Professional Documents
Culture Documents
Coronel (2009)
Coronel (2009)
ANTAS SA KASANAYAN SA PAGSULAT NG MGA MAG‐AARAL NG FILIPINO 1 SA TERSYARYA NG
ST. MICHAEL’S COLLEGE: BATAYAN SA PROGRAMANG PANG‐INTERBENSYON
Levi Maquinta Coronel
1.0 Panimula
Para sa isang manunulat, kinakailangang siya ay mahusay sa pag‐oorganisa sa mga detalye ng nais na
susulatin dahil sa kanyang mga isinusulat masasalamin ang kanyang kakayahan, kasanayan at kahusayan
sa pagpapahayag ng damdamin. Ito ang nagbibigay ng malaking pangangailangang ang mag‐aaral ay
matutong sumulat sa paraang malinaw, makabuluhan, kawili‐wili, realistiko at nababatay sa
katotohanan.
Ito ngayon ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito, ang patuloy na matugunan ang nagbabagong
pangangailangan ng mga mag‐aaral sa bagong henerasyon. Dahil hanggang ngayon at magpakailanman
ay laging pinaniniwalaan na ang makabuluhang pakikipagtalastasan ay daan ng pagkakaunawaan at
pagkakaisa. Sa pamamagitan ng pagsulat nananatiling buhay ang kasaysayang pinag‐ugatan ng bansa.
Paano ba malilimot ang mga nagawa ni Dr. Jose Rizal, na sa kanyang kakayahan sa pagsulat nagkaroon
ng daan ang kalayaan na naging daan sa pagsulong at pag‐unlad.
Sa pagbabatid sa tunay na kahalagahan ng pagsusulat sa buhay ng bawat tao, at sa pagnanais na
malinang at mabigyang daan ang pagpapaunlad nang husto sa kasanayang kailangan, na pangunahing
motibasyon ng mananaliksik ay binuo itong pag‐aaral. Sinuri ang antas ng kasanayan ng mga mag‐aaral
sa pagsulat ng komposisyon ngayong sila ay nasa tersyarya na upang sa munting paraan ay makatulong
na malinang ang kakayahan ng bawat mag‐aaral na makapagpahayag sa malikhaing paraan at
makapagkomunikasyon sa lahat ng larangan.
Batayang Teoretikal. Batayan sa pag‐aaral na ito ang teorya ni Francisco (1996), na naglalahad sa
herarkiya ng sining ng wika, ang pagsulat ng komposisyon o sulatin ay maituturing na pinakamataas at
pinakatampok na kasanayang nararapat linangin sa mga mag‐aaral. Sa teoryang ito ipinamalas ang
kahalagahan ng paglinang nang husto sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag‐aaral. Kaya batay sa teorya,
susuriin sa pag‐aaral ang lubos na kaalaman ng mga respondente sa kayarian ng wika, sa mga sangkap sa
pagsulat, sa paggamit ng mga angkop na salita at pangungusap. Lubos ding bigyan ng pansin ang
kasanayan sa pagsasama‐sama ng mga kaisipang bubuuin at ang pagpapahayag nang malawak na
pananaw sa paksang susulatin o tatalakayin. Inilalahad din na pinakatampok ang naturang kasanayan
dahil ito ang magpapahiwatig ng antas na kasanayan, kakayahan at kabisaan ng pagpapahayag na
natamo ng isang mag‐aaral.
Ayon kay Lachica (1998), ang kaalaman sa lenggwahe at ang mga katangian nito ay ang pangunahing
pangangailangan upang higit na mapabuti ang pagpapahayag. Ang pagsusulat ng isang komposisyon ay
nangangailangan ng masining na paraan ng paglalahad ng iniisip, niloloob, nadarama, nakikita o nagguni‐
guni.
Tinuran ni Fernandez (2000) na ang pagsulat ay isang proseso at dahilan sa ito’y proseso, kailangan itong
ituro at pag‐aralan. Ito’y upang maituro ang wastong paraan ng pagsulat ayon sa kanyang dapat na
maging sunud‐sunod na hakbang. Ang pagsusulat ay walang katapusan, paulit‐ulit na proseso sa
layuning makalikha at makagawa nang maayos na sulatin. Maituturing itong isang napakahalagang salik
o factor ng pagkatuto ng gawaing pagsulat na siyang magpapatunay sa naisagawa ng tao sa lipunan na
kanyang kinabibilangan.
