Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 12

KAHULUGAN, KAHALAGAHAN, PINAGMULAN AT MGA KATANGIAN

NG WIKA

Ang wika'y kasangkapang ginagamit ng lahat ng uri o antas ng tao sa lipunan.

Nagagamit ito sa iba't ibang aspekto ng pamumuhay ng tao; pang-ekonomiya, panrelihiyon,

pampulitika, pang-edukasyon at panlipunan. Ang wika'y nawawala at namamatay kung

nauubos o umuunti ang minoryang pangkat na gumagamit ng nasabing wika ngunit patuloy

naman itong lumalaganap, umuunlad at nagbabago kasabay ng pag-unlad ng mayoryang

pangkat na gumagamit nito.

Masasabing mahigit pa sa isang mirakulo ang pagkakalinang ng wika. Ito'y nagbuhat

sa isang di-pangkaraniwan, kahanga-hanga at masalimuot na sistemang sumasabay sa tao sa

kanyang pag-unlad. Habang umuunlad ang tao, nalilinang ang wikang bumabagay sa kanyang

mga pangangailangan sa buhay. Maraming paraan ng pakikipagtalastasan ngunit

pinakamabisa at pinakamahalaga ang wika sapagkat buong linaw na naipahahayag ng tao

ang lahat ng kanyang nasa isip at nadarama.

Pinauunlad ng tao ang wika at wika naman ang nagpapaunlad sa tao. Bawat bansa sa

lahat ng bahagi ng daigdig ay may sariling wikang ginagamit sa pakikipagtalastasan. Ang

isang bansang malaya at maunlad ay may wikang maunlad at malaganap.

Sa tulong ng wika, ang isang tao'y makapamumuhay nang maayos at maiaagpang

niya ang kanyang sarili sa kanyang kapaligiran.

Lubhang mahalagang papel ang ginagampanan ng wika sa isang bansa. Malaking tulong

ito sa larangan ng edukasyon upang hubugin ang kabuuang pagkatao ng isang nilalang; na
siya'y maging isang taong maka-Diyos, makabayan, makatao at makakalikasan. Ito'y

makatutulong din sa isang tao sa kanyang pakikisalamuha sa kanyang mga kapwa tao sa

lipunang kanyang ginagalawan. Sa tulong ng mabisang paggamit ng wika, magtatagumpay

sa kanyang propesyon o hanapbuhay ang isang mamamayan.

Ang wika'y isa sa mahahalagang salik na makatutulong sa pag-unlad ng isang bansa.

Ito'y isang mabisang instrumento sa pambansang pagkakaunawaan at pagkakaisa.

Tinatawag na linggwistika ang agham ng wika. Ang taong dalubhasa sa wika ay

tinatawag na dalubwika o linggwista. Ang dalubwika ay nagtataglay ng di-pangkaraniwang

kaalaman at kakayahan sa pagsusuri ng wika. Ang isang tao namang marunong ng maraming

wika ay tinatawag na polyglot. Hindi maaaring tawaging dalubwika ang isang polyglot kung

hindi siya nagpakadalubhasa sa wika.

May paniwala ang mga antropologo na kung mayroon mang wika ang mga kauna-

unahang tao sa mundo, ang naturang wika ay masasabing kauri ng wika ng mga hayop. Ang

paniwalang ito'y hindi mapasusubalian kung may katotohanang ang mga unang tao'y

namuhay noong panahong iyon na katulad ng mga hayop. Ang kaibahan lamang ng tao sa

hayop ay ang kanyang angking talino na higit na mataas kaysa hayop.

Sa tulong ng taglay niyang katalinuhan, tuluyan na niyang naibukod ang kanyang

sarili sa mga hayop. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng kanyang pagkontrol sa iba't ibang

bahagi ng kalikasan. Nagawa niyang malinang ang wika at kultura na kung ihahambing sa

wika at kultura ng kanyang mga ninuno ay talagang ibang-iba na.

