ang
aspetong teknikal. Mahalagang bahagi nito ang epektong pantunog sapagkat ang
dula ay ginaganap sa harap ng madla, kaya’t kailangang malinaw na maipahatid
ang bawat linya ng dula sa pamamagitan ng maayos na tunog sa pagtatanghal.
Kasama na rin dito ang sound effects, musika at iba pang kaugnay na tunog sa
pagtatanghal.
Ang isa pang mahalagang aspektong teknikal sa dula ay ang pag-iilaw
upang higit na mabigyang buhay ang mahahalagang tagpo ng dula. Kabilang din
sa aspektong teknikal ang iba pang kagamitang higit na magbibigay buhay at
pagkamakatotohanan sa itinanghal na dula.
Dahil sa ang dula ay isang sining, ang bawat bahagi nito ay mainam na
pinag-aaralan ng may-akda at maging ng direktor nito. Hindi ito basta-basta
isinusulat at sa halip ito ay pinag-aralan batay sa balangkas nito- kung saan ang
mga bahagi ay malinaw na nahahati sa yugto (act), tanghal- eksena (scene) at tagpo
(frame) .
Ang yugto kumbaga sa nobela ay ang kabanata. Ito ang malaking hati ng
dula. Ang isang dula ay maaring magkaroon ng isang yugto lamang, dalawa o tatlo,
apat o higit pa. Sa tanghalan, ang bawat yugto ay maaring gamiting panahon
upang ihanda ang susunod pang mga yugto, upang ayusin ang tagpuan, upang
makapagpahinga sumandali ang mga tagapagsiganap at ang mga manonood. Ang
pasumandaling pamamamahingang ito ay maaring tumagal hanggang labinlimang
minuto na nagagamit din ng mga tagapanood upang maisagawa ang personal na
pangangailangan tulad ng pagkain o pag-inom.
Ang bawat yugto naman ay binubuo ng kung ilang eksena, kaya ang
panahong nagugugol sa isang yugto ay hindi pare-pareho. Maaring ang unang
yugto ng isang dulang may tatlong yugto ay bubuuin ng pitong eksenang maaring
tumagal ng tatlumpong minuto. Gayundin sa ikatlong yugto, ang bilang ng eksena
ay iba rin at ang panahon ay maaring magtagal o sandali rin.
Kung ang yugto ay binubuo ng mga eksena, ang eksena naman ay binubuo
ng mga tagpo. Ang eksena ay maaring magbadya ng pagbabago ng tagpuan ayon
sa kung saan gaganapin ang susunod na pangyayari. Ang tagpo rin ay ang
paglabas at pagpasok ng kung sinong tauhang gumanap o gaganap sa eksena.

Mga Tauhan ng Sintahang Romeo at Juliet


 Romeo-binatang nasa edad 16, matalino at may pagpapahalaga sa damdamin ng iba;
kasintahan ni Juliet; isang mapagmahal na binata, ang anak ng Pamilyang Montague.
 Juliet-ang kasintahan ni Romeo; isang mapagmahal na dalaga, ang anak ng pamilyang
Capulet.
 Padre Lawrence-ang pari na nagkasal sa dalawang nagmamahalan na si Romeo at Juliet;
ang paring handang tumulong sa dalawang nagmamahalan.
 Mercutio-pinsan ni Romeo na namatay dahil sa pakikipagduwelo kay Tybal.
 Benvolio-pinsan at malapit na kaibigan ni Romeo.
 Nars-ang nag-alaga kay Juliet simula pagkabata. Tinulungan niya ang magkasintahan na
ayusin ang sikretong kasal ng mga ito.
 Tybalt–pamangkin ni Gng. Capulet at pinsan ni Juliet; itinuring na matalik na kaibigan
ng nars; mainitin ang ulo at madalas gumagawa ng gulo.
 Lord Capulet-ama ni Juliet; mayaman subalit mas mababa ang kanyang kalagayan
kaysa kay Prisipe at kay Paris.
 Lord Montague-ama ni Romeo; tahimik, mapagtimpi at taong may dignidad. Ang
kanyang estado ay katulad kay Ginoong Capulet.
 Lady Capulet-ina ni Juliet; mas bata ng maraming taon sa asawa nitong si Ginoong
Capulet
 Lady Montague-ina ni Romeo; mapagmahal na asawa. Wala siyang ibang ginawa kundi
pagbawalan ang kanyang asawa na makipaglaban.
 Prinsipe Escalus-namumuno sa isang Estado sa Italya; makapangyarihan.
 Paris-malapit na kamag-anak ng prinsipe. Makisig at napa-ibig kay Juliet kaya ninais
niyang pakasalan ito.

