Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 18

Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway A. Arceo


Sa Nobelang Canal de la Reina
(Isang Sosyolohikal at Eksistensyal na Pagdulog sa Panunuring Pampanitikan)

Introduksyon
Ang mukha ng panitikan ay isang salamin ng mga nakapangyayari sa lipunan. Hindi
maihihiwalay ang bawat pangyayari sa isang akda sa realidad ng buhay. Hindi man direktang
sinasabi ng panitikan ang mga detalye, makikita at iigpaw pa rin ang kahulugang nakapaloob
dito.

Sa pagkakataong ito, nilalayon ng papel na ito na dalumatin ang kaligiran ng lipunan,


ang iba’t ibang social institution na nagkakaroon ng ugnayan para lumikha ng siste at
magbigay anyo sa lipunan. Papaigtawin din ang mga pangyayaring magpapalitaw sa kaligiran
ng isang eksistensyal na pagdulog sa pagsusuri bilang tugon sa mga suliranin at kalagayang
panlipunan.

Sa pag-aaral, lumitaw ang pattern na nakapangyayari sa ugnayan ng mga social


institution ng lipunan at kung paano nililika ng ugnayan ng elementong ito ang katauhan o
identidad ng isang indibidwal. Pansinin ang figyur na nasa ibaba:

Fig. 1: Ugnayan ng Iba’t Ibang Elemento sa Paglikha ng Lipunan at Paghubog ng Katauhan

Pamilya

Lipunan

Pamahalaan
Hukuman Katauhan/ (Awtoridad/
Batas) Identidad Kapangyarihan)

Ospital
(Bahay-pagamutan)
Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang pattern ay nakatuon sa katauhan ng isang indibidwal na nililikha ng lipunan. Ang


mga elementong tulad naman ng pamilya, pamahalaan, ospital, at hukuman ay
nakapagbibigay ng ambag upang likhain ang siste ng lipunan na siyang lilikha sa kaganapan
ng isang tao- sa kanyang pagkilos, at sa kanyang pagdedesisyon.

Ang mga bagay na ito ay hindi isang kabiguan para sa manunulat. Naging malinaw
ang pagtalakay sa mga kalagayang panlipunan mula sa kalupitan ni Nyora Tentay- sa
kanyang pananamantala sa tao, sa pagiging aso ng mga opisyal na nasa posisyon, sa
pagiging pipi at bulag ng mga mamamayan, sa pagkapit sa patalim ng mga nahihirapan,
hanggang sa pagtatakda at pagsasagawa ng tungkulin ng bawat miyembro ng pamilya na
siyang lilikha sa isang lipunang nagtataglay ng kinabukasan at pag-asa.

Pinagtuunan din ng pansin ng papel na ito ang mga tanong tulad ng: Hanggang saan
ang impluwensya ng kapangyarihan? Sino ang biktima at sino ang naghahari? Paano nalilikha
ang kalakaran ng lipunan? Anong tungkulin ng iba’t ibang institusyon sa lipunan? Sino ang
tao sa kanyang lipunan? May pag-asa pa ba sa isang lipunang dinikdik ng kademyohan at
pag-aalipusta? Mayroon pa bang bagong umagang darating para sa mga pusong nawalan ng
pag-asa at para sa mga taong nakikipaglaban sa iba’t ibang hamong idinulot ng
pagdedesisyon ng mga tao?

Ang Pamilya sa harap ng Iba’t Ibang Hamong Panlipunan: Mga Pagpapahalaga at Dalumat
sa Gampanin

Sa isang lipunan na punong-puno ng kademonyohan, tanging ang pamilya lamang


ang makapagbibigay ng liwanag, pangarap, at pag-asa. Napakalaking tungkulin ang
ginagampanan ng pamilya sa loob ng lipunan. Ang pag-unlad ng isang lugar ay nakasalalay sa
kung anong kalakaran ang nakapangyayari sa loob ng pamilya.

Isang malaking puwersa ang pamilya sa pagpapakilos ng pagbabago sa isang lipunan.


Sinumang magnanais na paigtingin at palakasin ang pundasyon ng lipunan ay
nangangailangan ng pagbibigay tuon sa kalagayan ng isang pamilya.

Tatlong mukha ng pamilya ang pinatingkad ni Liwayway Arceo sa nobelang Canal de


la Reina- ang pamilya nina Salvador at Caridad, ang pamilya ni Nyora Tentay, at ang pamilya
ni Gracia.

Sa loob ng isang pamilya, hindi matatawaran ang tungkuling ginagampanan ng bawat


isa. Ang isang mabuting pamilya ay produkto ng sama-samang pagsasagawa ng tungkulin ng
bawat miyembro nito. Ang isang tungkulin na hindi nagampanan ng isa sa mga miyembro
nito ay makapagdudulot ng malaking pagbabago kung hindi maagapan, makapagdudulot ito
ng tuluyang pagkakawasak ng lahat na naipundar.

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang pamilyang inilatag ni Liwayway Arceo sa kanyang mga tauhan ay nagpapakita ng


realidad, kasimplehan- pagiging normal nito, at pag-asa. Sa pagbibihis niya ng katauhan sa
mga miyembro ng pamilya ni Salvador, umigpaw ang pamilyang ideal. Ang pagiging uliran
nito ay hindi dahil sa pagsunod nito sa tipikal na pamilyang Pilipino na may ama, ina, at anak
na babae at lalake. Ito ay dahil sa mga gampaning isinasagawa ng mga anak na nag-ugat sa
isang mahusay at mabuting pagpapalaki at pag-aaruga.

Nakitaan din ng kabuluhan ang gawi ng pamilya ni Salvador at Caridad sa harap ng


hapag-kainan. Ang pagsisimula nila ng panalangin bago dumagsa sa yaman ay isang
pagwiwika ng pagkakaroon ng isang Diyos na nagbibigkis sa bawat isa. Hindi maitatanggi na
mayroon silang respeto sa yamang kinakaharap sa sandaling iyon:

“Oy,oy…” tawag ni Salvador. “Kakain na, e, ikaw ang mamumuno ngayon sa pagdarasal,
Jun!” Sabay-sabay silang tumindig upang manalangin bago nila pinagsaluhan ang una nilang
pagkain sa araw na iyon…(p16)

Ang pag-aalala rin ng bawat kasapi ng pamilya sa isa’t isa ay lumitaw sa pag-aaral.
Hindi iisang beses na ipinakita ni Caridad ang kanyang pag-aalala sa kanyang mga anak:

Malalim ang hinugot na buntong-hininga ni Caridad sa kanyang dibdib. Maraming laman ang
kanyang isipan. Kay Leni lamang ay labis siyang nabalisa nang marinig niya sa radio na balsa
na ang ginagamit sa pagpasok sa bakuran ng pagamutang kinaroroonan niyon. Kung hindi
nakalingit ang tawag ni Leni sa telepono upang kumustahin sila ay hindi siya matatahimik.
(p121)

Sa gabing hindi pa umuuwi si Junior, ipinakita ni Caridad ang lubos na pag-aalala para
sa kanyang anak:

