Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 5

FILIPINO, TARA BIYAHE TAYO!

ISANG VIRTUAL NA PAGLALAKBAY SA KULTURA AT LITERATURA NG


ESTADOS UNIDOS AT TIMOG APRIKA

Estados Unidos ng Amerika


• Isang republika ng pederal ang Estados Unidos ng Amerika o Mga Nagkakaisang
Estado ng Amerika na may 50 estado at isang distritong pederal.
• May tatlong lupang hangganan ng Estados Unidos kung saan sa Mehiko matatagpuan
ang isa habang sa Kanada naman ang natitira.
• Pinaliligiran ng iba’t ibang anyo ng ng tubig tulad ng Karagatang Pasipiko, Dagat
Bering, Karagatang Artiko, at Karagatang Atlantiko.
• May sukat na 3.79 milyong milya parisukat
• 315 milyon ang populasyon
• Karaniwang tinatawag na “Amerikano” ang mga mamamayan dito.
• Pambansang Awit: The Star-Spangled Banner
• Pambansang kasabihan:“In God we trust” (1956-kasalukuyan)“Sa Diyos kami ay
nagtitiwala”

Ang mga lahing bumubuo sa lupain ng Estados Unidos:

1. Europeo 171,801,940 Amerikano 60.7% ng buong populasyon ng Amerika.


2. Hispaniko 44.3 million Amerikano 14.8% ng buong populasyon ng Amerika.
3. Aprikano 39,500,000 Amerikano.
4. Pilipino 4,000,000 Amerikano 1.5% ng buong populasyon ng Amerika.
5. Tsino 3,565,458 Amerikano 1.2% ng buong populasyon ng Amerika.

Wika

Ang mga wika na may pinakamataas na bilang nang nagsasalita sa Estados


Unidos:

Ingles (lamang) 214.8 milyon


Kastila kabilang ang Kriyolo 29.7 milyon
Tsino 2.2 milyon
Pranses, kabilang ang Kriyolo 1.9 milyon
Tagalog (karamihan ay mga abroad) 1.3 milyon
Biyetnames 1.1 milyon
Aleman 1.1 milyon

Kultura ng Estados Unidos


• Ang kultura ng Estados Unidos ay isang kahulaan ng orihinal na katutubong
kultura at ng kulturang Europeo, na sa kalaunan ay naging isang natatangi at
tanyag na kulturang tinatawag na kultura ng Estados Unidos o “kulturang
Amerikano”
• Naging nangunguna sa mga kinagawian ng mundo ang kultura ng Estados
Unidos hinggil sa sining, arkitektura, musika, panitikan, pelikula, at panulaan.
• Ang Estados Unidos ay minsan na inilarawan bilang isang “palayok na
natutunaw”; kung saan ang iba’t ibang mga kultura ay nag-ambag ng kanilang
sariling mga natatanging “lasa” sa kulturang Amerikano.
Relihiyon

• May 71 porsiyento ng mga Amerikano ang nagpapakilala sa kanilang sarili


bilang mga Kristiyano, (Pew Research Center, isang grupo ng di-partidistang
pananaliksik, noong 2017.)
• 23 porsiyento ay walang relihiyosong pagsapi sa lahat
• 6 porsiyento ng populasyon binubuo ang mga di-Kristiyanong relihiyon.

Panitikang Amerikano
• Sa kapanahunan ng maagang kasaysayan nito, isang serye ng mga kolonyang
Britaniko ang Amerikano sa silanganing dalampasigan ng pangkasalukuyang
panahong Estados Unidos.

Sining
• Ang Estados Unidos ay kilala sa buong mundo bilang isang lider sa produksyon
ng mass media, kabilang ang telebisyon at pelikula.

