Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 2

ARAÑO, PRINCE JOEY B.

ARTS 10
10 – BOOKKEEPING MR. ANTHONY NALE

Repleksyon sa Pelikulang
LES MISERABLES
sa direksyon ni Tom Hooper

Pag-ibig, isang makapangyarihan at natatanging bagay na namutawi at nanaig sa


pelikula ni Tom Hooper na halaw sa musikal na pagtatanghal sa Broadway at hango sa
isa sa pinakadakilang nobela sa ika-19 na siglo mula sa panulat ni Victor Hugo, ang Les
Misérables. Ito ay patungkol sa mga pangyayari sa buhay ni Jean Valjean at ang
pakikibaka ng mga Pranses na patalsikin ang mapang-aping pamahalaan ng kanilang
bansa. Nagsimula ang mga pangyayari sa kwento mula sa paglaya ni Jean Valjean taong
1815, dalawampung-anim na taon ang nakararaan matapos ang French Revolution. At
nagtapos taong 1832, ang panahon ng pag-aalsa ng mga Pranses o mas kilala bilang
June Rebellion laban sa pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Haring Louis-Philippe.

Sa palabas na ito’y iba-ibang mukha ng pag-ibig at pakikibaka ang masasaksihan.


Mayroong umiibig sa sarili at naghahanagad na ilaban ang kawalan ng katarungan.
Mayroon ding pag-ibig ng isang ina na kayang ialay ang lahat ng sa kanya masuportahan
lamang ang pangangailangan ng minamahal na anak. Makikita rin sa pelikula ang pag-
ibig na walang paubaya kung saan kayang isakripisyo ang lahat pati na ang sariling buhay
mailigtas lamang ang taong minamahal. At higit sa lahat mababakas sa pelikula ang pag-
ibig sa sariling bayan, isang napakataas at wagas na uri ng pagmamahal na may mithiing
magkaroon ng pantay, payapa, at progresibong bayan.

Kapansin-pansin rin na ang pelikulang ito’y kakaiba kaysa sa karaniwang mga


pelikula na lumalabas sa takilya. Ang pagpapalitan ng mga diyalogo ay ginawa sa
pakanta o paawit na paraan na tiyak na mas masining at kamangha-mangha kumpara sa
mga palabas na pasalita ang pagtatanghal. Malaki rin ang naitulong mga awiting kalakip
sa istorya. Ang bawat awitin ay natatangi kung kaya’t ang mga mensaheng nais iparating
nito’y mabilis na nauunawaan ng mga manonood. Para sa akin, ang paggamit ng mga
kanta at makabagbag damdaming mga musika ay isang epektibong paraan para pukawin
ang damdamin at gisingin ang diwa ng mga manonood lalong-lalo na ang pelikulang ito’y
nakaugat sa kasaysayan kung kaya’t iilan lamang ang mga interesado at karamiha’y
nababagot. Sa katotohanan nga’y isa ang pelikulang ito sa tatlong natatanging mga
palabas na kayang magpaluha sa aking mga mata dahil sa nakakapanindig balahibo at
napakasakit na mga awiting mahusay na itinanghal ng mga gumaganap sa kuwento.

Higit pa riyan ay tila bang ang mga suliranin ng mga tauhan sa pelikula ay salamin
at representasyon ng mga pagsubok na hinaharap natin sa kasalukuyan. ‘Di man tayo
lumalaban at nakikibaka sa marahas na paraan ngunit ang dahilan kung bakit tayo
lumalaban ay iisa, at iyon ay ang mapabuti ang kalagayan at kapakanan ng ating bayan
at ng ating kapwa mamamayan. Mababakas rin sa Les Misérables ang mga isyung
panlipunang mayroon tayo. Halimbawa ng mga ito ay kawalan ng katarungan kung saan
ARAÑO, PRINCE JOEY B. ARTS 10
10 – BOOKKEEPING MR. ANTHONY NALE
nabibilanggo ang inosente’t walang sala, lubos na kahirapan kung saan dugo’t pawis pa
ang kinakailangan makamtam lamang ang mga pangangailangan sa araw-araw,
pangmomolestiya at pang-aabuso sa kababaihan, labis na paggamit ng kapangyarihan
ng mga awtoridad, pagyurak sa karapatang pantao, at ang napapanahong paglaganap
ng sakit o pandemya kung saan ang karamiha’y nagugutom, nagdurusa, at
nangamamatay. Gayunpaman, sa kabila ng pagkakatulad ng mga kaganapang mayroon
sa pelikula at nararanasan natin sa kasalukuyan. Nawa’y magbigay aral at lakas ito sa
atin na harapin ang nararapat na harapin, ilaban ang kailangang ipaglaban, at alalahanin
ang mga ‘di dapat kaligtaan upang sa gayo’y makamtam ang pinapangarap natin para sa
ating sarili at para sa bayan, masaktan man o buhay ang kapalit na kinakailangan.

You might also like