Hello Garci Tapes

You might also like

Download as docx, pdf, or txt
Download as docx, pdf, or txt
You are on page 1of 9

Pagdekonstrak sa Pattern ng Diskurso sa ‘Hello Garci’ Tape

Rico R. Tachado
Honey Grace Suan

Introduksyon
Naging usap-usapan at sentro ng kontrobersiya ang ‘Hello Garci’ scandal noong
taong 2005. Ayon sa ulat ni Rongalerious (w.t) pinaniniwalaang ang kontrobersiyang ito
ay hango sa kontrobersyal na pag-uusap umano ng dating Pangulong Gloria Macapagal-
Arroyo at COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano kasama ang iba pang pulitikong
kasangkot sa pagmanipula sa halalan noong taong 2004. Binanggit sa Phillife.co (2005)
na ang naitalang “Hello Garci Tapes” ay inilabas ni Ignacio Bunye na isang
undersecretary sa pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo at sinabing ang mga
kumbersasyong naitala ay naganap noong ika-6 ng Hunyo sa taong 2005. Pagkatapos
nito, lumabas naman ang bagong naitalang kumbersasyon ng mga opisyales na may
mataas na katungkulan sa bansa na ginawa ni Sam Ong, na dating Deputy Director ng
NBI. Sinabi niya, ang kanyang hawak na naitalang kumbersasyon ay ang “the mother of
all tapes”. Ibig sabihin, ang kanyang hawak na recorded-tape ang orihinal na kopya ng
kumbersasyon. Mula rito, hinimok niya ang Senado at Kamara ng bansa upang
imbestigahan ang katotohanan sa likod ng kontrobersyal na wiretapped conversation,
ang ‘Hello Garci’.
Mula rito, ang buong bansa ay naging magulo sa kadahilanang dinaya ang buong
sambayanang Pilipino ng Administrasyong Arroyo. Dumaan si dating Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo ng tatlong impeachment (Inquirer.net) subalit hindi ito napatalsik sa
posisyon hanggang natapos niya ang kanyang termino noong 2010. Dagdag pa ni
Macaraeg (2021), kahit natapos na ang kanyang termino ay mayroon pa rin siyang
ginagampanan na mataas na katungkulan. Samakatuwid, ayon kay Grace Poe (2015) sa
kanyang Privilege Speech sa ika-sampung anibersaryo ng ‘Hello Garci’ scandal na ang
kasaysayang ito ang isa sa pinakamasalimuot na kasaysayan ng pandaraya sa eleksyon
sa bansa.
Malinaw na marami na ang mga nag-aral at nagsaliksik hinggil sa usaping ‘Hello
Garci’ scandal at sa epekto nito sa naging halalan sa taong 2005 subalita walang
tumalakay sa pattern ng diskurso nito. Kaugnay nito, ang papel na ito ay isang
pagtatangka sa pag-analisa sa kumbersasyon sa loob ng ‘Hello Garci’ tape. Ilalahad at
susuriin sa pag-aaral na ito ang fanksyon ng mga salitang ginamit sa kumbersasyon
maging ang proseso ng transaksyon na nagpapakita ng pattern ng diskurso. Hihimayin
at idedekonstrak ang mga bahagi ng kumbersasyon upang mas maunawaan ang buong
konteksto nito.

Layunin ng Pag-aaral
Pangunahing layunin ng pag-aaral na masuri ang diskurso ng ‘Hello Garci’ tapes
sa pagpapalutang ng politikal na ideolohiya na maaaring makita mula sa kumbersasyon.
Nilalayon ding masuri ang mga fanksyon ng diskurso sa pagpapalitaw ng politikal na
ideolohiya sa kumbersasyon. Kaugnay nito, nilalayong masagutan ang mga sumusunod
na katanungan:
1. Ano ang mga cues at markers na makikita sa Hello Garci tapes?
2. Paano nabubuo ang proseso ng transaksyon sa Hello Garci tapes alinsunod
sa paggamit ng:
i. Framing moves
ii. Theme at Rheme
iii. Textual patterns
3. Paano nabubuo ang mga ideolohiyang makikita mula sa ‘Hello Garci’ tapes?