Hindi na malaman ni Caridad ang sasabihin. Siya man ay nababalisa rin. Hindi na niya
kailangang tanungin ang gumugulo sa isipan ni Salvador. Hindi lamang ang lihim na
pagpupulong ng mga mag-aaral ang pinangangambahan niya. Kamakailan lamang ay binaril
ng isang hindi kilalang lalaki ang anak ng kasama ni Salvador sa tanggapan. Napagkamalan.
Ilang lingo na ay hindi pa nadarakip ang pumaslang. Buhay na buhay sa kanyang isipan ang
larawan ng mga magulang na tila mga batang umiiyak nang dalawin nila ang bangkay. (p69)

Ipinakita rin ni Junior ang pag-aalala sa kanyang ate na si Leni sa kalagitnaan ng


bagyo:

“Tignan mo nga naman, ano? Hindi ko naiisip na dadalawin ni Jun ang kapatid niya at aalamin
kung ano ang nangyayari. Tuwang-tuwa tuloy si Leni, Dear!” (p139)

Hindi lamang natapos sa pagpapahalaga sa pagkain at pag-aalala sa bawat miyembro


ang pagbibihis ni Arceo sa pamilya ni Caridad. Naroon din ang pagsasagawa ng tungkulin ng
bawat isa- tungkulin na itama ang mga mali, at tungkuling ipahayag ang sarili sa
pagkakataong tama. Hindi maitatanggi sa sikolohiya ng mga matatanda sa lipunang Pilipino

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

na kapag tumanda na ay tila baga alam na ang lahat. Lalong-lalo na sa mga magulang na
kung minsan ay ayaw magpadikta sa mga anak. Ngunit ang kultura at kaisipang ito ay
winasak ni Arceo sa kumakawalang katauhan ni Junior. Hindi lamang hanggang doon ang
nagampanan ni Junior kundi’y pati na rin ang pagpapahayag ng kanyang paniniwala at
paninindigan sa kabila ng hindi pagsang-ayon ng kanyang mga magulang:

Napaungol si Junior. “Pero ano nga ang nangyayari sa imbestigasyon, e, sinabi na ng


gobyerno na gawa iyon ng Pulahan. . . ng mga Komunista?” Hindi nalingid kay Caridad ang
malalim na paghinga ni Junior dahil sa pagpupuyos ng damdamin. “Ang hirap . . . hindi
makahalata ang matatanda, e.” (p124)

“Wala ka pa sa sapat na gulang Jun . . . baka ‘kala mo . . .” may katigasan na ang tinig ni
Salvador. Tila nagbibigay ng babala. (p124)

Hindi lamang ang pagpapahayag sa sarili ang naidulot ng mga pahayag ni Junior. Higit
pa sa salita! Ginunaw ng pahayag ang kultura at paniniwalang lumukob sa sikolohiyang
Pilipino. Ginising nito ang isang damdaming nabilanggo ng pananahimik sa mga bagay na
nangyayari sa lipunan- pananahimik ng mga taong dapat nagsusulong sa katiwasayan ng
ipunan para sa mga inaanak:

“Siguro, kung no’ng panahon n’yo, kumibo na ang mga magulang namin . . . kung
nakipaglaban na para sa ating mga karapatan bilang tao . . . hindi siguro naming
kakailanganin ang lumakad sa mga kalye. Kaming mga wala pang sapat na gulang . . . hindi
siguro kailangang sumigaw . . .at mamatay . . .” Nanginginig ang tinig ni Junior. “Siguro kung
kayo ang sumigaw ng Makibaka, huwag matakot . . . baka iba ang buhay naming kabataan
ngayon.” (p125)

Sinasabi ko lang naman ang totoo, e. No’n bang panay ang martsa naming, sinasamahan ba
kami n gaming mga magulang? Hindi ba kami lang dahil kailangan pang maglihim kami sa
inyo? Nasaan an gaming magulang na dapat ay siyang maging gabay naming . . . na siyang
dapat ay nakikipaglaban para sa amin?” At mabilis na lumabas si Junior. (p125)

Sa harap ng sagutang namagitan sa mag-ama, ipinamalas ni Arceo ang pagtanggap


ng kamalian sa katauhan ni Salvador. Ang pagtanggap na iyon ay hindi lamang
nangangahulugang pagkilala sa kamalian ngunit tumutukoy rin ito sa paghahanap ng daan
para humingi ng kapatawaran mula sa namagitang hindi pagkakaunawaan. Dito sumisibol
ang iba’t ibang gampanin ng bawat miyembro ng pamilya- gampanin na ipamulat sa isa’t isa
ang katotohanan, gampaning pakinggan ang saloobin ng mga anak, at gampaning
pagpapakumbaba kapag hinihingi na panahon. Ang mga bagay na ito ang magtutulak sa
pamilya upang maging mas matibay sa hamong idudulot na nagbabagong panahon.

Sa usaping gampanin, naging kabiguan para kay Nyora Tentay na isagawa ang
responsibilidad niya sa kanyang pamilya, at maging ang kanyang anak na si Victor sa kanyang
gampanin sa kanya. Ang pamilyang ibinihis ni Arceo sa pamilya nina Salvador at Caridad ay

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

malayong kaiba sa pamilya ni Nyora Tentay. Ang kaibhang ito ay idinulot ng layon at
pagpapahalaga ng isang pamilya. Naging sentro ng pamilya nina Salvador at Caridad ang
pagmamahalan, pagtitiwala sa Diyos, pag-unawa at pagbibigayan samantalang ang huli ay
nakatuon sa pansariling interes sa kapangyarihan at kayamanan. Ang layuning ito ni Nyora
Tentay ay unti-unting umubos sa kanya (nakita sa kanyang pagkabaliw) at kalauna’y
lumukob sa katauhan ng kanyang anak na si Victor- naging mahina at nawalan ng
paninindigan. Ito ay isang malinaw na manipestasyon ng impluwensya ng magulang sa anak-
isang gampaning hindi naisagawa dahil sa matinding pagyakap sa kapangyarihan at
kayamanan.

Hindi lamang ang pamilya ni Nyora Tentay ang nasira, nasira din ang pamilya ng
kanyang anak sa kanyang asawang si Gracia:

Ni hindi niya nginingitian si Gracia. Maging ang kanyang balae ay hindi niya binabati. Lalong
hindi kinakausap. Nang magsilang si Gracia ng anak ay hindi siya nakadama ng galak sa
pagiging lola. Sa kabaligtaran niyon, nadama niyang isa pa sa aagaw sa pagmamahal sa kanya
ni Victor ang kanyang apo. Ang kanyang manugang. (p87)

Mabilis ang agaw ni Gracias a kanyang sinabi. “Yon ang akala mo Gerry! Sa aking tingin, basta
buhay ang kanyang ina, hindi tayo mabubuhay nang matiwasay at magkakasama! Laging nasa
pagitan namin ng papa moang kanyang ina. Nakita mo naman . . . pinili niya ang kanyang ina
laban sa ‘kin . . . at sa’yo!” (p185-186)

Naging makasarili si Nyora Tentay at ito ang nagtulak upang umalis si Gracia kasama
nito si Geronimo, ang anak nina Victor at Gracia. Inilarawan ni Nyora Tentay ang kanyang
mababaw na pagtingin sa kanyang anak. Wala siyang tiwala sa pagmamahal na inihahandog
ng isang anak sa isang ina na sukat niyang paalisin ang manugang at apo para lamang
masolo ang pagmamahal ng kanyang anak. Sa kabila ng ganitong pangyayari, nanaig pa rin
kay Victor ang salita ng kanyang ina. Isang malaking kapangyarihan ang lumulukob pa rin kay
Victor na hindi man lang niya magawang kumawala sa pagkakalubid sa kapangyarihang ito.

