Sa Dulo ng Bahaghari: Ang Nakatagong Pagasa ng Pilipinas
Tinaguriang “Perlas ng Silangan,” nasaan na ang yaman? Sa pag-obserba sa
kantang “Sa Aking Panahon” na isinulat ni Rey Valera, mapapansin na positibong sinimulan ang paglalarawan sa bansang Pilipinas sa pamamagitan ng mga katagang “mahal ng kalikasan” at “Palaging may araw.” Subalit sa mga kasunod na linya, ipinamalas na ng manunulat ang mga negatibong pangyayari na kaniyang naobserbahan sa lipunang kinabibilangan. Ilan lamang sa mga natalakay ay ang pangingidnap ng tao, pang-rerape ng bata, pagtangkilik ng sa ibang kultura, at pagiibang-bansa ng mga katatapos pa lamang mag-aral na mga Pilipino.
Sa tulong ng transisyon sa awitin, naipakita ang unti-unting paglala ng
kalagayan sa bansa. Mahihinuha rin mula dito kung paano nabago ang kasaganahan ng mga likas na yaman. Kung noong unang panahon, sapat lamang na nasusustentuhan nito ang mga pangangailangan ng mga Pilipino, ngayon ay nagkukulang na dulot ng pang-aabuso rito. Bukod sa mga naabusong likas na yaman, naging talamak na rin ang iba’t ibang klase ng pang-aabuso sa kapwa-tao kapalit ng pera. Ang isa pang kapansin-pansin sa awitin ay ang bulgar na pagbanggit nito sa katiwalian ng gobyerno na isa pang nakikitang dahilan kung bakit nagiging paurong ang pag-unlad ng bansa.
Bagamat nauulit ang pagbanggit ng lirikong “Ito ang aming panahon,”
siguradong ito ay hindi sa mapagmalaking paraan. Mapapansin din na ang emosyon ng kanta ay bahid ng panghihinayang ng mang-aawit sa lumalalang kalagayan ng inang bayan. Ang panghihinayang na ito ay maaaring maging senyales ng pagsuko o senyales ng pag-asang nakikita pa ng mang-aawit sa hinaharap.
Dito na papasok ang hamon sa mga Pilipinong makakarinig ng awiting ito,
kung pipiliin ba nilang mamulat at baguhin ang nabubulok na sistema o hahayaan na lang at lulunukin ang mapapait na katotohanan. Bilang anak ng isa sa mga mayayamang bansa sa Asya, inaasahan ang mga susunod na henerasyon ng Pilipino upang baguhin ang mga nakasanayan, basagin ang katahimikan, at imulat ang mga nagbubulag-bulagan. Dahil tulad ng mga kahulugan ng maikling awitin na ito, nakatago rin lamang sa mga “baka” at “sana” nito ang bagong pag-asa na mayroon ang perlas ng Silangan. Kailangan lamang itong marinig, maramdaman, at maisabuhay ng bawat Pilipino.