Batayang Teoretikal
Nakaangkla ang pagsusuring ito sa mga konsepto at teorya ng Birmingham
Schools of Discourse Analysis, Prague School of Linguistics, at Lexical Cohesion ng
bokabularyo nina Halliday at Hassan (1971) mula kay McCarthy (1991).
Ginagamit sa papel na ito ang Birmingham Schools of Discourse Analysis nina
Sinclair at Coulthard (1971) sa pagsusuri ng konbersasyon sa loob ng Hello Garci tape.
Ito ay dahil sa hindi lamang nakatuon ang Birmingham model sa pag-aanalisa ng
diskurso kung hindi ay tinitignan din nito ang diskurso sa lente ng language teaching.
Nakasaad sa model na ito na ang interaksyon sa pagitan ng dalawang indibidwal ay
tinutulak ng sitwasyon, sosyal na kamalayan, at komunikatibong abilidad, kaysa sa
pagkakabit ng mga pangungusap na mayroong perpektong gramatika. Binibigyang
fokus sa model na ito ang gamit ng wika at hindi ang tuntunin sa paggamit nito. Sa
katunayan, partikular na nakatuon ang Birmingham Approach sa pagsusuri sa larger
discourse ng isang konbersasyon na tinitignan sa pamamagitan ng apat (4) na school of
thought - ang Transaction, Exchange, Move at Act. Napili itong gamitin dahil sa
nakapaloob dito ang konsepto sa pagsusuri sa proseso ng transaksyon sa pamamagitan
ng dalawang indibidwal na bahagi ng layunin ng papel na ito kung saan partikular na
titignan ng mga nag-aaral ang mga framing moves at speech acts na makikita mula sa
konbersasyon.
Maliban dito, ginagamit din bilang batayan ng pagsusuring ito ang konsepto ng
Prague School of Linguistics kung saan tinitignan ang ugnayan ng theme sa iba pang
bahagi ng pangungusap bilang parte ng communicative dynamism kung saan sinusuri
ang hangganan ng kontribusyon ng bawat elemento ng wika sa debelopment ng
komunikasyon. Ayon pa kay Halliday (1985), ang theme ay maaaring tignan bilang
‘point of departure’ ng isang mensahe kung saan nakikita ito sa unahang bahagi ng
klos at binibigyan ang sabjek ng ‘focus of attention’. Ang konseptong ito ay ginagamit
bilang batayan sa pagsusuri sa pattern ng theme at rheme na makikita sa mga sipi ng
konbersasyon sa loob ng Hello Garci tape.
Panghuling batayan ng pagsusuring ito ang konsepto ng Lexical Cohesion ng
mga bokabularyo nina Halliday at Hassan (1976) na nagsusuri sa patern ng
bokabularyo higit sa tuntunin ng linggwistika. Binigyang kahulugan ang lexical cohesion
bilang pag-uulit sa mga bokabularyo sa diskurso na nagpapakita ng semantik na
kahulugan tungo sa kabuuang konsepto ng diskurso. Hinati nina Halliday at Hassan sa
dalawang kategorya ang lexical cohesion: reiteration at collocation. Isinasaad sa
reiteration ang daloy ng komunikasyon sa pamamagitan ng pag-uulit ng paksang
pinag-usapan gamit ang bagong bokabularyo-sinonim sa daloy ng diskurso. Ang
collocation naman ay tumutukoy sa salitang madalas magkasama para sa tiyak na
kahulugan ng mga bokabularyo. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng
mga bokabularyo sa diskurso ay nasusuri nito pangkalahatang konsepto ng diskurso at
naipapakita ang pangkalahatang ideolohiya ng diskurso. Ang mga konseptong ito ang
ginagamit sa pagpapalutang sa ideolohiya ng manipulasyon at korapsyon batay sa mga
bokabularyong ginamit sa kombersasyon ng Hello Garci Tapes .
Pag-aanalisa ng Kumbersasyon sa ‘Hello Garci’ tapes
Batay sa mga extract na nakuha mula sa transkripsyon ng ‘Hello Garci’ tapes, ang
mga sumusunod ay ang analisis ng pag-aaral.

Ang mga Cues at Discourse Markers sa Hello Garci Tapes


Makikita sa pangkalahatang kumbersasyon na nag-iiba ang cues at markers na
ginagamit depende sa taong kinakausap. Mapapansin na niraranggo ang bawat isa ayon
sa kanyang katayuan sa buhay o nagkakaroon ng hirarkiya sa paggamit ng opo, oho,
hong, ho, oo na makikita rin sa paraan ng pagbati at pagbibigay palayaw ng kinakausap.
Mula sa pamilya, kaibigan, kamag-anak, pulitiko, at iba pa. Makikita sa mga sumusunod
ang iba’t ibang extracts na naglalaman sa pagkakaiba ng paggamit ng mga cues at
discourse markers ayon sa antas ng katayuan sa buhay ng isang indibidwal.