Ang impluwensya ni Nyora Tentay ay hindi lamang dahil sa dugong nananalaytay sa


kanilang dalawa ng kanyang anak na si Victor. Pinapasunod niya ang kanyang anak sa
pamamagitan ng pagpapakain ng salapi:

Nang mga unang araw ay nalulungkot si Victor, ngunit inaliw niya ito. Binusog sa salapi na
hindi naman kayang kitain nito sa pagiging karaniwang kawani sa isang tanggapan ng
pamahalaan. At lihim siyang nagalak nang matiyak na si Victor ay ang dati pa ring alipin ng
kanyang kagustuhan. Nananatili itong masunuring anak. (p88)

Ito ang isang naging kasalanan ni Victor sa kanyang asawa at sa gampanin niya bilang
haligi ng tahanan.

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

“Kung may naging kasalanan man siya, siguro ay ang pagiging sunod-sunuran niya sa Lola ni
Gerry,” paliwanag ni Junior. (p171)

Gayunpaman, ang binuong pamilya ay mananatiling pamilya pa rin kahit na maraming


eksternal na puwersa ang maaring pumasok at magwasak nito. Ang puwersang idinulot ng
kapangyarihan ni Nyora Tentay ay unti-unting naglaho sa muling pagtatagpo ni Victor at
Gracia, at ang pagkakakilala ng una sa kanyang anak na si Geronimo.

Tulad ng alinmang tipikal na pamilya, hindi magiging madali na iugnay ang sarili sa
daloy ng buhay ng pamilyang iniwanan gaano man kalapot ang dugong nag-uugnay sa mga
miyembro. Ang isang pamilyang nakulangan ng miyembro ay mananatili pa ring kulang at
mapaghanap. At ang miyembrong natutong mang-iwan ay mabibigyan ng paghihirap para
mabawi muli ang pagtingin at respeto ng mga taong iniwanan.

Hindi maiiwasang manliliit sa sarili ang taong nang-abandona ng tungkulin lalo na


kung siya ay haligi ng tahanan na inaasahan ng lahat na maghahanap-buhay para sa pamilya:

Tinanggihan ni Gerry ang pera dahil kakaunti. Hindi nito kailangan ang pera dahil may sarili
namang propesyon at kumikita sa lahat ng katuturan ng kataga. At hindi siya nagkagastos sa
pagpapalaki, lalo na sa pagpapaaral. Hindi siya karapatdapat na ama.Wala siyang puhunan,
kahit pagmamahal. (p191)

Ang paghihirap ni Victor para maibalik muli ang kanyang pamilya ay isang parusa mula
sa kanyang inang si Nyora Tentay at parusa niya para sa kanyang sarili sa kanyang
gampaning hindi naisagawa. Ang ganitong sitwasyon ay mag-uugat hindi lamang ang
gampanin niya sa kanyang asawa at anak ngunit pati na rin ang gampanin niya bilang anak.
Gampanin niyang itama at gabayan ang kanyang magulang kung ang huli ay naliligaw sa
landas. Hindi lamang ang magulang ang gumagabay sa anak, ang anak din ay may
responsibilidad sa kanyang magulang lalo na’t nakikita ang mga bagay na hindi magandang
ginagawa ng magulang:

Saka niya natuklasan na marami siyang dapat na pagbalikan: ang mga bagay na siya dapat na
humaharap at mag-asikaso ay pinabayaan niyang patakbuhin ng kanyang ina. At may
kapaitang tinanggap niya ang pagtalikod sa sariling kaligayahan bilang pagtalima sa
kagustuhan ni Nyora Tentay. Ngayon niya nakuro kung gaano katagal na siyang nakabilanggo
sa kanyang kahinaan. (p175)

Sa kabilang banda, sa alinmang pagkakataon, ang ilaw naman ng tahanan ay


nangangailangan ng paninindigan sa titulong naikabit sa kanya. Ang ilaw ay kinakailangang
magbigay ng liwanag, sigla at init ng pagmamahal- isang bagay na hindi lubusang nagawa ni
Gracia. Sumuko siya at nag-file ng annulment sa kanyang asawang si Victor. Isang malaking
tanong para sa isang taong sumuko ang binitawang salita ni Geronimo sa kanyang ina:

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

“Pero, Mommy . . . kayo naman ang nagharap ng kahilingan na mapawalang-saysay ang


inyong kasal, hindi ba?” nagtatanong si Geronimo at hindi nanunumbat. (p186)

Sa loob ng mga gampaning hindi naisagawa, mananatiling biktima ang lahat lalong-
lalo na ang anak. Maibigay man ng isang ina ang pagmamahal sa anak, magkakaroon pa rin
ng paghahanap ang isang bata ng pangangalinga ng ibang miyembro sa pamilya na hindi
niya nakasama:

. . . Hindi lamang dahil sa narinig na niya sa kanyang ina tungkol kay Nyora Tentay, kundi
sapagkat nauuhaw din siya sa pagmamahal at pagpapasunod ng isang lola, na maging sa
kannyang kamusmusan ay naririnig niyang laging kasiyahan ng kanyang mga kalaro at kamag-
aral. (p180)

Naging uhaw din si Geronimo sa pagmamahal ng isang lola- isang bagay na nalikha sa
kanya dahil sa mga gampaning hindi naisagawa. Sa kabila ng pagiging uhaw ng anak sa
pagmamahal, gaano man ang pinagdaanang sitwasyon, hahanapin at hahanapin pa rin nito
ang konsepto ng pamilya na idinikta ng lipunan:

“Kasi . . .” nakangiting patuloy ni Geronimo, “iniisip ko rin . . . mula nang makilala ko si Leni . . .
bakit hindi natin mabuo ang ating pamilya, tulad nila? Tatatlo tayo . . .ang Papa . . . ikaw . . .
ako . . .” (p185)

Sa kabila ng maraming pangyayari sa loob ng pamilya, ang dugo na magbibigkis sa


isa’t isa ay mananatiling naroon. Hindi ito mawawala, maitatago lamang ito sa isang bahagi
ng puso at lilitaw rin kapag hinihingi ng panahon at pagkakataon. Minsan ding ipinakita ito ni
Geronimo samantalang pinag-uusapan ng pamilya nina Leni ang lupa nila na nasa kamay ni
Nyora Tentay. Nakaramdam siya ng kahihiyan. Hindi lamang ito dahil sa masamang ginawa
ng kanyang lola ngunit naroon ang hiya sapagkat nasa isip pa rin niya na kabahagi ng pamilya
niya si Nyora Tentay. Ipinakita rin ni Victor ang pagpapahalaga ng pamilya sa pananatili niya
sa tabi ng ina sa kabila ng mga bagay na ginawa at kahihiyang naidulot nito sa mga tao.

