ni Griot Djeli Mamadou Kouyaté. SALIN SA FILIPINO NI eddie lauyan de fiesta esteban KALIGIRANG PANGKASAYSAYAN Ang Sundiata Keita o Epiko ni Sundiata (tinatawag ding Sundiata Epic o Epiko ni Sunjata) ay isang epikong patula ng mga mamamayang Malinke. Ito’y tungkol kay Sundiata Keita na namatay noong 1255, ang unang Hari ng Emperyo ng Mali. Ang epiko na isang saling dila’y sinimulang isalaysay ng mga griot poets o jeliw (djeli), noong ikalabing-apat na siglo (14th century), henerasyon sa henerasyon. Isang kadahilanan upang masabing wala itong orihinal na bersyon. Ang mga materyal na may kinalaman sa epiko’y sinimulang ipunin sa French Sudan, sa kasagsagan ng ikadalawumpung siglo (20th century). Ito’y pinangunahan ng isang kilalang paaralan ng France, ang École William Ponty. Sa kanila nagsimula ang makabagong bersyon ng epiko, sa anyong nobela. Nobelang isinalin ni Djibril Tamsir Niane sa wikang Pranses, noong 1960 at sa English, noong 1965. Konteksto ng kasaysayan at Kahalagahan Dahil nga ang pinagmula’y saling dila lamang, hindi malayong may mga pangyayari sa epikong hindi naitala… maaring may pagkakaiba nang konti ang pagkakalahad ng mga pangyayari sa ibang mga bersyon. Datapuwa’t gayon, sinikap ng mga scholars, ang lahat ay maitugma, sinikap na mapagsama-sama ang lahat ng elemento, mga elementong maaaring salamin ng kasaysayan ng nasabing epiko. Ang epiko ng Sundiata’y ang salamin ng mga sinaunang tradisyon ng Kanlurang Africa… nang ang iba’t ibang kultura sa lugar ay nagsisimula pa lamang magkatipon-tipon.Noong 1890, sa Wikang Arabic, ilang banghay ng mga pangyayari ang naisulat. Sa panahon ding ito, ilang bersyon ng nasabing epiko ang natipon ng gobyerno ng France. Sa pangunguna ng École William Ponty, noong 1898, ito’y isinalin sa Wikang Pranses at sa Wikang German. 1937, ang nasabing kumpanya’y nagsagawa ng isang drama presentation, ang nagpanimula ng unang interaksyong makabago, sa paraang pasalita, na naging malawakan noong 1940’s at 1950’s. 1960, ang panobelang pamaraan ay nilikha ni Niane. 1967, isang griot ang gumawa ng unang line-by line transkripsyon ng epiko. Bilang isang pasalitang epikong historikal, ang Sundiata’y naglalahad ng mga impormasyon tungkol sa Emperyo ng Mali, sa kultura ng etnikong grupo ng Mande. Ang istruktura ng isang Pamilyang Mande ay may dalawang elemento, ito ang constructive (badenya) at destructive (fadenya). Ang Fadenya o “father-less-ness” ay ang girian ng magkakapatid sa ama. Sa epiko ito’y ipinakita, “ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Sundiata, anak ni Sogolon (pangalawang asawa ni Maghan Kon Fatta) at ni Dankaran Touman, anak ni Sassouma (unang asawa ni Maghan Kon Fatta).” Ang mapanirang elementong ito ang naging dahilan kung bakit sina Sundiata’y ipinatapon. Samantalang ang Badenya o “mother-child-ness” ay ang pagmamahalan sa pagitan ng anak na may parehong ina. Ito’y ipinakita ni Kolokan, babaeng kapatid ni Sundiata… kanyang binantayan ang mga pagtatangka ni Sassouma na kulamin ang kapatid. Ito rin ay ipinakita sa suportang ibinigay ng mga kapatid ni Sundiata, nang kanyang bawiin ang Mali. Ang suporta ng Ina, sa kabila ng kanyang pisikal na kaanyuan (namanang kapangitan ni Sundiata sa Inang si Sogolon) ay nagsilbing motibasyon para kay Sundiata upang maging matatag, magpursiging makalakad. Lumalabas na ang dalawang elemento ay kinailangan ni Sundiata upang magkaroon ng kaganapan ang kanyang kapalaran… isang indikasyon na ang mga nabanggit na elemento ay bahagi ng kultura ng Mande. Hanggang ngayon, ang epiko ni Sundiata’y buhay dahil: Ito’y masasalamin sa mga umiiral na kultura’t tradisyon ng Mande; dahil sa patuloy na pagsasalaysay ng mga griot tungkol dito; Dahil ito’y isa nang bahagi ng mitolohiya ng Republika ng Mali, ng Gambia, ng Senegal at Guinea at dahil ito’y bahagi ng pag-aaral ng mga nasa grado primarya ng Kanlurang Africa.