Extract 1. Kumbersasyon sa pagitan ng dalawang hindi kilalang babae na


pinaniniwalaang sina PGMA at Gary noong 7:00 PM ng Hunyo 06, 2004.

GMA: Hello.
Gary: Evening po ma’am. Dumating
GMA: Ah dumating… dapat sigurado ang mga documents consistent sa Maguindanao.
Gary: Ah, hindi ninyo naman ho masyadong problema sa Maguindanao … Ano ho yung
itinext kagabi na may mga fake precincts na ako daw ang mastermind. Pero ma’am
ano ba naman. Hindi ko maintindihan what they are trying to drive at when 120 days
before elections established na ang precincts.
GMA: Ah ok, ok. siguro ano, shot in the dark lang yun, but I’m just letting you know
everything I find out para we can always make the appropriate remedies.
Gary: Si General Lomibao nasa Zamboanga na. I have all the people around us talk to
him so that they will be able to prevent who is going to work.
GMA: Ok. Ok. Ok. Thank you.

Mapapansin sa kumbersasyon ang paggamit ni Gary ng katagang Po at Opo sa


pag-uusap nila ni GMA na nagpapakita ng paggalang sa kausap. Ipinapahiwatig ng mga
markers na ito na mas nakakataas ang posisyon sa buhay ni GMA kaysa kay Gary dahil
na rin sa paggamit niya ng katawagang ma’am. Bukod pa rito, mahihinuha sa pagsusuri
sa daloy ng komunikasyon na mayroon silang shared knowledge kung saan agad
nahinuha ni GMA kung ano ang ipinapatungkol ni Gary kahit na salitang “dumating…” pa
lamang ang kanyang nabanggit. Mula sa kumbersasyon, mapapansin din na si GMA ang
nagkokontrol nito. Sinimulan ni GMA ang kumbersasyon sa pagsasabi ng hello at tinapos
niya ito sa pagsasabi ng ok ok thank you at ginamit din niya ang mga framing moves na
ah at ok ok bilang paghihiwatig na naiintindihan niya ang pahayag ng kausap. Mula sa
pattern ng kumbersasyon na Initiation > Response > Feedback, lumulutang ang
konsepto ng transaksyon na naka pokus sa gol na pinag-uusapan ng dalawang
indibidwal. Sa kasong ito, ang gol ng usapan ay ang pagkontrol at pagbigay aksyon sa
maaaring maging aberya ng kanilang plano. Maliban dito, mapapansin na ang textual
pattern na makikita sa kumbersasyon ay ang problem-solution pattern kung saan
ginagamit ang signal na problem sa pag-aadres sa problema habang remedies at prevent
naman ang ginamit na signal para sa solusyon.
Mula sa extract 1, susuriin sa bahaging ito ang tungkol sa themes at rhemes na
nangangahulugang ang theme ay tumutukoy sa paksa sa loob ng isang klos o
pangungusap habang ang rheme naman ay ang karagdagang impormasyon o komento
hinggil sa theme. Batay sa pattern ng transaksyon na makikita sa diskurso mula sa
pagsusuring isinagawa, napansin ng mga nag-aaral na ang pangunahing paksa na pinag-
uusapan sa Extract 1 ay tungkol sa mga dokumento.

GMA: Ah dumating… dapat sigurado ang mga documents consistent sa Maguindanao.


Theme
Tinuturing na themes o paksa ng klos ang mga dokumento na tinutukoy sa
diskurso at ang lahat ng mga sugnay nito ay itinuturing na mga rheme. Makikita sa daloy
ng komunikasyon o sa patuloy na pakikipagtalastasan ang paglipat ng paksa tungkol sa
precincts. Gayundin, patuloy na nagrerexicalise ang daloy ng komunikasyon na may
kinalaman sa pangunahing paksang pinag-usapan. Tulad ng mga dokumento sa unang
paksa hinggil sa usaping anomalya sa mga precincts, maging sa paghahanap ng solusyon
sa problema. Ang lahat ng nabanggit ay bahagi ng rheme na nagbibigay katuturan
hinggil sa pangunahing paksa tungkol sa dumating na dokumento. Bukod pa rito, batay
sa mga elemento na bumubuo sa transaksyon ng diskurso, makikita ang pahayag na:
Ah, hindi ninyo naman ho masyadong problema sa Maguindanao kung saan
mapapansin na may kontrol sila sa Maguindanao dahil sa impluwensiyang hawak nila sa
buong bayan, sa tulong na rin ng kanilang mga kasapi sa anomalyang nangyayari sa
halalan. Nasisigurado rin na lumilitaw ang politikal na ideolohiya, partikular na ang
korapsyon dahil sa paggamit ng mga bokabularyong fake precincts o ang pagkakaroon
ng voting precincts na hindi legal at aprobado ng COMELEC para sa eleksyon.

