Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

PANGALAN: Murallon, Paulo Miguel J.

TAON AT PANGKAT: 9 - Garcia

PANUTO: Gumawa ng isang SANAYSAY patungkol sa relasyon ng SAMBAHAYAN.

MGA KATANUNGAN: 1. Ano ang pinagkaiba ng SAMBAHAYAN at BAHAY-KALAKAL?


2. Paano nagkakaugnay ang dalawang sektor na ito sa paikot na daloy ng
ekonomiya?
3. Bakit mahalaga ang mga sektor na ito sa paikot na daloy ng ekonomiya?

Pagyabong at Pag-unlad
Ni Paulo Miguel J. Murallon

Bagama’t mahirap mawatasan nang isang tinginan o basahán lamang, nananatiling makapangyarihan
ang ekonomiya sa pagpapatakbo, paglago, at pag-unlad ng isang bansa, gayundin ang mga latág nang
konsepto’t ideyang pinagmumulan nito: magmumula ang kaisipan ng ekonomiya at ang kalakap na
pamamahala rito noong panahon ng mga sinaunang Griyego; hindi kailanman nangahas akalain ng
sinumang sinaunang Griyegong magkakaroon ng malaking ambag ang kanilang pag-iisip. Nang mga
masaganang panahong iyo’y walang tunay na nakaaalam sa kahihinatnan ng kanilang mga pamamaraang
pagano, gayundin ang talas ng kanilang mga ideya, purol ng ilang retorika, at ang kamandag ng mga
ideolohiyang politikal at pampamahalaan. Gayunpaman, marapat lamang nating ipagpasalamat na, bagama’t
maraming pagtatalo ang naganap sa kanilang mga agora, ay hindi napatid ang mga konseptong ekonomiko,
at nagpatuloy sa pagyabong mahigit dalawang milenyo na ang nakararaan magmula noong sandaling
kinatha ito sa pinakapupurong mga utak ng lipunang Griyego. Hindi nilalayon ng munting sulating ito ang
maglahad ng kasaysayan ng ekonomiya, datapuwa’t mahigpit na napatutunayang ang mga kaganapan sa
kasalukuyan ay umusbong sa impluwensiya ng nakaraan. Kung kaya’t kinakailangang pakapansinin ang mga
usapin sa kasalukuyan, sapagkat ang atin nang lahat na oras sa daigdig, habang nabubuhay, ay nalalaan
dito.

Ang makabagong daigdig, katulad ng ami’t ng sa aming mambabasa, ay binubuo ng mga


makabagong bansang siya ring binubuo ng mga makabagong lipunang kinaiiralan ng mga makabagong
pananaw at pilosopiya. Gayon lamang ang hirap unawain ng “ekonomiya,” sapagkat nahihipo nito, sinasadya
man o hindi, ang bawat bahagi ng ating mga buhay – buhay bilang mga mamamayan, anak, at mag-aarál; at,
bunga ng aming paniwalang lumulubha ang dami ng masasamang aklat, susubukan naming ilahad ang
konsepto at daloy ng ekonomiya sa pinakamagaang na paraan.

Sa pinakamura’t madaling kalagayan, ang ekonomiya ay nagaganap sa pagitan ng isang mamimili at