Nangangahulugan ito na kung ang isang mag‐aaral ay may potensyal sa pagsulat, nararapat lamang na
pukawin ang natatagong talino upang magamit at maipalabas ang kakayahan at mabigyan ng
pagkakataong malinang nang husto ang kasanayan. Para naman sa may kasalatan sa sining na ito ay may
paraang mahihikayat na makalikha ng magagandang ideya sa pamamagitan ng wastong pagsasanay at
pamamatnubay ng masigasig na guro.
Ang teorya naman ni Bernstein (Bialystok, 1990) tungkol sa tinatawag niyang elaborated at restricted
codes ay nagsasaad na ang isang indibidwal ay maaring magkaroon ng elaborated o restricted code
depende sa kanyang kapaligiran na nilakhan o kinagisnan. Ang elaborated code ay nauukol sa
kakayahang linggwistikal ng tao na makapagpahayag nang maayos at mabuti dahil ang kanyang
kapaligiran o bakgrawn, lalo na sa kanyang paglaki, ay isang kapaligirang maayos, may maraming
pagkakataon para matuto nang lubos ng isang wikang ginagamit niya, at may oportunidad sa isang
magandang edukasyon lalo na sa maaga o pampundasyong edukasyon. Samantala, ang restricted code
ay tumutukoy sa salat o kulang na kakayahang linggwistikal na nadedebelop sa isang indibidwal dala ng
mga kakulangan o kawalan ng mga oportunidad na mapaunlad ito dahil sa kahirapang pangkabuhayan o
kaya ay kakulangan ng edukasyon.
2.0 Metodolohiya
Ang mag‐aaral na kumuha ng Filipino 1 sa tersyarya ng St. Michael’s College sa taong panuruang 2008‐
2009 ang mga respondente sa pag‐aaral na ito. Sa tinukoy na panuruan, binuo ng sampung seksyon ang
mga estudyanteng kumuha ng Filipino 1. Tatlo nito ang binuo ng mga estudyante sa CON (College of
Nursing), dalawang seksyon ang mula sa CED (College of Education), apat ang sa CBT (College of Business
and Technology), isa ang mula sa CAS (College of Arts and Sciences), isa mula sa CEIT (College of
Engineering ang Information Technology), at isa ang mula sa COC (College of Criminology). May 451 na
mga estudyante ang pangkalahatang nakatala na kumuha ng Filipino 1 sa taong panuruang 2008‐2009 sa
St. Michael’s College.
Ginamit ang Sloven’s Formula sa pagkuha ng bilang ng sampol sa mga estudyanteng nagrepresenta sa
pangkalahatang nakatala sa mga naka‐enrol sa Filipino 1 sa tersyarya ng St. Michael’s College. Isinagawa
naman ang random sampling procedure sa pamamagitan ng paggamit ng Fishbowl Technique.
Ang Sloven’s Formula ay inilalahad sa ibaba:
N
n = ‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐‐
1+ N(e)2
Kung saan ang:
n = sampol na bilang
N = bilang ng populasyon
e = palugit ng pagkakamali
Ang pagbibigay ng puntos sa komposisyon ay ibinatay sa rubric na inilahad ni Jacob et.al. (1981). Isang
panel na binuo ng apat na miyembro kasali ang mananaliksik ang nagwasto sa mga komposisyon.
Ang mga komposisyon ay iwinasto at ang karampatang puntos ay ibinigay ayon sa pinagbatayang
talahanayan ng rubric ni Jacob et.al (1981). Ang limang mahahalagang komponent ay makikita sa ibaba.