Extract 2. Kumbersasyon sa pagitan ng isang nasisiguradong Tserman at


hindi kilalang lalaki noong 5:37 ng Mayo 24, 2004.

Man 1: Hello pare, si Chairman ba ito.


Man 2: Oo, oo
Man 1: Apat na probinsya nalang yung mga di pa pumapasok, eh baka malintikan na
tayo.
Man 2: Bakit ilan na ang panalo nila.
Man 1: 675,000 na eh.. 175,000 ang boto natin.
Man 2: 175,000 ang boto natin?
Man 1: Oo eh kung madagdagan man lang sana ng mga 200, 300.

Mula sa kumbersasyon sa itaas, mapapansin na si Man1 ang naging initiator


habang si Man2 naman ang nagbibigay response. Ang paggamit ni Man1 ng question
marker na ba ay nagpapakita ng paninigurado sa aydentidad ng kaniyang kausap. Batay
rin sa paggamit niya ng bokabularyong pare, masasabing malapit sila ng kanyang
katawagan kung saan impormal ang naging daloy ng kanilang pag-uusap. Maliban dito,
mapapansin din na sa turn-taking na proseso ng dalawang nag-uusap, pareho silang
malayang nakapagtatanong sa isa’t isa kung gayon, masasabing hindi istraktyurd ang
kanilang usapan. Dagdag pa, ang paggamit ni Man2 ng cue na oo eh ay nagpapakita ng
pagkadismaya buhat sa sinusundan ito ng paghahambing sa dalawang bilang ng boto.
Maliban dito, mapapansin na ang pangunahing paksang pinag-uusapan ay ang
apat na probinsya. Sa puntong ito, ang tinutukoy na apat probinsya sa kumbersasyon ay
ang kaukulang themes ng diskurso. Ang lahat ng mga kasunod na pag-uusap tulad ng di
pa pumapasok, bilang ng mga boto, maging sa pagdagdag ng boto ay ang rheme na
nagbibigay katuturan tungkol sa theme o paksa na pinag-uusapan. Samakatuwid, kung
titingnan ang theme at ang mga rheme, magkakaugnay lamang ang mga teksto nito at
agad na makakikitaan ng pattern ng diskurso.

Man 1 Apat na probinsya na lang yung mga di pa pumapasok,


S(themes) P (rhemes)
eh baka malintikan na tayo.
P S
Man 2 Bakit? Ilan ang panalo nila.
Adv. P S

Man 1 675,000 na eh.. 175,000 ang boto natin.


O O S P
Man 2 175,000 ang boto natin?
O S P

Man 1: Oo eh kung madagdagan man lang sana ng mga 200, 300.

Mula sa ipinakitang istruktura, ang lahat ng mga simuno ng diskurso ay


itinuturing na theme at ang mga kaugnay na diskurso ay ang tinururing na rheme o
transmitting - tumutukoy ito sa lahat ng klos na hindi tumutukoy sa theme.
Gayunpaman, bukod sa istruktura ayon sa Prague School of Linguistics, ang relasyon ng
theme sa lahat ng klos ay maituturing na communicative dynamism. Tumutukoy ito sa
mga elementong ginamit sa komunikasyon kung saan nabibigyang diin ang kahulugan
ng mga diskurso. Samakatuwid, mapapansin sa mga elementong ginamit mula sa
istruktura ay nagpapakita ito ng isang konsepto ng katiwalian.

Extract 3. Kumbersasyon sa pagitan nina Gary, hindi kilalang lalaki at Supt.


Ampatua noong 6:00 PM ng Hunyo 06, 2004.

Supt. Ampatua: I-proclaim na natin son-in-law ko, then the best thing to do really, we
need only 33 votes. With that 33, we will be spending millions, money of the people of
the republic.
Gary: But how many votes is he over the opponent?
Supt. Ampatua: Oo, 205 ang lead niya. Ang boto is only 270 so minus that lead nya,
the remaining is only 65 considering na lahat mag-boto, kung 50 lang ,100 lang ang
mag-boto, it’s no more needed.
Gary: O sige sige. Ako na ang kwan
Supt. Ampatua: What could have my money bought. We’ll go there ha, we’ll take the
1st flight hah. Matutuwa na kami dito, lalo na kami nina Pepito at Butch.

