Asignatura: Sanaysay at Talumpati Gawain Blg.: 3 Petsa: Abril 10, 2021 Guro: Alfe S. Lito
Ang Aking Dyornal
Ang taong ito, taong 2021 ay itinuturing kong isang bagong pag-asa. Sa kabila ng mga problemang isinalubong sa akin ng taong ito, andito pa rin ako, patuloy na sumasabak sa hamon ng buhay ngunit bakit nga ba sinasabi kong baging pag-asa gayong puno naman ng paghihirap ang dala nito sa akin? Sa kabila ng pagtaas ng mga bilihin at pagkakaroon ng maliit na kita ng aking ama mula sa pamamasada, paanong nasasabi ko paring ang taong ito ay isang bagong pag-asa? Ito'y sapagkat ako at ng aking mga mahal sa buhay ay pinagpala at nabubuhay sa mundo. Kailanman hindi nakaligtaan ng Panginoong ako'y tulungan sa kabila ng malaki kong pagkukulang sa Kanya. Nariyan siya palagi sa amin upang kami ay damayan at bigyan ng lakas sa bawat hamong ibinibigay niya sa amin. Sa kabila ng dinanas namin dulot ng pandemya, kailanman man hindi ako nawalan ng pag-asa at ni makadama ng pagkatakot. Mula sa aming pangangailangan sa araw-araw, sa aming kaligtasan at maging sa aking pag-aaral, nariyan siya at laging dinidinig ang aking mga panalangin. Sa bawat pagsubok na kinakaharap ko laging mayroong bagong aral akong natutunan, tulad na lamang sa aking pag-aaral. Isang napakalaking hamon sa akin ang pagpapanatiling masigasig sa aking pag-aaral. Sa taong ito, nahihirapan akong gawin ang aking responsibilidad bilang isang mag-aaral at dagdag pa ang napakababa na kompyansa sa aking sarili. Ako'y second year student na ngunit dama ko pa rin ang sobrang kaba sa loob ng talakayan kaya minsan napapaisip ako at napapatanong sa aking sarili na kung kailan ko pa kaya ito malalampasan at sa paanong paraan? Hanggang sa matapos ang buong araw, isa lang ang naisip kong makakatulong sa akin at ito'y walang hanggang pananalig sa Panginoon at ang paghihikayat sa aking sarili na maging positibo sa lahat ng bagay. Na sa tuwing talakayan, hihikayatin ko ang aking sarili na ipahayag ang aking mga opinyon at ideyang nalalaman ng sa ganoon unti-unting mawawala ang kabang nagpapababa ng kumpyansa sa sarili. Ani nga, walang ibang nilalang na makakatulong na iangat ang ating sarili mula sa sitwasyong nagpapahirap sa atin kundi tayo lang, ang ating sarili lamang. Simula ngayon, gagawin ko na ang aking makakaya upang malampasan ang lahat ng mga pagsubok na aking kinakaharap at kakaharapin, at kailanman hindi ako mapapagod sapagkat nariyan ang ating Panginoon at aking mga mahal sa buhay na siyang nagbibigay lakas sa akin lagi.