Sa kasalukuyang panahon, ang lahat halos ng wika ay masalimuot. Nagagamit ito sa


pagpapahayag ng kahit anong diwang nakapaloob sa kultura ng tao. Lahat ng sibilisadong

tao ay may sariling wika at ang mga hayop ay walang wikang katulad ng ginagamit ng mga

tao.

Kung pagbabasehan ang mga nahukay na mga labi (artifacts) na ginawa ng mga naunang

tao sa mundo masasabing mayroon nang humigit-kumulang sa isang milyong taon ang

paggamit ng wika.

Ang wika at kultura ay kapwa nagsimula sa pinakapayak na nagpatuloy sa pag-unlad

sa paglipas ng mga taon hanggang sa maging masalimuot.

May magkakaibang paniniwala ang mga paham tungkol sa pinagmulan ng wika sa

mundo katulad din ng magkakaibang paniniwala sa pinagmulan ng tao. Kung may

paniniwalang ang mga tao sa buong daigdig ay nagsimula sa iisang angkan, maaari ring

paniwalaang ang mga wika sa buong mundo ay nagmula sa iisang angkan ng wika. Ngunit

kung ang kabalintunaan nito ang ating paniniwalaan, masasabing hindi iisa ang

pinanggalingan ng iba't ibang wikang ginagamit ng mga tao sa buong mundo.

May mga aklat na naglalaman ng mga teoriya sa pinagmulan ng wika, katulad ng mga

sumusunod: teoriyang Ding-dong (Ito'y hakang ang bawat bagay sa mundo ay may kasama

o kaugnay na tunog.), teoriyang Bow-wow (Ginagagad daw ng tao ang mga tunog na likha

ng kalikasan.), teoriyang Pooh-pooh (Ang tao'y lumilikha ng mga likas na tunog at

pakahulugan sa mga ito sapagkat siya ang lumikha.) at teoriyang Yum-yum (Nagsasaad na

ang tao'y tutugon sa pamamagitan ng pagkumpas sa alinmang bagay na nangangailangan

ng aksyon).
Hindi kapani-paniwala ang mga nabanggit na teoriya.

Kung ibabatay naman natin sa Banal na Aklat ang tungkol sa paglaganap ng iba't

ibang wika sa buong daigdig ay ganito naman ang nasasaad sa Genesis 11:1-9.

Ang nalabing angkan ni Noah pagkatapos ng malaking baha ay dumami at lumaganap.

Sila ay gumawing pasilangan. Iisang wika lamang ang ginagamit ng mga tao noong panahong

iyon. Ang mga tao'y hindi nagtitigil sa paghahanap ng pook na magiging mabuting tirahan

hanggang sa natagpuan nila ang lugal ng Babilonya. Sinimulan nila roon ang pagtatatag ng

isang lungsod. Pinasimulan nilang magtayo ng isang toreng sa labis na taas ay halos umabot

na sa langit. Dito masusukat ang kapalaluan at labis na paghahangad ng mga tao.

Nakita ng Diyos ang napakataas na itinatayong tore ng mga tao at nasukat Niya ang

kapalaluang naghahari sa kanilang damdamin. Naisip Niya na kung magpapatuloy na

magkakaisa ang mga tao dahil sa iisang wikang ginagamit nila, maaaring magpatuloy sila sa

labis na paghahangad na malampasan ang kapangyarihan ng Diyos.

Binigyan Niya ng iba't ibang wika ang mga tao kaya't hindi sila nagkaunawaan.

Nagkahiwa-hiwalay sila at kumalat sa iba't ibang panig ng mundo. Tinawag na Tore ng

Babel ang itinayo ng mga tao. Natigil na rin ang pagpapataas pa ng mga tao sa itinatayo

nilang tore sapagkat hindi na sila magkaunawaan na nagbunga ng kalituhan at kaguluhan.