Mapapansin mula sa kumbersasyon ang proseso ng transaksyon kung saan si


Supt. Ampatua ang initiator at si Gary naman ang nagbibigay tugon. Ginagamit na
framing move sa kumbersasyon ang mga signal na but at o sige. Ang marker na but ay
ginamit sa pag-aadres ng kontradiksyon sa dalawang bagay habang ang signal na o sige
ay ginamit bilang pagsisignal sa kausap ng pagkaintindi o pagsang-ayon.
Dagdag pa, sa pagsusuri ng theme at rheme mula sa kumbersasyon sa itaas,
makikita na ang unang klos ay nagmula kay Supt. Ampatua, ang simuno sa klos ay ang
son-in-law nito at ang mga kasamang sugnay ay ang rheme. Bukod pa rito, mapapansin
sa kanyang pangalawang pangungusap ang naging simuno ang paksang 33 na
tumutukoy sa bilang ng boto. Mapapansin na ang kabuuang daloy ng transaksyon ay
nagkakaroon ng kaugnayan mula sa pangunahing paksa hinggil sa pagkapanalo ng son-
in-law ni Supt. Ampatua patungo sa konsepto ng pera, korapsyon at manipulasyon.
Batay sa mga elementong ginamit sa diskurso, makikita at klaro na sinabi “we will be
spending millions, money of the people of the republic” sa kontekstong ito,
napapalitaw ang ideolohiya ng korapsyon ng mga pulitiko kapag sila ay mananalo at
magkakaroon ng katungkulan sa bayan. Gamit ang mga ispesipikong bokabularyo na
makikita sa kumbersasyon tulad ng i-proclaim, pera, boto, ako na ang kwan (bahala),
bought at iba pa. Lumabas sa pangkalahatang ideolohiya ng mga bokabularyo ang
konsepto ng dayaan, manipulasyon, at korapsyon. Lumabas ang ganitong konsepto sa
pagsusuri sa mga textual patterns para matukoy ang larger discourse o ang
pangunahing paksa ng kumbersasyon - ang ’Hello Garci’ tapes.

Konklusyon
Mula sa mga extract sa kumbersasyon sa loob ng ‘Hello Garci’ tapes, makikitang
mayroong sequence na IRF o Initiation - Response - Feedback. Nagsisimula ang
kumbersasyon sa pagbati o pagtatanong ng initiator na sinusundan naman ng response
at feedback o pagpapalawak sa paksang pinag-uusapan. Makikitaan ang kumbersasyon
ng paggamit sa mga framing moves na ok, thank you, at o sige bilang pagseset sa
katapusan ng bawat exchange (ask, answer, comment).
Sa pagsusuri sa mga framing moves na ito, natukoy ang pattern ng
kumbersasyon na umiikot sa proseso ng transaksyon. Sa kabilang banda, ang pagsusuri
sa mga theme at rheme na bumubuo sa kumbersasyon ay nadiskubre ang paglutang ng
politikal na ideolohiya na korapsyon. Natukoy ito sa pamamagitan ng paghihimay sa
mga klos at pagsusuri sa mga discourse markers o mga salitang ginamit sa diskurso.
Reperensya

McCarthy, M. (1991). A discourse analysis for language teachers. [pdf] Kinuha mula sa
https://www.academia.edu/15509631/Discourse_Analysis_for_Language_Teach
ers
Macaraeg, P. (2021). Look back: The ‘hello Garci’ tapes scandal. Kinuha mula sa
https://www.rappler.com/newsbreak/iq/look-back-gloria-arroyo-hello-garci-
scandal
Philstar.com. (2005). “Hello Garci” Paboritong Ringtone. Kinuha mula
https://www.philstar.com/bansa/2005/06/25/283582/hello-garci-paboritong-
ringtone
Phillife.co. (2019). “Hello Garci” A story of Presidential transgression. Kinuha mula sa
https://www.phillife.co/hello-garci-scandal/
Robles, R. (2011). Part 2: Here’s the transcript of the genuine ‘Hello Garci’ Tapes. Kinuha
mula sa https://www.raissarobles.com/2011/07/21/part-2-heres-the-
transcript-of-the-genuine-hello-garci-tapes/
Rongalerious (w.t). “Hello Garci” Controversy. Kinuha mula
https://www.reportr.world/news/from-find-my-votes-to-hello-garci-when-
presidents-phone-poll-officers-a4693-20210104

You might also like