Hinding hindi ko makakalimutan ang nangyari sa akin noong ako ay nasa
Ika-siyam na baitang. Isa ito sa mga pangyayari sa aking buhay na hindi ko inaasahan. Tandang tanda ko pa noong Enero 8, 2018, ako ay nasa paaralan. May mga pagsusulit na natapos noong araw na iyon. Madami din kaming ginawang proyekto kaya masasabi ko na nakakapagod ang araw na iyon. Uwian na ng hapon at kami ay lumabas na ng aming silid-aralan. Nakaugalian na naming magkakaibigan na sabay sabay kaming uuwi at naisipan naming maglakad nalang dahil medyo malapit lang naman ang aming bahay sa aming paaralan. Dahil sa sobrang pagod ko noong araw na iyon, hindi na ako sumama sa mga kaibigan ko na maglakad pauwi. Sumakay ako ng motor at dali dali itong umarangkada. Ni hindi ko napansin ang nagmamaneho dahil nagmamadali na akong makauwi. Hindi ko rin nakilala ang nagmamaneho. Habang umaandar ang motor napansin ko na ang bilis ng patakbo ng nagmamaneho. Bigla nalang humangin ng napakalakas at tila ba nakasama ang aking katawan s amalakas na hangin na iyon. Hindi ko namalayan na kami pala ay naaksidente. Bigla ko nalang napansin na nakahiga na ako sa kalsada na iisang sapatos ang suot. Napunit ang aking uniporme at palda. Nakita ko rin na may dugo ang aking mga braso at katawan at hindi ako makagalaw ng maayos. Nakita ko ang mga tao na lumalapit patungo sa akin at Nakita ko rin si kuyang nagmamaneho na duguan din ang mga kamay at katawan. Biglang nandilim ang paningin ko at paggising ko ay nasa ospital na ako. Gusto kong umiyak nang umiyak noong oras na iyon ngunit hindi ako makaiyak dahil iba ang aking nararamdaman. Magsimula noon, hindi na ako sumasakay sa mga hindi ko kakilala. Sumasakay nalang ako sa mga taong kakilala ko upang masiguro ko na tama lang ang lakas o bilis ng kanilang pagmamaneho. Lagi na akong mag iingat dahil hindi natin alam kung ano man ang posibleng mangyari sa atin kung hindi tayo mag iingat. Iiwasan ko na rin ang pagmamadali dahil ito mismo ang ikakapahamak ko. Kailangan nating alagaan ang ating mga sarili. Lagi tayong mag-iingat dahil anumang oras ay pweede tayong mapahamak. Lagi tayong magdasal sa ating Diyos dahil Siya lang ang ating sandigan. Siya lang ang ating tagapagligtas.