[SEE RUBRICS]
Ang deskriptib istatistik gaya ng frequency counts, percentages at mean ay ginamit para sa paglalarawan
sa antas ng kasanayan ng mga respondente. T‐test naman ang ginamit sa pagtukoy sa kaibahan ng
kasanayan ng pagsulat para sa dalawang pangkat ng mga respondente. Ginamit ang Anova sa pagtukoy
sa kaibahan ng kasanayang pagsulat sa tatlong pangkat. Ang Pearson Product‐Moment Correlation ay
ginamit para matukoy ang kaugnayan ng kasanayan sa pagsulat ng mga estudyante sa bawat di
makapag‐iisang baryabol. Upang matukoy ang epekto ng bawat makapag‐iisang baryabol sa kasanayan
sa pagsulat ng mga mag‐aaral ay ginamit ang Multiple Regression Analysis.
3.0 Paglalahad, Pagsusuri at Pagpapakahulugan
Pantay ang bilang ng mga lalaki at babaeng naging respondente sa pag‐aaral. May 106 na mga lalaki at
106 naman ang mga babae. Sumasaklaw ang edad ng mga respondente sa 15‐24 at karamihan ay nasa
edad 16‐18. Nanggaling sa pribado at pampublikong paaralan ang mga respondente. Umabot sa 59.9%
ang galing sa pribadong paaralan at 40.1% ang sa pampublikong paaralan. Lahat ng mga respondente ay
nagtala ng mga mababasang materyal na matatagpuan sa bahay. Ang 32.75% ay may mga magasin,
25.0% ang may mga pahayagan, 24.80% ang may komiks at 17.5% ang nagdagdag na mayroon ding mga
aklat na mababasa sa kanilang bahay. Tungkol sa oras na inilalaan sa panonood ng telebisyon, 42. 9% sa
mga mag‐aaral ang naglaan ng tatlong oras at mahigit sa panonood ng telebisyon. Ang 41.5% ay naglaan
ng 1 hanggang 2 oras at 15.6% ang nanood ng hindi lalampas sa isang oras. Tungkol sa ama ng mga
respondente ay may mataas na pinag‐aralan dahil umabot sa 78.8% ang mga amang nakapag‐aral sa
kolehiyo, nakagradweyt sa kolehiyo at postgradweyt. Natagpuan ding mataas ang pinag‐aralan ng mga
ina ng respondente dahil umabot sa 74.06% ang nakapag‐aral sa kolehiyo at post gradweyt.
Natagpuan sa pag‐aaral ang mahalagang kaugnayan ng kasarian sa kasanayan sa pagbuo ng
komposisyon. Natuklasan na ang mga babae ay mas partikular sa pagsasaalang‐alang sa nilalaman,
organisasyon at bokabularyo sa kanilang pagsulat ng komposisyon. Natuklasan ding mahalaga ang
pagkakaroon ng mababasang materyal sa bahay para sa pagbuo ng nilalaman, pag‐oorganisa,
pagkakaroon ng maunlad na bokabularyo at pagsunod sa mekaniks. Ang edukasyon ng ama ay
natagpuang mahalaga para sa ikahuhusay ng mag‐aaral sa pagbuo ng nilalaman at sa paggamit ng wika.
Samantalang ang edukasyon ng ina naman ang natagpuang mahalaga sa ikauunlad ng nilalaman sa
pagsulat ng komposisyon sa Filipino. Ang edad, napagtapusang paaralan sa sekondarya at oras na
inilalaan sa panonood ng telebisyon ay walang mahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng mga
mag‐aaral. Sa pagbuo ng nilalaman, pag‐oorganisa at bokabularyo para sa pagsulat ng komposisyon
gamit ang wikang Filipino, karamihan sa mga mag‐aaral ay may katamtaman hanggang mahusay na
kasanayan. Subalit karamihan naman ay may mahina patungong katamtaman lamang na kasanayan sa
paggamit ng wika at mekaniks. Sa kabuuan ay natuklasang ang mga mag‐aaral ay may napakahinang
kasanayan sa pagbuo ng nakasulat na komposisyon gamit ang wikang Filipino.
Ginamit ang multiple regression upang matukoy ang mga salik na may mahahalagang kaugnayan sa
kasanayan sa pagsulat ng Filipinong komposisyon ng mga respondente.
