Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 4

Paaralan: Surigao State College of Technology

Pangalan: Judaleen B. Bayogbog


Asignatura: Sanaysay at Talumpati
Gawain Blg.: 5
Petsa: Abril 10, 2021
Guro: Alfe S. Lito

Ang Aking Talambuhay

Ang buhay ko'y nagsimula sa isang napakasayang pamilya. Busog sa


kasimplehang natatamasa sa buhay. Ika-31 ng Disyembre, taong 1999 ako ipinanganak
ng aking ina sa bahay pagamutan ng aming probinsya at ngayo'y nakatira kasama ang
aking ama sa maunlad na lungsod ng Claver. Kwento pa nga ng mga magulang ko sa
akin na hindi maipaliwanag na paghihirap at sakit ang naramdaman ng ina kong
nagluwal sa aking ng araw na iyon. Ang aking pangalan naman ay kombinasyon ng
tatlong mahahalagang taong nagmahal sa akin ng lubos. Ang unang pantig na "Ju" ng
aking pangalan ay nagmula sa pangalan ng aking ama na Zosimo Jr., habang ang
pantig namang "Da" ay kinuha sa pangalan ng babaeng kapatid ng aking ina na si Tiya
Aida at ang panghuling pantig na "Leen" ay mula sa pangalan ng aking ina na Aileen,
na kung pagtatagpiin ay nagiging "Judaleen", Judaleen B. Bayogbog.
Sa hanapbuhay mayroon ang aking ama at iyon ay ang pamamasada, nagawa
niya tustusan ang lahat ng aming pangangailangan sa araw. Mula pagkain, pananamit
at ilan pang mga personal na pangangailangan ay kanyang natugunan. Pagkaraan ng
apat na taon ay nagkaroon ako ng kapatid na lalake at masasabi kong siya ang mas
nagpabuo ng aking buhay kabataan. Sa bata kong edad, nagawa kong tumayo bilang
isang mabuting nakakatandang kapatid sa kanya at iyon din sa tulong ng paggabay sa
akin ng aking mga magulang. Umaapaw na kaligayan ang nadarama ko sa mga
panahong iyon sapagkat dama ko rin na nasisiyahan ang aking kapatid sa aking mga
ginawa.
Ilang buwan lang ang lumipas matapos maisilang ang aking kapatid na lalaki,
kami ay nilisan ng aking ina at nagtungo ng Maynila upang magtrabaho roon. Sa
murang edad, nadama ko ang nanunuot sa kalamnang kalungkutan at pangungululila
sa aking ina. Alam kong lahat ng tao, alam na ibang-iba kung mag-alaga ang isang ilaw
ng tahanan at aminin man natin o hindi, hindi iyon kayang tumbasan ng haligi ng
tahanan. Sa tulong ng aking Lola Asyon, ina ng aking ama ay pansamantalang
nakakalimutan namin ng aking kapatid ang aming nadaramang pangungulila. Sa
panahon ding ito, natuto akong bumilang at bumasa ng alpabetong Filipino at iyon ay sa
tulong ng matandang kapatid ni Tatay na si Mama Epay.
Pagkaraan ng ilang buwan ay sumunod kami ng aking ama at ng aking kapatid
doon sa Maynila sapagkat ani Nanay, nakahanap siya ng trabaho para kay Tatay at
mataas naman daw ang sahod. Mabigat ang loob kong iwan sina Lola Asyon at Mama
Epay ngunit nananaig naman ang pananabik kong makita at makasamang uli ang aking
ina at ang paglisan kong iyon kasama ang aking pamilya ang siyang unang desisyong
pinagsisihan ko ng lubos sapagkat ang paglisan namin ang siyang nagdulot ng sobrang
kalungkutan ni Lola Asyon at siyang naging isa sa mga dahilan nito kung bakit siya
pumanaw sa ating mundo at iwanan kami. Siguro magaling lang akong magtago ng
aking tunay na nararamdaman sapagkat walang luhang umagos mula sa aking mga
mata sa panahong iyon pero alam ko sa sarili ko kung gaanong pagsisisi at kalungkutan
ang nadarama ko sa mga araw na iyon. Dito ko unang nadama kung paano kasakit ang
mawalan ng mahal sa buhay na kahit ilang bagong damit pa o laruan pa ang bilhin at
ibigay sa akin ay hindi ako nitong magagawang mapasaya sapagkat buhay ng taong
pumalit at tumayong ina ang nawala sa akin.