Sa kabuuan, ayusin ang pamilya para maayos ang lipunan. Nasisira ang bawat
institusyon sapagkat hindi ginagawa ng bawat isa ang gampanin nila- at ang pagsasagawa ng
gampaning ito ay magsisimula sa pamilya.

Ang Kapangyarihan at ang Pamahalaan ng Canal de la Reina

Ang pagkakahati-hati ng estado ng pamumuhay sa isang lipunan ay isang malaking


realidad na mahirap buwagin ninuman. Sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi maitatangging ang
ganitong pag-uuri-uri ay nalikha na bago pa man dumating ang mga mananakop. Ang
pagkakaroon ng mga Maharlika, Timawa, Aliping Namamahay at Aliping Sagigilid ay isa
lamang malaking patunay na hindi maiiwasan ng lipunan na magkaroon ng pagbibigay ng

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

lebel sa bawat isa. Hindi lamang ang bansang Pilipinas ang nagpakita ng ganitong pag-uuri-
uri- isang patunay ang Caste System ng India at Piramide ng Pag-uuri-uri ng Ehipto.

Sa kabila ng pag-uuring nagaganap, ang kapangyarihan ng mga nasa itaas ay


nakapagbibigay ng malaking pagbabago sa anyo ng isang lipunan. Iba’t ibang mukha ang
maaring ipakita ng mga nasa itaas sa kanilang nasasakupan at ang bawat dikta ng mga ito
ang siyang mananatiling batas para sa mga tao. Ngunit sa akdang Canal de la Reina, sinong
ang may kapangyarihan? Paanoo ginagamit ng mga nasa itaas ang kanilang kapangyarihan?
Paano tumutugon ang mga taong nasa laylayan sa kapangyarihang namamayani sa lipunan?

Sa paggamit ni Arceo ng kapangyarihan, inilantad niya na ang maaring humawak nito


ay hindi lamang yaong may ascribed na status ng kapangyarihan. Si Nyora Tentay bilang
kanyang tauhan ang nagsilbing reyna ng nasabing lugar- isang babaeng hindi ipinanganak na
mayaman ngunit dahil sa panglalamang at pang-iikot niya ng isipan ng mga tao, naging
makapangyarihan at mayaman sa lugar. Ngunit hindi lamang sa panlalamang at panloloko ng
tao ang kahusayan ni Nyora Tentay, mahusay rin siya sa pagpapaamo ng mga taong may
posisyon sa pamahalaan.

Ginamit ni Arceo ang imahen ng isang aso para tukuyin ang politikong
pinanggugugulan ni Nyora Tentay ng kanyang pera. Ang tiwala at kasiguraduhan na
mapapahinuhod niya ang mga taong ito ay nakasalalay sa kataasan ng mga bagay na
isinusuhol niya. Hindi maaring bagay lamang na mumurahin ang ibibigay, kinakailangang
pasado ito sa pamantayan ng mga elitist:

“Sabi nga ni Ingga . . . ‘yong kinakain n’yon, kahit si Nyora Tentay, e, hindi kinakain. Kaya nga
ang matandang ‘yon ang nagpapaligo at nagbibigay ng pagkain, e. . . baka raw lasunin ng
iba!” (p75)

Ang pagnanais ni Nyora Tentay na maiagpang ang kanyang katayuan sa lipunan ay


nailarawan din sa akda. Sa kanyang pag-aalaga sa aso, sa pagpasok niya sa mundo ng mga
makapangyarihan, nabibigyan ng katuparan ang kanyang pagnanais:

Alam ni Junior ang pag-aalaga ni Nyora Tentay ng asong tulad niyon ay hindi upang
magkaroon ng bantay ang bahay. Higit na gusto niyon na mapabilang sa mga taong may
kakayahan mag-alaga ng asong banyaga: ang aso ay isang sagisag. (p76)

Hindi lamang ang mga politiko ang pinasukan ni Nyora Tentay. ANg mga awtoridad at
mga kawani rin ng gobyerno ay kanyang sinuhulan:

Lalo niyang minadali ang pagpapahanda kay Ingga ng maiinom. Hindi tubig. Hindi karaniwang
inuming pampalamig. Isang malaking bote ng wiski na hindi pa nabubuksan ang ipinalabas
niya. Isang malaking bote ng panghalong inumin. Isang sisidlan ng yelo na hugis-bariles na
ang loob ay thermos bottle. (P36)

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Sa katuparan ng kanyang pagnanais na makahawak ng kapangyarihan, pumasok ang


pang-aabuso. Ang pagpapakilos ng pera sa pagpapautang ng mga taong nangangailangan
ay isa sa mga naging taktika ni Nyora Tentay sa paggamit niya ng kapangyarihan. Siya ang
naging takbuhan ng mga taong gipit na gipit. Ang bagay na ito ay nakapagdudulot ng saya sa
kanya at ito ang mas dumagdag ng kapangyarihang namamayani sa kanyang pagkatao- ang
kaisipang walang ibang tatakbuhan ang mga tao ngunit siya lang:

Siya ang utangan, at wala yata ang hindi nangungutang sa kanya, maging ang tubo ay beinte
porsyento buwan-buwan. (P16)

“pag may uutang sa kanya nang walang maibigay na prenda o kolateral, ‘yong barung-barong
ang kukunin na pag hindi nakabayad. Pauupahan naman sa iba. At maniniwala ba kayo . . .
agawan pa? ganyan kalubha ang pangangailangan ng tao sa puwang . . .” (p47)

“Ewan ko nga ba, “ sabi ng social worker,” parang walang pagpilian ang mga naroon. Iisa ang
may hawak ng pera, at kung mayroong iba pa, hindi makaaagapay sa ususera. Tinatangkilik
naman ng tao dahil walang ibang matakbuhan . . .” (p47)

Maari ding sanla ang kapalit ng perang ipapautang ni Nyora Tentay ngunit susuriin
muna niya ang kalidad ng bagay na makukuha. Tinitiyak niyang magkakaroon siya ng
malaking tubo mula rito. Ang de-kalidad na tv na minsan niyang nakuha ay binayaran niya ng
700 gayung maipapalo ito sa isang libo sa merkado.

Sa kabilang banda, sa realidad ng akda, kung ang kapangyarihan (kapangyarihang


hawak ni Nyora Tentay) ay tutumbasan din ng isang kapangyarihan (kapangyarihan ni
Caridad), magkakaroon ng matinding gitgitan. At upang manalo sa larong ito, kinakailangang
balikan ang mga naging kasama at kakampi sa paglalaro ng lipunan. Nang mapagtanto ni
Nyora Tentay na maari siyang madehado sa labanan ng pagmamay-ari ng lupa, agarang
dumaloy sa kanyang isipan ang Congressman na nireregaluhan niya ng mga mamahalin at
imported na bagay.