Balangkas ng mga Pangyayari sa Sintahang Romeo at Juliet


(Isinulat ni William Shakespeare mula sa Inglatera)
 Sa unang tagpo ipinakita kung ano ang saloobin ng dalawang pangunahing tauhan.
 Sa ikalawang tagpo naman ipinamalas kung saan at paano nagtagpo sina Romeo at
Juliet.
 Sa ikatlong tagpo naman naganap ang pagpapahayag ng nararamdaman nina Romeo at
Juliet sa isa’t isa.
 Sa ikaapat na tagpo naman ang pagkikita nina Romeo at Juliet sa simbahan kasama ang
isang pari.
 Sa ikalimang tagpo naman ay nagtungo si Juliet para mangumpisal sa pari.
 Sa ikaanim na tagpo nakita ng nars ang halos wala ng buhay na si Juliet.
 Sa ikapitong tagpo nalaman ni Romeo ang nangyari kay Juliet kaya humanap siya ng
taong gumagawa ng lason.
 Sa ikawalo at huling tagpo naman naganap ang pinakamatinding trahedya sa
pagmamahalan nina Romeo at Juliet nang inumin ni Romeo ang lason at sa muling
pagmulat ni Juliet ay nakita ang bangkay ni Romeo kaya itinarak niya ang balaraw sa
kaniyang dibdib.

Nakikita at nababasa natin ang salita na nasa iba’t ibang anyo na may iba’t ibang
kahulugan. May mga salitang banyaga na ginagamit natin subalit binago ang baybay. Sa
araling ito aalamin natin ang iba’t ibang uri ng pinagmulan ng salita at ipapaliwanag
natin ang kahulugan ng salita batay sa pinagmulan nito.

 Ang etimolohiya ay ang pag-aaral ng kasaysayan ng mga salita at ang pagbabago ng


kahulugan at anyo nito. Ito ay maaaring gamitin upang lubos na maunawaan ang diwa
ng mga salitang ginagamit ngayon. Nagsimula ang salitang etymolohiya sa Griyegong
salita na etumologia na ang ibig sabihin ay may ibig sabihin o may kahulugan.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng etimolohiya dahil sa pamamagitan nito mas
madali mong maaunawaan ang mga salita. Sa pamamagitan nito, mapapalawak ang
iyong bokabularyo.

 Ilan lamang sa uri ng pinagmulan ng salita ay ang mga sumusunod:


1. Pagsasama ng mga salita -Salita na nabuo sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawa
o higit pang salita.
Sa kasalukuyan, marami tayong makikitang salita na hango sa mga salitang pinagsama-
sama katulad halimbawa ng salitang longsilog na galing sa pinagsama-samang salita na
longganisa, sinangag at itlog. Kadalasang pinagsama-sama ang unang pantig ng mga
salita upang makabuo ng isang salita.
Halimbawa:
1. Pamangkin - Para naming akin
2. Longsilog- longganisa+ sinangag + itlog

2. Hiram na salita-ang ikalawang uri ng pinagmulan ng salita ay ang panghihiram. Ang


hiram na salita ay mga salitang banyaga o galing sa ibang kultura at ibang wika ngunit,
inaangkop ang salita para sa lokal at pangkaraniwang paraan ng pananalita.
Maraming salitang Pilipino ang hindi alam ng marami ay nagmula sa banyagang salita,
hiniram lamang natin at binago ang baybay sa Pilipino. Halimbawa nito ay ang apir na
ang ibig sabihin sa Pilipino ay isang kilos na nagtatama ng dalawang palad pataas; ito ay
mula sa salitang Ingles na Up here o sa ibang salita ay high five. Mapapansing ang apir at
up here ay pare-pareho ang pagbigkas.
Halimbawa:
Apir-Up here
Kompyuter-computer