Inilahad sa resulta na walang mahalagang kaugnayan ang edad sa kasanayan ng respondente sa pagbuo
ng nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika at mekaniks. Naunang inilahad sa propayl na
umiikot sa 15‐24 ang edad ng mga mag‐aaral na naging respondente ng pag‐aaral. Ibig sabihin ay
magkaiba ang edad ng mga mag‐aaral na kumuha ng Filipino 1 sa teryarya ng St. Michael’s College. Sa
pagsusuri natuklasan na ang edad ng respondente ay hindi garantiya ng kahusayan sa pagbuo ng
nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika at mekaniks. Kahit ano pa man ang edad ng
respondente, ito ay walang mahalagang kaugnayan sa antas ng kanyang pagbuo ng komposisyon sa
pasulat na paraan.
Nakitang may mahalagang kaugnayan ang kasarian sa kahusayan ng mga respondente sa pagbuo ng
nilalaman, organisasyon, at bokabularyo. Wala namang mahalagang kaugnayan sa paggamit ng wika at
mekaniks. Malinaw na inilahad sa cross tabulation ang nakuhang antas ng mga lalaki at babae sa tatlong
komponent na nakitang may mahalagang kaugnayan.
Sa nakitang resulta, umabot sa 69 (65.09%) na mga babae ang nasa antas na katamtaman hanggang
napakahusay sa pagbuo ng nilalaman samantalang ang mga lalaki ay nasa 52 (49.06%) lamang. Sa antas
napakahina naman hanggang patungong katamtaman nasa 54 (50.94%) ang bilang ng mga lalaki na mas
mataas pa rin sa bilang ng mga babae na nasa 37 (34.91%) lamang. Mas nakararami ang mga babae na
may katamtaman hanggang napakahusay na antas kaysa mga lalaki. Mas kakaunti naman sa mga babae
ang may napakahina hanggang patungong katamtaman kaysa mga lalaki. Inilahad na mas mataas ang
antas ng kahusayan ng mga babae kaysa mga lalaki sa pagbuo ng nilalaman. Sa organisasyon naman, 75
(70.75%) sa mga babae ang may katamtaman hanggang napakahusay na kasanayan samantalang ang
mga lalaki ay may 53 (50.0%) ang may antas katamtaman hanggang napakahusay. Sa napakahina
hanggang patungong katamtaman, 31 (29.25%) sa mga babae ang nabibilang dito samantalang ang mga
lalaki ay 53(50.0%). Sa bokabularyo, 74(69.81%) sa mga babae ang may katamtaman hanggang
napakahusay na antas sa kasanayan habang sa mga lalaki ay 56(52.83%) lamang. Sa napakahina
hanggang patungong katamtaman 32 (30.19%) sa mga babae ang natukoy na may ganitong kasanayan
subalit nakahihigit ang mga lalaki na may 50(47.17%). Sa kabuuan nakitang may mahalagang kaugnayan
ang kasarian sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag‐aaral. Ang nakitang resulta sa pag‐aaral na ito ay
nakita rin sa pag‐aaral na ginawa ni Chen (2002). Ito ay dahil kanyang natuklasan na mas maraming
pagkakamali sa mga gawaing pasulat ang mga lalaking respondente kaysa mga babaeng respondente.
Nakita naman nina Pascual, et. al (2005) sa kanilang pag‐aaral sa karaniwang kamaliang nasa
komposisyon ng mga estudyante ang pagkakaiba sa kasanayang pasulat ng mga babae at mga lalaki.
Magkaiba ang ipinamalas na kakayahan ng mga respondenteng lalaki at babae sa pagsulat ng
komposisyon.
Inilalahad sa resulta na ang napagtapusang paaralan sa sekondarya ay walang mahalagang kaugnayan sa
kasanayan ng mga respondente sa pagbuo ng komposisyon sa pasulat na paraan. Kaya ang hipotesis ay
tanggap ayon sa ipinakitang resulta sa talahanayan 3.4. Ang natuklasan ay katulad rin sa natuklasan sa
pag‐aaral ni Ortiz, (2004), na nagsabing walang kaugnayan ang napagtapusang paaralan sa kasanayan sa
pagsulat ng mga mag‐aaral sa kanilang kahusayan sa pagbuo ng komposisyon.