Sa tunggaliang mamayani sa labanan ng dalawang makapangyarihang puwersa, hindi


aalintanahin ng kasangkot ang mga magugugol na pera. Handang gumugol si Nyora Tentay
ng malaking halaga mailaban lamang niya ang lupang naging produkto ng kanyang
pananamantala at para makapagsamantala pa ng ibang buhay sa loob ng lipunang
kinatatayuan.

Nangangaliran ang balat dahil pihong gitil ‘yan sa pagkain at sayang ang pera. Bakit nga, e,
nauubos ang badyet sa pagbili ng sariwang karne para sa aso niya. Sa kanya, hindi ang
kasiyahang maibibigay ng pera aang mahalaga, kundi kung paano niya magagamit ang pera
para mapagsamantalahan ang iba. (p93)

Sa daigdig naman ni Inday bilang isang kasambahay, isang larawan ng taong api,
naroon ang pagnanais niyang makawala sa rehas na ikinabit sa kanya ni Nyora Tentay.

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Gayunpaman, hindi makawala-wala mula rito dahil sa kanyang naging utang. Kung tutuusin,
ang utang na iyon ay nanganganak at tila ang maraming araw ay pagdodoble ng kanyang
mga utang. Ang pananatili niya bilang kasambahay ng Nyora par asana sa pagbabayad ng
utang ay kabaliktaran ng kanyang iniisip. Samantalang nagdadaaan ang mga araw,
nadadagdagan din ang kanyang mga utang. Ang bawat kamalian niyang nagagawa sa loob
ng bahay ng Nyora ay karagdagan sa mga babayaran niya. At hindi matatapos ang ganitong
sirkulo sapagkat maghahanap pa rin at maghahanap ang makapangyarihan ng paraan upang
mas lalong mabaon sa utang si Inggang api.

Ang tunggalian naman ng kapangyarihan sa pagitan ng isang aping naging


makapangyarihan laban sa kapangyarihang dating lumukob sa kanya ay isang panlipunang
realidad. Sinumang naging biktima ng kapangyarihang mapagpalalo, kung mabibigyan ng
pagkakataong gumamit ng kapangyarihan, ay ibabalik at ipapalasap din iyon sa nagkasala sa
kanya. Sa pagkakaroon ng kapangyarihan ni Caridad, manugang ni Nyora Tentay, matibay
ang nagiging paninindigan ng una na ipalasap ang kapalarang nadanas nito sa ilalim ng
matapobreng biyanan.

Sa usaping pampolitika, maliban sa nabanggit na tumatanggap ng suhol mula sa


nasasakupan, naipakita rin na sila ay saksakan ng bobo at saksakan ng duwag. Ngunit isang
malaking ironiya na ang nagbanggit ng perspektibang ito ay isang kabataan.

Isang ironiya rin ng kalagayan ng lipunan at politika ang pagbibigay ng kaanyuan ni


Arceo sa isang batang lalaking hindi kukulangin ng sampung taong gulang:

Sa tingin ni Caridad ay hindi kukulangin sa sampung taong gulang, ngunit nakabakas na sa


mukha ang maraming pakikipagsapalaran sa buhay. Nangungutim ang suot nitong T-shirt na
may pangalan ng isang kandidato nang nakaraang halalan. (p3)

Ito ay isang pagwiwika ng paghamon sa mga nasa posisyon sa mga bagay na dapat
nilang isagawa- sa kanilang “dapat” na responsibilidad sa nasasakupan. Ang isang batang
gusgusin na nakasuot pa ng mukha ng isang kandidato ay isang malaking sampal na maaring
tutulig sa nagtutulugang diwa ng mga tao sa lipunan.

Sa konteksto pa rin ng politika, makikita ang kahusayan ng mga namumuno sa


paninindigan sa mga salitang binitawan gaano man kabigat ang tunggalian na namamayani
sa kanyang katauhan. Sa isang politiko, ang pagiging subhektibo nito at ang kanyang
tungkulin ay isang malaking tunggalian sa isip at kaluluwa niya. May mga pagkakataong
kinakailangang magdesisyon hindi para iligtas ang mga tao ngunit para iligtas ang sarili. Kung
hindi gagawin ang bagay na ito, maaring ang kinauupuang posisyon ay maagaw at matangay
ng iba. Sa Canal de la Reina, ang sitwasyong ito ay malinaw na lumitaw rin:

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

“Ano . . . paalisin na naman ang mga iskuwater?” nandidilat si Nyora Tentay. “Naku, hindi
papaya n’yan si Kongresman!” (p38)

***

“Laging pinapangakuan ang mga iskuwater dito na hindi sila paaalisin. Biro n’yo nga naman
kung ga’no karami ang mga ‘yan . . . at magagamit sila sa eleksiyon. Ilang libo ‘ata ang narito .
. . e, sa singko pesos lang naman, kuha na’ng lahat ‘yan!” (p38)

***

Bago pa lamang dumarami ang bahay sa pook na iyon ay nagsimula na ang balak ng
pamahalaan na paalisin ang mga iskuwater doon. Ilang ulit nang ipinagiba ang mga bahay,
ngunit makaraan lamang ang ilang araw, kung payapa na ang damdamin ng bawat isa, kung
wala nang lumalabas na balita sa mga pahayagan, ay isa-isa na namang magsisibalik. At
parami nang parami ang mga iyon araw-araw, taon-taon. (p39)

Ang Ospital bilang Tugon sa mga Nangangailangan

Hindi matatawaran ang ginagampanang tungkulin ng Ospital sa isang lipunan. Ang


pagkakagunaw nito sa daigdig ng lipunan ay nangangahulugang pagbaba ng kalidad ng
buhay. Kahit ano pa man, buhay ang mananatiling prayoridad ng institusyong ito. Ngunit, sa
kabila ng ganitong tungkulin, isang malaking paghamon pa rin ang ipinamalas ni Arceo sa
tungkulin nito sa lipunan.

Isang mabisang pamantayan sa tagumpay ng isang tungkulin ng institusyon tulad ng


pagamutan, ay ang tiwala ng publiko. Ang mukhang nililikha ng Ospital sa mamamayang
nasa laylayan ay siyang makapagsasabi kung nagagampanan ba ng institusyong yaon ang
kanyang pagkalalang. Sa mga panimulang sitwasyon, binasag ni Arceo ang ideolohiyang
matapat ang ospital sa kanyang tungkulin, at ipinakita ang nakaririmarim na imahen nito.