3. Morpolohikal na pinagmulan-Nagpapakita ito ng paglilihis mula sa ugat ng salita.


Tumutukoy ito sa pag-aaral sa pagbabago ng anyo at istruktura ng mga salita. Ang salita
ay maaring magkakaiba dahil sa paglalapi. Nagbabago ang kahulugan ng salita depende
sa panlaping ikinabit sa salita.
Mahalaga ang papel ng panlapi sa morpolohikal na uri ng pinagmulan ng salita.
Binabago ng panlapi ang kahulugan ng salita. Pansinin ang salitang susundin, ito ay
nagmula sa sa salitang ugat na sunod na nilalapian ng hulapin -in at inuulit ang unang
pantig ng salitang ugat na su. Ang kahulugan ng salita ay tatalima. Kung ang salitang
ugat na sunod ay lalapian ng gitalaping –um- at uulitin ang unang pantig ng salitang ugat
ay mabububo ang salitang sumunod na ang ibig sabihin ay tumalima.
Halimbawa: susundin
Pinagmulan: su (pag-uulit ng unang pantig ng salitang ugat) + sunod + in = susundin

Mga Gawain
Gawain 1: Unawain Natin
Panuto: Piliin at isulat ang letra ng wastong sagot sa sagutang papel.
1. Ito ay sining ng panggagaya at pag-iimita sa kalikasan ng buhay. Layunin nitong
itanghal.
A. dula B. epiko C. maikling kuwento D. sanaysay
2. Isang uri ng dulang pantanghalan na magaan ang paksa o tema at ang mga tauhan ay
nagtatagumpay sa wakas.
A. melodrama B. komedya C. parsa D. trahedya
3. Magkahalo ang katatawanan at kasawian kung saan may tauhang katawatawa tulad ng
payaso para magsilbing tagapagpatawa, ngunit sa huli’y nagiging malungkot dahil sa
kasawian o kabiguan.
A. parodya B. tragikomedya C. saynete D. trahedya
4. Itinuturing na isa sa dulang panlibangan ng mga huling taon ng pananakop ng mga
Espanyol sa Pilipinas.
A. melodrama B. parodya C. parse D. saynete
5. Sa anong bahagi/ elemento ng dula matutukoy kung anong uri ng dula ang Sinatahang
Romeo at Juliet.
A. panimula B. kasukdulan C. kakalasan D. wakas
6. Ang mga sumusunod ay mga kulturang makikita sa Sintahang Romeo at Juliet MALIBAN
sa isa.
A. Paniniwala sa wagas na pag-ibig
B. Pagdiriwang ng Pasko kasama ang Pamilya
C. Alitan sa Pagitan ng mga mahaharlikang angkan
D. Paggamit ng kapangyarihan ng magulang sa mga anak
7. Ito ay pag-aaral ng kasaysayan ng mga salita at kung papaano nag-iba ang kanilang
anyo at ibig sabihin sa paglipas ng panahon.
A. etimolohiya B. kultura C. ponolohiya D. retorika
8. Uri ng etimolohiya kung saan ang salita ay nabuo sa pamamagitan ng pagsasama ng
dalawa o higit pang salita.
A. hiram na salita B. morpolohikal na pinagmulan
C. onomatopoeia D.pagsasama-sama ng mga salita
9. Ang salitang ginawa ay mula sa salitang ugat na gawa. Anong uri ng pinagmulan ng
salitang ito?
A. hiram na salita C. morpolohika na pinagmulan
B. onomatopoeia D. pagsasama ng mga salita
10.Ang salitang pamangkin ay nagmula sa salitang para naming akin. Ano ang uri ng
pinagmulan ng salita?
A. hiram na salita B. morpolohikal na pinagmulan
C. onomatopea D. pagsasama-sama ng mga salita
11.Sa kanya nakaramdam ng wagas na pag-ibig si Romeo.
A. Nars B. Juliet C. Paris D. Tybalt
12.Tagapamagitan ng mga mga Capulet at Montague. Siya ang nagkasal kina Romeo at
Juliet sa pag-asang maayos ang gulo sa pagitan ng dalawang pamilya.
A. Lawrence B. Juan C. Paris D. Tybalt
13.Pinuno ng isa sa mga Estado ng Italya. Pinsan siya ni Paris.
A. Escalus B. Juliet C. Nars D. Tybalt
14.Sa palagiang pagkikita nina Romeo at Juliet sa simbahan ay nagpapakita ng
kulturang___
A. halaga ng relihiyon B. pagiging makadiyos
C. pagsuway sa magulang D. pagkapit sa simbahan sa panahon ng
suliranin
15.Siya ang nag-alaga kay Juliet simula nang siya’y bata pa.
A. Benvolio B. Nars C. Paris D. Tyblat