Ipinapakita sa talahanayan 3.6 na mahalaga ang pagkakaroon ng mababasang materyal sa pagbuo ng
nilalaman, pag‐oorganisa, sa pagkakaroon ng maunlad na bokabularyo at sa pagsasaalang‐alang sa
mekaniks sa isang komposisyon. Hindi naman ito mahalaga sa paggamit ng wika. Inilahad ni Mendoza
(2007) na si Toze ang nagsabi na ang pagbasa ay nagbibigay ng impormasyon na nagiging daan ng
kabatiran at karunungan. Idinagdag pa ni Mendoza (2007) na inilarawan ni Smith ang dalawang uri ng
impormasyong higit na kailangan sa pagbabasa, ang biswal na impormasyon na makukuha sa mga
limbag na pahina at ang hindi biswal na impormasyong sumasaklaw sa pagkaunawa sa wika. Kakayahan
sa pagbasa ang kaalaman sa kahulugan ng salita. Habang nasasanay ang tao sa pagbasa, ang kanyang
naiintindihan o nalalaman ay nasasalig sa kanyang kakayahan. Ito ngayon ay sinuportahan sa natuklasan
nitong pag‐aaral dahil sa kabuuan natagpuang mahalaga ang pagkakaroon ng mababasang materyal sa
bahay upang mai‐aangat ang antas ng kahusayan ng mag‐aaral sa pagsulat. Higit na matugunan ang
pangangailangang mapaunlad ang kahusayan sa pagsulat kung may mga mababasang materyal sa
bahay.
Sa inilalahad sa talahanayan 3.6, mapapansin na ang oras na inilalaan sa panonood ng telebisyon ay
walang mahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng komposisyon sa Filipino ng mga
respondente. Malinaw na ipinakita na ang katagalang inilaan sa panonood ng telebisyon ay hindi
nakaapekto sa kasanayan sa pagsulat. Ang binuong hipotesis ay tanggap ayon sa inilahad na resulta sa
talahanayan. Mahihinuha batay sa resulta ang uri ng mga palabas sa telebisyon na pinanonood ng mga
respondente. Malinaw na inilahad na ang mga programang pinag‐uukulan ng panahon ay hindi
nakatutulong sa pag‐unlad ng kasanayan sa pagbuo ng komposisyon.
Ang edukasyon ng ama ay nakitang may mahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng
respondente. Makikita sa talahanayan ang inilahad na kaugnayan ng edukasyon ng ama sa pagbuo ng
nilalaman, bokabularyo at paggamit ng wika. Ang kaalaman ng ama ay nakatutulong upang mapaunlad
ng mag‐aaral ang sariling kaalaman na mahalaga upang makabuo nang maunlad na nilalaman,
bokabularyo at magamit nang wasto ang wika sa pagsulat. Ang pakikisalamuha at pakikipagdiskusyon sa
amang may pinag‐aralan ay may kahalagahan sa kahusayan ng pagsulat ng mag‐aaral. Sa pag‐aaral din
na ginawa ni Ortiz (2004), kanyang nasuri na ang mga respondenteng nagpakita ng kahusayan sa
pagsulat ay may mga magulang na propesyonal.
Ang edukasyon ng ina ay nakitang may mahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng mag‐aaral
lalung‐lalo na sa pagbuo ng nilalaman. Ang organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika at mekaniks ay
walang mahalagang kaugnayan sa edukasyon ng ina. Ito ay naglalahad na ang kaalaman ng ina ay
nakatutulong upang mapalawak ng mag‐aaral ang sariling kaalaman sa lahat ng aspeto ng buhay. Ang
mga magulang ang sinasabing unang magbibigay ng edukasyon sa mga anak at patuloy ang pagkatuto ng
anak ayon sa mga itinuturo ng mga magulang sa araw‐araw na interaksyon. Nakalalamang ang mga mag‐
aaral na may mga inang mataas ang pinag‐aralan dahil ang kaalamang maaaring maituro ng ina ay
makatutulong upang mapalawak ang kaalaman at mapahusay ang kasanayan sa pagbuo ng
komposisyon.