Ang pagkakamatay ni Paz at ang batang nasa kanyang sinapupunan ay isang


pagpapamulat ni Arceo sa isang realidad ng pagamutan. Nawawalan ng tiwala ang mga
simpleng tao buhat ng kamahalan ng bilihin at kamahalan ng pagpapa-ospital:

“Pinilit ko nga lang ang asawa, Doktora. Wala sila kahit pamasahe, e. Saka parang hindi sila
naniniwala sa ospital!” (p45)

Sa pagkakamatay ni Paz, naging mahirap pa rin para sa kanyang asawang si Dado na


ilabas ang bangkay sa ospital:

“Para na n’yong awa, Nyora Tentay . . . pero kaya nga ako narito ngayon, kailangan kop o ang
pantubos kay Pacing . . .” (p49)

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

***

“Ibig ko pong sabihin, hindi makukuha sa ospital si Pacing kundi punerarya ang kukuha.
Hanapbuhay raw po ng iba. (p50)

Sa mga ganitong sitwasyon, isa pa ring katotohanan na malayo pa rin ang ospital para
sa mga taong nangangailangan. Ang pagkakaroon ng iba’t ibang espesyalista sa iba’t ibang
karamdaman ay isa ring dahilan upang maging napakamahal ng pagpapagamot- isang
dahilan ng paglalagay ng pader sa pagitan ng tao at ospital.

Isang malaking ironiya rin ang pagkakalarawan sa ospital sa nobela. Ang isang ospital
na buhay ang pinapahalagahan ay nangangailangan ng matibay na estruktura at hindi iyong
tipong madaling bahain. Sa pagkakataong iyon, ipinakita ni Arceo ang ugnayang
nakapangyayari sa pamahalaan at ospital:

Tuwing uulan ay may tubig sa harapan ng gusali. Ngunit sa tuwing hihingi ng karagdagang
badyet ang pangasiwaan ng pagamutan upang maipaayos ang mga dapat isaayos ay hindi sila
makakuha ng panlaan. Laging idinadahilang walang salapi ang pamahalaan. (p110)

Sa nalalapit na pagtatapos ng nobela, pinilit ipamulat ni Arceo ang dapat na gawin ng


isang ospital at ang paninindigan at paniniwalang dapat na taglayin at isabuhay ng mga
taong nasa serbisyo o mga taong nasa propesyon:

“Sa aming magkakapropesyon, hindi nasusulat na batas ‘yon . . . na ipagkaloob ang lahat ng
makakaya sa sinumang pasyente . . . kilala o hindi . . .” (p182)

Hindi lamang hanggang doon ang naging gampanin ng mga mangagagamot. Sa


panahon ng kalamidad, binuksan ng pagamutan ang kanyang pinto para sa mga
nangangailangan. Halos hindi nabigyan ng pahinga ang mga manggagamot dahil sa dinami-
rami ng pasyentye sa pagkakataong iyon.

Ang kalamidad ay naging isang panahon para sa mga ospital, pribado man ito o
pampubliko, na buwagin ang mga nakapagitan sa kanilang kompetisyon para sa tawag ng
tungkulin. Ito ay isang pagpapamalas na ang serbisyo ay kinakailangang para sa tao- saan
man nagmula ang manggagamot at sinuman ang maari niyang maging pasyente.

Sa pagwawakas ng nobela, pinili ng manunulat na itayo ang isang klinika ayon na rin
sa kagustuhan ng kanyang tauhang sina Leni at Geronimo na sinang-ayunan ng mga parte ng
pamilya. Kahit sa pagwawakas, malilim pa rin ang paniniwala ni Arceo para sa pagamutan:

“Ang naiisip ko kasi, kung magtatayo man tayo rito ng klinika o anuman, hindi lang isang
pisikal na bagay ang titindig ditto . . .” (p213)

***

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

“Ang itatayo natin dito Dad,” patuloy ni Junior, “ay isang simbolo sana ng pagtindig ng isang
bagong pamayanan . . . na Malaya!” (p213)

Nagtiwala pa rin si Arceo sa pagtindig ng pamayanang malaya buhat sa isang ospital


na nagbibigay pag-asa sa lahat at nanggagamot ng sugatang katawan, puso, at kaluluwa.

Ang Hukuman at Batas bilang Tahanan ng Hustisya

Ang kapayapaan at katiwasayan ng isang lipunan ay nakasalalay sa isang desisyong


pinag-aralan at pinag-isipan para sa layuning hindi makatapak ng karapatan. Ang lahat ay
nagnanais na maging malaya sa isang lugar- walang takot na gumagalugad at naglalakbay
nang matiwasay. Ngunit ang ugnayan ng mamamayan at hukuman ay hindi nagpatibay at
nagpakaganda sa kalagayan ng lipunan sa imahinasyon ni Arceo.

Lantarang ipinakita ni Arceo ang kawalan ng katarungan sa lipunan ng nobela:

Marami ang nagpapatawan ng parusa at nabibilanggo nang walang kasalanan. Laluna ang
mga dukha. Mga manggagawang ang kasalanan ay ang ipakipaglaban ang kanilang
karapatan laban sa kapitalista. Marami rin naman ang mga may kasalanan na hindi
sumailalim sa batas dahil may salapi o malapit sa malakas sa pamahalaan. (p81)

Sa harap pa rin ng batas at hukuman, mananatili pa ring api ang walang kaya sa
buhay- isang bagay na nagdudulot ng kawalan ng tiwala ng mamamayan sa pag-iral ng
hustisya. Gayunpaman, hindi lamang ang mga mahihirap ang biktima, kahit na ang isang
tao’y makapangyarihan, naroon pa rin ang pag-aalinlangan at kawalan ng tiwala sa
hukuman. Ipinakita ni Nyora Tentay ang malaking paghamon nito sa mga abogado:

Napalunok si Nyora Tentay. Wala siyang tiwala sa abogado. Nararamdaman niya iyon. Hindi
iilan ang kanyang nababalitaan, na natatalo ang isang usapin dahil lamang sa abogado. (p86)

***
“Pero ‘yan na nga ang sinasabi ko sa babaing ‘yan, e! Dito naman, e, sinong abogado ang
makukuha ko? Puro abogago ang narito!” (p87)

Sa usaping batas din, at sa pagsunod sa proseso ng hukuman, pumapasok ang


konsepto ng areglo. Ang pagkakaroon ng areglo ay isang pangyayaring nakatatanggal sa
hustisya. Tinitignan ito upang magkaroon ng isang magandang usapan at relasyon ang
magkaibang panig ngunit sa katotohana’y hindi nito nasasagot ang isang problema at hindi
nito napapanatili ang hustisya para sa naagrabiyado.

Ang Lipunang Hinulma ng Ugnayan ng Apat na Elemento

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang gampaning hindi naisagawa ng apat na elemento ay lubhang nagdulot sa pag-


aanyo ng isang lipunan. Mula sa interaksyon sa loob ng pamilya, sa pagkontrol ng
mayayaman sa lipunan, sa pagiging malayo ng ospital sa publiko, at sa mga karapatang
natatapakan, sumibol ang isang anyo ng lipunan.