Halimbawa ng Akda sa Estados Unidos

THE GIFT OF THE MAGI


ni O. Henry
AGINALDO NG MAGO
Salin ni Eddie Lauyan de Fiesta Esteban

Isang dolyar at walumpung sentimos. Iyon lamang. Animnapung sentimos roon ay


tig-diyes. Diyes sentimos na naitabi tuwing halos magmakaawa sa magkakarne, sa
bantay ng grocery, sa maggugulay na bigyan siya ng diskwento. Hindi titigil, hangga’t di
nagagawaran, kahit na nagmumukha nang kahiya-hiya. Makaitlong beses, maingat na
binilang ni Della kanyang ipon. Isang dolyar at walumpu’t pitong sentimos lamang ...
kinabukasan Pasko na. Maliwanag pa sa sikat ng araw na wala nang magagawa kundi
ang sumubsob sa naroong lipas na sa panahong sofa at ngumawa - siyang ginawa ni
Della. Isang katotohanang sa buhay, may iyak, may hikbi, may ngiti, datapuwa, mas
madalas ang paghikbi. Habang maybahay patapos na itong paghikbi, ating bigyang
sulyap kanilang tahanan. Isang paupahang ang mga silid sadya nang may kagamitan.
Mga silid na larawan ng di naman gaanong kapulubihan. Nagkakahalaga ng walong
dolyar sa loob ng isang linggo mula sa bulsa ng mga nangungupahan. Sa ibaba, sa
pasilyo, naroon, isang maliit na latang kahon, kahong laan para sa liham. Isang kahon na
dahil sa kanyang kaliitan, di magkakasya kahit isang liham. Sa tabi nito, isang doorbell
na kahit anong pindot, di nakalilikha ng impit mang tunog. Sa labas ng pinto, nakatitik:
“Mr. James Dillingham Young.” Ngalang ‘Mr. James Dillingham Young” nang roon
ipinagkit, itong nagmamay-ari, ang sahod sa loob ng isang linggo, trenta dolyares.
Ngayong dalawampung dolyares na lamang, ang “Dillingham” nais na maging “D” na
lamang nang maiakma sa kanilang kasalukuyang pamumuhay. Kung sabagay, di na
kailangan pagkat sa tuwina, Mr. James Dillingham Young kapag nasok sa inuupahang
silid, umiiksi kanyang ngalan. Kanyang mahal na kabiyak, Mrs. James Dillingham Young
tuwing sasalubong, yaong mga kamay sa kanyang leeg isasampay, bubulong ng “Jim”.
Siya si Della na atin nang nakilala. Si Della, tinapos ang paghikbi, ang pisngi, pinulbuhan.
Sa bintana tumanaw, minasdan pagtulay ng isang abuhing pusa sa bakod na ang kulay,
walang kabuhay-buhay. Bukas, Pasko na, kanyang ipon isang dolyar at walumpu’t pitong
sentimos. Ipong sana’y pambili ng alaala para sa kanyang Jim. Ang naipon, likha ng
kanyang pagtitipid ng ilang buwan. Ang dalawampung dolyar walang gaanong
mararating. Gastusin, di yaong inaasahan - ang gayon, madalas. Isang dolyar at
walumpu’t pitong sentimos upang makabili ng regalo para kay Jim, sa kanyang Jim.
Maraming oras ang ginugol sa pag-iisip, sa pagpaplano upang makabili ng isang may
kilatis na alaala para kay Jim. Isang alaalang may kilatis na bihira, may rating - isang
alaalang nararapat para sa isang Jim. Sa pagitan ng bintana, nakasabit isang makitid,
parihabang salamin. Isang salaming nababagay lamang sa mga may balingkinitang
katawan. Isang salaming ang gagamit nangangailangan nang mabilis na pagkilos, mabilis
na pag-ikot-ikot sa harap nito. Si Della, na nagmamay-ari ng gayung katawan,
nakagamayan na ang arte ng pagsilip sa salamin. Isang saglit, mula sa bintana, may
kinang ang mga matang iniharap ang sarili sa salamin. Datapuwa, di naglipas saglit,
maaliwalas na mukha, nawalan ng kulay. Iglap, buhok hinayaang bumagsak sa kanyang
kahabaan. Mga Dillinghams, may dalawang pag-aaring itinuturing nilang yaman,
maipagmamayabang. Ang isa, gintong relo ni Jim. Relong minana mula sa ama, relong
minana ng ama sa kanyang ama. Ang isa pa, buhok ni Della. Halimbawang si Reyna
Sheba, sa karatig na silid naninirahan. Ang Della, sa bintana, sadyang ilulugay
pinatutuyong buhok. Hahayaang ang reyna, makaramdam ng inggit pagkat batid niyang
kinang ng anuman sa mga hiyas nito di makapapantay sa kinang ng kanyang buhok.
Halimbawang ang may bundok-bunduking yamang Haring Solomon, nasa kalapit lamang
nilang silid. Ang Jim, sa sandaling ito’y masalubong, magkukunwang sa kanyang
