Download as doc, pdf, or txt
Download as doc, pdf, or txt
You are on page 1of 2

Ano ba ang tunay na kahulugan ng kahirapan?

Bakit maraming Pilipino ang nagdurusa at hindi


makaalpas sa anino ng kahirapan?

Literal na mahirap ang Pilipino dahil maraming mga kababayan natin ang totoong
nagdarahop at nakalubog sa kumunoy ng kahirapan. Hindi mapasusubaliang marami sa atin ang
hanggang ngayon ay hindi umaangat ang pamumuhay at patuloy na umaasa sa walang
katiyakang katuparan ng magandang pangarap sukdulang galugarin ang gubat at sisirin ang
dagat sa paghahanap ng ginto. Huwad na kayamanan ang sinasabi ng ilan na tayo raw ay
maraming mina ng ginto pero ang tanong ay “nasaan”? Hindi naman literal na ginto ang
binabanggit sa awiting “Kaninong Anino”.

Ano nga ba ang tunay na ginto? Ang gintong tinutukoy sa awiting ito ay yaong mga
namumuno sa ating bansa na totoong may adbokasiya at may kaisipang magpaunlad ng
sambayanang Pilipino at siyang sasagip sa atin sa balon ng kahirapan. Huwad na ginto, ang
katulad ng mga lider na walang iniisip kundi ang sariling kapakanan at ang hangarin lamang ay
magpayaman. Isang daan at limampung taon …. at sa puntong ito natin masisinag ang realidad
na tayo pa rin daw ay mahirap, kapos sa ginto. Walang pasubaling totoo ito dahil hanggang
ngayon ay hindi pa rin tayo nakakatagpo ng isang pinunong matapat at magtataguyod sa
karapatan ng bawat Pilipino upang ang bawat isa ay maging maunlad, matagumpay, at
nakakapamuhay ng marangal na walang agam-agam sa buhay. Subalit ano ang nangyayari sa
sambayanan? Laganap parin ang kahirapan sa kasalukuyan. Marami pa rin ang mga kababayan
nating kinakailangang mangibang bansa, nagtitiis na mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay
maitaguyod lamang ang kanilang pamilya. Marami sa kanila ang nagtatagumpay pero hindi rin
mabilang ang dami ng napahamak at nabigong matamo ang magandang buhay na inaasam. Sa
lansangan ay marami pa rin ang mapapansing nagpapalimos at sinusuong ang panganib upang
makalikom ng baryang pangtawid gutom: ganito ba ang bansang mayaman sa ginto? Ito ba ang
bansang sinasabi nating mayaman? Kapatid gumising ka. Ang tinutukoy na kayamanan ay hindi
salapi, pilak o ginto kundi ang mga taong siyang mag-aakay at gagabay sa bawat Pilipino upang
ang buhay ay maging masagana. Hindi kinakailangan ng mga Pilipinong mangibang bansa upang
tanghaling bayani ng bagong henerasyon dahil sa dolyar na naiaakyat sa kaban ng bayan at
lalong hindi natin ninanais ang tuluyang pagpanaw ng naghihingalo nating ekonomiya dahil sa
pautang na ipinagkakaloob ng ibang bansa na lalong naglulublob sa atin sa laot ng kahirapan.
Ang kailangan natin ay lider na may angkop na kakayahan at talino na siyang susupil sa
kabuktutan ng mga gahamang pulitiko at tauhan ng gobyerno.

Nakalulungkot isiping kung sino pa ang mga inaasahan nating sasagip sa atin sa
kahirapan ay sila pang nagpapasasa sa kakarampot na biyayang nakalaan upang ipamahagi sa
mga kapuspalad. Sila ang patuloy na namumuhay sa kariwasaan at naghahasik ng asing
ibinubudbod sa kanin ng mga mahihirap sa halip na uhay ng ginintuang palay na ipamamahagi
sa mga magsasaka upang mabigyan ng luntiang kulay ang namimitak na tumana.

Kung ganito ang nangyayari sa ating bayan, ano ang dapat nating gawin? Maraming
bagay na dapat isaalang-alang at kinakailangan na ang agarang hakbang tungo sa pagbabago.
Una ay dapat gisingin ang kamalayan lalo na ang mga kabataan sa nangyayari sa ating bansa.
Kinakailangan nilang magising sa katotohanang sila ang magpapasan ng mabibigat na krus na
nabuo dahil sa mga buktot na hangarin ng mga mapagsamantala. Pangalawa ay ang pagluluklok
sa pamahalaan ng mga pinunong malinis ang kalooban at walang bahid ng korupsiyon sa
panunungkulan. Pangatlo ay ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lahat ng aspeto ng
pamumuhay at pamamalakad ng gobyerno gayundin ang pagkilala sa mga karapatan ng bawat
mamamayang Pilipino. Higit sa lahat, kinakailangan ang sama-samang pagkilos ng bawat isa sa
pagsisimula ng pagbabago. Sisimulan natin ang pagbabago sa ating sariling tahanan at dito
ihuhulma at malilikha ang tunay na ginto - mga lantay na gintong magpapatunay na ang
Pilipinas ay totoong mayaman.

Nakapanghihinayang na sa ating bansa ay maraming naging bayaning sa simula pa


lamang ay kapakanan at kabutihan ng sambayanan ang itinataguyod, nakipaglaban at nagbuwis
ng buhay upang makamit ang tunay na kasarinlan subalit ang lahat ng ito ay nabalewala dahil sa
pagsibol ng bagong henerasyon na lihis sa prinsipyo ng tunay na ipinaglalaban ng ating mga
yumaong bayani. Ninais nilang mawala ang mga aninong nagpahirap sa ating bayan sa loob ng
tatlong daang taon at makamit ang kalayaan at kaginhawahan subalit silay bigo dahil lamang sa
mga bagong sibol na may buktot na kaisipan: mga taong hindi nalalaman ang tunay na kulay ng
kanilang anino at ng mga aninong gumagalaw sa kanyang kapaligiran.

You might also like