Isa sa mga problemang panlipunan na nilikha ng ugnayang ito ay kahirapan. Dahil sa


kahirapan, natuto ang mga taong magsugal. Ang pagsusugal at kahirapan ay dalawang
elementong nagbibigay ng buhay sa isa’t isa. Ang pagsusugal ay nagbibigay ng mas lalong
paghihirap at ang kahirapan ang nagiging dahilan ng ibang tao para pasukin ang panunugal.
Malinaw na ipinakita ni Arceo ang mga mahihirap na nag-uumpukan sa namatayan hindi
upang makiramay, kundi’y para magkapera sa pamamaraan ng panunugal.

Ngunit ang paglalaro ay hindi upang itaboy ang antok, kundi upang magtayaan at
makipagsapalaran. At may aagos ding pera, laluna at may makapagdadala ng huwego ng
madyong. (p48)

Ang kahirapan ding ito ay isang resulta ng maagang pag-aasawa. Para makatakas sa
mundo ng paghihirap, ang mga tao ay pumapasok dito. Ngunit, isang malaking kabiguan ang
ipinakita ni Arceo sa mga naniniwala ng ideolohiyang ito sa sitwasyong ibinihis niya kay
Paz/Pacing na maagang namatay. Gayundin sa isinagawa ng ina nito na sumama sa ibang
lalaki para mabuhay (pagkasira ng pamilya).

Isang naging sistema rin ng lipunan ay ang Ripple Effect o Domino Effect ng mga
biktima. Lahat ay may kontribusyon sa aktibidad ng lipunan, at ang iba nama’y nagiging
biktima. Dahil ang iba’y nagiging biktima, lumalaban sila at doon nalilikha ang mga
panibagong biktima. Si Gracia bilang biktima ni Nyora Tentay ay natutong lumaban. Sa
kanyang pakikipagtunggali, inilayo niya ang karapatan ni Victor bilang ama, at ninakaw niya
ang karapatan ng anak na makakilala ng isang lola. Ang ina rin ni Luz na iniwan ng asawa at
sumama sa ibang lalaki ay lumika ng isa pang biktima- ang kanyang sariling anak.

Nabuo rin ang kalakarang panlipunan na kailangang magsakripisyo para makuha ang
inaasam. Ang sakripisyo rito ay hindi lamang tumutukoy sa isang positibong paghihirap,
pumapatak din dito ang negatibong kagawian. Hindi lamang pagsasakripisyo ito ng mga
bagay para makapangutang lamang kay Nyora Tentay o pagsasakripisyo ng mamahaling
bagay para makuha ang loob ng Kongresman, higit pa roon. Maaring ito ay isang
pagpapahalaga at paniniwala. Ang ganitong sitwasyon ay naipakita sa pagsasakripisyo ni
Nyora Tentay ng kasiyahan ng kanyang anak para sa pansariling kasiyahan. Isinakripisyo rin
ni Victor ang kanyang pamilya para sa kanyang magulang at pansariling interes. Binitawan
din ni Salvador ang kanyang paniniwala sa isang malinis na proseso ng batas para sa
kapakanan ng anak at ng lupa ni Caridad.

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang pagiging ‘normal ng pagtingin’ sa mga bagay-bagay ay nabuo sa lipunan. Isa sa


mga katakot-takot na pangyayari sa isang lipunan ay ang konsepto ng ‘normal’ na nalilikha sa
isipan ng bawat tao. Kapag ang isang bagay ay naging ‘normal’ mali man ito, tatanggpin at
hindi ito kokontrahin ng mga tao. Sa konsepto ng pagiging ‘normal’ ng bawat bagay, hindi
uunlad ang mga tao sapagkat natatalikuran at hindi nahaharap ang ganitong usapin. Sa
sitwasyon ni Nyora Tentay, matapang siyang gumamit ng kanyang kapangyarihan sapagkat
kulang ang mga taong tumuligsa sa kanyang kapangyarihan. Kung una pa lamang ay
natuldukan na sana ang ganitong pangyayari, disin sana’y mababawasan na ang naghihirap.
Nasaan ang konsepto ng ‘normal’ sa paghahari ni Nyora Tentay? Naroon ito sa mga taong
tumitingin na ‘normal’ lamang ang pagpapataw ng malaking porsyento sa mga perang
inuutang.

Sa pagiging mulat sa katotohanang pangyayari sa lipunan, sumibol at nalikha ang


panibagong identidad ng mga tauhan sa nobela ni Arceo na siyang larawan din ng mga tao
sa ating lipunan ngayon.

Ang Identidad/Katauhan/Kaligiran ng Taong Nilikha ng Sistema ng Lipunan

Ang pagbabago ng ideolohiya ay isang universal na bagay na nakapangyayari


kaninuman. Ang pagbabagong ito sa sarili ay nangyayari lamang kung may matinding
karanasan ang isang tao sa isang bagay- kung naging biktima at nakaramdam ng panliliit sa
sarili. Ang mga matitinding emosyon at paghihirap ng kalooban ang nag-uudyok sa isang tao
para kilalanin muli ang sarili at baguhin ang kanyang pananaw na naangkop sa kanyang
paligid at naangkop sa iba’t ibang sitwasyong kinapapalooban.

Si Victor bilang isang anak na naging sunud-sunuran sa kanyang ina ay nagbago at


nagkaroon ng paninindigan matapos manliit sa kanyang sarili. Ang panliliit ng sariling ito ay
buhat sa mga gampaning hindi niya isinagawa. Gayunpaman, pinili niyang ipakilala muli ang
isang karakter na puno ng paninindigan at hindi nagpapadikta ninuman:

Ibig niyang umiyak upang palayain ang damdamin sa kanyang dibdib. Nang mga sandaling
iyon, ang kanyang katauhan ay naging kabuuan ng isang karaniwang nilikhang sinusumbatan
ng budhi sa pagiging mahina, hindi sa katawan, kundi sa paniniwala at paninindigan. (p168)

***

Tila nakikita ni Victor si Geronimo, sa buong anyo nitong kagalang-galang at pagpipitagan, na


nagbigay sa kanya ng damdamin ng kaliitan aat walang kabuluhan. (p203)

***

“Nagkakaisip na ako!” mabilis niyang tugon. “Nagkakaro’n na ‘ko ng sariling kapaniwalaan at


ibig kong maipakilalang ako ay tama.” (p203)

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Ang damdamin ni Victor sa pagkakataong iyon ay tulad din ng damdaming


namamayani sa mga tao na nakalaya mula sa isang katauhang nasupil. Ito ay isang malaking
realidad na kapag ang isang tao’y matagal na nakakaramdam ng kakulangan, magiging
matibay na ang paninindigan pagdating ng pagkakataong matanto kung anong kamalian sa
pagkatao.