MGA PANGUNAHING ANGKAN NG WIKA

Lubhang mahirap na kilalanin at pagpangkat-pangkatin ang hindi kukulangin sa 5,000

wika sa mundo nang naaayon sa kanilang pinagmulan. Sa mga pag-aaral na isinasagawa ng

mga dalubwika at antropologo ay pinaghahambing nila kung may pagkakahawig man lamang

ang iba't ibang wika kung hindi man tandisang magkakatulad. Pinag-aaralan nila ang mga

tunog, pagkakabuo, bokabularyo o talasalitaan at palaugnayan. Kapag sa kanilang pag-aaral

ay natuklasan nila na ang dalawang wika ay may pagkakatulad o pagkakahawig man lamang

sa mga bagay na nabanggit sa itaas, ay ipinalalagay nilang magkapamilya o magkaangkan

ang dalawang wika. Sinasaliksik din ng mga palaaral na ito ang kasaysayan ng pagdami ng

mga tao sa mundo, ang heograpiya, ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang

pakikipagkalakalan, pulitika at iba pang maaaring may kinalaman sa pinagmulan ng mga

wika. Pinagtutuunan din nila ng pagsusuri ang kapaligiran katulad halimbawa ng mga bundok

at karagatang nakapagitan sa mga bansa na maituturing na mga salik sa pagkilala at pag-

uuri sa mga wika.

Kung nasakop ang isang bansa, isang katotohanang ang bansang nanakop ay

magpapairal ng wika nito sa isang bansang naalipin. Katulad ng naganap sa Pilipinas, iba't

ibang dayuhan ang nanakop sa atin kaya't nagkaroon ng impluwensya ang mga dayuhan sa

ating wika.
ANG MGA WIKA SA PILIPINAS

Ayon kay Dr. Alfonso Santiago sa kanyang aklat na "Panimulang Linggwistika” hindi

nagkakaisa ang mga palaaral at mananaliksik tungkol sa pinagmulan ng iba't ibang wika sa

kapuluan. Pinaniniwalaan ng nakararami ang teoriyang ang orihinal na pinagmulan ng

kulturang Indonesyo ay ang mga rehiyong nasa baybay-ilog ng kanlurang Tsina at hangganan

ng Tibet. Nahati ang mga tao sa pagdaraan ng panahon. Ang isang pangkat ay naglakbay na

pakanluran at nagtungo sa Indiya, Indo-Tsina at Indonesyo. Nakarating sa Pilipinas,Formosa at


sa iba pang pulo ng Pasipiko ang pangkat na lumikas sa Indonesya. Tunay na

kapani-paniwalang isiping iisa lamang ang pinagmulan ng paraan ng pagsulat na ginagamit

noon sa Pilipinas dahil sa pangyayaring ito.

Ipinalalagay na nanggaling sa Alifbata ng Arabia na nang malaon ay naging Alibata

ang unang paraan ng pagsulat ng mga Pilipino. Ito'y nakaabot sa Pilipinas sa pamamagitan

ng daang India, Java, Sumatra, Borneo at Malaya. Mapaniniwalaan ang ganitong palagay

sapagkat ang Bahasa Melayu na naging lingua franca sa Timog-Silangang Asya sa pagitan

ng mga taong 700 A.D. at 1,500 A.D. ay pinananaligan ding nagmula sa Alifbata. May

palagay na ang Alifbata ay pumasok sa Pilipinas nang maitindig na sa Java ang Imperyo ng

Madjapahit sapagkat ang impluwensiya ng Malay ay mabilis na lumaganap sa mga pulo sa

Java hanggang sa kapuluang Pilipinas.