4.0 Konklusyon at Rekomendasyon
Dahil sa mga natuklasan, nabuo ang mga sumunod na konklusyon: ang kasanayan sa pag‐oorganisa,
bokabularyo at pagbuo ng nilalaman ay may mahalagang kaugnayan sa kasarian ng isang manunulat;
nakatutulong ang pagkakaroon ng mababasang materyal sa bahay sa pag‐angat sa kasanayan ng mga
mag‐aaral sa pagbuo ng nilalaman, pag‐oorganisa, pagpapaunlad ng bokabularyo at pagsunod sa
mekaniks; ang edukasyon ng ama ay mahalaga sa pagtamo ng kasanayan ng mga mag‐aaral sa pagbuo
ng nilalaman at sa paggamit ng wika, samantalang ang edukasyon ng ina ay mahalaga lamang para sa
pagpapaunlad ng nilalaman sa pagsulat ng komposisyon sa Filipino; hindi nakakaapekto at walang
mahalagang kaugnayan ang edad, napagtapusang paaralan sa sekondarya at oras na inilalaan sa
panonood ng telabisyon sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag‐aaral ng komposisyon sa Filipino; may
katamtaman hanggang mahusay na kasanayan sa bokabularyo, pagbuo ng nilalaman, at pag‐oorganisa
ang mga mag‐aaral subalit mahina patungong katamtaman lamang ang kanilang kasanayan sa paggamit
ng wika at mekaniks; at sa kabuuan, ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag‐aaral na kumuha ng Filipino
1 sa unang semestre ng taong panuruang 2008‐2009 ay napakahina.
Mula sa mga inilahad na natuklasan at konklusyon sa pag‐aaral, ang mga sumusunod ay inirerekomenda:
ang pagpapatupad sa programang pang‐interbensyon na maglilinang sa kahusayan sa pagsulat ng mga
mag‐aaral lalung‐lalo na sa mga mag‐aaral na nasa unang antas pa lamang sa tersyarya. Para sa
ikatatagumpay ng programa kailangang suriin ng mga guro sa Filipino 1 ang silabus at bigyang diin ang
apat na makrong kasanayan. Ito ay isa sa mga paraang mag‐aangat sa antas sa kasanayan sa pagsulat ng
komposisyon. Sa bahaging pasulat ng apat na makrong kasanayan, kailangan ang pagbibigay ng diin sa
pagpapagawa ng mga sulating pansanay na lilinang nang husto sa kahusayan sa pagbuo ng komposisyon
na may pagsasaalang‐alang sa limang komponent; ang nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit
ng wika, at mekaniks; ang pokus sa pagbibigay daan upang malinang ang kasanayan ay ang pagbibigay
ng pagkakataon upang magamit at mahasa ang isang kasanayan, kaya sa klase, kailangan ang pagbibigay
ng mga gawaing pasulat na hahamon sa kahusayan ng mga mag‐aaral. Ito rin ang target ng binuong
programang pang‐interbensyon, ang mabigyan ang mga mag‐aaral ng pagkakataon na mahasa o
mapaunlad ang kasanayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng benyu upang mabigyan ng tamang
pagkakataon ang pagsasanay nang husto; napatunayang ang mga mababasang materyal sa bahay ay
nakatutulong sa paglinang sa kahusayan ng mga mag‐aaral sa pagsulat, kaya inirekomendang, bigyan ng
oryentasyon ang mga magulang sa kahalagahan ng pagkakaroon nito sa bahay at ang epekto nito sa
perpormans ng mga mag‐aaral; ang isang mahalagang dapat ipaunawa sa mga mag‐aaral ay ang
kahalagahan ng pagkakaroon ng maunlad na kasanayan sa pagsulat, kaya ibinigay bilang suhestyon na
bigyang diin ng mga guro ang pagbibigay inspirasyon sa mga mag‐aaral upang maisapuso ang
kahalagahan nito at ang pagbibigay ng mga gawaing makagaganyak sa mga mag‐aaral na maipadama
ang niloloob, ninanais at nilalayon, at magamit ang Filipino bilang daan sa masining na
pakikipagkomunikasyon.