Panahon ay lumipas at ako'y pinag-aral ng aking mga magulang sa Kinder at
masasabi kong hindi ko iyon nagustuhan at kaunti lang ang aking natutunan. Tanging
nagpapasigla lang sa akin upang pumasok ay ginagawan ako ng masarap na baong
sandwich ni Mama Epay na kasama pang orange juice. Ayaw na ayaw ko sa mga
kaklase ko kasi dahil sa pagiging tahimik ko'y lagi nila akong ginagawang katatawanan
at inaaway ng wala namang tamang dahilan. Sa araw ng pagtatapos ko, abot hanggang
langit ang aking pagkatuwa sapagkat hindi ko na makikita ang mga kaklase kung may
pagkasalbahe. Kasabay ng aking pasasalamat ang dalanging sa pagpasok ko ng
bagong yugto ng pagtamo ng karunungan ay magkaroon na sana ako ng maraming
kaklaseng mababait at hindi mapagsamantala.
Dumating ang panahong aking inaasam at iyon ay ang pumasok sa bagong
paaralan. Ako'y ipinasok nila Tatay sa Elementarya ng Daywan na ilang metro lang ang
layo mula sa aming tinitirhan. Naging maganda ang aking unang araw sa eskwela
bilang mag-aaral sa unang baitang at dininig ng Panginoon ang aking dalangin na
magkaroon ng mababait na mga kaklase ngunit bagong hamon naman ang ibinigay
Niya sa akin sapagkat masungit ang bagong guro ko. Naaalala ko pa nga na pinalo ako
nito sa kamay ng minsang hindi ako nakapagputol ng aking kuko at hindi ako pinauuwi
hanggat hindi ko nababasa ng maayos ang Abakada. Inaamin kong hindi talaga ako
ganoon kagaling sapagkat hindi ko nga pinag-igian din ang aking pag-aaral noong nasa
Kinder pa lamang ako. Panay pa nga ang ngiwi ko sa tuwing ikinukumpara pa kaming
mahihina sa matatalino naming kaklase ng aming guro sa loob ng klase na akin
namang isinawalang bahala sapagkat ang isip ko sa mga araw na iyon ay puro mga
nakakaligalig na telenobela lang ang laman tulad ng Saido, Mulawin at Kamandag.
Sa loob ng tatlong na taon masasabi kong sobrang ganda ng takbo ng aking
buhay. Ang pagkakaroon ko ng markang 79 ay nagpamulat sa akin na mag-aral na ng
tutohanan at naging isa na sa mga mahuhusay na mag-aaral ng aming paaralan.
Gaano man kasaya ang ating buhay ay mayroong darating na unos na susubok sa
ating katatagan at naranasan ko iyon, isang pangyayaring hindi ko inakalang
mararanasan ko at ng aking kapatid. Kami ay iniwan ni Nanay na bitbit ang kanyang
puso at nakakasiguro ako ang taong nasaktan ng labis sa mga panahong iyon ay ang
aking ama. Walang Judaleen at Jovanie ang umiiyak sapagkat hindi ipinadama sa amin
ni Tatay na kami ay wala ng inang mag-aaruga pa sa amin.
Sa pagkakaroon ng wasak na pamilya, walang mintis na itinatanong sa akin na
nakadama ba ako ng matinding galit sa aking ina at natapos ang anim na taon kong
pag-aaral sa elementarya na yaon ang sumasalubong sa aking katanungan mula sa
mga taong nakakakilala sa akin na siyang ikinagising ko at napagtanto na talagang likas
na makulit at minsan nawawalan ng sentido komon ang mga tao. Natural na magbunton
ng galit sa aking ina sapagkat paano niya nagawa kay Tatay ang ganoong bagay
gayong hindi naman siya naghihirap saka hindi naman kami sakit sa ulo ng aking
kapatid para sukuan niya kami at lisanin. Gustong-gusto ko siyang sumbatan at
ipaalam sa kanya kung paano ako naiiinggit sa mga kaklase kong kasama ang kanilang
ama at ina tuwing pagtatapos ng markahan, na paano kalungkot ang maglakad patungo
ng entablado't kunin ang aking diploma na hindi buo ang pamilya at paano ko natiis at
hindi pinansin ang mga nakakaawang tingin ng mga tao sapagkat ako'y iniwanan ng
ina. Gustong-gusto kong isumbat sa kaniya ang lahat ng iyon at madama rin niya ang