isang negosyante. Ang mamimili, sa pamamagitan ng salaping barya o papel, ay makabibili ng anumang
produktong kaniyang kailangan o nais, at kikita rito ang negosyante. Maaaring magulumihanan ang ilan sa
kababawan ng paglalarawan, at kung kaya, samakatuwid, ay mayroong isang matalinong lumikha ng mga
modelong tumatalakay sa pag-ikot ng ekonomiya. Kadalasang bilog ang hugis ng ugnayang ito sa dahilang
kailangan ng mamimili at negosyante ang isa’t isa upang matupad ang mga batas sa supply at demand.
Ngayon, mahirap suunging katawanin ng isang institusyon ang mga mamamayan nang paisa-isa, kung kaya’t
gagamit tayo ng kinatawang higit na mainam: ang dalawang pangunahing kumikilos sa pagtupad ng
ekonomiya ay ang sambahayan at ang bahay-kalakal; kinakatawan ng sambahayan ang mga mamimili, na
siya ring masisipat sa salitang-ugat nitong “bahay,” kung saan ipinahihiwatig na ang bawat kasapi ng pamilya
ay mayroong mga pangangailangan at kagustuhan, na samakatuwid ay isang aspetong kung saan sila’y
gumaganap bilang mamimili; samantala, kinakatawan ng bahay-kalakal ang mga negosyante o mga
producer, na siya namang nagsasapamilihan ng iba’t ibang mga commodity o produktong kailangan o nais
bilhin ng mga mamimili.
Ikinagugulantang ng nakararami, marahil dulot ng malaking hintakot ukol sa mga numero, bahagdan,
at mga pamamaraang matematikal, ang mga usaping ekonomiko, lalong lalo’t ang kanilang unang
napagbubulay-bulayan ay ang malagim na retrato ng mga regresyon, mga graph na tumataas at bababa
kinalaunan, mga exponential trend, at ang mismong konsepto ng matematika. Hindi namin mawari kung ano
ang pangunahing reaksiyong sumibol sa mukha ng madla nang nagkapatalastas na mayroong gumuhit ng
mga modelo hinggil sa ekonomiya – nang nagkaroon ng iba’t ibang hugis upang ito’y ilarawan at nang
namataan ang pag-usbong ng kulay upang uriin ang mga ideya. Kung kaya’t mayroong dalawang modelong
tumatalakay hinggil sa paikot na pagdaloy ng ekonomiya: itinatampok ng unang modelo ay kapuwa
sambahayan at bahay-kalakal; ayon dito, ang sambahayan at bahay-kalakal ay iisa, kung saan ang lumilikha
ng produkto ang siya ring kumokonsumo - na, samakatuwid, ay inilalarawan bilang modelo ng isang simpleng
ekonomiya. Samantala, sa kabilang dako, ipinakikita sa ikalawang modelo ang kairalan ng dalawang dagdag
na pamilihan: isang factor market kung saan nagmumula ang iba’t ibang mga hilaw na materyales, at isang
commodity market kung saan nagmumula ang iba’t ibang mga produktong yari sa gayon ding mga hilaw na
kagamitan.

Ipinakikita ng mga modelo, at maaaring ipinahihiwat na, katulad ng pagkamanghang sumalubong sa


panahong natutong sumulat at bumasa ang tao, kinakailangan ng isang malusog na pambansang ekonomiya
ang sambahayan at bahay-kalakal: nagkakaugnay ang dalawang sektor na ito sa paraang kailangang
panatilihin ang walang patid na pag-ikot ng salapi at iba’t ibang mga produktong gumaganap bilang
pangunahing pangangailangan ng mga mamimili. Sa ganitong kaparaanan, mapananatili ang katatagan ng
ekonomiya bagama’t imperpekto ito at hindi maiiwasan ang maraming pagkapalya; karaniwan lamang, sa
daigdig na binabalungan ng mga usapang ekonomiko, ang pagtaas at pagbaba ng mga nabanggit naming
mga graph at mga numero, gayundin ang hugis ng mga kurbang inilalarawan nito, ngunit bubukal ang mga
suliranin kung sasapit na maging kataka-taka ang pagbaba nitong malubha; maihahambing ang kaganapang
ito sa pandemyang kasalukuyang hindi sumasablay pagparusahan ang daigdig, lalong lalo ang bansang
Filipinas kabilang ang lahat ng makapangyarihan at lunong sektor na bumubuo rito. Kung kaya, lalong lalo
ngayong panahon ng malalang pangkalusugang krisis, malaking gampanin ang napapasan sa balikat ng mga
opisyal na nangangasiwa sa pambansang ekonomiya at hindi mga tali-talinuhan at dunung-dunungan.

Nalalantad sa aming paniwalang, bunga ng likas na ekonomiyang pinakikinabangan ng buo nating


bansa, tulad ng mga hiwaga’t mahikang hindi mabigyang-liwanag ng agham, bilang isang karaniwang
mamamayang Pilipinong isa ring mag-aarál na nakararanas ng malawakang mga epekto ng pandemya, para
sa aki’y hindi malalaman kung kailan tunay na makababangon ang ating pambansang ekonomiya; hindi
nakagugulat na katunayang pinag-aaralan ng iilan, at maaaring tinataya, kung kailan makaaahon ang lahat
mula sa dagok ng krisis sa pamamagitan ng mga taon, ngunit hindi inuukula’t binibigyang-kilos ang
kasalukuyan. Lunód sa mga suliraning sumisibol sa bawat panig ng balintataw, lubos naming
pinaniniwalaang hindi mailalarawan sa simpleng modelo lamang ang kalagayan ng ating ekonomiya;
hinihintay ng nakararami, at hinahangad ang katuparan, ng pagkaganap ng isang ekonomikong pagyabong
at pag-unlad; at, nawa’y sa inaasam na pagyabong at pag-unlad, mababago, hindi lamang mga kataga’t
kasabihan, kundi ang mismong obrang kinapapalooban ng ating republika; taglay ang pag-asang lubos at
lahat-lahat nang pagkapit, nawa’y hindi mamamatay ang mahirap bilang mahirap, at hindi mamamatay ang
mga nahihirapan nang bitbit ang mga problema sa susunod na daigdig.

You might also like