Sina David at Healey ay nagsagawa ng pagsasaliksik noong 1962. Sila'y mula sa

Summer Institute of Linguistics. Nagsaliksik sila tungkol sa kung paano lumaganap sa

kapuluan ang iba't ibang wikang ginagamit sa ngayon. May paniniwala sila na ang mga
wikang nagmula sa angkang Malayo-Polinesyo ay mahahati sa tatlong panahon. Ito'y nahahati

sa tatlo noong 700 B.C. gaya ng mga sumusunod: Northern Philippine Family, Southern

Family at Pangasinan. Muling nahati ang Northern Family noong 200 B.C. tulad ng mga

sumusunod: (a) mga wika sa Mt. Province (Bontoc, Ifugao, Kankanai) (b) Ilokano at mga

wikang naging malaganap sa kahabaan ng Ilog Cagayan at (c) Inibaloi.

Ang Southern Philippine Family ay nahati naman sa mga sumusunod na pangkatin ng

wika: (a) Sambal (b) Kapampangan (c) Tagalog (d) Cebuano (e) Bicol (g) Maranao (h)

Surigao (i) Mansaka (1) Kalagan (m) Western Bukidnon Manobo (n) Southern Bukidnon

Manobo (ng) Binukid (0) Dibabaon (p) Cuyonon (r) Subanun, (s) Magindanao atbp.

Ipinalalagay rin ng mga mananaliksik na ang naunang pamilya ng wika ay napahalo sa

ibang wika na lumaganap sa Pilipinas at sa iba pang kapamilya ng Malayo-Polinesyo katulad

ng wikang Vietnam.

Bawat wika ay may kanya-kanyang set at balangkas ng mga tunog. Pinipili lamang ng

tao ang mga tunog na kailangan niya sapagkat kung hindi gayon ang mangyayari ay

napakaraming tunog na malilikha at dahil sa lubhang napakarami ay maaaring magbunga

ng hindi pagkakaunawaan.

Walang halaga ang alinmang tunog ng wika kung nag-iisa sapagkat walang kahulugan.

May katuturan lamang ang isang tunog kung napapasama sa iba pang tunog at nakabubuo

ng salita. Balangkas ng mga tunog ang isang salita.


MGA KATANGIAN NG WIKA

Dinamiko ang wika. Nagbabago ito kasabay ng pagbabago ng panahon at pandaigdig

na pagbabago. Ang wika'y may mahalagang bahagi sa pagsulong ng kabihasnan sa alinmang

panig ng daigdig. May sariling kakanyahan ang bawat wika. Hindi mahahanap sa ibang

wika ang mga katangian ng isang wika.

Bawat wika'y may kalikasan, palatunugan at mga paraan ng pagbubuo ng mga salitang

nagtataglay ng kahulugan.

Kaugnay ng wika ang kultura ng isang bansa. Ang sining, panitikan, karunungan,

kaugalian, kinagawian at paniniwala ng mga mamamayan ang bumubuo ng kultura. Ang

pangkat ng mga taong may angking kultura ay lumilinang ng isang wikang naaangkop sa

kanilang mga pangangailangan sa buhay. Sa wikang kanilang nalinang masasalamin ang

kanilang mga adhikain, pangarap, saloobin, damdamin, kaalaman, pilosopiya, paniniwala,

moralidad, at karanasan. Kung gayon, ang wika at kultura ng mga mamamayan ay

magkaugnay at hindi maaaring paghiwalayin. Ang mga tao'y may wika sapagkat sila'y may

kultura. Ano ang paggagamitan ng wika kung walang kultura? Naaangkop ang bawat wika

sa kulturang nakabuhol dito. Magagamit din ang isang wikang banyaga sa isang pamayanan

ngunit hindi ito kasimbisa ng wikang sarili ng mga mamamayan. Ang wikang dayuhan ay

hindi kailanman makapaghahayag ng ating kultura nang kasimbisa ng ating pambansang

wika.

Ang mga halimbawa'y ang pananakop ng mga Kastila at Amerikano. Kung ilang daang

taong sinakop ng mga Kastila ang ating bansa. Pinilit ng mga Kastilang pairalin ang kanilang
wika sa mga mamamayang Pilipino na may ibang kultura. Kasabay ng pagpapairal ng

kanilang wika ay nakapasok din ang ilan nilang kultura ngunit hindi sapat iyon upang ang

mga Pilipino'y makapagpahayag nang mabisa maliban sa iilang nagsipag-aral sa Europa.

