Download as docx or pdf
Download as docx or pdf
You are on page 1of 1

Silang Mga Umaasa sa Yamang-tubig

Taun-taon ay ginaganap ang Alternative Classroom Learning Experience (ACLE) sa


Unibersidad ng Pilipinas upang mabigyan ang mga estudyante ng pagkakataon na matuto ng mga
bagay na hindi sakop ng asignaturang tinatalakay sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Isa sa mga
dinaluhan ko ay ang forum na inihatid ng NNARA-Youth, ang “TABAW: Pagsipat sa Kalagayan ng
mga Mangingisda” na ginanap noong ika-23 ng Pebrero, 2011 sa CNB 210.
Si Tata Pilo Gonzales, kung tama ang aking pagkakatanda, ang tumayong tagapagsalita at
representante ng mga mangingisda ay engganyong engganyo sa paglalahad ng mga saloobin at
kanilang hinain ukol sa The Philippine Fisheries Code of 1998. Para sa kanilang mga ordinaryong
mamamayan na umaasa sa mga pribilehiyong kanilang sana’y natatamasa’t napakikinabangan, ang
RA 8850 ay karapatdapat lamang na ibasura sa kadahilanang hindi naman ito naipatutupad nang
maayos. Parepareho lamang ang kinahihinatnan ng karamihan sa mga batas na naipapasa, hanggang
papel lang at ang masaklap pa nito, ang mga taong may kapangyarihan para ipatupad ito ang siya rin
mismong lumalabag dito lalo pa’t may makukuha sila mula sa pagsuway na ito.
Wala pa ring tigil ang mga dayuhan sa pangingisda gamit ang kanilang mga naglalakihang
barko at kung minsan pa nga’y sumisira sa ating yamang-tubig. Ang mga lokal nating maninisid o
mangingisda ang nauubusan ngayon ng sariwang mahuhuli’t mabibingwit. Ang tangi nilang
hanapbuhay ay naaapektuhan na umaabot na sa puntong sa halip na ibenta ang kanilang kakaunting
huli ay kakainin na lamang nila ito. Mahirap namang makipagsabayan sa mga bigating mangingisda
na ‘yan lalo pa’t wala tayong advance na kaalaman at teknolohiya pagdating sa ganitong larangan.
Nakakaawa sila dahil hindi ramdam ang suporta ng pamahalaan sa kanilang maliliit na mangingisda
o kahit maging sa kalikasan na hindi buong maprotektahan.
Sa kalagitnaan ng diskusyong ito tungkol sa kalagayan ng ating mga kababayang malapit sa
karagatan, naghain ng presentasyon ang NNARA-Youth para sa mga naroroon. Dalawang awitin na
may makabuluhang mensahe ang ipinarinig sa amin. Ang magagandang himig at masisiglang tono
ng mga ito ay nakapupukaw ng isipan tungkol sa pagkilos ng mga iskolar ng bayan sa pagresolba sa
mga isyung patuloy na umiikot sa ating lipunan. Dahil dito, mas lalo kong napatunayan na
masuwerte talaga kaming mga estudyante sa UP dahil kami na ang nilalapitan ng magagandang
pagkakataon para sa mga bagong karunungan.

You might also like