5.0 Programang Pang‐Interbensyon
Dahil napatunayan sa pagsasaliksik na mahina ang mga mag‐aaral sa paggamit ng wika at sa mekaniks,
ang pagwawasto sa mga komposisyon ay nakatuon sa kung paano ginamit ng mag‐aaral ang wika at
pagsunod sa mga tuntunin para sa mekaniks. Ang mga itinakdang gawain ay tutulong upang malinang
nang husto ang kahusayan ng mga mag‐aaral. Subalit hindi rin maisawalang bahala ang pagpapaunlad sa
kahusayan ng mga mag‐aaral sa pagbuo ng nilalaman, sa pagpapaunlad ng organisasyon at bokabularyo.
Natagpuang katamtaman ang kanilang kasanayan sa mga bahaging ito kaya ang mga gawaing
pinagtutuunan ng pansin ay pampaunlad upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mag‐aaral na
maiaangat pa ang antas ng kasanayan sa mga nabanggit na bahagi.
Sa kabuuan natagpuang napakahina ang kasanayan ng mga mag‐aaral. Ibig sabihin ay hindi nalinang ang
kasanayang dapat ay taglay na sana upang magawa nang mahusay ang mga gawain sa tersyarya. Ang
Filipino 1 ay nakapokus sa paglinang sa apat na makrong kasanayan; 1) ang pakikinig, 2) ang pagsasalita
3) ang pagbabasa, at 4) ang pagsulat. Dapat intindihin na kung mayroon mang dapat balikan ang guro ay
talagang hindi rin maisantabi ang paglinang sa mga kasanayang dapat taglayin ng mga mag‐aaral na nasa
unang antas na sa tersyarya. Kaya ang mga gawain sa programang pang‐interbensyon na iminumungkahi
ay magbibigay daan upang mabalikan ang paglinang sa mga kasanayang hindi masyadong napagtuunan
ng pansin ayon sa inilahad na resulta ng pag‐aaral.
Deskripsyon ng Programang Pang‐Interbensyon:
Ang programang pang‐interbensyon na gagawin ay tinatawag na peer tutoring. Ito ay isasagawa ng mga
guro na nagtuturo ng Filipino 1 at mga mag‐aaral na kumukuha ng Filipino 1. Gagawin ito sa loob ng
isang semestre. Sisimulan ang programang ito ng isang diagnostic assessment na isasagawa ng guro.
Sisimulan ang diagnostic assessment sa pagpapasulat ng mga mag‐aaral ng isang komposisyon. Gamit
ang rubric ni Jacob (1981), susuriin ng guro ang ginawang komposisyon ng mag‐aaral upang matukoy
ang kasanayan nito sa pagsulat ng komposisyon. Titiyakin ng guro ang mag‐aaral bilang peer tutee o
peer tutor ayon sa kanyang kasanayan. Ang tutee ay ang mag‐aaral na may mahinang kasanayan sa
pagsulat ng komposisyon. Ang tutor naman ay ang mag‐aaral na may mahusay na kasanayan sa pagsulat
ng komposisyon. Magbibigay ang guro ng gawain/task para sa peer tutee at peer tutor para sa ikalilinang
ng: kasanayan ng pagsulat nitong mga mag‐aaral.
Ang pagsasagawa ng peer tutoring ay gagawin sa mga oras na napagkasunduan ng peer tutor at peer
tutee at inaprubahan ng guro. Ang mga oras na ito ay ang parehong bakanteng oras ng peer tutee at
peer tutor. Gagawin ito sa loob ng paaralan. Maaaring isagawa ang peer tutoring sa Dean’s Conference
Room, Academic Advising Room o sa Silid‐Aklatan. Ito ay ayon sa aaprubahang venyu .
Mga Layunin:
Para sa mga Mag‐aaral:
Pagkatapos ng implementasyon nitong programang pang‐interbensyon, ang mga mag‐aaral na
kumukuha ng Filipino 1 ay inaasahang:
1. Makabuo ng komposisyong may maunlad na nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit ng
wika at mekaniks.
2. Maiangat ang kasanayan sa pagsulat ng komposisyon.
3. Matukoy ang kahalagahan ng pagsulat bilang daan sa mahusay at malikhaing
pakikipagtalastasan.