nadarama kong pait at sakit mula nang iwan niya kami. Itanong sa kanya kung ano
bang pagkukulang namin at nakakaya niyang iwan kami sa ere.
Ang aking galit ay nawala mula nang tumungtong ako ng sekondarya na kung
saan mayroong isang guro na nagpagising sa akin at binago ang aking paniniwala. Ani
niya hindi nararapat na isumpa at magalit abot langit sa ating mga ina sapagkat bukod
sa dugo nilang nanalaytay sa ating kalamnan, sila ang nagsilang sa atin at naging
mahalagang instrumento upang matuklas at makita kung gaano kaganda ang mundo.
Simula noon, kinalimutan ko na ang galit na aking nadarama sa aking ina at pinag-igian
na lamang ang aking pag-aaral para naman masuklian ko ang napakaraming
sakripisyong nagawa ng aking ama sa aming magkakapatid. Habang ako'y nagtapos ng
apat na taon sa Junior High, ang aking kapatid naman ay nagtapos din sa elementarya
at sa panahong iyon, nagkaroon na kami ng komunikasyon ng aking ina at masayang-
masaya sa naabot naming magkapatid. Ganunpaman, naroon pa rin ang lungkot
sapagkat lumakad akong papuntang entablado na tanging ang ama ko lang ang
kasama.
Dahil sa naabutan ako ng K-12, nagpatuloy ako sa pag-aaral sa Mataas na
Paaralang Pambansa ng Claver bilang mag-aaral ng senior high at ang kinuha ko
namang strand ay Humanities and Social Sciences. Masasabi kong hindi ko
pinagsisihan ang napili kong strand sapagkat bukod ito ay naayon sa kursong gusto
kong pag-aralan pagkarating ng tersarya ay napagtanto kong ang rami ko pa palang
pagkukulang at kakayahang dapat linangin para sa ikakaunlad ng aking sarili. Kaya ang
dalawang taong nalalabi ko sa sekundarya ay nakatutok ang aking puso't isipan sa pag-
aaral at tuwing walang pasok ay nagtratrabaho ako bilang tindera ng malapit naming
kamag-anak na siyang may-ari ng isa sa mga sikat na panaderya sa aming lungsod.
Nakakapagod ngunit balewala lang sa akin sapagkat nangingibabaw ang hangarin kong
makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng propesyonal na trabaho sa hinaharap.
Para sa akin, malaya ang taong mangarap na kasing tayog ng ibong agilang lumilipad
sa himpapawid at nasa sarili natin kong paano natin ito isasagawa at makamit.
Nakapagtapos ako ng senior high at nakatanggap ng parangal. Hindi
mapaliwanag na kasiyahan ang nadarama ko sa araw ng aking pagtatapos. Hindi lang
diploma ang aking natanggap kundi nakatanggap pa ako ng medalya bilang isa sa mga
mahusay na mag-aaral ng aming paaralan. Sa suot kong toga, buong pagmamalaking
lumakad ako papuntang entablado kasama ang aking amang maliwanag ang mukha ng
dahil sa kasiyahan. Hanggang sa matapos ang araw na iyon hindi nawaksi ang abot sa
mata kong ngiti sapagkat isa ito sa malaking tagumpay na aking natamasa.
Ngayon at nasa tersyarya na ako, hindi mabilang na hamon na ang aking
kinaharap upang maipagpatuloy ang aking pag-aaral at tuparin ang aking pangarap.
Minsan natatagpuan ko ang aking sariling umiiyak dahil sa hirap at minsan naman ay
nagtatalon sa galak dahil nalampasan ko ang lahat ng hamon bilang isang mag-aaral sa
tersyarya. Kasabay ng pagtitiyaga at determinasyon sa pag-aaral ay kailanman hindi ko
rin nakaligtaan ang magdasal sa Panginoon. Buong puso kong dinarasal na sana
gabayan niya ako at tulungang makamit ang mga hangarin ko para sa aking sarili at sa
aking mga magulang. Ako si Judaleen Bagnol Bayogbog, second year student at
kasalukuyang nag-aaral sa Surigao State College of Technology Claver Extension na
kumukuha sa kursong BSED-Major in Filipino, ito ang aking talambuhay.

You might also like