Magkakaroon din ng pagbabago at pagtatanto ng isang bagay kung ang tao ay nasa
harapan ng pagiging walang-wala. Sa matagal na pagiging mapagmataas ni Nyora Tentay,
nabulag siya sa mga magagandang bagay sa kanyang paligid- hindi niya nakita ang
kahalagahan ni Ingga:

Tinangka niyang bumangon, ngunit hindi niya magawa. May sumasakit sa kanyang ulo.
Sinalat niya. Nanlalagkit. (p119)

***

Naninigid ang lamig sa buong katawan niya. Wala naman siyang matawag kahit sino na
maaring mahingan ng tulong. At nadama niya kung gaano kahalaga si Ingga. Naglilingkod sa
kanya nang walang pagtutol at buong pagpapakumbaba. (p203)

Higit pa rito, sa gitna ng isang delubyo o problemang pinagdaraanan, ang taong hindi
kailanman nagkaroon ng paniniwala sa Maykapal ay matututong tumawag. Si Nyora Tentay
na wala na ring makapitan at nakakaramdam ng pagbabadya ng pagkawala ng mga bagay na
kanyang iniingatan ay tumawag sa Diyos para magpatulong:

“May tubig na rin dito, anong ‘kala n’yo?” Nakuha pa rin ni Nyora Tentay na sumagot. Kinapa
niya sa kalapit na silya ang isang bayong. Hinawakan niya niya nang mahigpit. Laman niyon
ang lahat ng kanyang alahas. Mga salaping papel. Pilak. Mga alahas na sangla. Mga
mahahalagang papeles. Nangangatal ang bawat himaymay ng kanyang kalamnan. “Diyos
ko!” (P116)

Isang patunay ang nasabing sitwasyon na ang tao ay maaring makagawa o


makabulalas ng mga bagay lalong-lalo na kung siya ay naganganib. Tulad din ng mga tao sa
Canal de la Reina, ang bagay na kahit kailan ay hindi nila nagawa kay Nyora Tentay ay
nagawa nila sa panahon na kung saan maaaring mawala na sa kanila ang lahat (pagkakaroon
ng bagyo). Pinilit nilang binuksan ang bahay ni Nyora Tentay para makasilong mula sa
malakas na bagyo at pinagnakawan nila ito para maitawid ang mga sarili mula sa gutom. Ang
lakas at tibay ng loob na iyon ay hindi nakita noon pang pinagsasamantalahan na sila ni
Nyora Tentay, ngunit nang mapagtanto nilang malapit na ang kanilang katapusan, nagawa
nila ang bagay na hindi inaasahan.

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Sa kabila ng mga mabibigat na pangyayari at kademonyohang naisasagawa sa


lipunan, pinanatili pa rin ni Arceo ang kabutihang-loob ng tao. Nagtiwala pa rin siya sa
kakayahan ng tao na mabago ang ganitong uri ng sistema.

Ang Eksistens ng Tao: Buhay at Layon

Ang mga tanong tulad ng: Ano ang buhay? Ano ang kabuluhan ng pagiging tao?
Hanggang saan ang kayang pagtulong ng tao?, ay mga tanong na kalimitang hindi
nabibigyan ng kasagutan. Ito ang mga uri ng tanong na mahirap sagutin gaano man ito
kasimple kung tignan. Gayunpaman, sa pag-aaral, nabatid ang ideolohiyang pumapaloob
hinggil sa mga bagay na ito.

Ano ang kabuluhan ng pagiging tao? Sa lipunan na kung saan nagkakaroon ng


digmaan ng ideolohiya, ang tanong na ito ay hindi na napapansin. Ang pagdarahop at
kawalan ng hustisya sa lipunan ang maaring makapaghiwalay sa mga tao sa kanyang
totoong kabuluhan. Ngunit sa pagbibihis ni Arceo ng katauhan ni Junior, inilantad niya ang
sagot sa tanong na ito:

“Sa panahon ngayon, Dad . . . talagang walang katiyakan ang lahat. Saka kung walang
nangangailangan ng tulong, hindi naman kami kailangang kumilos. Kung ang pansarili nating
kaligtasan ang lagi nating iisipin, ano ang kabuluhan n gating pagiging tao? Ibig naming
maging makabuluhan . . . ibig naming tumulong. (p123)

Ang pahayag na nilikha ni Arceo ay isang pagwiwika na ang tao ay hindi nalikha para
sa kanyang sarili- ang tao ay nilikha para sa kanyang kapuwa: para tumulong sa kanyang
kapwa.

Ang pagtulong ay hindi lamang tumutukoy sa pagbibigay ng pera o ng ari-arian,


tumutukoy rin ito sa pagbabalik sa tamang katinuan ng mga taong nahiwalay ng landas. Ang
eksistens ni Caridad at Ingga sa nobela ay isang mahusay na paglalarawan ng ganitong uri ng
pagtulong. Nang napasakamay ni Ingga ang bayong na naglalaman ng lahat ng kayamanan
ni Nyora Tentay, hinimok pa rin ni Caridad na ibalik ang bayong na ito. Kung papansinin ang
katauhan ni Ingga, siya ay isang biktima ng pang-aalipusta ni Nyora Tentay at si Caridad
naman ay nalamangan na rin ng nasabing tao. Gayunpaman, pinili nilang isauli ang bayong sa
totoong nagmamay-ari:

Ngunit nakapangibabaw sa kalooban ni Caridad ang pagmumulat kay Ingga sa makatwirang


pagpapahalaga sa mga bagay-bagay. Malabo sa kanyang isipan ang gagawing paraan upang
marating ni Ingga si Nyora Tentay, ngunit buo sa kanyang puso na himukin ito na isauli ang
ari-arian ni Nyora Tentay. (p140)

Sa gantimpala ng kabutihang-loob, inilarawn din ni Arceo ang mapapala mula rito:

Billy D. Fabro
Ang Tao at ang Lipunan sa Imahinasyon ni Liwayway Arceo

Matagal na nag-isip si Ingga: “Ano naman ang mapapala ko kung ibabalik ko ang bayong?”

“Makagagawa ka ng pinakamabuti, Ingga!” sagot ni Salvador. “Gagawin mo ang lalong


wasto.” (p156)

Naipapamalas na ang eksistens ng tao at ang kanyang kabuluhan ay wala sa mga


material na bagay o sa mga makamundong gantimpala, ito ay higit pa roon. Ang bagay na
ipinakita ni Arceo sa sitwasyon ay nagwiwika na ang paggawa ng isang mabuting bagay ay
magbubukas ng pinto sa tinatawag na authentic freedom- ang walang limitasyong kalayaan
ng pagsasagawa ng mga mabubuting bagay.

Ang pagsasagawa ng mabuting bagay ay isang katangian na ng tao na hindi


mawawala, at sa pagbibihis ni Arceo ng kanyang lipunang nagdarahop, ang liwanag ng mga
taong ito ang nagsilbing pag-asa:

“Sobra-sobra silang gumanti, pero hindi nila ginawa! Sa halip . . . ipinakita pa rin ang kalakhan
ng kanilang puso!” bulong ni Victor sa sarili. (p167)

Ang buhay bilang isang paghihiganti para sa mga api ay binigyan din ng paglilinaw ni
Arceo. Ang aping si Ingga ay nakaramdam pa rin ng paghihiganti laban kay Nyora Tentay at
tinitignan niya na ang bayong ay isang pamamaraan ng katuparan ng kanyang nais. Ngunit,
ipinakita ni Arceo na ang pamamaraan ng paghihiganti ay wala sa pagtatago ng bagay na
hindi pagmamay-ari.

Billy D. Fabro

You might also like