Pinairal naman ng mga Amerikano ang Ingles nang masakop nila ang Pilipinas.

Nananatili pa rin sa ating bansa ang wikang Ingles sapagkat ito'y nagagamit ng mga Pilipino

bilang tulay sa panlabas na pakikipag-ugnayan at sa pagtatamo ng mataas na karunungan.

Kaiba ang kultura ng mga Amerikano sa mga Pilipino. Sa sariling kultura natin nakatanim

nang malalim ang ugat at kusang sisibol ang isang likas na wikang tanging sa atin lamang.

Ang wikang Ingles ay hindi magiging mabisang instrumento sa pakikipag-ugnayang lokal

ng mga Pilipino. Mabisa ito sa pandaigdig nating pakikipagtalastasan sa iba't ibang larangan.

Pinakamabisa ang Ingles sa mga Amerikano dahil sa kaugnay ito ng kanilang kultura,

para sa mga Hapon ay Niponggo, Mandarin para sa mga Intsik at Filipino para sa mga

Pilipino. May naaangkop na partikular na wika sa bawat kultura. Walang isang wikang

superyor sa iba pang wika. Mabisa ang Ingles kung ang gagamit ay mga Amerikano na ang

kinakausap ay mga kapwa Amerikano, mabisa ang Niponggo kung ang mga nag-uusap ay

mga Hapones at mabisa ang Filipino kung ang gagamit ay isang Pilipino na kumakausap sa

isa ring Pilipino sapagkat nakatanim nang malalim, nagsusupling, at patuloy na yumayabong

ang wikang ito sa kulturang Pilipino.


MGA TULONG SA PAG-AARAL

A. TALASALITAAN

 masalimuot

 adhikain

 mirakulo

 sisibol

 salik

 mayoryang pangkat

 minoryang pangkat

 mapasusubalian

B. PAG-UNAWA SA BINASA

1. Ano ang wika?

2. Bakit masasabing mahigit pa sa isang mirakulo ang pagkakalinang ng wika?

3. Ipaliwanag ang ibig sabihin ng "Pinauunlad ng tao ang wika at wika naman ang
nagpapaunlad sa tao".

4. Bakit mahalaga ang wika?

5. Ipaliwanag ang mga sumusunod:

a. linggwistika d. kultura

b. linggwista e. dinamiko

c. polyglot

6. Talakayin ang kaugnayan ng wika at kultura.


7. Isalaysay ang pinagmulan ng wika ayon sa mga sumusunod:

a. Antropologo

b. Banal na Aklat

c. Palaaral at mananaliksik

PAGSUBOK 1

I. Piliin sa kahon sa ibaba ang kasingkahulugan ng mga sumusunod na salita at isulat sa

patlang:

____________1. mirakulo ____________6. mapasusubalian

____________2. salik ____________7. sisibol

____________3. minoryang pangkat ____________8. adhikain

____________4. agham ____________9. mayoryang pangkat

____________5. masalimuot ____________10. pinakapayak

marami sangkap

mapasisinungalingan magulo

tutubo kakaunti

milagro layunin

pinakasimple siyensiya

II. Ipaliwanag ang mga sumusunod:


1. wika

2. linggwistika

3. polyglot

4. linggwista

5. Teoriyang Dingdong

6. Teoriyang Yum-yum

7. Teoriyang Pooh-pooh

8. Teoriyang Bow-wow

9. mayoryang pangkat ng mga tao

10. minoryang pangkat ng mga tao

III. Sagutin ang mga sumusunod:

1. Ipaliwanag ang ibig sabihin ng "Dinamiko ang wika".

2. Talakayin ang kahalagahan ng wika.

You might also like