Gawain 2: Pagyamanin
Panuto: Alamin at ipaliwanag ang pinagmulan ng mga salita sa ibaba.
1. Ang ganitong panghihimasok ay mapait na lubos. Ano ang pinag-ugatan ng salitang may
salungguhit? Anong uri ng pinagmulan ng salitang ito?
Salitang ugat:_________________________ Uri ng pinagmulan:________
2. Ang salitang inosente ay nagmula sa Espanyol na inocente. Ipaliwanag ang kahulugan
nito_________________.
3. Ang salitang sayawit ay pinagsamang _____________, _____________ .
4. Hinagkan niya ako sa labi. Ano ang salitang ugat ng salitang sinalungguhitan? Ano ano
ang mga panlaping ginamit upang mabuo ang salita?
Salitang ugat:________________________ Mga panlapi:_____________.
5. Ang salitang adyos mula sa pahayag na “adyos, matamis na lungkot ng paghihiwalay” ay
hiram natin sa ibang wika. Ano kaya ang orihinal na baybay at kahulugan ng salitang
ito?
Orihinal na baybay:__________________ Kahulugan:_______________

Gawain 3: Suriin Natin


Panuto: Balikang muli ang dulang “Sintahang Romeo at Juliet”. Suriin at ihambing mo ang
kultura ng bansang England na tagpuan ng dulang Romeo at Juliet sa kultura ng ating bansa.
Gamiting pamantayan sa paghahambing ang mga gabay sa unang hanay.
Tagpuan ng Dula
Paghahambing Base sa Bansa Bansang Pilipinas
(England)
Pagpapahalaga sa Pamilya
Alitan sa pagitan ng mga angkan
Pagtatakda ng Kasal na walang
pag-ibig
Paggamit sa kapangyarihan ng
mga magulang na magdesisyon
para sa mga anak
Pagkapit sa simbahan sa
panahon ng suliranin
Repleksyon: Pagnilayan Mo!!
Paano nakatutulong ang dula sa paglalarawan ng tradisyon at kultura ng isang bansa?

Susi ng Pagwawasto
Gawain 1: Unawain Natin
1. A 6. B 11. B
2. B 7. A 12. A
3. B 8. D 13. A
4. D 9. C 14. B
5. D 10.D 15. B
Gawain 2: Pagyamanin
1. pasok-morpolohikal
2. taong walang masyadong alam, walang muwang
3. sayaw at awit
4. halik-, -in- at -an
5. adios-pamamaalam
Gawain 3: Suriin Natin. Nasa guro ang pagpapasya

Sanggunian:
Balazo, Iluminada, C. Wika at Panitikan IV: Batayang Aklat . Singapore: KHL Printing Co. Pte
Ltd., 2000
Hilgeman, Christian, “Importance of Etymology”, Tonka Writing Center Wordpress.com. Accessed
June 8, 2020. https://tonkawritingcenter.wordpress.com/2017/05/25/the-importance-
ofetymology/ https://www.memorangapp.com/flashcards/254874/Etimolohiya+-+G10/
http://thebestnotes.com/booknotes/romeo_and_juliet_shakespeare/Romeo
_And_Juliet_Study_Guide09.html
Marasigan, Emily V. Pinagyamang Pluma 10. Quezon City: Phoenix Publihing House Inc., 2015.
Panitikang Pandaigdig 10: Modyul para sa mga Mag-aaral. Pilipinas. Vibal Group Inc., 2015

You might also like