ginintuang relo sisilip ng oras. Mangyari pa, ang Hari sa paglakad titigil, dahil sa selos,
sa kanyang balbas, mapapahimas. Batid ni Jim, buntong yaman ng Hari, di makahihigit
sa kahalagahan ng yamang kanyang tangan. Ngayon, heto nga, buhok ni Della na
maalon-alon, mistulang talong inaagusan ng kumikinang na tubig, inilugay, abot
hanggang tuhod. Buhok, muling ipinusod, mabilis, may kabog ang dibdib. Ilang saglit,
napatuod, hinayaang tumulo ang luha sa alpombrang nanghihingi na ng kapalit. Kulay
tsokolateng dyaket, isinuot; kulay tsokolateng sumbrero, isinaklob sa ulo; palda, nagsuot.
May ngiti ang mga matang halos liparin ang pinto, halos lundagin baitang pababa, tinungo
ang kalsada. Paghinto ng mga paa, nakapaskel, isang patalastas: "Mne. Sofronie, Hair
Goods of All Kinds.” Ikalawang palapag tinakbong paakyat, inayos ang sarili, hinabol ang
hininga. Isang mataba, maputi, may mga matang mapanuri, mukhang mabalasik ang
nakaharap, si Ginang Sofronie. “Bibilhin mo buhok ko?”tanong ni Della. “Bumibili ako ng
buhok,” sagot ng Madame. “Hubarin suot mong sumbrero, kikilatisin ko.” Aluning kulay
tsokolateng buhok nagpugay. “Dalawampung dolyar,” pakli ng Madame, habang
bihasang kamay himas-himas buhok na nakalugay. “Ibigay mo sa akin, dali,”sagot ni
Della. Sa sumunod na dalawang oras, tila may pakpak na mga paa ginalugad mga
tindahan... ang hanap, aginaldo para kay Jim. Sa wakas, ang hanap, nahanapan. Isang
bagay na para bang nilikha para lamang kay Jim, wala nang iba. Wala ito sa lahat ng
tindahang pinuntahan, pinagkalkalan. Isa itong napakapayak na gold watch chain.
Kanyang kapayakan, nagsasaad ng kagandahan - lahat ng magandang bagay, ganito
ang dapat. Sa relo ni Jim, ito’y babagay. Nang nasilayan ng mga mata, batid niyang iyon
ay para kay Jim. Ang gold watch chain at Jim magkapara, may katahimikan, may halaga.
Ang Della dali-daling umuwi - ang tanging dala, isang gold watch chain at walumpu’t
pitong sentimos. Dahil sa gold watch chain, si Jim, nasaan man, anumang saglit maaari
ng silipin ang oras. Ang relo, gayung napakaganda nga, kailanman di nagkaroon ng
mainam na watch chain. Kadalasan, kanyang titingnan tamang oras kapag walang tao sa
paligid. Nang marating ni Della kanilang tahanan, saglit na nagbulay-bulay, ang ginawa,
binigyan ng katwiran. Sinimulang ayusin iniwang marka ng pagpapakasakit. Ang
pagmamahal at sakripisyo kapag pinagsama, minsan nag-iiwan ng malalim na pilat. Pilat
na ito, di madaling gamutin, mandin isang napakalaking hamon. Makaraan, apatnapung
minuto, humarap sa salamin. Sariling larawan, maiging kinilatis, may katagalan. Larawan
siya ngayon ng isang lalaking mag-aaral. “Ako’y kikitlan ng buhay ni Jim”, bulong sa sarili,
“bago niya ako masdang muli, magpapakling mukha akong isang mananayaw na nang-
aamot ng salapi. Pero, ano ang aking magagawa! Ano ang mararating ng isang dolyar at
walumpu’t pitong sentimos?” Ikapito ng gabi, ang kape nakahanda na, puwet ng kawali
sa kalan nakasalang na. Jim ni Della, kailanman di nahuli sa pag-uwi. Ang Della di
mapakali, di alam ang gagawin. Maya-maya, iniupo ang pwet sa silyang nasa gilid ng
mesa, ilang hakbang ang layo sa pinto. Sa palad, kinuyom gold watch chain na tangan,
sa pinto di inalis ang tingin. Isang saglit, naulinig apak ni Jim sa unang baitang ng
hagdanan. Ang batang ginang, nakaramdam ng kaba, napausal: “Panginoon, sana ang
makita ni Jim, isang magandang Della.” Pinto lumikha ng bahagyang langitngit,
bumungad ang hinihintay. Ang Jim, larawan ng isang malalim na balon. Ang pobre, sa
gulang na dalawampu’t dalawa, sa balikat, nakaatang na isang mabigat na
responsibilidad, isang pamilya. Suot na overcoat di na kaaya-ayang masdan, kanyang
mga kamay, sa lamig walang panlaban. Ang Jim sa may pinto nagmistulang isang tuod,
tahimik, sintahimik ng isang mangangasong aso, habang kalapit ang isang ibon. Ang mga