Para sa mga Guro:
Sa pag‐iimplementa ng programang pang‐interbensyon, ang mga guro ay inaasahang:
1. Makabigay ng diagnostic assessment sa mga mag‐aaral sa Filipino 1 upang matukoy ang
kasanayan ng bawat mag‐aaral.
2. Makapagsagawa ng mga pagsasanay na lilinang sa kasanayan ng mga mag‐aaral sa pagbuo ng
komposisyon.
3. Masuri nang mahusay ang awtput ng bawat mag‐aaral.
4. Maitaguyod ang kooperatibong pagkatuto sa pamamagitan ng masinsinang pagsasagawa sa
programang pang‐iterbensyon ng pagsulat ng komposisyon.
6.0 Bibliyograpi
Mga Aklat
Francisco, Melissa C. (2000). Sining ng pagsulat ng sulatin. Manila: Sta. Teresa Publications.
Jocson, Magdalena O., (2005) Filipino 2 pagbasa at pagsulat tungo sa pananaliksik. Manila: Lorimar
Publishing Company Inc.
Lachica, Veneranda S. (1998). Padalubhasang pagbasa at pagsulat. Manila: Mk Imprint.
Lorenzo, Carmelita S. (1981). Filipino sa bagong panahon. Manila: National Bookstore Inc.
Mag‐atas, Rosario (1998). Mabisang pagpapahayag. Makati: Grandwater Publications and Research
Corporation.
Mendoza, Zenaida M., (2007). Pagbasa at pagsulat sa iba’t ibang disiplina sa antas tersarya. Pilipinas:
Rex Bookstore Inc.
Mga Tesis
Alcubilla, Corazon C. (1973). The Socio‐Economic and Cultural Background of Grade Six Pupils in Six
Selected Elementary Schools of Iligan City in Relation to their Academic Achievements.
Almarez, Fatimah S. (2002). Writing Proficiency of Third Year CASS Students in Mindanao State
University‐Iligan Institute of Technology, Iligan City. 2001‐2002.
Estrera, Nieves D. (1991). Isang Pahambing na Pag‐aaral ng mga Karaniwang Kamalian sa Pagsulat ng una
at Ikatlong Kathang Pormal sa Pilipino at English ng mga Mag‐aaral sa Distrito ng Polo‐Tudela
Sangay ng Cebu.
Ortiz, Teodora M. (2004). Writing Proficiency of WMSU‐ESU BEED IV Students SY 2003‐2004.
Pangcoga, Hedjara P. (1992). Ang Suliranin ng mga Estudyanteng Maranaw na Mag‐aaral sa mga
Kolehiyo ng Siyudad ng Iligan sa Paggamit ng Filipino Bilang Pangalawang Wika.
Pascual, Jacky Wayne C. (2005). Karaniwang Kamaliang Nasa Komposisyon ng mga Estudyante sa Unang
Seksyon sa Ikatlong Taon, Panggabing Sesyon, sa ICNHS 2004‐2005.”
Tapangan, Linda S. (1983). Some Socio‐Cultural and Demographic Factors Associated with Common
Errors in Written English Among Freshmen College Students in Cagayan de Oro College, Cagayan
de Oro City. 1982‐1983.
Yerro, Eva T. (1987) Factors Affecting the English Proficiency of College Freshmen in the Government
Colleges of Region VI. Dissertation. Xavier University.
Journal
Reyes, Z. Q. (2004). Pagbuo ng Rubric. Educators Journal. Volume 24, No. 1.
Internet
Berkas, N. & Pattison C. Creating or Selecting Intervention Programs. Retrieved August 17, 2008. from
http://www.bsu.edu/english/basicwriting/develop.htm#2
Chen, J.F. Gender Differences in Taiwan Business Writing Errors. Retrieved August 27, 2008 from
http://iteslj.org/Articles/Chen‐GenderDifs/
Jacobs, H. L., Hartfiel, V. F., Hughey, J. B., & Wormuth, D. R. (1981) . Testing ESL Composition: A Practical
Approach. Boston, MA: Newbury House., Retrieved April 2, 2008. from
http://eli.tamu.edu/resources/ext‐crit‐lot.html
Gordon, E. E. Peer Tutoring – A Teacher’s Resource Guide. Retrieved August 5, 2008. from
http://books.google.com.ph