mata, walang kurap, kay Della nakatitig. Titig na di mabasa ni Della, titig na ikinabahala.
Ang titig, walang badya ng galit, ng pagsalungat, ng pagkagitla o anuman sa
pinaghandaan. Si Jim, naroon lang, sa kanya, nakatitig. Ang Della, sa kinauupuan
tumayo, kay Jim lumapit. "Jim, darling," impit ni Della, huwag mo akong tingnan nang
ganyan. Ipinaputol at ipinabili buhok ko dahil di maaatim na wala akong pamasko para
sa iyo. Tutubo siya uli - di mo ito ikagagalit, di ba? Kinakailangan ko lamang siyang gawin.
Mabilis naman siyang tumubo, Merry Christmas! Magsaya tayo. Di mo alam kung gaano
kaganda aginaldo ko para sa iyo.” “Ipinaputol mo ang iyong buhok?” may himig
panghihinayang na tanong ni Jim. Kinailangan niya ng ilang sandali upang maintindihan
ang lahat. Wala, wala siyang hinagap sa kung ano ang mga pangyayari. “Ipinaputol at
ito’y ipinabili” sagot ni Della. “Di mo siya gusto? Ako pa rin naman ito, ako pa rin si Della,
kahit wala na ang buhok ko.” Sa silid, iniikot ni Jim kanyang paningin. “Ang buhok mo,
wala na?” ang sabi. “Hindi mo kailangang hanapin,” sagot ni Della. “Ipinagbili ko, ipinagbili
ko, wala na. Ngayo’y bisperas ng Pasko, huwag tayong magtalo. Huwag kang magagalit
pagkat ipinagbili ko iyon para sa iyo. Maaaring buhok sa aking ulo’y mabibilang” sambit
niya, “subalit sinuman walang makabibilang ng pagmamahal ko sa iyo. Gusto mo nang
maghapunan, Jim?” Isang mapagmahal na yakap ang isinagot ni Jim. Mula sa bulsa ng
kanyang overcoat dinukot ang isang kahong nababalutan ng papel, ipinatong sa mesa.
“Pakinggan mo ako Dell,” ang sabi. Walang uri ng gupit, anumang shampoo ang iyong
gamit, walang anupaman ang makapagpapabago ng pagmamahal ko sa iyo. Ngunit kung
iyong bubuksan ang kahong iyan, matatanto mo ano ang naramdaman ko.” Balot ng
kahon binaklas ng mapuputing daliri. Una, isang hiyaw ng tuwa ang narinig, ang
sumunod, hagulgol. Ang dahilan, laman ng kahon mga suklay na malaot nang inasam.
Mga suklay na sa tuwinang mapapasyal sa lungsod di maaaring di maglalaan ng ilang
saglit upang ito’y bigyang tanaw sa estanteng naroon sa isang tindahan. Mga suklay na
walang singanda, may adornong mga hiyas. Mga suklay na nababagay sa kanyang
napakagandang buhok. Batid niyang ito’y may kamahalan. Batid niyang hanggang
panaginip lamang na ito’y maging kanya. Ngayon, heto hawak na ng kanyang mga kamay
subalit wala na ang laang paggagamitan. Ang mga suklay sa dibdib inilapat, kay Jim
tumingala: “Mabilis tumubo ang buhok ko Jim!” Ang Della, biglang napatayo, may
naalaala. Di pa nakikita ni Jim kanyang magandang aginaldo. Kay Jim, inilahad ang
kanyang palad. Ang ginto wari’y lumikha ng kislap, kislap na may bahid ng pagmamahal.
“Maganda, di ba Jim? Ginalugad ko ang buong lunsod, para lamang iya’y makita. Maaari
mo nang tingnan ang oras, makaisandaan mang beses sa isang araw. Iabot mo sa akin
ang iyong relo. Nais kong makita kung ang gold chain at iyong relo, bagay na
magkasama. Sa halip na sumunod, itinapon ni Jim ang katawan sa sofa, inilagay ang
mga kamay sa likod ng kanyang ulo, ngumiti. “Dell," ang pakli, “Ilagay muna natin sa
isang tabi ang aginaldo sa isa’t isa. Napakaganda ng mga ito para ating gamitin sa
ngayon. Ipinagbili ko ang aking relo para mabili ko ang iyong mga suklay. Halika na’t
tayo’y maghapunan.” Ang mga mago, tulad ng pagkakaalam natin ay mga makatwiran -
mga makatwiran na naghandog ng alaala para sa isang Sanggol na ipinanganak sa isang
sabsaban. Sila ang nagpasimula ng pagbibigayan ng aginaldo tuwing Pasko. Bilang mga
makatwiran, kanilang aginaldo ay makatwiran. Rito, ikinuwento ko, salaysay ng dalawang
nilalang na masasabi nating di ginamit ang isip. Para sa isa’t isa isinakripisyo kanilang
natatanging kayamanan. Ngunit bilang huling salita para sa mga makatwiran ng
kasalukuyang panahon - sa lahat ng mga nagbibigay ng aginaldo, ang dalawa, siyang
pinakamakatwiran. saan man sila ang pinakamakatwiran. Sila ang mga mago.

You might also like